Kabanata 7

2697 Words
Kirsten         Handa na ang lahat. Ngayong umaga na kami tutungo sa Manila. Ayaw ko pa nga sana sumama dahil hindi ko gustong umalis sa ngayon. Ngunit mapilit si Tito at Ate Marisa kung kaya ay hindi ako naka-angal. Sabi ni Tito ay maganda raw kung makagala rin ako minsan sa ibang lugar. Ngunit alam kong may iba pa siyang rason kung bakit niya ako isinama. Baka may ipapagawa na naman ito sa akin na kung anong kalokohan. Isama pa itong si Ate Marisa na mahilig makisawsaw sa amin ni Tito. Pansin ko ang pagkahilig nitong manulsol kay Tito, tila gusto nitong magalit sa akin ang tiyuhin ko. “Kirsten, pumasok na kayo ni Marisa sa van,” ang utos sa akin ni Tito nang makababa ito mula sa ikalawang palapag. Tumango lamang ako at nagtungo na papunta sa kanina pa naghihintay na sasakyan. Ayaw ko mang makasama si Ate Marisa dahil sa kamalditahan nito sa akin, ay wala na akong nagawa dahil sumunod na ito sa pagsakay ko sa van. Nagpakawala ako ng isang malalim na buntong hininga at saka isinandal ang katawan sa sandalan ng upuan. Kaming dalawa pa lamang ni Ate ang narito sa loob kaya nakakailang sa pakiramdam. Noong mga nakaraang araw ko pa lang siya nakita rito sa bahay kaya hindi ko pa ito kilala nang lubusan. Ngunit kahapon ay nagsagawa ako ng pananaliksik tungkol sa babaeng kinakasama na pala ni Tito, magnobya na pala silang dalawa. At napag-alaman ko na isa itong Chinese-Filipino. Marisa Lee Romualdez... Ang ama nito ay kilala ring isa sa mga kurakot dito, maging sa ibang panig pa ng Pilipinas. Isa ang pamilya Romualdez sa mga nagsu-supply ng tubig dito sa Pilipinas. At hindi ko gusto ang ginagawa nilang panggigipit sa mga mamamayan at paniningil nang malaki, kahit na sablay naman ang serbisyo nila. At iyong tungkol sa pagtatago nila ng tubig sa mga tao para manggipit. Hindi naman kataka-taka na nagkasundo silang dalawa dahil pareho lamang sila ng pinanggalingan at hangarin. Sinulyapan ko ito na ngayon ay nagtitipa sa bago nitong phone na mamahalin. Pangiti-ngiti pa ito na ikinawala niyon nang mapatingin din sa akin. Tumaas ang kilay nito. “Oh? Ano?” Nakagat ko ang labi ko dahil sa tono ng boses nito. Nang-aasar iyon at kung ituring niya ako ay parang napakababang tao ko. Na sa totoo lamang ay siya dapat, dahil ako ay may konsensiya pa at may malinis na hangarin sa buhay. Sila ni Tito, pamilya nito, ang angkan ko at sa lahat ng mga tao rito sa mundo na may balak na masama sa mga mamamayan ay ang dapat na tawaging mababang uri ng nilalang. Malayo na ang loob nila sa Diyos, wala na silang takot sa kakahantungan nila. “Hoy, babae!” Nabigla ako nang ibaon nito ang kuko sa braso ko. Awtomatikong natabig ko ang kamay nito na maging ako man ay ikinagulat ko. “Aba! Lumalaban ka na pala, a! Hoy, Kirsten. Hindi porket may kapit ka sa hepe ng kapulisan sa probinsiya ng Iloilo ay ginaganiyan mo na ako.” Ngumisi ito nang mapang-asar at inilapit ang mukha sa akin. “Well, little girl, magsama kayo ng lalaki mong walang kuwenta. Pare-pareho kayong pulpol ang utak.” Mariin akong napakuyom ng kamay habang pigil ang galit na nararamdaman ko sa isang ito. Noong nakaraan pa ito namumuro sa akin dahil nilait din nila ang pamilya ni Dark. Blangko kong tiningnan ang mukha nito. Ayokong magalit ngunit sinasagad nito ang pasensiya ko lalo’t ayokong nilalait ang pamilya ni Dark, at ang mismong kaibigan ko. “Manahimik ka na lang, Ate,” mariin kong sambit at nilingon ang labas nitong van. Hindi pa lumalabas ng mansion si Tito ay paniguradong may kinausap pa iyon. Medyo maaga pa naman at may ilang oras pa kami para sa biyahe namin sa himpapawid. “Aba! Minamalditahan mo na ako, a! Baka nakakalimutan mong nobya ako ni Mayor. Kaya ilugar mo iyang ugali mo, a. Naiiirita na talaga ako sa iyong babae ka.” Nabigla ako nang hilahin nito ang buhok ko kaya naman ay nagtitimping inalis ko ang kamay niya. Bakit ba siya inis na inis sa akin? Pinagsabihan ko lang naman siya na manahimik na dahil ang dami niyang talak sa buhay, ngunit sinabihan na niya agad ako na nagmamaldita. Nandidiring pinasadahan ako nito ng tingin sabay hagod sa buhok nito. “Sisiguraduhin kong hindi mo na ako maga-ganiyan sa susunod, Kirsten. Sisirain ko ang buhay ninyo ng lalaki mo...” Hindi na lamang ako umimik sa sinabi nito. Ayoko nang patulan pa ang ka-immature-an nito dahil nakakabwisit lang. Nasa edad tatlumpo na ito pero ganito pa rin kung umasta. Totoo nga na wala sa edad ang maturity ng isang tao. Mabuti na lamang at tumahimik na rin ito. Pinasak ko sa tainga ko ang earphone at nagpatugtog ng musika. Humalukipkip lamang ako, kumibot-kibot pa ang labi dahil hanggang ngayon ay naiinis pa rin ako sa tinuran nito. Kung bakit ba kasi napunta pa ako sa ganitong sitwasiyon. Ang dami na ngang galit sa akin, tapos idagdag pa itong si Ate Marisa na maldita. Mga taong hindi naman inaano, pero galit na galit sa akin. Umalis na rin kami roon nang makarating na si Tito. Ni hindi ko nagawang matulog nang mga oras na iyon dahil kay Ate. Nananahimik lamang ako pero sa loob-loob ko ay gusto ko na itong sampalin. Kung sino pa ang may maruming ugali ay iyon pa ang malakas manglait at humusga ng ibang tao. Grabe talaga sila. Kung ako kay Tito ay hinding-hindi ako pipili nang ganiyang klaseng babae sa buhay ko. Pero sabagay, parehas naman sila... Nakatanaw ako sa labas ng bintana ng eroplano sa kasalukuyan. Ilang minuto na lamang at bababa na kami. Wala pa rin kaming imikan lahat. Tulog sina Tito at Ate Marisa na nakaupo sa tapat ng upuan ko lang din. May isa akong katabi na lalaki ngunit natutulog din ito, hindi ko naman kilala kaya hindi ko makausap. Napahinga na lamang ako. Ngayon pa lamang ay nalulungkot na ako sa sandaling paglisan namin sa lugar kung saan ako pinanganak. Parang may malaking bagay akong naiwan doon at tingin ko ay si Dark iyon. Siya lang naman ang nagbigay ng saya sa akin sa tagal ng pananatili ko roon. Nae-excite na rin ako sa gagawin naming pagpunta sa isang resort sa Linggo. Hindi ko pa alam kung saan kaming resort pupunta pero may tiwala naman ako sa kaniya kahit na medyo malayo pa ang pupuntahan namin. Muli akong napabuntong hininga. Halos wala akong kagana-gana sa mga kilos ko. Ang dami ko ring iniisip sa ngayon. Wala pa rin kasi ang mga gamit ko na naiwala ko noong mga nakaraang araw. Nakakalungkot. Wala na akong phone, naroon pa naman ang mga importanteng notes ko, mga numero ng mga taong kailangan ko, at kung ano-ano pa. At ang pinaka-kinalulungkot ko ay ang sumbrero ni Dark. Paano ko kaya iyon ipapaliwanag sa kaniya? Na tatanga-tanga ako at nawala sa isipan ko iyon? Baka magalit siya at sabihan pa akong burara sa gamit. Napatampal ako ng noo. Magkikita pa naman kami sa Linggo. Patay. Paano kung magtanong siya? Hanggang sa makarating kami sa hotel na tutuluyan namin ay dala-dala ko iyon sa isipan. Isang araw lamang ang itatagal namin dito sa Manila dahil may aasikasuhin din si Tito sa siyudad ng Iloilo pagbalik namin. Hindi rin naman ako maaaring magtagal dito lalo na’t may pupuntahan pa kami ni Dark sa Linggo. Walang gana akong napabagsak sa malambot na kama. Katatapos ko lamang magmuni-muni sa balkonahe rito at nang mapagod ako kakatayo ay naisipan kong mahiga sa kama. Wala na naman akong gagawin ngayon. Ako lamang ang naririto sa kuwarto dahil magkasama sina Tito at Marisa sa kabila. Mariin akong napapikit at hinanap ang komportableng puwesto sa kama. Ngunit ilang minuto ang lumipas ay nanatili pa rin akong dilat na dilat. Napabuntong hininga na lamang ako at saka naupo. Nais ko sana na matulog ngayon dahil tanghali na at isa pa ay tamad na tamad ako ngayon. Ngunit ayaw ng katawan ko. Napadapa ako sa kama at inabot ang laptop ko na kasalukuyang naka-charge. Nakapatong lamang ito sa bedside table kaya madali ko itong naabot. Binuksan ko iyon at ang dala kong pocket wifi. Nang maging okay na ang laptop ay agad akong nag-log in sa social media account ko upang alamin ang mga kasalukuyang nangyayari sa paligid. Ngunit ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata ko nang mapansin kong ang dami kong notification. Ang dami ko ring natanggap na mensahe kaya kumunot ang noo ko. Paniguradong nasangkot na naman ako nito sa usapan. Binuksan ko ang notifications ko at mas lalo lamang akong nagtaka sa mga nabasa ko. Nagpunta ako sa timeline ko dahil napansin ko na napakaraming taong nagpost doon. Halos malaglag ako sa kinauupuan ko nang may mabasa na naman ako na isang issue tungkol sa akin. May mga nag-mention pa sa akin sa mga post na nanggaling kay Grace Montehermoso. Isa iyong post patungkol sa akin kung kaya ay napalunok ako. Ano na naman kaya ang nagawa ko at mainit na naman ako sa social media? At tila naman ako maluluha na sa nabasa ko. Si Grace ang nagpost niyon at tungkol iyon sa nangyaring pagdala ko sa kaniya sa hospital. Ang ikinalulungkot ko ay ang pagbaliktad nito sa sitwasiyon at sa totoong nangyari. Aniya’y pinagsalitaan ko raw siya ng mga masasakit na salita at binintangan pa. Kaya raw ito na-hospital at inatake ng sakit. Na sa pagkakaalam ko ay hindi ko naman ginawa. Ano ba ang nangyayari sa kaniya? Oo at alam kong matindi ang galit nila sa amin, ngunit hindi ata tama na gawan niya ako ng kuwento para mapasama lalo ang imahe ko. Alam pa naman niya ang totoong nangyari. Lalo lamang akong napaluha nang maalala si Dark. Ano kaya ang naging reaksiyon nito nang malaman iyon mula sa pamilya niya? Galit na nga ata iyon sa akin. Kahit sino naman ay magagalit kapag pamilya na ang na-agrabiyado, ngunit sa kaso ko ay wala naman akong ginawang masama sa batang babae. Nakaramdam ako ng panghihina ng katawan. Sasama na naman ang imahe ko lalo nito. Nais kong ipagtanggol ang sarili ko sa social media, ngunit naisip ko rin na baka mas paniwalaan lamang ng mga tao ang bata. Hindi na lamang ako nagkomento pa roon at pinanatili ang katahimikan. E, sino ba naman kasi ang maniniwala at magtitiwala sa akin? Sobrang sama na ng imahe ko sa mga tao, magpapakapagod lamang ako kung magpapaliwanag pa ako rito, gayong kakaunti lamang ang tiyansa na may maniwala sa akin. Lumunok ako bago napagdesisyonang tingnan ang timeline ni Grace. Bumungad sa akin ang mga post na puro tungkol sa mga Alonzo. Ang iba ay alam kong peke na halatang gusto talagang masira nang masira ang imahe namin. Ang iba naman ay patungkol sa kapalpakan ng angkan ko, at kung ano-ano pa. Halatang-halatang may galit sa amin ang batang babae na ito. Libo-libo ang mga nagre-react pati nagse-share kaya malamang ay kalat na kalat na iyon. Kahiya-hiya na talaga ang apelyidong dala ko, mapa-personal man o social media. Kung mayroon man kaming mga taga-suporta ay ang iba roon ay binayaran lamang ni Tito, o ‘di kaya ay ‘yong mga taong kurakot din. Sa tagal ko rito sa mundong ginagalawan ko ay wala pang taong nakakapagpakulong sa amain ko. Walang nangangahas at ang iba ay walang hawak na matibay na ebidensiya. Minsan pa, kapag may taong nagrereklamo kay Tito ay madalian nitong binabaliktad ang sitwasiyon, tuloy ay ‘yong nagre-reklamo ang nalalagay sa alanganing sitwasiyon, na tipong gugustuhin na lamang nito na tumahimik. Nalulungkot talaga ako sa ganitong klaseng buhay. Oo nga at may mansion akong tinitirhan, may kumpleto akong kagamitan, nabibili ko ang mga luho ko. Ngunit hindi naman ako masaya. Hindi ko mabibili ang katahimikan at kapayapaan ng buhay ko, ang mga totoong kaibigan, ang pangmatagalang kasiyahan, at tiwala ng mga tao. Kulang na kulang ako, sa totoo lamang. Walang masaya sa buhay ko, maliban na lamang noong nakilala ko si Dark. Napapagaan niya ang loob ko kahit na sandali pa lamang kaming nagkakilala. Pati nga ang tiwala ko rito ay nasungkit niya rin agad. Nagpunta na lamang ako sa mga videos upang malibang ang sarili kahit papaano. Ayoko munang magmukmok ngayon at sirain lalo ang araw ko. Hmmm. Ano ba ang magandang panoorin ngayon? Naghanap ako ng magandang video at may nakita akong tungkol sa mga pulis. Tila nabigyan ako ng ideya sa papanoorin ko. Napangiti ako at naghanap ng mga video tungkol sa mga pulis dito sa Pilipinas, partikular na ang sa Iloilo. Ngunit naantala ang balak ko sanang panonood dahil sa isang malakas na katok. Nagdadabog iyon kung kaya ay nagmamadaling in-exit ko iyon at pinatay ang laptop. Tumakbo ako papunta sa pintuan at binuksan ang pinto. Napamaang pa ako nang makita ko si Ate Marisa na suot-suot ang isang napakaikling damit. Isang spaghetti strap sando iyon na kulay itim at isang short na sobrang ikli. Agad na kumunot ang noo ko at sa mukha na lamang nito tumingin. Saan naman kaya ito pupunta? “Ano ho ang kailangan ninyo?” marahan kong tanong na hindi niya naman pinansin. Pumasok ito sa kuwarto ko, bitbit ang isang paper bag na hindi ko alam kung ano ang laman. Hinarap ako nito at mataray na tiningnan. “Well, well, well, papakinabangan natin ‘yang alindog mo mamaya, Kirsten,” ang nakangising sambit nito at saka inilabas ang laman ng paper bag. Napamaang naman ako nang ipakita nito sa akin ang isang sobrang iksing short na tila hanggang singit lamang, at isang damit pang-itaas na maliit at maiksi lamang din, tila makikitaan ng pusod ang sino mang magsuot niyon. Binundol ako ng kaba dahil parang nagkakaroon na ako ng ideya sa nais nito. “A-Ano ang gagawin mo?” nanginginig kong tanong dito at umatras. Ngunit malalaking hakbang ang ginawa nito palapit sa akin sabay hablot sa braso ko. “Gagawin kitang pokpok mamaya at huwag kang maarte, Kirsten. Ayoko sa lahat ay iyong maarte rito, a!” Hinablot nito nang mariin ang buhok ko at padaskol na binigay ang dalawang pirasong damit na iyon. Ngunit mariin iyong tinutulan ng sistema ko. Anong gagawing pokpok? Bakit ko naman iyon gagawin? Hindi pa ako hibang upang gumawa nang ganoon. Hinagis ko sa sahig ang mga damit na ikinagalit nito. “Punyeta ka talagang babae ka! Ang mahal-mahal ng bili ko riyan tapos itatapon mo lang nang ganiyan!” Galit na galit ito. Dinampot niya iyon at marahas akong kinaladkad papunta sa banyo nitong kuwarto. Halos mapaiyak pa ako dahil sa sakit ng pagkakahawak nito sa buhok ko. Binitiwan naman ako nito nang makarating sa loob ng banyo. “Dalian mo at aalis na tayo mamaya lang! Siguraduhin mo lang na isusuot mo iyan, kundi ay may kalalagyan ka sa akin!” bulyaw nito at pabagsak na isinara ang pinto. Napahikbi ako nang tumahimik ang paligid. Napakasama talaga ng babaeng iyon! Bigla na lang siyang papasok sa buhay namin at gaganituhin ako. Nakakabwisit siya! “Dalian mo, babae!” rinig kong sigaw nito mula sa labas nitong banyo. Sa galit ko ay ini-lock ko ang pinto ng banyo at hindi na siya pinansin. Hinding-hindi ako magsusuot nang ganoong klaseng damit. Kung gusto niyang lumandi roon ay gawin niyang mag-isa. Idadamay niya pa ako na nananahimik. Nilapag ko ang mga damit sa lababo at pinagmasdan ang sarili sa salamin. Tahimik kong hinaplos ang pisngi kong nadaplisan pala ng kuko ni Marisa. Mahapdi iyon at nagdudugo kung kaya ay napakuyom ako ng kamay. Kung may kakayahan lamang sana ako na saktan at gantihan ang malditang babae na iyon ay ginawa ko na. Ngunit iniingatan ko ang sarili ko na hindi makagawa ng mga bagay na alam kong magpapahamak lamang sa akin. Gamit ang mga daliri ay sinuklay ko ang buhok kong nagulo nang kaunti dahil sa ginawa ni Marisa na pagsabunot sa akin. Sandali akong pumikit at saka kinalma ang sarili. Gusto ko nang lumayas sa mansion dahil sa mga nangyayari sa akin. Gusto kong layasan ang dalawang taong kinaaayawan ko upang matahimik na ako. Ngunit nakaramdam agad ako ng kaba sa ideyang iyon...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD