Kabanata 6

3233 Words
Kirsten Namutla ako bigla nang muli akong mag-angat ng tingin dito. Bago pa lamang kaming magkaibigan tapos nahampas ko na agad siya. Dahil sa konsensiya ay nagbaba ako ng tingin at kinagat ang ibabang labi. “Sorry, Dark,” hinging paumanhin ko dahil baka nasaktan ko ito nang todo. Ngunit sa pagkakaalam ko ay mahina lamang iyon. O baka ay hindi ko lamang napansin na napalakas? Pero kahit na, nakasakit pa rin ako. Ngumisi ito nang pilyo. “No, sorry is not enough, doll. Sinaktan mo ako sa braso, at kapag nagkapasa ito ay pagbabayaran mo ito. Tapos nasasanay ka na na tinatawag akong chief, ‘di ba’t ang sabi ko ay sa pangalan ko na lang?” Muli nitong pinisil ang pisngi ko kaya napangiwi na naman ako. Bakit ba niya pinanggigigilan ang pisngi ko? Masakit kaya. “E, sa ikaw naman talaga ang chief, e. At saka mas okay nga iyon.” Bumuntong hininga ako. “Sorry talaga.” Hindi ito umimik at ini-snob lamang ako. “Oy, Chief,” kalabit ko rito. Wala pa rin. “Uy! Ano ba ang gusto mong gawin ko para hindi ka na ganiyan? Pasensiya ka na talaga. Ikaw nga ay pinipisil mo ang pisngi ko. Sinasaktan mo nga rin ako, e.” Sinulyapan ako nito sandali bago ako muling i-snob-in. Galit ba siya sa akin? Siya kasi, e! “Sige na nga, pagbabayaran ko na kapag nagkapasa ka. Pangako, gagawin ko ang mga gusto mo para bati na tayo,” labas sa ilong kong sambit. Siya nga ay pinisil-pisil ang pisngi ko, at kahit masakit ay hindi naman ako umakto nang ganoon tulad ng kaniya. Hindi naman ako nagkapasa sa pisngi, iyon nga lang ay namula. Nang hindi pa rin ito kumilos ay napabuntong hininga na ako. Nakangusong hinaplos ko ang braso nito at hinalikan iyon. “Ayan! Gagaling na iyan.” Ngumiti ako at inangat ang sleeve ng t-shirt niya. Ngunit napansin ko na wala namang kahit na anong bakas ng paghampas ko roon o ano pa man. Wala ring pasa. Kumunot ang noo ko. E, parang nag-iinarte lamang ito ngayon. Nag-angat ako ng tingin dito dahil baka niloloko lamang ako nito. Ngunit sa aking pag-angat ng tingin ay kaseryosohan ng mukha nito ang napansin ko. Tila may malalim ito na iniisip habang nakatitig sa mukha ko. “G-Galit ka?” nababahala kong tanong. Napakurap ito. “Hindi. Mahirap kayang magalit lalo na kung ganiyan ka ka-inosente tumingin.” Namula ako. “Hep! Sinabi mo kanina na gagawin mo ang mga gusto ko, ‘di ba?” Muli itong ngumisi, wala na ang nagtatampong mukha. Ha? Grabe naman ito. Sinabi ko lang naman iyon kanina dahil ayaw niya akong pansinin. Kinuha nito ang mga kamay ko at nagtaas-baba ang mga kilay. “Oo na!” napipilitan kong sambit. Lumapad lalo ang pagkakangiti nito. “Dahil diyan, bati na tayo, manika. At kapag hinampas mo ulit ako, hahalikan na kita.” A-Ano raw? Hahalikan? Ang daya naman niya. Siya nga ay pinipisil ang pisngi ko. Hindi na lamang ako umimik. Tumayo na ito at marahan akong hinila kaya napasunod ako rito. “Kumain ka na ba ng hapunan?” Inakbayan ako nito kaya nagdikit muli ang katawan namin. Nag-angat ako ng tingin dito. “Hindi pa, e,” tugon ko sabay ngiti. Kinunotan ako nito noo. “Bakit hindi pa?” “E, kasi may inasikaso ako sa loob kanina,” pagdadahilan ko sabay nguso sa hospital na nasa likuran namin. Napa-ismid ito. “Dapat ay hindi mo pa rin kinakalimutan ang pagkain kahit na may ginagawa ka, manika,” sermon nito sa akin kaya napangiti ako nang todo. Concern sa akin ang kaibigan ko. At ang pagtawag nito sa akin ng manika ay nagugustuhan ko, basta ay siya. Niyakap ko siya sa baywang at bumungisngis. “Opo, itay. Sa susunod ay hindi na ako magpapagutom.” Binitiwan ko na ito. Narinig ko pa ang paghalakhak nito bago kami tumawid sa kalsada. Naghanap-hanap kami ng karinderya rito at nang makahanap ay roon kami kumain. Puro gulay ang in-order ni Dark para sa amin kahit na ang nais kong kainin ay iyong adobong manok. Doon kasi ako natatakam, e. Ngunit aniya ay roon daw muna kami sa healthy foods. Pumayag naman ako dahil napansin ko sa mansion ay puro hotdog, ham, at kung ano-ano pang hindi masustansiya na pagkain ang hinahain. Iyon kasi ang nais ni Uncle. Baka raw magkasakit ako na ikinakaba ko rin. Ayoko pang magkasakit kung kaya ay simula ngayon ay puro masusustansiyang pagkain na ang kakainin ko. Napangiti ako habang ganado kumain. Masaya talaga ako kapag kasama ko si Dark. Tila nagkaka-kulay ang buhay ko dahil sa kaniya. Kahit sa mga simpleng bagay ay nagagawa niya akong pangitiin. Sana nga lang ay magkita kaming muli. Dahil malulungkot na naman ako kapag hindi ko siya kasama. Napabuntong hininga ako na ikinatingin nito sa akin. “Oh? Mukhang malungkot ang manika, a.” Napanguso ako habang pinagmamasdan siya. Nakatitig din ito sa akin kaya naman ay nagbaba ako ng tingin. Nahihiya akong sabihin sa kaniya dahil baka mamaya ay marami siyang kailangang asikasuhin at gawin. Ayoko namang maka-abala sa kaniya. “Sige na, manika. Sabihin mo na sa akin.” Lumagok ito ng tubig at sumandal sa upuan. Tapos na pala itong kumain. Nagbaba ako ng tingin sa plato ko. Ni hindi pa ako nangangalahati sa pagkain ko. Muli akong tumingin sa kaniya habang nagda-dalawang-isip pa rin. Ngunit sa huli ay isang buntong hininga ang pinakawalan ko bago napagdesisyonang sabihin na lamang sa kaniya. “Gusto ko kasing magkita ulit tayo, Chief. Pero sana kapag wala ka ng gagawin.” Narinig ko ang halakhak nito kaya tumulis lalo ang nguso ko. Bakit siya tumatawa? Wala namang nakakatawa sa sinabi ko, e. Umalis ito sa pagkakasandal at inilapit ang mukha sa akin. “At bakit mo naman nais na magkita tayo ulit?” nakangising sambit nito na tila may hinuhuli sa akin. “E, sa gusto kita makasama, e. Masaya ako sa piling mo. At para mabayaran ko na rin ang ginawa kong paghampas sa iyo,” kunwaring inis na sambit ko upang pagtakpan ang mga ngiti na nais sumilay sa akin. Sa sinabi kong iyon ay natigilan ito na tila hindi inaasahan ang sinabi ko, ngunit kalaunan ay napangiti ito na tila nanalo sa isang patimpalak. Ngunit naroon na naman ang isang pilyo na ngisi sa labi niya. Tila pinaglalaruan ako. “E, bakit mukhang inis ka?” Humalukipkip ito sabay ngisi sa akin lalo. “Bahala ka, hindi ako makikipagkita sa iyo,” pagbabanta nito kaya muli akong napabuntong hininga. “Okay, sige na nga. Hindi naman ako naiinis, e.” Kinalma ko ang mukha ko sabay ngiti sa kaniya nang matamis. “Ayan! Ganiyang mukha ang nais kong makita sa iyo. At dahil diyan, papayag na ako.” Pinisil nitong muli ang pisngi ko na hinayaan ko lang. “Talaga?” nagningning ang mga mata ko. Gusto kong gumala kami! Tapos kakain ulit kami sa mga karinderya at magku-kuwentuhan. Sumigla ang damdamin ko kaya hindi ko na mapigilan ang pagngiti nang todo. “Yep, manika. Sa day-off ko sa Linggo. Isasabay ko na rin doon ang handa ko para sa nalalapit kong kaarawan,” kasuwal nitong wika. Masaya akong nagpasalamat dito at inubos ang pagkain. “Kailan ba ang kaarawan mo?” tanong ko matapos ubusin ang pagkain. Sumandal ako sa upuan habang haplos-haplos ang tiyan ko na nabusog. “Sa ika-anim na araw ngayong Disyembre. Ikaw?” Namilog ang mga mata ko. Hala! Malapit na pala. Umiling ako. “Matagal pa. Sasabihin ko na lang sa iyo kapag malapit na.” Nginitian ko ito. Napailing na lamang ito sa akin. “Gusto mo bang mag-swimming tayo sa isang sikat na resort dito? Libre ko,” anyaya nito sa akin. Humalukipkip ako, kunot noo siyang pinagmasdan. “Ang hilig mo naman manlibre, Chief. Magkano ba ang sahod mo? Baka mamaya ay maubusan ka ng pera kaka-libre sa akin. Hindi mo naman responsibilidad iyon bilang kaibigan,” marahang sambit ko dahilan para tawanan ako nito. Tila niyayabangan ako. Aba. “Medyo malaki-laki rin ang sahod ko. Iyon nga lang ay napupunta ang halos kalahati n’on sa pampagamot ni Grace. Pero huwag kang mag-alala, may ipon ako,” pagyayabang niya sa akin kaya napa-ismid ako nang pabiro. “Kita mo na, may pinagkaka-gastusan ka pala. Tingin ko maliban sa pagpapagamot sa kapatid mo ay marami ka pang ginagastusan. Nariyan ang buong pamilya mo, at kung ano-ano pa. Tapos gagastusan mo pa ako. Okay lang naman kung isasama mo ako sa swimming basta ay ako na ang sasagot sa sarili ko. Ayoko namang maging pabigat sa iyo..” Naalala ko na naman ang pamilya ni Dark. Ayaw ng mga ito sa akin at kung sasama ako roon ay baka magka-gulo lang. Baka masira ko pa ang bonding nila. Sasama pa ba ako? O hindi na? Sa susunod na lang kaya? Napatingin ako rito nang umismid ito. “Tsk. Huwag nang maraming dahilan, manika. Isang beses lang ako maghanda sa isang taon kaya pagbigyan mo na ako.” Napanguso ako. Edi ako na lang ang sasagot ng hospital bill ng kapatid niya. Nakakahiya na kung puro siya libre sa akin. Dapat ay gumagastos din ako. “Okay po, Chief,” pagpayag ko rito. “Sumama ka, a? Susunduin kita sa inyo,” anito at kumindat sa akin. Sobrang bait naman nito sa akin. Tumango na lamang ako rito habang nakangiti nang matamis. Nang mag-alas ocho na ay sapilitan ko itong pinabalik sa hospital. Ayaw pa kasi nitong puntahan ang pamilya niya, e. Ako naman ay nagpahatid sa driver namin pauwi dahil baka pagalitan ako ni Tito Raymond. Gustuhin ko mang manatili pa roon ay baka lalong magalit sa akin si Tito lalo’t tumakas na ako kagabi. Napatampal ako ng noo nang mapansin kong wala sa akin ang phone ko. Hindi ko matandaan kung saan ko iyon pinatong kanina. Wala rin ang shoulder bag ko na dala-dala ko kanina. At ang sumbrero ni Dark ay naiwala ko rin. Naalala ko lamang iyon kanina nang makalayo na kami sa lugar na iyon. Butil-butil na pawis na ang lumalabas sa aking noo at leeg kahit na airconditioned naman itong kotse. Hindi ako mapakali lalo’t wala sa akin ang mga gamit ko. Kinakabahan ako dahil baka may ibang masamang loob ang gawan ng masama ang mga gamit ko. Napangiwi ako habang tila paiyak na. Nasaan ko ba inilapag iyon kanina? Dala ko naman iyon nang lumabas ako sa hospital, e. Nakakainis naman. Nagmamadali na nga ako sa pag-uwi ngayon dahil mapapagalitan ako ni Tito nito tapos nawawala pa ang phone at shoulder bag ko. May ibang mga importanteng papeles pa naman doon na nakalagay. Napalunok pa ako nang tumapat na kami sa gate ng mansion. Nanginginig ang tuhod na bumaba ako ng kotse. Lagot talaga ako nito kay Dark. Naiwala ko pa ang sumbrero na bigay niya. Binantaan pa naman ako niyon at sinabihan na ingatan ko iyon. Tapos ngayon ay naiwala ko. Kung hindi lamang sana ako nagmadaling umuwi kanina, e! Nawala tuloy sa isip ko. Habang papasok tuloy ay lutang ang isip ko. Ni hindi ko napansin si Tito Raymond na nakaupo ngayon sa sofa habang nakamasid sa akin. Napaigtad na lamang ako nang magsalita ito. “So, kaya pala wala ka rito kagabi at kanina ay dahil nakipagkita ka roon sa Montehermoso na iyon?” Napatanga ako. “H-Ho?” Mariing napakagat ako ng labi sabay yuko. Oo nga pala at may mga mata ito sa paligid. Nasa tabi nito ang babaeng tinawag nitong Marisa kahapon. Nakayapos ito sa kaniya at sa tingin ko ay ito na ang bagong babae niya sa buhay. Ang akala ko kahapon ay kasamahan niya lamang sa trabaho. “Sa susunod na lumabas ka pa nang gabi rito at takasan ang mga tauhan natin ay malalagot ka sa akin, Kirsten. Nasabi na sa akin kanina ng tauhan ko na tumakas ka kagabi at nakipagkita sa Montehermoso na iyon.” Seryoso ang mukha nito, ngunit kalaunan ay ngumisi rin. “But I’m very happy right now, Kirsten. May mata ako sa inyong dalawa kaya alam kong nakuha mo na ang loob ng lalaking iyon. Infairness, pamangkin, magaling kang kumilos. At mabuti rin na na-hospital ang kapatid niyang babae, isa rin iyon sa malakas mambatikos at manira sa akin, e. She deserves it, right, Marisa?” dagdag pa nito sabay tingin sa babaeng tingin ko ay kaedaran niya lamang. “Yep, hon. Ang bata-bata pa ng babaeng iyon pero marunong nang sumunod sa yapak ng tatay niyang siraulo. At hindi na tayo mag-aalala pa sa kaligtasan mo, hon Raymond. Thank you, Kirsten. May pakinabang ka naman pala rito.” Ngumisi sa akin ang babae at sumiksik sa Tito ko. Sukdulan talaga ang pagka-demonyo nila. Nagbaba ako ng tingin dahil sa mga naririnig kong masasakit na salita na sinabi nila patungkol sa pamilya ni Dark. Nagagalit ako sa dalawang taong nasa harapan ko dahil nasasaktan ako para kay Dark. Sila na nga ang may kasalanan sa mga tao ay ang lakas pa ng loob nila na magsalita nang ganiyan. Naiintindihan ko na ginagawa lamang ng pamilya ni Dark ang tama para sa bayan, kaya sila gumagawa ng paraan para ibagsak si Tito. Ngunit nag-aalala ako sa kanila, maaari kasi silang mapahamak dahil sa pambabatikos nila sa tiyuhin ko. Ang mga tauhan namin dito noon na sumalungat sa kaniya, libingan agad ang kinahantungan. May posisyon at kapangyarihan ang kinakalaban ng pamilya ni Dark, delikado iyon para sa mga ordinaryong mamamayan lamang. Lihim akong napakuyom ng kamay. Pigil na pigil ko rin ang mga luhang nais kumawala sa mga mata ko. Wala na talaga silang konsensiya, sila ng mga kasamahan niya. Puro sila kampon ng kasamaan. “A-Akyat lang ho ako.” Umiwas na ako ng tingin at naglakad pa-akyat. Ngunit narinig ko pang nagsalita ang amain ko na ikinagimbal ko nang biglaan. “Humanap ka ng baho ng mga Montehermoso, lalo na ‘yang si Dark para mawala na iyon sa landas ko. At pagkatapos mong paibigan ang walang hiya na iyon, sisirain natin siya at ipakukulong din...” Tuliro ako nang magising kinabukasan. Sa mga narinig ko kay Tito ay tila nagka-ideya na ako kung bakit nakulong ang ama ni Dark. “... sisiraan natin siya at ipakukulong din...” May kinalaman si Tito Raymond. Pakana niya ito dahil ayaw sa kaniya ng pamilyang Montehermoso, sigurado ako roon. Nanginig ang labi ko habang pinagtatagpi ang mga nangyari kagabi. Kaya naman pala ganoon ang reaksiyon nila. Galit na galit ang ina nila kagabi sa akin dahil sa kahayupan ni Tito. Kaya naman naisip ko na kalkalin ang opisina nito nang umalis ito. Pinatay ko rin ang camera sa loob ng opisina niya at nagmadali sa paghalughog, pilit na naghahanap ng impormasyon. Sa dami ng papeles niya roon ay nahirapan at natagalan ako sa paghahanap. Ngunit bigo akong makakuha ng impormasyon. Wala akong nakita na related sa mga Montehermoso. Nang mabigo ako roon ay naghanap na lamang ako sa internet ng impormasyon. Ngunit limitado lamang ang nakita ko, ni wala nga halos lumabas na resulta. Tiyak na ipinatanggal ni Uncle ang mga post na related doon. Hindi malabo iyon dahil pati media ay hawak niya sa leeg. Pero may kongklusyon na ako sa isip ko base na rin sa mga nasaksihan ko noon na gawain ni Uncle. Sinisiraan niya at pinababagsak ang sino mang kumakalaban sa kaniya, at ipinakukulong. At sa pagkakataong ito ay gusto niya akong gawing instrumento para maisagawa ang balak niya. Malabong gawin ko iyon dahil tapat ako kay Dark. Hinding-hindi ko siya gagawan ng masama at ipapahamak, gaya ng nais ni Tito. Hindi ako ganoon kasama. Susubukan kong gawin ang makakaya ko upang protektahan ang mga Montehermoso laban sa mga hangal na tulad ng Tito ko. Ayoko nang madagdagan pa ang mga kasalanan ng angkan ko sa mga tao, lalo na sa pamilya ni Dark. Ngunit papaano ko iyon sisimulan gayong limitado lamang ang galaw ko? Wala rin akong proteksiyon dito dahil halos lahat ay kakampi ng amain ko. Alam kong sa gagawin kong pagprotekta sa kaaway ng angkan ko ay ipapahamak ko lamang ang sarili ko. Hahabulin at hahanapin ako ng mga kasamahan ni Tito, pati na rin ng mga kamag-anak namin upang tugisin. Ngunit kung mangyari man na tugisin nila ako, sisiguraduhin ko na bago nila ako mapatay ay kakalat na ang lahat ng ebidensiya laban sa kanila. Ipapakulong ko sila kay Dark bilang hustisya na rin para sa mamamayan. Pero ngayong kalmado pa ang lahat, kailangan ko munang itago ang mga hawak ko lalo na at naririto pa ako sa teritoryo ni Uncle. Sana lamang ay balang-araw, matuldukan din ang kasamaan dito. Sana nga lamang ay magawa ko ang parte ko, na mabigyan ng hustisiya ang mga tao. Dahil kung magpapatuloy pa sila sa kasamaan, madadamay rin ang magiging salin-lahi namin sa susunod pang mga henerasiyon. Ang magiging mga anak ko, mabubuhay rin sila sa mundong ito na lahat ng tao sa paligid nila ay kinamumuhian ang lahing pinanggalingan nila, hindi sila magiging masaya sa buhay hangga’t nakatatak sa isip ng mga tao rito na masama kami. At iyon ang isa sa mga kinakatakutan ko. Ayokong mangyari rin sa kanila ang mga dinaranas ko ngayon. Mariin akong napapikit nang tumulo ang luha ko. Umiling-iling ako upang pigilin ang mga hikbi. Kasalukuyan akong nagtatahi ng mga bagong bestida na ibebenta ko. Ngunit lumilipad naman ang isip ko tungkol sa plano ni Tito. Kaninang alas seis ng umaga ay pinapunta ko ang driver ko sa hospital na pinagdalhan namin kay Grace kahapon. Inutusan ko itong bayaran ang hospital bill ng dalaga upang makabawi na rin sa mga libre sa akin ni Dark, at para makabawi na rin sa idinulot sa kanila ng amain ko na kasalanan. Pinahanap ko na rin dito ang naiwala kong mga gamit at baka naroon pa ang mga iyon. Ngunit nang sumapit ang alas ocho ng umaga ay binalitaan ako nito na wala raw roon ang mga gamit ko. Maski sa paligid ng hospital, sa karinderya at kung sino-sino pa ang pinagtanungan nito, ngunit wala talaga. Naawa na rin ako kaya pinauwi ko na rin si Kuya na inutusan ko. Nagdadalamhati ako ngayon dahil sa mga nangyari kagabi, at sa pagkawala ng mga gamit ko. Pinili ko talagang magmukmok dito dahil masama ang loob ko kay Tito. Ayoko pa silang makita dahil baka lalo lamang sumama ang loob ko. Hinatiran na nga lamang ako ng mga katulong ng almusal at tanghalian ko dahil hindi pa ako bumababa mula pa kagabi nang matapos akong kausapin ni Tito. Kagabi pa ako umiiyak dahil naaawa ako sa mga tao, lalo na sa pamilya ni Dark dahil magaan na ang loob ko rito. At ngayong naiisip ko na naman ang tungkol doon ay naiiyak na naman ako. Pinunasan ko ang basa kong pisngi at ipinagpatuloy ang pananahi. Bukas ay aalis kami ni Tito at tutungo sa Manila dahil may gagawin daw ito roon na importante. Kailangan niya raw ako isama at wala naman akong magawa dahil hawak nito ang leeg ko. Kapag hindi ako sumunod, asahan nang may banta. Ngayon pa lamang ay iba na ang kutob ko sa pagpunta namin sa Manila. Tiyak kong may gagawin na naman si Tito na kasamaan, o kung ano pa man doon. Tila may hindi magandang mangyayari sa amin pagpunta namin doon sa siyudad...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD