Kabanata 5

3234 Words
Kirsten              IPINAHANAP KO sa magagaling na tauhan ni Tito Raymond ang pamilya ni Grace upang mapuntahan na nila ito. Ilang oras na kasi ang nakalipas simula nang dalhin namin siya rito. Wala pang dumarating. Kaya humingi na ako ng tulong sa mga tauhan ni Mayor. Hindi ko naman magawang matawagan o mai-text si Dark dahil wala siyang number sa akin. Nag-aalala na nga ako para sa dalaga. Kanina nasabi na sa akin ng doktor na palala nang palala ang kalagayan ni Grace. At kailangan na itong operahan sa puso. Nagkaroon na raw kasi ito ng butas. Kailangan ng heart transplant, iyon nga lang ay malaking pera rin ang kakailanganin. Natutulog pa ito ngayon sa isang pribadong kuwarto at kanina pa ako hindi mapakali lalo na't wala pang balita sa akin ang mga inutusan ko. Uminom ako ng tubig upang mapawi ang panunuyo ng lalamunan ko. Kanina pa ako rito at pagabi na. Kasalukuyan ko lamang pinagmamasdan ang batang Montehermoso ang apelyido. Hindi na gaanong malala ang pagku-kulay ube ng katawan nito, lalo na ang mga labi kung kaya ay medyo nakampante ako. Ngunit wala pa rin ang mga magulang nito. Paniguradong nag-aalala na ang mga iyon dahil gabi na at wala pa sa kanilang bahay ang dalagang mahimbing na natutulog ngayon. Nakakahabag ang hitsura nito dahil tila nagkulang ito sa tamang nutrisiyon. Tila isang hanginan lamang ito at talagang maaawa kahit sino sa hitsura. Ang labi nito ay hindi katulad sa normal na tao na kulay pula, ang kaniya ay medyo may pagka-ube ang kulay. Mahahalata talagang may sakit itong iniinda. Mga ganitong bata rin sana ang pinagtutuunan ng pansin ni Tito. Nakakaawa ang mga batang ganito dahil ang iba ay walang pambayad sa mga gastusin. Tapos ang mamahal pa ng mga gamot at pampa-opera. Napasinghap na lamang ako nang maalimpungatan ito bigla. Agad na dumapo ng tingin nito sa akin kung kaya ay kinabahan ako nang bahagya. Nagtatakang ekspresiyon ang unang rumehistro sa mukha nito pagkakita pa lamang sa akin. Tila ba kinikilala pa ako. "Ikaw po ba ang tumulong sa akin kanina?" marahang sambit nito na ikinatitig ko rito. Maamo ang mukha nito at mababakas dito ang pagod na nararamdaman. Dahan-dahan akong tumango. "Oo, dalawa kami ng driver ko," nakangiti kong sambit na ikinangiti rin nito. Sunod-sunod itong nagpasalamat na inilingan ko lamang. Wala lamang iyon sa akin dahil pambawi ko na rin iyon sa mga kasalanan ni Uncle sa mamamayan dito. Gusto ko ring tumulong sa abot ng aking makakaya. "Salamat po talaga sa pagtulong, Ate. Akala ko po kanina ay mamamatay na ako. Napakabuti n'yo po." Nakangiting inilingan ko lamang ito upang sabihin na hindi na niya kailangang magpasalamat sa akin. Ako nga ay dapat na humingi sa kaniya ng paumanhin dahil sa ginawa ng angkan ko sa mga tulad nilang mamamayan dito mula pa noon.   Bumabawi lamang ako sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaunting tulong sa kanila. "Ano po pala ang pangalan ninyo, Ate? Pamilyar po kasi ang mukha ninyo, e." Pinasadahan ako nito ng tingin na ikinailang ko. Tila ba sinusuri ako nito. Bumuntong hininga ako at tila nag-aalangan pa. Alanganing ngumiti ako rito. "Ako si Kirsten..." Natigilan ito agad. Muli ako nitong pinakatitigan sa mukha bago mawalan ng emosiyon ang mukha nito. Maging ako man ay natigilan din. At tila hindi na nito nagustuhan ang presensiya ko pagkatapos kong sabihin ang ngalan ko, base pa lamang sa pagkunot ng noo nito sa akin. N-Nakilala kaya niya ako? Kung nakilala nga ako nito ay hindi naman na nakakapagtaka iyon. "H-Hi, Grace." Ngumiti ako rito nang pilit at inilapit lalo ang sarili sa kaniya. Hindi ito tumugon na naiintindihan ko naman dahil baka masama pa ang pakiramdam nito. At baka ay ayaw na nito sa akin matapos makilala ang ngalan ko. Hindi na ako nagtaka nang mag-iwas ito ng tingin sa akin. Nag-iba na rin ang timpla ng mukha nito. "Bakit mo suot ang sumbrero ng Kuya ko?" ang malamig nitong tanong na tila nagbigay ng hiya sa akin. So, totoo ngang ito ang kapatid ni Dark. Ngunit tila magkaiba silang dalawa ng ugali at paniniwala.  Wala na sa mukha at boses nito ang pagiging mapagkumbaba na tulad kanina. Noong nagkita naman kami ni Dark kahapon ay hindi naman siya nagalit agad sa akin o ano pa man, hindi katulad ng kapatid niya. Si Dark ay hindi naman ganito kalamig sa akin kahit na ang seryoso ng mukha nito minsan. Nakukuha pa rin nitong ngumiti at magbiro sa akin kahit na seryoso kaya naiilang ako ngayon lalo't magkaiba silang magkapatid ng ipinapakita. Sabagay ay magkaiba sila ng personalidad. Ang makilala ako ng ibang tao minsan ay tila isang pagsubok para sa akin. Iba't ibang reaksiyon ang natatanggap ko lalo na kapag nalalaman nila ang apelyido ko. Ang angkan na kilala sa pagiging gahaman sa pera. Hindi ako tututol doon dahil kahit ako man ay alam ko ang bagay na iyon. Kaya mayaman ang angkan namin dito ay dahil sa pagnanakaw at ilegal na negosyo ng droga, mula pa sa mga ninuno namin, iyon na ang gawain nila. Ang mga kinakain ko at ginagamit ko mula pa noong maliit pa ako hanggang ngayon ay galing sa nakaw at ilegal na pera nila Tito. Kaya nga ako nagtayo ng sarili kong negosiyo nang makapag-ipon ako nang sariling pera upang mabawasan na din ang pagka-guilty ko. At ngayong ganito ang reaksiyon sa akin ni Grace ay hindi na iyon bago sa akin kaya nagpatuloy ako sa pagkausap dito, umaasa na baka maging okay ulit ang pakikitungo nito sa akin. "Bigay ito sa akin ni Dark kagabi dahil magkaibigan na kami." Ngumiti ako rito ngunit nanatiling nasa ibang direksiyon ang tingin nito. Kita ko ang pagtalim ng tingin nito. "Okay na ba ang pakiramdam mo?" marahan kong tanong. Sa wakas ay binalingan din ako nito. Nabigla pa ako nang makita ko ang galit nitong mukha sa akin. "Hindi nakikipag-kaibigan ang kuya ko sa babae at lalong-lalong hindi sa kadugo ng kaaway namin." Natuptop ko ang bibig ko ngunit hindi ko na pinagtuonan ng pansin ang sinabi nito. Tumayo ako at lumapit lalo sa kaniya dahil hindi maaaring magalit siya. Napa-asik naman ito sa ginawa ko kaya tumigil ako sa paglapit. "T-Teka lang, Grace. Huwag ka nang magalit. Sige, roon na lang muna ako sa sulok at hindi na muna kita kakausapin," kagat labi kong sambit, nalulungkot dahil sa ipinakitang asal nito. Siguro ay matindi talaga ang galit niya o nila ng pamilya niya sa amin dahil nagagawa niyang umasta nang ganito sa harapan ko kahit na wala naman akong ginagawang masama. Iintindihin ko na lamang dahil may sakit siya. Ayokong dumagdag sa problema ni Dark at baka magalit din siya sa akin kung papatulan ko ang kapatid niya. Pero kahit kailan ay hindi naman ako pumapatol sa mga nang-aaway sa akin. Hinahayaan ko na lamang at ipinagdarasal na sana ay maging payapa ang buhay nila, at maalis na rin ang galit sa puso nila. Bumuntong hininga ako at naglagay ng upuan sa sulok, kung saan ay malayo kami sa isa't isa. Palihim ko pa itong pinagmamasdan dahil ang tahimik nito. May kaunting hawig sila ni Dark, lalo na kapag seryoso ang mukha nito. Napailing ako. Hinubad ko ang suot na sumbrero at hinawakan na lamang iyon. At ano iyong sinabi niya kanina? Hindi raw nakikipag-kaibigan si Dark sa babae? E, magkaibigan nga kami, e. Baka hindi lamang aware si Grace. Mabait si Dark at sa nakikita ko ay marunong itong makisalamuha sa mga tao. At saka kaaway pala ang tingin nila sa amin. Napahinga ako nang malalim. Biglang bumukas ang pinto at sumilip doon ang isa sa mga bodyguard na kasama namin. "Nariyan na po ang pamilya ng bata, Ma'am," anito na ikinakabog ng puso ko nang husto. Napatayo ako mula sa pagkakaupo ko sa upuan at saka lumapit sa pinto. Inayos ko pa ang sarili bago buksan nang maluwag ang pinto. Kita ko mula sa gilid ng mga mata ko ang paglingon sa akin ni Grace. "Grace anak!" Biglang may pumasok na ginang at agad na nilapitan ang anak na ngayon ay matatalim ang tingin sa akin. Hindi agad ako napansin ng ginang dahil nasa anak nito ang buong atensiyon. Nagyakapan sila, at mayamaya lang din ay nakita kong bumulong si Grace sa ginang habang masamang nakatingin sa akin. Umiwas na ako ng tingin dahil lalo lamang akong nako-konsensiya sa mga kasalanan na hindi naman ako ang may gawa. Ang kasalan ng lahi ko ay tila kasalanan ko rin. Sa mga nakikita kong asal ng ibang tao pagdating sa akin ay tila kasalanan ko rin ang lahat, at iyon ang nagpapalungkot at nagpapalubog sa akin sa konsensiya. Sanay naman akong makakita ng tao na galit sa akin—sa aming mga Alonzo. Ngunit hindi pala ako sanay sa sakit na nararamdaman. Tila pinupunit niyon ang puso ko. Huminga akong muli nang malalim. "Tingnan mo nga naman. Narito pala ang isa sa mga lahing magnanakaw at abusado. Ano ang ginawa mo sa anak ko, ha?" Napapiksi ako at gulat na napatingin sa ina nito na nasa akin na ang atensiyon. Pagkamuhi ang nakikita ko sa mga mata nila kaya kinilabutan ako bigla. Maliban sa pangungurakot ni Tito, ano pa ba ang mabigat na dahilan nila kung bakit halos patayin na nila ako sa tingin nila? Napapansin kong may malalim silang pinaghuhugutan ng galit at poot. Humawak ako sa doorknob habang pilit na pinapatatag ang sarili. "W-Wala ho akong ginawang masama sa bata. Tinulungan ko lang po siy—" Naputol ako sa sasabihin nang bumagsik lalo ang mukha nito. "Sinungaling! Ganiyan din ang ginawa ng magaling mong tiyuhin sa asawa ko! Kunwaring tutulong kayo sa tao pero ang totoo ay may masama kayong balak!" Nakagat ko na lamang ang ibabang labi. Akmang susugurin ako nito nang harangan ito agad ng bodyguards. Napayuko ako at tila nahiya lalo para sa sarili. "Nagsasabi ho ako nang totoo." Malungkot kong binalingan ng tingin si Grace na tila ayaw magsalita sa maling bintang sa akin ng ina niya. Tila nais nitong sumama lalo ang imahe ko sa ina nito. "Manahimik ka! Hinding-hindi na kami magpapaloko sa inyong mga Alonzo! Napaka-ganid at sama ninyo! Balang-araw ay makukulong din kayong lahat dahil sa kasamaan ninyo! Mga demoniyo!" galit nitong sigaw sa akin nang biglaan. Tila ngayon lamang kumawala ang galit nito na tinatago sa mahabang panahon. At ako ang binuntungan nito ng galit. Napayuko ako. Ayoko nang magkomento pa at baka magkagulo pa rito sa hospital. Mas mabuti pang umiwas na lamang. "A-Aalis ho muna ako," mahina kong sambit habang nanginginig ang labi. Sumigaw pa ito sa galit ngunit mabilis na akong lumabas ng kuwarto na iyon. Parang dinudurog ang puso ko dahil sa sakit. Kahit kailan ay mahina talaga ang loob ko. Wala akong lakas ng loob upang ipagtanggol ang sarili ko sa mga ganitong sitwasiyon. Lakad-takbo ang ginawa ko habang nasa pasilyo nitong ikalawang palapag ng hospital. Nanlalabo na ang aking mga mata ngunit pinagpatuloy ko pa rin ang mabilis na paglalakad. Ngunit sa aking paghakbang para sana lumiko ay natigilan ako dahil may nabangga ako na papasalubong pala sa akin.  Naramdaman kong tumama ang noo ko sa isang bagay dahil sa pagkakayuko ko. Napapangiwing napa-atras ako at nag-angat ng tingin, para lamang magkagulatan kami ni Dark na ngayon ay naka-sibilyan. Tila kararating lamang nito. At ang tanga ko dahil hindi ko ito agad napansin na papasalubong. Masiyado akong nagmamadali sa paglalakad. Lalo lamang akong napa-atras at nahiya rito. Inaasahan ko naman talaga na pupunta siya rito ngunit hindi ko napaghandaan ang pagdating niya habang humihikbi at umiiyak ako. "S-Sorry, Chief." Hindi ko naiwasan ang pangnginig ng boses ko kung kaya ay napayuko akong muli. Hindi naman ito agad naka-imik kaya nilampasan ko na ito. Sa narinig ko kanina sa ina ni Dark ay tila nanghina ako. Tingin ko ay may malaking kasalanan talaga sa kanila si Uncle. Malaking-malaki. "Sinungaling! Ganiyan din ang ginawa ng magaling mong tiyuhin sa asawa ko! Kunwaring tutulong kayo pero ang totoo ay may masama kayong balak!" Kaya naman pala ganoon ang reaksiyon nila sa amin. Ngunit ano ba ang ginawa ni Tito sa asawa nito? Sa mga naipon kong ebidensiya laban kay Tito, at mga record ng kawalang-hiyaan nitong ginawa sa mga tao ay wala akong nakita na kaso na related sa apelyidong Montehermoso. Kaya hindi ko alam ang ginawa ni Tito sa kanila, sa asawa nito. Ngunit ngayon na may natuklasan ako, kailangan ko itong alamin. Napatakip ako ng mukha habang hiyang-hiya sa sarili. Napatigil lamang ako sa paglalakad nang may humawak sa isang kamay ko na nakatakip sa mukha ko. "Kirsten," sambit nito sa pangalan ko habang namumungay ang mga mata. "Bakit ka umiiyak?" Napasinok ako. Nais kong sabihin sa kaniya na na-miss ko ang kaibigan ko—siya. Ngunit sa ngayon ay nahihiya pa ako sa sarili ko na humarap sa kaniya, lalo na't galit pala sa akin ang pamilya nito. Marahan akong umiling sa kaniya at hinila pabalik ang kamay ko. "A-Alis na ako," mailap kong saad at muling tumalikod ngunit nabigla na naman ako nang marahan ako nitong hinila papunta sa kung saan. Suminghap ako habang pilit na binabawi ang kamay kong hawak niya. Nagi-guilty ako. Ngunit dumiin pa ang pagkakahawak niya sa akin kung kaya ay napatigil ako sa paghila. Halos malubog ako sa kahihiyan lalo na't pinagtitinginan kami ng mga tao. Ang iba pa ay nakilala ako at iniirapan. Lalong sumama ang loob ko sa mga inasal nila. Tuloy ay puro pagyuko lamang ang nagawa ko. Wala na akong lakas ng loob para salubungin pa ang mga tingin ng iba. Nakakapanliit ng sarili ang mga ginagawa nila, kahit na ang simpleng pag-irap nila sa akin, nasasaktan na agad ako. Dinala ako ni Dark sa labas ng hospital, at naupo kaming dalawa sa upuan kung saan ako kumain kanina. Madilim na ngunit may poste naman ng ilaw na nagbibigay sa amin ng liwanag. Ni hindi ko magawang tingnan siya kahit na sinabi na niya kagabi na wala naman siyang galit sa akin. Ngunit sa mga kalahi ko ay tiyak na meron. Lalo na kay Tito.  Pansin ko ang kakaiba nitong mga tingin kay Mayor kahapon nang magkausap sila. Ano ba ang ginawa sa kanila ni Tito at ganoon na lamang ang galit nila sa amin? "Why are you here, hmm? May kapamilya ka ba na narito?" pagbubukas nito ng usapan at umusog palapit sa akin. Sa ginawa nito ay awtomatikong napaurong ako papunta sa pinakagilid. Maliit lamang ang upuan na ito kaya kung uurong pa siya ay magdidikit na ang katawan namin. Kumabog nang husto ang puso ko habang panay ang iwas ng tingin dahil sinusubukan niya iyong hulihin. Bakit tila nakakakaba nang husto ang presensiya niya ngayon? Marahan akong napalunok. "W-Wala. P-Pumunta ka na lamang sa kapatid mo, Chief. Hinihintay ka na nila roon," mahina kong sambit. Doon naman talaga siya sa pamilya niya nararapat na pumunta at pag-aksayahan ng oras. Hindi ako dahil baka magalit lang sa kaniya ang pamilya niya. Mas matimbang pa rin ang pamilya kaysa sa kaibigan. Pinaglalaruan ko ang mga daliri habang hinihintay ang tugon nito. Pansin ko na kumunot ang noo nito. Nakikita ko iyon sa gilid ng aking mga mata. "Kilala mo na ang kapatid ko? Nagkita na kayo?" Bakit tila biglang galit ang boses nito? Kahit nahihiya ay nag-angat ako ng tingin sa kaniya upang alamin kung bakit siya nagagalit sa kaalamang nagkita na kami ng kapatid niya. "Oo, k-kanina lang." Muli akong napalunok. Pinagmasdan ko kung paano mag-isang linya ang kilay nito na tila hindi nagustuhan ang narinig. "And then? May ginawa ba sila sa iyong masama?" Muli akong napalunok. Mukhang alam nito ang kahihinatnan ko kapag nagkita kami ng pamilya niya. Iyon ang nakikita ko sa mukha nito. Muling lumamlam ang tingin nito at umurong, dahilan para tuluyan nang magdikit ang katawan namin. Wala ng espasiyo. Wala na akong takas pa. Nakita kong ipinatong nito ang braso sa sandalan ng upuan sa likuran ko. "Please tell me the truth, may ginawa o sinabi ba sila sa iyo na masama?" muling pagtatanong nito. At bago pa ako makaiwas ng mukha ay hinawakan na nito ang panga ko. Nanigas ako dahil sa sobrang lapit ng mukha nito. G-Ganito ba siya makipag-usap? Pero hindi naman siya ganito kagabi nang magkuwentuhan kami. Umiling-iling ako upang sagutin ang tanong niya. At para makaiwas na rin sa matinding pagkailang. Ayoko nang palakihin pa ang problema. Okay naman na ako dahil hindi nila ako napagbuhatan ng kamay. "If that so, bakit ka umiiyak kanina?" Muli na naman akong natigilan. Nangangapa sa maaaring sasabihin o idadahilan. Napayuko ako ngunit maagap ako nitong pinatingin sa kaniya. "W-Wala. May kaunting problema lang na nangyari." Sinubukan ko muling mag-iwas ngunit hindi talaga ako nito pinapahintulutan. Kaya kahit nagi-guilty ako dahil may kasalanan pala si Tito sa kanila ay tumingin pa rin ako sa mga mata nito. Kita ko kung paano bumaba ang tingin nito papunta sa hawak ko. Mabilis kong naitago ang sumbrero niya na hawak ko. Tila ngayon niya lang iyon napansin. Hindi ko alam kung bakit bigla akong nahiya. Bigay naman niya ito sa akin ngunit bakit nahihiya ako sa kaalamang nakita niya itong dala-dala ko? Nakagat ko tuloy ang labi ko dahil sa pagka-hiya. Unti-unting umangat ang sulok ng labi niya na tila natutuwa sa akin. "Naiintindihan ko kung hindi ka magsasabi nang totoo, Kirsten. Pero sa susunod ay ayokong naglilihim ka sa akin," mariin nitong sambit kahit na naroon ang natutuwang ekspresiyon sa mukha niya. Nahigit ko ang hininga ko. A-Ano? Nahahalata niya ba na nagsisinungaling ako? Nag-iwas na lamang ako ng tingin kahit na ang mukha ko ay nakapaling sa kaniya. "Bakit naman?" kunot noo kong sambit upang pagtakpan ang pagka-ilang kong nararamdaman. "Kirsten, look at me." Napipilitan na naman akong lumingon sa kaniya. Naroon na naman ang kakaibang klaseng titig niya sa akin na nagbibigay ng kakaibang kilabot sa sistema ko. "We're friends, right? Friends share their problems to each other." Aalma sana ako dahil masyadong komplikado ang mga problema ko. Ngunit nginitian na ako nito at hinaplos ang buhok ko. "Good girl," sambit nito kahit na wala pa naman akong tugon. Mabuti at binitawan na rin ako nito. Humarap ito sa harapan kung kaya ay nawala gaano ang pagkailang ko, ngunit hindi pa rin ito umuusog. "Bakit hindi ka pa pumupunta sa pamilya mo? Baka hinahanap ka na nila," pagtatanong ko nang gumaan na ang pakiramdam ko. Sandali ako nitong nilingon at nginitian bago tumugon. "Nah. Naroon naman na si Mama. Sasamahan na lang kita rito." Napanganga ako sa sagot nito. Grabe naman itong klaseng kapatid. "Ano? Seryoso ka, Chief?" Kinunotan ako nito ng noo at inilapit ang mukha sa akin na ikinaatras ko ng ulo ko. "Yes, I'm really serious here, innocent doll. Gusto mong patunayan ko na seryoso ako sa iyo?" Lalo nitong inilapit ang mukha sa akin na ikinalunok ko. Ano raw? Tila may ibang ibig ipahiwatig ang tingin nito. Pati na rin ang sinabi nito. Umiwas ako ng tingin at humarap na lamang sa unahan ko. "A-Ano, hindi na kailangan, Dark." Nabigla pa ako nang biglaan nitong pisilin ang kanang pisngi ko at pinanggigilan. "Aray ko naman! Masakit kaya!" Napangiwi na ako at inilayo ang mukha ko. Ngunit hindi pa rin ako nito tinigilan kaya naman ay hinampas ko na siya sa braso. Natigilan ito at tiningnan ang parteng hinampas ko. Maging ako man ay napatigil din dahil baka nasaktan ko ito nang husto... 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD