Kabanata 4

2831 Words
Kirsten                NAPAINAT AKO ng katawan nang matapos ko ang lahat ng kailangang tapusin. Talagang mula pagkauwi ko ay tinahi ko na ang mga dress na dadalhin ko sa shop. Minadali ko pa ang paggawa ng dalawang dress ng isa sa mga um-order sa akin upang mabilis matapos at nang mai-deliver na agad, ngunit siniguro ko naman na matibay at maganda ang pagkakagawa. At ang iba naman ay ihahatid ko rin mamaya sa shop ko upang mai-display na. May tinahi pa ako na isang wedding gown ngunit maaari naman iyong makapaghintay. Ang inuuna ko lamang ngayon ay ang mga nag-order sa akin upang wala silang masabi na iba. At para na rin hindi ako matambakan nang sobrang gawain. Ako lamang kasi ang taga-tahi at gawa ng mga binebenta ko sa munting tindahan ko. Kaya ko naman kahit na walang katuwang sa paggawa, dahil wala naman akong ibang pinagkakaabalahan ngayon sa buhay kundi ang negosiyo ko. Ayaw ko namang magtrabaho sa iba dahil hindi ako komportable kaya ito na lamang ang ginawa ko, nag-nenegosiyo. Ginalaw-galaw ko ang leeg at likod ko dahil nakakaramdam ako ng pananakit sa mga bahaging iyon. Kanina pa ako nakaupo rito sa upuan ko at tatayo lamang ako kapag may kukuhanin akong tela. Humikab ako nang makaramdam ng antok. Alas cuatro na ng umaga at ngayon ay antok na antok na talaga ako. Gustong-gusto ko nang humilata at magpatangay sa antok sa kama ko ngunit kailangan ko munang i-hanger ang mga damit na natapos ko. At mamayang alas ocho naman ay ihahatid ko ito sa shop. Mahinang sinampal-sampal ko ang sarili upang kahit papaano ay maibsan ang pagka-antok ko. Nang matapos ko lahat iyon mai-hanger ay kusa nang bumagsak ang katawan ko sa kama. Mayamaya’y nagising ako sa ingay ng alarm ng phone ko. Pupungas-pungas akong bumangon kahit na tila namimigat pa ang katawan at talukap ko. Pinatay ko ang alarm at tiningnan ang oras. Alas siete y media na pala. Naku! Na-late pa ako ng gising. Marahang kinusot-kusot ko ang mga mata upang tuluyan iyong dumilat. Antok na antok pa ako ngunit dahil sa kagustuhan ko na may matapos na ako ngayong araw ay pilit kong ginigising ang sarili. Mahinang umiling-iling ako habang naghahanap ng damit na pamalit sa aparador ko. At isang simpleng v-neck shirt na puti at pantalon ang napili ko at okay na ako roon. Dumeretso ako sa banyo na narito sa kuwarto ko at saka ginawa ang mga dapat gawin. At sa ginawa kong pagligo ay tila lalo lamang akong inantok. Imbis na mawala ang antok ko ay lumala pa iyon. Napanguso ako habang sinusuklay ang buhok. Basa pa iyon gawa ng pagligo ko kaya hindi ko muna iyon tinalian. Isinilid ko sa isang lalagyan ang mga dress at saka naghanda na para sa pag-alis. Siniguro ko ring dala ko ang shoulder bag ko na naglalaman ng phone at wallet, kung sakali mang gumastos ako. Napangiti ako at saka kinuha ang sumbrero na bigay ni Dark kagabi. Pasimple ko pa iyong sininghot at lalo akong napangiti nang maamoy ko ang amoy ng buhok nito. Amoy mentol. Ano kaya ang shampoo na gamit niya? Nang masiguro ko na ang lahat ay okay na ay lumabas na ako ng kuwarto. Mabibilis ang ginawa kong mga hakbang pababa upang makarating ako roon kahit mag-a-alas ocho na. Kakain pa kasi ako. Wala na ako sa sinabi kong oras na aalis ako rito. Pagkababa ko ay wala na roon si Tito, malamang ay nasa munisipyo na. Oo nga pala at nabalitaan ko na namimigay pa rin sila ng relief goods sa iba pang bahagi nitong Iloilo na nasalanta ng bagyo nang matindi. ‘Yon nga lang ay hindi na nagtungo o sumama pa si Tito sa mga iyon. Mukhang abala na ulit ito sa munisipyo. Tahimik ang buong kabahayan kaya napailing ako. Kumain agad ako at uminom ng gatas ko bago magpahatid sa driver papunta sa shop ko. Sa loob ng sasakyan ay panay ang hikab ko dahil sa iksi ng oras ng tulog ko. Babawi na lang siguro ako mamaya. Dumilat lang ako nang sabihin ng driver na narito na raw kami. Tumango at nagpasalamat ako rito bago bumaba, bitbit ang mga dala ko. Kahit wala ako gaano sa sarili ay pinagmasdan ko ang shop ko na itinayo ko simula nang magtapos ako ng pag-aaral. Maaga ako noon nag-aral kaya maaga rin akong naging malaya, at ngayon ay nagtayo na ng sariling negosiyo. Marahan ang ginawa kong paglalakad papasok habang sinusuri ang nadadaanan ng tingin ko. Mayroon itong kalakihan na espasiyo kung kaya’t medyo maluwag ang loob at hindi siksikan. “Good morning, Ma’am Kirsten!” Iyon ang naging bati sa akin pagkapasok ko. Nilingon ko ang dalawa sa tatlong tauhan ko rito na sina Ate Marina, at Ate Maximo, na isang manikang mandirigma. “Good morning din po, mga Ate. Nasaan po si Kuya Harold?” bati ko rin pabalik sa mga ito na kapuwa mas matanda sa akin. Hinahanap ko ang isa ko pang tauhan dito na siyang taga-hatid ng mga order, ngunit bigo ako. “Ay, naroon po sa banyo, Ma’am. Nagbawas lang po,” nakangiting tugon ni Ate Maximo sabay kunwaring inipit ang buhok nito sa likod ng tenga, kahit na panlalaki naman ang gupit ng buhok nito. Mabait naman itong bakla at mapagkakatiwalaan kaya wala akong problema sa kaniya, maging sa dalawa ko pang tauhan dito. Ngumiti ako. “Natapos ko na po ang mga order. Pakibalot na lang po ng mga ito at ikahon, mga Ate. At pakisabi na rin kay Kuya Harold na ihatid na ang mga ito.” Sabay silang nagsitanguan sa akin at nag-thumbs up pa kaya napangiti ako nang tipid. Sila na ang bahala sa lahat ng gagawin at ngayon ay magpapahinga muna ako. Pagkatapos kong masabi ang mga dapat na sabihin sa kanila ay dumeretso ako sa maliit na kuwarto na nakalaan para sa akin. Ang opisina ko rito na nasa ikalawang palapag. Lumapad ang pagkaka-ngiti ko habang pinagmamasdan ang kabuoan nito. Tamang-tama lamang ang laki nito para sa akin at sa mga kagamitan ko rito. Kulay peach ang pintura ng pader kaya magaan tingnan para sa mga mata ko. Naupo ako sa upuan ko at saka binuklat ang mga folder na naroon. Binasa ko iyon at iyon na ang sales namin ngayong buwan. Napatango-tango ako. Malaki na rin ang kinikita namin dito dahil unti-unti na kaming nakikilala ng mga tao. Ang ibang mga dayuhan na narito ay rito na bumibili ng mga damit pang-okasiyon. Napangiti tuloy ako. Isinara kong muli iyon upang umidlip muna at nang sa gayon ay mawala ang antok ko. Nagising na lamang ako na magtatanghali na. Napailing ako. Ang idlip ko ay naging medyo mahabang tulog na. Inayos ko ang sarili at tumikhim. Ginawa ko ang mga dapat gawin dito upang matapos ko na ang mga gawain ko. Ngunit habang nagta-trabaho ay sumasagi sa isipan ko ang mga eksena kagabi sa pagitan namin ni Dark. Nagtataka rin ako kung bakit niya binigay sa akin ang sumbrero niya na may pangalan pa niya. Hindi ba siya nanghihinayang sa gamit niya na ipamigay na lang basta sa iba? Ano na kaya ang ginagawa niyon ngayon? Malamang ay nasa trabaho na siya. Ewan ko ba at nami-miss ko na ang amoy at presensiya nito. Tila malungkot ang araw ko kapag hindi ko siya nakikita. Tila ito lamang ang papawi ng kalungkutan ko sa buhay. Bakit kaya ganito ang nararamdaman ko sa kaniya? Kakaiba talaga siya. Nakuha niya agad ang tiwala at loob ko sa loob lamang nang isang araw, na sa pagkakaalam ko ay imposibleng mangyari sa akin, ngunit ngayon ay nangyari na. Tuloy ay lalo akong nagkakaroon ng interes na malaman pa ang mga tungkol sa kaniya. Mabilis kong tinapos ang mga gawain ko upang makagala ngayon. Napag-isip-isip ko na gusto kong makita o masilip man lang ang headquarters nila. Isang lugar lang ang alam ko na maaaring maging headquarters nila at medyo malayo lang iyon dito nang kaunti. Wala pa akong karanasan sa pagsakay sa pampublikong sasakyan, kung kaya ay ipinatawag ko ang driver upang dalhin ako roon. Sisilip lang naman talaga ako roon. Kasi sa tanang buhay ko ay hindi ko pa nakikita ang lugar na iyon banda sa Santa Barbara. Nang matapos ako ay excited akong lumabas ng shop. May taga-bantay naman ako rito kaya puwede ko itong maiwan kahit na ilang araw pa ang gustuhin ko. Hindi rin naman nagtagal ay dumating na nga ang driver at hinatid ako sa nais kong puntahan. Hindi maawat ang ngiti ko habang nasa biyahe kami. Nagugutom na ako dahil sa haba ng tinulog ko kanina, pero naisip ko na sa daan na lang kumain at baka makakita ako ng masarap na pagkain. Napag-isip-isip ko na hindi na ako bibili o o-order sa mga restaurant ng pagkain, ang mamahal kasi sa mga ganoon. ‘Yong binili kasi ni Dark kahapon ay hindi man lang umabot ng limang daan, tapos nabusog agad ako. Okay na iyon sa akin basta ba ay malinis ang tindang pagkain. Pinakatitigan ko ang sumbrero na bigay sa akin ni Dark kagabi. Amoy mabango pa rin iyon hanggang ngayon kaya napapangiti ako sa isipan ko. Lalo ko tuloy na-miss ang kaibigan kong chief ng kapulisan dito. Marahan ko iyong ipinatong sa ulo ko at inayos. Ngunit hindi ako naging komportable kaya in-adjust ko iyon upang kumasya sa ulo ko. Ang laki naman ng ulo ng lalaking iyon. Nang okay na ay napangiti ako at muling tinanaw ang labas ng bintana. Alas tres pa lamang ng hapon kaya hindi na ganoon kainit ang dulot ng araw. Maganda ang panahon ngayon at ikinatutuwa ko talaga iyon. Bukod sa hindi nakakalungkot ang kalangitan ay masaya ako sa kadahilanang nakikita ko si Dark bilang isang araw. Kasi kahit na may dumaan na bagyo o ano pa man ay sisikat at sisikat pa rin ito. Palagi itong nariyan at nagbibigay ng buhay sa mga nabubuhay rito sa mundo. Parang si Dark iyon, dahil kahit na may problema siya sa buhay— ‘yong tungkol sa kaniyang ama na nakakulong kahit na wala naman daw itong kasalanan, kapatid na may sakit sa puso at kahirapan sa buhay—ay nananatili pa rin itong matatag at nagsisikap para sa pamilya. Samantalang ako, hindi ko man lang naranasan ang kahirapan. Lumaki ako na hindi naghihirap sa buhay at palaging may panggastos sa kung ano man ang kailangang gastusan. Ang naranasan ko lamang ay ang masiraan ng imahe dala ng galit ng mga tao sa paligid ko, makakita ng karahasan na nangyayari sa paligid na gawa ng mga ka-dugo ko, at ang manahimik at maging bulag kaysa isiwalat ang katotohanan na dapat malaman ng mga tao. Kapag may sakit ako ay palaging sa hospital ang punta namin, ako ang inuuna ng mga doktor, sa kadahilanang pamangkin ako ng Mayor. Nako-konsensiya ako sa mga tao na mas kailangang pagtuunan ng pansin kaysa sa akin. ‘Di hamak naman na may mas malala pa na karamdaman ang iba kaysa sa akin na minsan ay simpleng lagnat lang. Iyon kasi ang utos ni Tito kapag nagkakasakit ako. Mabait naman sa akin si Tito minsan, ayaw na ayaw niya akong nagkakasakit dahil nag-aalala siya, ngunit kinakain lamang siya ng kahayukan at kagahaman niya sa pera at kapangyarihan kasama ang mga taong kasamahan niya rin, kaya nakakagawa siya nang mga ganoong bagay. Sukdulan na nga ang pagkagahaman nito sa pera kaya wala na akong magagawa pa sa nais nito. Ngunit ang tanging magagawa ko lamang upang mabigyan ng hustisya ang mga tao na naagrabyado nito ay ang mabigyan nang tamang parusa si Tito na nararapat sa tulad niya. Ngunit kailan ko naman magagawang magsalita tungkol sa mga ginagawa nito? Kapag marami na ang na-agrabyado at naloko nito? Natigilan ako habang unti-unti akong binabalot ng takot. Wala pa akong lakas ng loob na gawin ang mga bagay na alam kong ikakabagsak ni Tito Raymond. Hindi pa ako handa dahil alam kong kapag ginawa ko iyon ay hahabulin at gagantihan ako ng mga kakampi nito at pati na rin ng mga kamag-anak ko na madadamay ang pangalan. Maraming bigating tao sa likod ng uncle ko. Kaya naisin ko mang gawin ang nararapat ay natatakot ako lalo na at naririto pa ako sa puder niya. Wala rin akong kakampi rito, kaya sino ang sasaklolo sa akin oras na habulin ako ng mga masasamang loob? Ang mga pulis? Hindi rin. Dahil hawak ni Uncle ang karamihan sa mga pulis dito sa siyudad at takot sa kaniya. May mga ebidensiya akong hawak ngunit natatakot pa akong ilabas ang lahat ng iyon. Napakurap-kurap ako upang pigilin ang mga luha na nais kumawala sa akin. Ang duwag ko talagang tao. Napatigil lang ako nang may matanaw ako na isang batang babae na nakasandal sa isang puno at tila may iniindang kung ano. Pansin ko na hirap na hirap itong huminga kaya nag-alala agad ako. Wala ring nakakapansin sa kaniya na tao dahil nakapuwesto ito banda sa hindi siya gaanong nakikita ng mga tao. Agaran kong pinigilan ang driver. “Kuya, sandali po!” Nilingon ako nito at saka tumango. “Sige ho, Ma’am.” Itinabi nito ang sasakyan sa gilid kaya naman ay mabilis akong lumabas ng kotse. Tinakbo ko ang pagitan namin ng babae at saka ito inalalayan. “A-Ate, t-tulong,” ang narinig kong bulong nito habang hawak-hawak ang dibdib. Napasinghap ako at agad na inalalayan siya papasok sa kotse. Tinulungan naman ako ng driver na ipasok ito sa kotse dahil ramdam na ramdam ko ang hirap sa paghinga ng dalaga. Maging ako man ay tila nahihirapan ding huminga dahil sa sitwasiyon niya. Kitang-kita ng mga mata ko ang kulay ube nitong labi at mga daliri sa kamay. Iyon ang lalong nagpa-alarma sa akin. Nang maisakay namin siya ay agad kaming nagtungo sa pinakamalapit na hospital. Ni hindi ko na naalala pa ang plano kong pagpunta sa headquarters na pinagtatrabahuan ni Dark dahil sa biglaang pangyayari. Halos hindi na ako makapag-isip nang maayos habang tinatanaw ko ito na isinakay sa stretcher. Naghihingalo pa rin ito kaya napahikbi na ako. Kanina habang nasa kotse kami at papunta ng hospital ay awang-awa ako rito dahil umiiyak na rin ito. Panay ang hingi nito ng tulong sa akin kahit na hindi ko naman alam ang gagawin. Huminga ako nang malalim habang pigil ang mga hikbi na nais kumawala. Naupo ako sa upuan na narito habang hinihintay na lumabas ang doktor na umasikaso sa dalaga. Kanina ay napansin ko ang mga bodyguard na alam kong pinasunod sa amin ni Tito. Napansin ko lamang ang presensiya ng mga ito nang makababa kami ng kotse at ipasok ng hospital ang batang babae. Nakita ko kasi ang pamilyar na van na gamit nila. Kagat labing sumandal ako sa inuupuan ko. Ano kaya ang ngalan ng batang babae na iyon? Sa tantiya ko ay mga nasa edad labing-lima pa lamang ito. Nakasuot pa ito ng uniporme na nagsasaad na nag-aaral ito sa isang pribadong paaralan dito sa Iloilo. Kilala ko ang school na pinapasukan nito at alam kong medyo malayo-layo iyon. Nag-angat ako ng tingin kay Kuya driver nang makita ko itong naglalakad papunta sa direksiyon ko. Dala na nito ang pinabili ko kaninang pagkain sa karinderya na malapit dito. Gutom na gutom na kasi ako. Nagpasalamat ako rito at kinuha iyon. Sa labas na lang siguro ako kakain upang maging komportable ako. Napalunok ako at tinuyo ang pisngi ko na may bakas pa ng luha. “K-Kuya, pakibantayan po muna. Kapag po lumabas na ang doktor ay agad po ninyo akong tawagan,” wika ko rito at na ikinangiti naman nito. Umusal ako ng pasasalamat at saka sinulyapan ang bag niyong batang babae. Marahan ko iyong kinuha at isinukbit sa balikat ko. Hahanap ako ng gamit niya na maaaring makapagbigay ng impormasiyon kung sino siya. Napalunok ako. Nangako ako sa isipan na wala akong ibang gagawin sa bag nito kundi ay humanap lamang ng impormasiyon tungkol sa babae. Ayaw ko namang pag-isipan ako nang kung sino rito nang masama. Sa labas ng hospital ko napiling kumain. May upuan naman doon na nasisilungan ng puno kaya malamig sa pakiramdam. Tinapos ko muna ang pagkain ko dahil nahihilo na ako sa gutom. Naging komportable naman akong kumain lalo na’t wala gaanong tao sa labas. Nang okay na ang pakiramdam ko ay kinuha ko ang bag ng babae at ipinatong sa kandungan ko. Marahan ko iyong binuksan at saka sinilip ang loob. Puro iyon notebooks at may dalawa pang libro. Dahan-dahan kong kinuha ang isa sa mga kuwaderno nito. Baka may pangalan niya roon at maaari kong mahanap ang pamilya nito kung sakali. Hindi naman ako nagkamali dahil mayroon ngang pangalan doon. Ngunit nanlaki ang mga mata ko nang mabasa ang pamilyar na apelyido roon. Grace Mae Montehermoso... Iyon ang pangalan ng dalaga. Hindi kaya, ito ang tinutukoy ni Dark na kapatid niyang may sakit sa puso? Ngunit, akala ko ba ay nananatili lamang ito sa bahay nila? Kung ito nga iyon, ay kinabahan ako bigla para sa kaligtasan nito...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD