Kabanata 3

2570 Words
Kirsten          NAGKUWENTUHAN pa kami ng friend ko ng kung ano-ano kung kaya’t nawili ako. Hindi rin namin namalayan ang oras, alas diez na pala. Ang saya-saya niyang kasama. Palagi niya akong napapangiti at napapatawa lalo na kapag nagbiro ito, na kahit hindi man ganoon kalakas ang biro nito ay natatawa pa rin ako. Maloko raw siyang tao minsan pero matino naman daw talaga siya. Kahit sandaling panahon pa lang kami nagkakilala ay nakikita ko na talaga ang kabutihan at katapatan niya, hindi lamang sa serbisiyo sa bayan kundi pati na sa pamilya. Ang laki raw ng ginawa at sinakripisyo niya para lang maabot ang posisyon niya ngayon, ang maging Chief of police or Police Chief. Ang sabi niya sa akin kanina ay siya raw ang superior officer o highest in command sa kanila, iyon daw ang pagiging chief. Nakuwento rin nito kanina ang tungkol sa pamilya nito. Mayroon daw siyang nag-iisang kapatid na babae, ngunit may sakit ito sa puso at palagi lamang nasa bahay. Ang tatay naman niya ay dating pulis din ngunit hindi niya sinabi ang dahilan kung bakit ito nakakulong ngayon. Ang ina naman nito ay nagtitinda sa palengke na malapit lang dito. Kaya ginagawa niya ang lahat upang umahon sa hirap ang buhay nila. Matatag, masipag at madiskarte itong tao. Hanga rin ako sa katapangan nito, ngunit sa tuwing sumasagi sa isipan ko ang binabalak ni Tito rito ay nalulungkot ako. Ang tiyuhin ko na walang ibang ginawa kundi ang magpahirap sa mga taong nasasakupan. Kanina pa kami kain nang kain dito sa loob nitong store. Nilibre pa nga ako nito ng mga pagkain kahit na anong tanggi ko sa kaniya dahil nakakahiya na, marami na itong ginastos sa akin at ayaw ko nang dagdagan pa, ngunit makulit ito at talagang mapilit kaya sa huli ay pumayag na rin ako. Pero kaunti lamang ang kinuha kong makakain dahil nag-aalala rin ako at may kakulangan din sila sa pinansiyal, ayoko namang dumagdag pa sa problema nila lalo na at may sakit sa puso ang kapatid nitong babae. May dala naman akong pera ngunit aniya ay ayaw niya akong pagastusin lalo na kapag magkasama raw kami. Tuloy ay nag-iinit ang mukha ko kanina pa sa hiya . “Hatid na kita sa inyo, Kirsten. Masiyado nang delikado sa daan kung mag-isa ka lang na uuwi.” Mula sa pagkakatulala ay napukaw niyon ang atensiyon ko. Hindi ko namalayan na tinatangay na pala ang isip ko. Marahan akong tumango sa kaniya at ngumiti nang matamis. How I wish na ganitong klaseng lalaki ang mapangasawa ko sa kinabukasan. Tumayo na kami mula sa pagkakaupo. Tinapon ko na rin ang mga basura ng pinagkainan ko bago namin nilisan ang lugar na iyon. Nakatingin lamang ako sa likuran niya habang naglalakad ito. Malapad ang likuran nito at medyo may kalakihan ang katawan, dahil nga sa trabaho nito. Makikita sa paraan ng paglalakad nito na mapagkumbaba at marangal itong lalaki. Napatigil ako. Ngunit kalaunan ay napailing ako sa mga naiisip ko. Napapansin ko na napapadalas na ang pagpuri ko sa lalaking ito. “Okay lang ba kung sa motor kita pasakayin?” Bigla ako nitong nilingon kaya napatigil ako sa paglalakad. Napatanga pa ako nang hilahin nito nang marahan ang kamay ko at papuntahin ako sa tabi niya. “A-Ah, ano. Okay lang, Dark,” wika ko sa pagkailang. Mukhang naiinip ito sa pagiging mabagal kong maglakad. E, sa ang lalaki ng mga hakbang niya kaysa sa akin, e. Masiyadong nadidikit ang katawan ko sa kaniya kaya hindi ako komportable. Lumalakas din ang t***k ng puso ko kung kaya’t hindi ko na nakuha pang tumingin dito. Nilapitan namin ang isang motor na medyo may kalakihan. Tingin ko ay medyo mataas iyon para sa mga binti ko kung sasakay ako. Kinabahan tuloy ako dahil hindi pa ako nakakasakay ng motor. Palaging kotse ang ginagamit namin tuwing aalis kaya panibagong karanasan ito para sa akin. May kinuha itong helmet sa lalagyan sa may bandang likuran at saka lumapit sa akin. Napalunok pa ako dahil ang seryoso na naman ng mukha nito ngayon. Ngunit hindi tulad kanina nang magkausap sila ni Tito Raymond. Kakaiba ang kaseryosohan nito ngayon. Wala na ang maloko nitong ekspresiyon. Siya na ang nagsuot sa akin ng helmet kaya ngumiti ako rito na ikinatitig niya sa akin. Hindi ito nagsalita at tahimik lamang, at inayos ang pagkakasuot sa akin ng helmet. Dalawa iyon at sa kaniya ang isa na agad din niyang isinuot. Nilingon muna ako nito sandali bago ito sumampa sa motor. “Halika, Kirsten.” Napakagat ako ng labi. Okay lang naman ata na sumakay roon. Hindi naman niya ata ako ipapahamak, e. Kahit alanganin ay sumakay pa rin ako roon. Tinawanan pa ako nito dahil hindi ako marunong sumakay. E, sa hindi talaga ako sumasakay at nakakasakay pa sa ganito, e. Pinakiramdaman ko muna ang sarili kung komportable na ba ako, at nang okay na ay napabuga ako ng hangin. Bumaba ang tingin ko sa magkabilang gilid ko para alamin kung okay na ba ang tinatapakan ko. Baka kasi ay may iba akong matapakan. Ngunit napatingin agad ako rito nang marahan nitong kuhanin ang dalawa kong braso at pinayakap sa kaniya. Tila ba ingat na ingat ito. Muli akong napabuga ng hangin. Pansin ko kanina pa na ang ingat nitong kumilos. Marahan ang bawat paghawak nito sa akin na para bang mayroon akong malalambot na buto. Ganoon ba talaga siya? Napailing ako habang ngingiti-ngiti. Hindi ko akalain na ang isang malaking taong tulad niya na may kakaibang trabaho, na kung saan ay baril ang hawak nila, ay ganito kumilos pagdating sa babae. Napakasuwerte naman ng magiging nobya nito o asawa. Binuhay na nito ang makina kung kaya’t humigpit ang pagkakayakap ko rito. Sinilip ko ang mukha nito at binalak na kausapin upang mawala ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. “Okay ka lang ba, Dark?” Napalingon ito nang bahagya sa akin. “What? Bakit mo naitanong?” natatawang turan nito. Napailing ako. Mabuti at tumawa na rin ito. Kanina kasi ay kaseryosohan ang mababakas sa mukha niya, hindi ko naman alam ang dahilan. Parang ayaw kong nakikita na ganoon siya kaseryoso dahil nakakakaba iyon. Baka kasi ay naiinis na ito sa akin o ano. Hindi ko alam. Bumuntong hininga ako. “Wala. Ang seryoso mo kasi, e. Akala ko galit ka sa akin o naiinis.” Tila ako nawala sa mood nang may mapagtanto. Kilala niya ako bilang pamangkin ni Mayor. Hindi niya ba ako tinitingnan bilang isang Alonzo na masamang tao? E kasi naman. Iyong mga tao rito, mapa-social media man o personal ay inaaway o nagagalit sa akin kahit na wala naman akong ginagawa, dahil iyon sa apelyidong dinadala ko. Pansin ko na hindi naman niya ako inaaway. Sana lamang ay wala itong lihim na galit sa akin o ano pa man. Tinawanan ako nito kaya bumalik ang atensiyon ko rito. “Huwag kang mag-isip ng mga ganiyan, Kirsten. Hindi ako galit, naiinis o ano pa man sa iyo. Ang bait mo kaya.” Lihim na nahigit ko ang hininga ko dahil sa huli nitong sinambit. Tila ako nainitan ng mukha kung kaya ay sinandal ko ang ulo ko sa matigas nitong balikat. Nakagat ko ang labi ko. “G-Ganoon ba? Salamat, Dark. Mabuti ka pa at hindi mo ako hinusgahan. Nagpapasalamat tuloy ako na nakilala ko ang isang tulad mo. Mabuti at nilapitan mo ako kanina roon sa court.” Natawa ako sa huli kong sinabi. Maging ito rin ay natawa na tila nahiya pa nang maalala ang ginawa. Medyo bumagal ang takbo ng sinasakyan namin kaya marahan kong pinagmasdan ang paligid. Nasa parteng mapuno na kami, kung saan wala na talagang makikitang tao na naglalakad. Malapit na pala kami. Tila nalulubog na naman ako sa lungkot dahil malapit na ang destinasiyon namin. Makakaramdam na naman ulit ako ng pag-iisa roon sa mansion. Hindi ko rin alam kung kailan kami ulit magkikita ni Dark. Kasi ngayon pa lang ay nalulungkot na agad ako. “Hindi ko naman kasi pinapakinggan ang mga naririnig ko sa iba tungkol sa iyo. Hindi rin kita tinitingnan sa kung saan ka nanggaling na pamilya. Kakaiba ka sa kanila. Wala rin naman kasi sa hitsura mo ang gumawa ng kalokohan,” anito na natatawa pa. Tila ako lalong pinag-initan ng mukha sa mga sinabi nito. Matured na ito mag-isip, na ipinagpapasalamat ko. Dahil sa tuwa ay hinigpitan ko ang pagkakayakap ko sa kaniya at umusal ng mga pasasalamat. Kakaiba talaga siyang klaseng lalaki. Nais ko tuloy na makilala pa ito nang lubusan. Nakakatuwa lamang isipin na may tao pa pala na ganito ako tingnan. Tinitingnan ako bilang ako, hindi kung saan ako nanggaling o ano pa man. Tuloy ay hindi mapuknat ang ngiti sa labi ko habang pinagmamasdan ko ang batok at likod nito. Amoy na amoy ko pa rin ang panlalaking amoy nito na kanina pa nanunuot sa ilong ko. Hindi ko kasi ibinaba ang salamin sa helmet kaya tumatama sa aking mukha ang malakas at malamig na hangin ng gabi. Hindi naman ako nilalamig dahil naka-jacket ako. E, siya kaya? Wala naman kasi siyang suot na makakapagprotekta sa kaniya mula sa kalamigan. Hindi ba siya nilalamig? Tahimik lamang kami hanggang sa makarating kami sa tapat ng mansion. Alam niya ang tirahan ko dahil sikat si Mayor, at alam talaga ng mga tao rito ang lokasiyon ng mansion ni Tito. Bumaba ako nang marahan at saka napainat pa ng katawan sa sandaling biyahe namin. “Salamat sa paghatid, Chief Montehermoso. Ang dami ko ng utang sa iyo,” ngingiti-ngiti kong sambit at niyakap pa siya. Nakita kong ngumiti ito sa akin at siya na ang nagtanggal ng helmet sa akin. “Ikaw talaga. Huwag mo na akong tatawagin sa ganiyan dahil mas gusto ko na Dark na lang.” Kinindatan niya ako kaya tinawanan ko ito. “Oh, pasok ka na, innocent doll,” pang-aasar din nito na tinawanan ko lamang. Hindi naman kasi nakaka-asar iyon. Wala namang nakaka-asar. “Opo, Chief!” habol ko pa. Sumaludo ako kaya ginulo nito ang buhok ko. Muli ay pinisil na naman nito ang pisngi ko kaya natigilan ako. “Aray ko!” napapangiwing sambit ko na ikinangiti nito lalo. Nang bitawan ako nito ay nagkatitigan kami. Seryoso na muli ang mukha nito na lihim kong ikinailing. Kumaway ako rito bago tumalikod at pinindot ang doorbell. Muli ko itong nilingon at nginitian. Ngumiti rin naman ito pabalik habang nakatayo’t nakasandal pa rin sa motor nito. Tahimik lamang ito habang pinagmamasdan ako na naghihintay na pagbuksan ako ng gate. Sarado na kasi at malamang ay natutulog na si Mayor. Sumandal ako sa malaking gate habang nakatingin din sa kaniya. Sana ay magkita ulit kami. Dahil nagugustuhan ko na ang presensiya nito. Gusto ko rin ang mabilis na pagtibok ng puso ko tuwing magkasama kami. Napahinga ako. Wala pa bang tao na magbubukas ng gate? Naku! Kasalanan ko ito at nagpa-late ako ng uwi. Dapat ay maaga-aga ako babalik, e. Sinilip ko ang butas na maaring mapagsilipan upang tanawin kung may tao pa ba. Napahinga ako nang makarinig ng mga yabag. May tao na pala. Sana lamang ay hindi ito makarating kay Tito. Malamang ay masesermunan ako niyon dahil anong oras na ako umuwi ngayon. Pero mukhang imposibleng hindi niya iyon malaman. Marami siyang nakamata rito sa mansion niya, e. Lagot talaga ako nito. Muli akong napatitig kay Dark nang mag-umpisa ito sa paglalakad palapit sa akin na kabababa lang ng motor nito. Hindi nito inaalis ang tingin sa mga mata ko na parang may ipinapahiwatig na kung ano. Napalunok ako sandali at tumingala nang tumapat ito sa akin. Ang liwanag ng buwan lamang ang tanging nagbibigay sa amin ng liwanag dito. Kita ko na naman tuloy ang kaseryosohan sa mukha nito. Pinakatitigan ko ang mukha nitong may hitsura rin. Hindi ko gaanong napagtuonan ng pansin ang hitsura niya kanina kahit na guwapo ito dahil hindi naman ako mahilig sa mga ganoon. Pero ngayon? Medyo mapanga ito at may kaunting balbas sa gilid ng pisngi at sa baba banda. Makakapal din ang mga kilay nito na may korte kaya maganda tingnan, hindi iyon sabog-sabog. Maganda rin ang pares ng mga mata nito, ang ilong naman ay mataas ang buto, matangos. At ang labi ay tama lamang ang laki. Matangkad din itong lalaki at may kalakihan ang katawan na para bang banat sa gym. Sinundan ko ng tingin ang kamay nito na umangat upang ipatong sa ulo ko, hinaplos niya iyon. Bakit kaya ang hilig niyang manghaplos ng ulo? Nagtatakang tiningnan ko pa siya nang alisin niya ang kamay niya at muli akong pinatungan sa ulo ng kung ano. Nang kapain ko iyon ay napagtanto ko na sumbrero niya pala iyon na kulay itim at may tatak na Dark. Iyong suot-suot niya kanina. “P-Para saan ito?” Nailang na ako sa paraan ng pagkakatingin nito. Tila hinahalukay nito ang kaluluwa ko. At para bang tumatagos ito sa kaibuturan ko. Bakit naman ganoon siya tumingin? Hindi niya ba alam na nakakailang iyon? Unti-unting sumilay ang mga ngipin nito. Bigla tuloy akong kinabahan sa paraan ng pagngiti nito sa akin. Kakaiba iyon. Tila may ibig ipahiwatig kung kaya’t ang lakas ng kabog ng dibdib ko ngayon. “Bigay ko na iyan sa iyo. Huwag mong iwawala iyan, kundi ay magwawala ako,” tila nananakot pa nitong wika na ikina-ismid ko nang pabiro. “Bahala ka. Pero salamat dito, Chief. Iingatan ko ito para sa iyo, para sa kaibigan kong pulis.” Bumungisngis ako at nakipag-apir pa rito, nang biglang bumukas na ang maliit na pinto ng gate. Napahinto ako at nilingon iyon, bago muling balingan si Dark nang malungkot na tingin. “Bye-bye, Chief! Ingat ka sa pag-uwi. Marami pa namang nangingidnap dito,” pananakot kong sambit na inilingan lang niya. Kumaway akong muli rito habang ito naman ay bumalik muli sa pagiging seryoso ang mukha. Tumalikod na ako at pumasok sa loob kahit na ayaw pa ng mga paa ko. Isang guard ang nagbukas ng maliit na pinto ng gate para sa akin at nakatikim pa ako ng sermon dahil tinakasan ko ito at gabi na. Hindi na raw ako dapat lumalabas pa at delikado sa labas. Mababait ang guwardiya namin dito kaya kilala ko ang iba rito. At naging ka-close ko na. Pagkapasok ko ay madilim na ang buong sala. Nagkibit-balikat lamang ako at marahang tinahak ang daan pa-akyat sa kuwarto ko. Ganitong oras ang tulog ni Tito kaya malamang ay tulog na talaga iyon ngayon. Tahimik na ang buong kabahayan at kahit ang mga katulong ay nagpapahinga na rin. Binuksan ko ang ilaw ng kuwarto ko pagkarating. Napangiti ako at saka isinara ang pinto. Tila ngayon ko lang naramdaman ang pagod ko kanina nang gumala ako at makipagkuwentuhan kay Dark. Tinanggal ko ang jacket ko at saka inilapag iyon sa kama. Hindi na ako nag-abala pang ayusin ang sarili dahil ako lang naman ang narito. Maingat kong inilapag ang sumbrero ni Dark sa bedside table ko. Pumasok ako sa isang kuwarto na konektado rito sa kuwarto ko. Ang kuwarto na ginawa kong panahian ng mga dress, gown at iba pang klaseng kasuotan. Hindi pa naman ako inaantok ngayon kaya gagawin ko muna ang trabaho ko. Hindi ko ito nagawa kanina dahil sa nangyari kanina sa pagitan namin ni Tito. Napahinga ako nang maalala ko na naman ang mga sinabi nito. Bahala na. Naupo ako sa upuan ko at saka sinimulang tapusin ang mga gawain...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD