Lumipas ang isang buwan at hindi pa rin pumasok si Samson sa unibersidad kung saan pareho silang nag-aaral ng kolehiyo ni Delilah. Masyado niyang dinamdam na pagkatapos ng mag-iisang taon na panunuyo rito, ipagpapalit lang pala siya sa kinukunsidera niyang hampaslupa.
Dismayado at kinagalitan pa siya ng kanyang ama dahil inakala nito na makakatuluyan sila ni Delilah alang-alang sa pagpapalago ng kanilang negosyo. Marami kasing pag-aari ang pamilyang Catacutan na mga businesses hindi lang sa bansa maging sa buong mundyo kaya malaking "asset" ang mawawala sa oras na ayawan talaga siya ng dalaga.
"You're a disappointment. Nakakahiya ka sa lahi natin!" paulit-ulit na tumatatak sa kanyang isipan ang huling sinabi ng ama. Dahil doon, mas nagningas ang galit niya kay Spartan.
Napag-alaman na niya mula sa mga tauhan na nagmula nga ang katunggali sa 'di asensadong probinsya ng Cuh-Piz at anak ng mga magsasakang sina Bruno at Medea. Salat man sa kayamanan ang lahi ng mga Dimatinag, kinukunsidera naman silang mga bayani roon dahil mahuhusay na ngang hunters ng aswang, naaatasan din manghuli ng mga kriminal na naghahasik ng lagim sa lugar, katulad ng mga magnanakaw, r****t at mamatay-tao.
Ganoon pa man, mababa pa rin ang tingin ni Samson sa mga Dimatinag kaya masamang-masama ang loob niya na isang "promdi" pa ang magugustuhan ni Delilah.
"Pagbabayaran mo ito," puno ng poot na ipinangako niya sa sarili habang nababalot na ng kadiliman ang puso.
"Pagsisisihan mo na nakilala mo pa si Delilah at isusumpa mo ang araw na naging balakid ka sa mga plano ko..."
Habang nagbabalak ng masama si Samson kay Spartan na walang kaalam-alam na makapangyarihan pala ang nabangga, abala naman siya sa pagdidilig ng mga rosas sa hardin ng pamilyang Catacutan. Napabahing pa siya nang ilang beses kaya nagduda na siya kung may tao ba na iniisip siya.
"Kanina pa ako nasasamid at napapabahing," pagtataka niya habang pinupunasan ang tumulong sipon mula sa ilong. "May nakakaalala kaya sa akin?"
"Whatever!" pagsasawalang-bahala na lang niya sa kutob kahit na kating-kati na ang ilong at lalamunan. Nagpatuloy lang siya sa pag-aasikaso sa mga bulaklaking halaman at paglilinis ng mga nalaglag at tuyong dahon.
Lingid sa kaalaman niya, sa may likuran ng isang puno, pasikretong nagmamasid naman si Delilah na iba na talaga ang tama sa karismang taglay niya. Kanina pa siya sana nitong gustong kausapin at magpapansin pero nadadaig naman ng hiya. Nami-miss na nito ang kuwentuhan at kulitan nila pero noong nakaraang tatlong araw, inakala nito na umiiwas si Spartan. Pilit nitong iniintindi na baka nga abala siya sa trabaho pero hindi rin maiwasang makaramdam ng kaunting tampo dahil sa biglaang malamig na pakikitungong natatanggap.
"Pansinin mo naman ako," tahimik na hiniling ni Delilah habang pinagmamasdan ang crush.
Mula sa ilalim ng mga halaman, gumapang pa siya upang mas mapagmasdan ang lalaking hinahangaan.'Di alintana ang alinsangan ng panahon, sumunod siya kung saan man ito magtungo hanggang sa makarating sila sa pool. Doon ay sinimulang tabasin ni Spartan ang bermuda grass at ilang mga ligaw na damong naligaw sa lupa.
"Ang init naman, sobra!" pahayag ni Spartan kasabay ng pagpunas ng pawis na nasa noo. Pagkapa sa suot na pang-itaas, napansin niya na basang-basa na pala iyon kaya napagtanto niya na kaya pala napapabahing at parang sisipunin pa, natutuyuan na siya ng pawis.
"Makahubad nga muna at baka magkapulmunya pa ako." Nagpalingong-lingon pa siya upang siguruhing walang makakakita. Sa pag-aakalang nag-iisa lamang siya sa lugar, dahan-dahan na niyang inangat ang suot na t-shirt.
Napakagat na lang ng labi si Delilah habang pinagmamasdan na hinuhubad nito ang pang-itaas. Tila ba nag-slow motion pa ang lahat habang nape-flex ang muscles nito na nagniningning pa sa ilalim ng araw. Napalunok siya nang makailang beses nang maitutok ang paningin sa abs nito na mas lumilitaw ang bawat umbok nang dahil sa pawis.
Isinabit nito ang t-shirt sa may upuan at nagpatuloy sa pagtabas ng mga d**o. Sa init ng panahon, tagaktak na ang pawis nito na dumadaloy pa paibaba mula sa dibdib hanggang sa baywang. Silaw na silaw na napangiti na lang ang dalaga habang pinagpipiyestahan ng mga mata ang pinagpapantasyahan.
"Fafa," puno ng pagnanasa, este, paghanga na nasabi na lang niya gamit ang isipan.
"Kaya lang, fafable rin yata ang type! Hayz!" nanghihinayang na napagtanto niya habang pailing-iling.
Nag-e-enjoy na sana siya sa magandang pangitain pero parang pinaparusahan siya ng kalikasan nang dahil sa pambobosong ginagawa sa lalaki. Ilang sandali lang, naramdaman na niya ang pangangati sa braso. Nang ibaba ang paningin, nangilabot siya nang makitang isang matabang higad pala ang dumapo sa mala-porselanang balat.
"Ay!" napasigaw siya dahilan upang mapatingin sa gawi niya si Spartan na kasalukuyang nagdidilig ng bermuda grass. Saktong paglingon nito ay ang hose ng tubig na tumapat sa mukha niya kaya nagulantang din siya at nalito sa dapat gawin.
"Pfft! Isara mo!" pasigaw na inutos ni Delilah habang nabubugahan pa rin ng malamig na tubig.
"Sorry, 'di kita napansin!" aligagang paghingi nito ng paumanhin nang mapagtanto ang aksidenteng nagawa. Nagmamadali siyang nagtungo kay Delilah upang maalalayan sana ito.
"Argh! Kapag naman minamalas o!" pagrereklamo nito habang pinupunusan ang mukha gamit ang mga palad.
"Sorry talaga," pag-uulit niya habang inaakay ang dalaga upang mailayo sa mga halaman na maaaring pinanggalingan ng higad.
"Che! Bitiwan mo ako!" panunuplada pa rin niya dahil masamang-masama ang loob niya na naistorbo na nga ang viewing niya nang dahil sa pesteng uod, nabasa pa siya.
"Nanggugulat ka naman kasi e," may tono ng magkahalong paglalambing at pag-aalalang pinagsabihan siya nito. "Mahilig kang manggulat. Ayan tuloy, na-splash ka ng tubig. Huwag ka nang magalit. Peace na tayo, Besh."
Pakunwaring sumimangot pa rin siya kahit na nakikipagkasundo na nga ang kausap. Ganoon pa man, nakita niya ang pagkakataon upang mas mapalapit sa crush. Dali-dali siyang kumapit sa braso nito at nag-beautiful eyes. Nagtaka pa ang binata sa kakatwang kilos niya pero dahil sa tinuturing na kaibigan, hinayaan na lamang siya nito.
"Ayos ka na ba?" pagtatanong ni Spartan sa kanya kasabay rin ng marahang paghawak sa kamay niya na parang mighty glue kung makayapos. "Mainit naman, kaya ayan, lalamig na ang feeling mo, for sure!"
"OK na!" pabebeng deklarasyon niya. "Tama ka, dinaig ko pa ang kumain ng ice cream! Hahaha!"
Maya't maya ay natigilan si Delilah nang mapansin na nagseryoso bigla ang itsura ng kasama. Napabitiw tuloy siya at napaurong pa nang mas lumapit ito sa kanya.
"Sandali, huwag kang gagalaw," panuto nito sa kanya. Marahan pa nitong hinaplos ang buhok niya kaya tila ba may kuryenteng dumaloy sa buong katawan niya.
"OMG! Iki-kiss na ba niya ako?" pamamag-asa niya habang palapit nang palapit ang mukha ng binata sa kanya. Napapikit na lang siya nang dahil sa pananabik na mararanasan ang first kiss mula sa inaasam na lalaking walang ideya na may ibang klaseng pagtingin na pala sa kanya.
"Ayan na, my goodness!" kilig na kilig na naisip niya habang hinihintay na dumampi ang mga labi nito sa kanya.
"This is it!"
"Huli ka!" maligayang pahayag nito nang makuha ang higad na nakasiksik pala sa buhok niya.
"H-Ha?" dismayadong nasambit na lang niya. Pagmulat ng mga mata ay tumambad ang matabang higad na gumagalaw-galaw pa sa kamay ng kaibigan.
"Ang cute, Besh. Ang taba-taba! Hahaha!"
"Ilayo mo sa akin 'yan!" naiinis na nasigaw na niya. Sinagi pa niya ang kaawa-awang uod kaya nahulog ito sa damuhan. "Tatadtarin ko 'yan nang buhay!'
"Grabe ka naman, ang bad mo," pinagsabihan naman siya ng kaharap nang dahil sa kilos na brusko. "Hindi mo na alam na magiging butterflies din sila?"
"Wala akong pakialam! Basta, tanggalin mo ang lahat ng caterpillars sa hardin na ito! I hate them all!" nanggagalaiti sa inis na inutos niya. Naglakad na siya palayo kay Spartan nang dahil sa pagkapahiya at nagtungo sa gilid ng pool upang magpalamig ng ulo. Padabog niyang hinila ang bakal na upuan upang umupo subalit pinagkakaisahan yata siya ng diyos ng mga higad dahil aksidenteng tumama naman ang hinliliit niya sa paa ng bakal na silya.
"Ouch! D*mn it" napahiyaw na lang siya. Paika-ikang umatras siya sa upuan pero naapakan naman niya ang walis kaya natapilok pa siya. Sa kakaiwas ay hindi niya namalayang pool na ang kapupuntahan. Naramdaman na lang niya na bakante ang naapakan at nahuhulog na pala siya sa malalim na tubig.
"Ay! Anyare?" napatili na lang si Spartan nang makitang na-shoot sa swimming pool si Delilah at nahihirapang makaahon.
"Help!" paghingi nito ng saklolo sa kanya habang nagsusumikap na lumangoy. "I hurt my feet! I can't swim well!"
"Sandali, kapit lang, Besh!" aligagang intruksyon niya habang patakbo sa kinaroroonan ng kaibigan. Walang pagdadalawang-isip na tumalon din siya upang sagipin ito. Kaagad niyang niyakap at inahon mula sa malalim na tubig si Delilah na mangiyak-ngiyak na nang dahil sa kahihiyan at sakit din ng pagkakatapilok. Dismayado siya dahil nais lang sana niyang makita ang binata pero ang kapalit naman pala ay magkakasunod na kamalasan.
"Tahan na," pagpapakalma niya nang mapansin na naluluha na nga ang tinutulungan.
"Patingin nga," may pagkabahalang sinabi naman niya habang inoobserba ang injury ni Delilah. Napangiwi pa ito nang bahagyang inangat niya ang binti nito. "Sandali, kukuha lang ako ng yelo sa loob."
Nagmamadali siyang pumasok sa bahay at kumuha ng yelo at tuwalya. Pagkabalik ay marahan niyang ibinalot iyon sa bukong-bukong nito na bahagyang namamaga na.
"Mag-ingat ka kasi, Besh. Mabuti naman at hindi ka napilayan," pag-aalala niya rito. "Ano ba kasing ginagawa mo sa ilalim ng mga halaman? Bakit nagbibilad ka under the sun?"
"Ano...kasi.." nag-aalangan na sinagot ni Delilah habang nakatitig sa mga mata ni Spartan.
"Kasi..kasi...gusto lang sana kitang makita e..." pulang-pula ang mga pisnging pagtatapat niya.
"Nandito naman ako palagi. Kapag may kailangan ka, isigaw mo lang ang pangalan ko na 'Spartan'! Lakasan mo lang, katulad kapag sumisigaw ng 'Darna'!" pagbibiro naman nito na imbis na makapagpasaya sa kausap, mas lalo pa nitong ikinalungkot.
"Gusto ko sana. Kaya lang, napansin ko na parang umiiwas ka sa akin nitong nakaraang mga araw," pag-amin na ni Delilah. Sunud-sunod na patak ng luha ang umagos sa kanyang pisngi nang maalala ang bawat pagkakataon na inaakalang lumalayo nga sa kanya si Spartan. Kung kailan unti-unti nang nahuhulog ang loob niya sa binata, doon pa ito mas naging abala sa mga gawaing-bahay at bihira na niyang makausap.
"Di mo ba alam na nakaka-hurt ka ng feelings sa bawat pag-iwas mo sa akin?"
Napatakip tuloy siya ng bibig dahil sa mga salitang hindi napigilang lumabas sa kanyang bibig. Maging si Spartan ay nagulat at pansamantalang nablangko ang isipan nang dahil sa narinig.
"Hindi naman sa umiiwas ako, Besh, kaya lang kasi, medyo tambak lang ang trabaho-"
"Hmph! Aminin mo na lang kasi na ayaw mo sa akin!" panunuplada niya upang mapagtakpan ang hinanakit. Makirot man ang paa, sinikap pa rin niyang tumayo at maglakad upang hindi na nito masaksihan ang pag-iyak niya.
"Halika, pag-usapan naman natin ito. Huwag ka nang magtampo. Hindi ako umiiwas, maniwala ka..."
"Kausapin mo ang sarili mo!" pagsusungit lalo sa kanya ni Delilah.
"Besh, uy..." pahabol pa rin nito pero pingsarhan naman siya ng pinto ng inaamo.
Samantala, kasabay nang 'di pagkakaunawaan ng magkaibigang sina Spartan at Delilah, kanina pa pala sila pinagmamasdan ng mag-inang sina Medusa at Barbarella na nagre-relax at kumakain ng halu-halo sa may beranda ng mansyon.
"Nakikita mo ba ang nakikita ko?" pagtatanong ng ginang sa panganay na anak. "May LQ* yata." (Lovers' Quarrel)
"Hindi ako sigurado, Mommy. Pero 'di ko mawari kung para ba silang magjowa o magbeshie lang," sinagot niya habang hinahalo ang yelo, saging, gulaman, pinipig at ube sa palamig.
"Nalilito rin ako riyan kay Spartan e, kung minsan mas mahinhin pang kumilos sa babae," pag-oobserba naman niya. "Kung minsan naman, lalaking gumalaw o magsalita pero ewan ko pa rin! Malambot kasing gumalaw!"
"Pero heto, ito ang sigurado!" pahayag ng ina.
"In love sa kanya si Delilah!" sabay pa nilang kinumpirma.
"Aww, sana huwag lang ma-break ang heart niya kapag nagpakabeki na 'yan si Spartan at lalaki pala ang gusto," nanghihinayang na sinambit ni Medusa. "Sayang, napakagwapo pa naman at mukhang matino!"
"Oo nga e. Sayang na sayang. Pero ibig sabihin, OK lang sa iyo na maging magnobyo sina Spartan at Delilah?" nausisa naman ni Barbarella. "Kahit magkaiba sila ng estado sa buhay?'
"Oo naman," pagpayag ng ginang. Ipinananganak man na marangya ang buhay, hindi naman siya mapangmata ng tao. Para sa kanya, basta't nagsusumikap ang manligaw sa mga anak at responsable, walang problema sa kanya kung mayaman man o mahirap.
"Kailangan ni Delilah ng matyaga at mabuting lalaki dahil sa kakaibang ugali niya na 'di karaniwan sa isang babae," pahayag niya habang pinagmamasdan si Spartan na nangangatok at patuloy na nakikipagbati kay Delilah.
"Besh, pakibuksan naman 'yun pinto..."
"Che! Ang dami-daming pinto sa bahay! Doon ka sa kabila dumaan!" pasinghal na tinuran naman nito ang binata kaya napatawa na lang si Medusa.
Kinabukasan, hiyang-hiya pa rin si Delilah sa magawang pag-amin ng nararamdaman sa kinagigiliwang lalaki. Hindi pa rin niya ito kinibo at umiwas pa kahit na pinanghanda pa siya nito ng paboritong almusal.
"Anu-ano kasing pinagsasabi mo!" paninisi niya sa sarili habang nagkukunwaring nakikinig sa professor na nagdi-discuss patungkol sa mathematics. Napahikab pa siya nang dahil sa antok pero sinikap pa rin na magmukhang attentive kahit wala siyang maintindihan sa mga pinagsasabi ng guro.
Laking-gulat niya nang nasa kalagitnaan siya ng klase, nakita niyang nakaupo sa may corridor ang pinagtatampuhan. Kaagad na naglaho ang antok at tampo niya at napangiti na nang kumaway pa ito sa kanya.
"He cares for me," tuwang-tuwa na naisip niya kaya nang matapos ang subject, dali-dali siyang lumabas sa classroom.
"Anong ginagawa mo rito?" pigil sa kilig na inusisa niya. Masakit pa man ang pagkakatapilok, halos patakbo at patalon-talon pa niyang sinalubong ang bisita.
"Dinalhan kita ng tanghalian e," panunuyo naman ni Spartan sa kanya. Nilabas nito mula sa bag ang lunchbox na naglalaman ng kanin, ulam at panghimagas.
"Hindi ka kasi kumain ng hapunan kagabi at almusal kanina. Nag-alala ako na baka nalilipasan ka na ng gutom kaya nagpaalam muna ako kay Ma'am Medusa na hahatiran kita ng makakain."
Napukaw ang damdamin ni Delilah nang marinig ang genuine concern nito para sa kanya. Dahil nagpapakipot pa at ayaw magpahalatang mabilis na mapaamo, pinigil niya ang sarili na ipakitang natutuwa. Nakaismid na inabot niya ang pagkain at sinilip kung ano ang nasa loob.
"Ampalaya?" nakataas ang isang kilay na sinabi niya nang makita na iyon ang dinala para sa kanya. "Hindi mo ba alam na ayaw ko ng mapait?"
"Hindi naman masyadong mapait 'yan, tikman mo man. May crab meat 'yan kaya hindi mo man malalasaan 'yun gulay," paniniguro niya. Kinuha naman niya ang lunchbox kung saan naroon ang fried rice. Binuksan niya iyon at inabot din sa dalaga. "Isabay mo rito, masarap talaga 'yan, pramis! Kabisado ko na ang panlasa mo kaya for sure, magugustuhan mo. Kain na, ayaw kong ginugutom ka."
"Kinikilig ako, mwehehe!" tahimik na naisip ni Delilah habang nilalambing siya at pinagsisilbihan ng katabi. "Parang boyfriend ko na talaga! Pa-fall ka talaga, e!"
Inabot na niya ang pagkain at nilanghap ang katakam-takam na ulam at kanin. Isang matamis na ngiti muna ang isinukli niya sa binata na maligayang hinihikayat siyang kumain. Akmang susubo na sana siya ng kanin pero natigilan siya nang apat na security guards ang biglaang humarang sa kanila. Nabitiwan niya ang kutsara nang hatakin nila ang kaibigan patayo at sapilitang inilayo sa kanya.
"S-Sandali," nanlalaki ang mga matang pag-awat ni Delilah sa mga bantay ng unibersidad. Napatili pa siya nang masaksihang halos kaladkarin na nila si Spartan at ipagtulakan patungo sa may gate.
"Bitiwan niyo siya! Huwag niyo siyang sasaktan!"