CHAPTER 4

1792 Words
Chapter Four - Pearl in Blossom "Okay ka lang mahal?" tanong ni Victor sa kanyang asawa. Mapapansin ang pagkaputla ng mukha at labi nito. Nag-aalala si Victor sapagkat maselan pa naman ang pagbububtis. Nginitian ni Margarita ang asawa upang maibsan ang pag-aalala nito. Hinawakan nito ang mga maiinit na kamay na humahaplos sa kanyang mukha. "Okay lang ako mahal," sabi nito bilang pampalubag ng loob. Ibinaling ni Margarita ang mukha sa harap ng bahay, "Pamilyar ako sa bahay na ito," ani nito habang nakakunot ang mga noo. "Para bang..." natigil ito sa pagsasalita. Tila bang may inaalala ito ngunit hindi niya na maalala. "Nanggaling na ako dito noon?" sabi nito. Ngunit, hindi ito sigurado sapagkat pamilyar lang ito sa bahay dahil sa mga disenyo nito. Ipinagkibit ito ng balikat ni Margarita at bumaling sa asawa. Binuklat nito ang papel na ibinigay ni Ronald. Makikita dito ang palatandaan kung saan mahahanap nila ang bahay na tinutukoy dito. "Magkapareho ang mga palatandaan mahal," sabi nito sa asawa habang binibigay ang papel. "Pearl in blossom," sabi ni Victor habang binabasa ang mga salitang nakasulat sa papel at sa palatandaan. Bago sa kanilang pandinig ang mga katagang nakaukit sa isang maliit na pader na kasunod ng tarangkahan. 'Perlas na namumukadkad' literal na pag-iisip ni Margarita. Hindi lubos-maisip ni Margarita kung ano ang gustong ipahiwatig ng mga nakaukit. Napakamisteryoso ng mga kataga na kinakailangan ng mabusising pag-iisip upang lubos na maintindihan. Napaisip si Margarita na may dahilan sina Ronald kung bakit nila ito ginamit. Umihip ang malamig na simoy ng hangin sa buong paligid. Napapikit si Margarita ng dinampian ang kanyang mukha. Ang lamig nito ay nanunuot sa kanyang balat kaya napahawak siya sa kanyang braso at hinaplos ito. Umihip ulit ang napakasariwang pang-umagang hangin na nanggagaling sa mga punong nakapalibot sa paligid. Mabilis na napatingin si Margarita sa likod nito. Isang kaluskos ang kanyang narinig kaya siya napabaling rito. Kasing bilis sa takbo ng kabayo ang kabog ng dibdib ni Margarita. Naramdaman nito ang bawat balahibo ng katawan na nagsitayuan sa kaba at takot. "Victor," tawag nito sa asawa. Lumapit ito at pinulupot ang kamay sa bisig ng asawa. Napakunot ang noo nito ng bumaling sa kanya, "Bakit?" "Nakarinig ako ng kaluskos kanina. Sa bandang likuran natin," sabi ni Margarita. Ibinaling ni Victor ang mukha sa likuran at masinsinang tiningnan ang paligid. Hindi nito gaanong makita ang paligid sapagkat masukal ito. Mag-aalas singko pa lang ng umaga kaya wala pang sinag ng araw na magpapailaw sa buong paligid. Nakakatakot itong tingnan sapagkat napapalibutan ito ng mga naglalakihang mga puno at makakapal na mga dahon. Naramdaman ni Margarita ang pagdapo ng kamay ni Victor sa kanyang likuran. Dahan-dahan itong humahagod na parang hinihele ang kanyang katawan. Hinihigop at naiibsan lahat ng problema at pag-aalala na kanyang dinadala. Binalingan ito ni Margarita at tiningnan ang asawa. "Mabuti pa ay pumasok na tayo mahal para makapagpahinga ka na," sabi nito. Isang tango ang naging sagot ni Margarita. Pagod na ang katawan nito upang magsalita pa. Napabuntong-hininga ito upang maibsan ang kaba na kanyang nararamdaman. Hinawakan at hinagod nito ang kanyang tiyan para mapanatag ang kanyang loob. Kung mananatili ganito ang kanyang magiging sitwasyon, ikapapahamak ito ng kanilang anak. "Mauuna akong papasok habang nakasunod ka sa aking likuran. Kailangan nating siguraduhing ligtas ang bahay bago tayo magpapahinga," ani Victor. Tinanguan ulit ito ni Margarita. Pagod ng magsalita pa. Sinundan niya ito habang magkahawak ang kanilang mga kamay. Dahan-dahan ang kanilang mga galaw at bawat apak ay sinisigurong maingat. Tumindig ang kanyang balahibo nung buksan ni Victor ang tarangkahan. Parang lahat ng kilabot sa kanyang katawan ay lumabas nung marinig ito. Kinakalawang na ito kaya maingay ito nung buksan. Inalalayan siya ni Victor habang papasok hanggang nasa likuran na ng tarangkahan. Maraming nagkalat na dahon ng mahogany ang makikita sa buong paligid ng bahay. 'Matagal na ata itong hindi nalilinisan nila Ronald' isip ni Margarita. Ang mga naglalakihang bakod nito na nagsisilbing proteksyon ng bahay ay nababalotan na ng mga makakapal na damo. Napatingin siya sa kabuoan ng bahay. Kahit lumang tingnan na ang bahay ay hindi parin mawari ang kagandahang taglay ng pagkakadesinyo nito. Napapanatili parin ang pagiging grandyoso nitong tignan sa kabila ng ilang mga taong lumipas na nagpapaluma nito. "Tumuloy na tayo mahal baka may makakakita pa sa atin dito," sabi ni Victor habang tinitingnan ang paligid. Bumaling siya kay Victor at tinanguan ito. Isang hakbang sa kahoy na hagdanan papuntang portiko na may animang gilid, nag-ingay ito ng apakan nila. Bawat apak sa sahig ay nakababahala sapagkat luma at hindi na gaano itong matibay. Baka mapaano pa sila kaya't dahan-dahan silang naglakad dito. Isang katok ang ginawa ni Victor. Pinakinggan niyang mabuti kung may kakalabog sa loob pero wala. Dahan-dahang inikot ni Victor ang door knob nito upang buksan. Bigla nalang itong bumukas sapagkat sira pala ito. Hindi nila inaasahan ang mga alikabok na bumungad sa kanila nung buksan ang pintuan kaya sila napaubo. Pinagpag ni Victor ang mga alikabok sa kanyang damit at may inabot sa dingding katabi ng pintuan. Nagkaroon ng ilaw ng maabot nito ang mga switch. Napamangha si Margarita sapagkat napakalaki ng espasyo sa loob nito. Bumungad sa kanila ang mga gamit nitong natatakpan ng mga puting tela, mga alikabok sa sementadong sahig, at ang kisame at mga ilaw na binabahayan ng mga gagamba.Sa tansya ni Margarita, ang espasyong sinasakop na kanyang nakikita ay may kabuoang sampong metro kwadrado ang laki. Ang napakalaking espasyo na kanyang nakikita ay ang sala at hapag-kainan. Sa kaliwang bahagi makikita ang sala ng bahay. Napakasimple lang nitong tignan sapagkat bukod sa mga upuang nababalotan ng puting tela ay may nakabalot rin na makikita sa dingding. Nag-iisa lang ito sa mga dingding ng sala. Walang nakasabit sa gitnang dingding at sa kabilang dingding naman ay nagtataasang bintana. Napatingin siya sa kisame nito na kung saan may nakabitin na chandelier. Kahit na binabahayan na ito ng gagamba ay makikitang constellation ang naging inspirasyon nito. Sa kanang bahagi naman ay makikita ang hapag. Natatakpan rin ang napakalaking lamesa at ang mga upuan nitong kay taas ng papahingahan. Ngunit iba ang hapag kumpara sa sala. Ang gitnang dingding nito na yari sa kahoy ay may mga nakaukit na mga mukha. Ibat-ibang mukha ang makikita nito ngunit bukod tangi ang makikita sa gitna sapagkat makikita dito ang isang babae na may dalang bata. Biglang napangiti si Margarita habang nakatingin dito. Hinaplos niya ang kanyang tiyan habang dinadama ang tumitibok na buhay sa loob nito. Napabaling si Margarita sa kanang dingding, katulad din sa sala ay makikita ang nagtataasang mga bintana. Habang ang kabila naman ay isang counter top na nagsisilbing harang sa pagitan ng counter bar at nang hapag-kainan. "Hali ka na mahal," tawag ni Victor sa kanyang asawa. Sumunod agad si Margarita sa kanyang asawa papasok sa susunod na bahagi ng bahay. Isang napakalawak na pasilyo na may hangganan na susukat ng sampong metro. Sa kaliwang bahagi ay isang napakalaking dingding na may pintuan sa gitna ang matatagpuan. Maganda ang pagkakadesinyo nito kahit walang mga larawan na nakalagay.  Ang mga pinturang ginamit pangkulay nito ay nakikibagay sa paligid nito kaya mas kaayaaya itong tingnan sa mata. Sa kanang bahagi naman ay ang counter bar kung nasaan may lapad itong limang metro. Ang dingding nito ay ginamitan ng baldosang keramika na nagpapabigat nitong tingnan. Sa paraang ito, mas nakakaayang tingnan ang bar area sapagkat nababagay ito sa mga malilit na ilaw na umiilaw sa mga baldosang keramika. Habang nabibighani si Margarita sa kanyang nakikita ay napatingin ito sa kisame. Hindi niya aakalain na wala ng mas gaganda pa sa kanyang nakikita kung hindi ang kisame. Punong-puno ang kisame ng ibat-ibang painting na may pinong-pino ang pagkakadetalye nito na aakalain mong totoo. Makikita ang mga batang anghel na parang binibitbit ang mga ilaw, mga taong nagtutulongan sa kanilang nga ginagawa, at mga maninipis na ulap sa gilid ng mahabang kisame. Nakabitin ang mga naglalakihang mga chandelier na may ibat-ibang hugis ang nagpapailaw sa engrandeng pasilyo. At bawat chandelier ay may nakabitin na maninipis at mataas na ilaw. Sa pagkamangha ni Margarita, nagulat ito noong nabangga nito ang likod ng asawa. Napaungol si Margarita sapagkat tumama ang baba nito sa matitigas na likod ni Victor. Nagtataka si Margarita kung bakit tumigil ang kanyang asawa sa gitna ng napakalawak na pasilyo. "Bakit ka tumigil mahal?" tanong ni Margarita. Hindi ito sinagot ni Victor ngunit tinakpan nito ang bibig ng asawa. Umungol si Margarita para magsalita ngunit pinigilan ito ng asawa. Nilagay ni Victor ang daliri sa labi para patahimikin ang asawang umuungol. Natigil si Margarita sa kanyang pagpoprotesta at napakunot ang noo habang tinitingnan ang asawa sa mata. Napansin ni Victor kung gaano kalinis ang nilalakaran nilang pasilyo. Napatingin ito sa kanilang likuran kung saan sila naglakad. Napansin niyang napakadumi ng sahig katulad din ng sala. Ngunit, nang tingnan niya ulit ang lalakaring pasilyo sa harap nila ay napakalinis nito. Mas naging alerto si Victor sa kanyang pagmamasid sa buong paligid. Hinigpitan niya ang paghawak sa kamay ni Margarita habang dahan-dahan nilang nilakad ang pasilyo. Ilang hakbang ang kanilang nilakad at narating nila ang silid pahingahan sa kanan papunta sa labas kung saan makikita ang alfresco ng bahay. Ang mga upoan nito ay nakahilera sa bawat gilid at ang malaking sliding french patio na klaseng pintuan sa gitna na nang anyaya papunta sa alfresco. Napansin ni Victor na nakaawang ang pintuang ito sapagkat ang katabi nitong maninipis na kurtina ay mahinang gumagalaw. Ang mga bintana namang katabi ng pintuan ay sirado ng tingnan niya ito. Nakapanghihinala sapagkat ang tugon sa kanila ni Ronald ay walang taong nakatira sa bahay. Biglang nakarinig sila ng kaluskos sa labas ng alfresco malapit sa pintuan. Mas naging alerto si Victor at nagmasid ng mabuti para kumpirmahin ang kaniyang hinihinala. Isang anino ang lumutang sa labas ng bintana. Iniwan niya muna ang kanyang asawa at naglakad ng masinsinan papunta sa pintuan. Pinulot niya ang isang walis na nakatayo sa gilid ng pintuan at hinanda habang dahan-dahang binuksan ang pintuan. Mabilis niyang pinokpok ang kanyang dalang walis ngunit isang halaman ang kanyang natamaan. Nilibot niya ang kanyang paningin para kumpirmahin ang kanyang nakikita sapagkat sigurado itong may anino kanina sa bintana. "Victor, anong nangyari?" "Wala mahal. Sinisiguro ko lang na walang tao sa paligid." Kinunotan ito ng noo  ni Margarita at tumango nalang. Hindi siya kumbinsido sapagkat alam niyang may hinahabol ito kanina. Ngunit, nag-aalala siya baka mapaano ang kanyang asawa. "Hali ka na mahal. Huwag mo na isipin iyon," sabi ni Victor. Inakbayan ito ni Victor at hinalikan ang noo ng asawa. Maingat niya itong nilakad papasok ulit ng bahay. Patingin-tingin parin ito sa paligid sapagkat hindi siya kampante sa bahay. Bako pa nila marating ang pintuan, napabalikwas si Victor ng nagulat itong  naramdaman na  may humawak sa kanyang likod. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD