Chapter Five - Kaibigan
"Tulong..." ani ng isang napakalalim na boses sa kanilang likuran. Napabalikwas ang mag-asawa dahil sa pagkakagulat ng makarinig sila ng boses. Akala nila ay wala ng tao sa paligid ng tingnan nila ito. Ngunit, lumitaw dito si Ronald na paika-ikang naglakad papunta sa kanila.
Lumapit kaagad ang mag-asawa para tulongan ang kaibigang sugatan. Nakakaawa itong tingnan sapagkat babad na sa dugo ang damit na sinusuot nito. Ang mukha nito ay maraming galos, at ang mga sugat naman nito ay patuloy na dumudugo. Makikita ang nanghihinang katawan at ang mga pagod nitong mga mata.
Dahan-dahan nila itong inalalayan papasok ng bahay. Kinuha naman ni Margarita ang mga nakatakip na puting tela sa mga upoang sopa upang doon na magamot. Mabilis na kinuha ni Margarita ang mga kakailanganin para gamutin ang sugat nito.
"Ikaw lang ba? Si Densio?" alalang tanong ni Margarita.
Matagal na nakasagot ang binata sapagkat naalala niya ang sugatang balikat ni Densio. Napapikit ito habang iniinda ang hapding lumalapat sa kanyang mukha.
"Pinapapunta ko muna siya sa bahay..." namayani ang katahimikan, "baka ano pang nangari roon," dagdag na sagot nitong nakatungo.
"Densio, ikaw na muna ang pumunta roon," ani Ronald habang hingal na hingal.
"Paano ka kuya? Marami ka pa namang sugat."
"Kaya ko pa naman. Kailangan ko pang sundan ang mag-asawa baka mapaano sila."
"Sige! Ipagsasabi ko nalang. Mag-iingat ka," ani Densio na makikitaan ng pag-aalala sa mga mata.
"Mag-iingat ka rin. Ipagamot mo rin ang tama sa iyong balikat!" at nginitian ang palayong binata.
"Hindi ba siya nasaktan pare?" tanong naman ni Victor.
"May tama sa kanyang balikat ngunit kaya na niya ang kanyang sarili," sabi ni Ronald at bumuntong-hininga. Hinubad ni Ronald ang kanyang damit para magamot narin ang mga pasa sa kanyang katawan. Puno narin ng pawis at dugo ang kanyang pawis kaya kinakailangang mahubad.
Tagaktak na ang kanyang mga pawis na dumadaloy papunta sa kanyang katawan. Makikita ang magandang hubog nito at ang balat nitong mala-moreno. Ang nag-uumbukang dibdib nito, ang mga bisig nitong siksik sa laman, at ang tiyan nitong aakalain mo na may mga batong nakapatong.
Naiilang narin si Margarita sa paggamot kay Ronald sapagkat parati itong nadidisturbo sa pagsinghap ng binata. Nakikita niya kung paano ito bumaling sa itaas habang nakapikit ang mga mata. Ang Adam's apple naman nito ay taas-baba na tila'y inaakit ito. Dahil dito, parating nadidiin ni Margarita ang mga bulak sa mga sugat.
Tumikhim si Victor upang makuha ang atensyon ng asawa. Nagising naman si Margarita sa kanyang ulirat at tinapos ang paggamot. Dahan-dahang dumilat ang kanang mata ni Ronald at tiningnan si Victor.
"Tapos ko ng mabendahan pare," sabi nito habang tinuturo ang paa. "Pwede mo na ibaba ang iyong paa."
"Siya nga pala Ronald, nakumpirma niyo ba talagang galing sa aking ama iyon? " tanong ni Margarita na ikinabigla ng dalawa.
"Hindi Margarita ngunit narinig namin ang pangalan ni Don Miguel. Kilala mo ba siya?"
"Oo ama ko siya," sabi nito at napatungo. "Pagpasensyahan niyo na kung pati kayo ay nadamay sa problema namin," dagdag nito.
Napatango nalang si Ronald. Namutawi ang nakakabinging katahimikan sa loob ng silid pahingahan. Hindi inaasahan ni Margarita na dadating sa punto na marami ang madadamay sa kaguluhan ng kanyang pamilya.
"Maiwan ko muna kayo Victor. Pupunta muna ako sa kusina para makapaghain na ako ng agahan," sabi ni Margarita habang naiilang na tumingin kay Ronald.
Naningkit ang mga mata ni Victor at tinanguan nalang ang asawa. Mabilis itong tumalikod at naglakad papunta sa kusina. Napailing nalang si Victor habang tinitingnan ang asawa. Dama nitong biglang nagbago ang ihip ng hangin.
Mabilis ang lakad ni Margarita kaya narating nito ang kusina kaagad. Hapong-hapo nito ang dibdib habang pinapakalma ang sarili. Umupo muna ito sa katabing upoan at nilapag ang mga dalang gamot sa mesa.
Tinampal nito ang noo at napabuntong-hininga. Kailangan niyang mag-isip ng paraan upang patigilin ang kanyang ama sa kanyang ginagawa. Marami ng nadadamay, nasasaktan, hanggang sa punto na may napapatay. Gusto na siyang sumuko sa kanyang ama ngunit kay aga pa. Maaga pa para iwan nito ang asawa. Tutol na tutol ang ama sa kanyang asawa kaya alam niyang gagawa at gagawa ito ng paraan para ipaglayo ang mag-asawa.
Isang hikbi ang namutawi sa loob ng kusina. Ngunit, anong pigil niya sa kanyang nga hikbi, napahagulhol ito ng takpan niya ang kanyang bibig.Mahihinang hikbi na punong-puno ng sakit, kawalan ng pag-asa, at pighati sa mga masasamang nangyari sa kanilang buhay.
Damang-dama nito ang paninikip ng dibdib - nabibigatan na ito sa lahat ng mga problemang iniinda. Napatingin ito sa itaas ng kisame upang maibsan ang mga luhang patuloy na dumadaloy sa kanyang mga pisngi. Dama nitong kay hina na ng kanyang ulo para man lang tingnan ang kisame. Sa lahat ng mga taong nadadamay, dama nito ang awa at hiya. Gusto niyang pigilan ang nararamdaman sapagkat walang-wala ito sa mga taong nadamay - sa mga taong nasaktan. Kahit katiting hindi tutumbas ang nararamdaman niya. Nanlulumo ang kanyang puso, nanghihina ang kanyang katawan, at ang isip nito ay gulong-gulo.
"Sana ay ako nalang iyong namatay, kaysa ang mabuhay pero kapalit naman ang ibang buhay," bigkas nito bigla.
Wala na itong masabing iba sapagkat dama nito ang kawalan ng pag-asa. Ngunit, napasinghap ito ng madama ang mga bisig na yumakap galing sa likuran. Ang mainit na mga bisig na nagpapagaan sa kanyang magulong damdamin. Dama nito ang malambot nitong pagyakap tanda ng pag-iingat at pagmamahal para sa asawa.
Ang hinahanap-hanap at ang kinakailangan niya sa mga panahong kailangan niya ng karamay, ay nandito na nakayapos na sa kanya. Hindi niya napigilan at niyakap niya ito nang kay higpit. Wala itong masabing iba kung hindi 'patawad'.
"Tahan na aking mahal..." bulong ni Victor sa kanyang asawa. Hindi narin napigilan nito at napaluha narin.
Habang nakikita at naririnig niya ang kanyang asawa kanina ay hindi niya napigilan ang pagbuo ng kanyang kamao. Nagsisi siya kung bakit niya ito niyayang magpakalayo sa kanyang ama. Dama nitong siya ang puno't-dulo sa mga taong nadamay at ang sakit na naramdaman ng kanyang asawa.
Humarap sa kanya si Margarita at niyakap siya ng kay higpit. Walang ni isa ang nagsalita. Bawat isa ay pinapakiramdaman ang bawat pagsusumamo ng kanilang mga pag-iyak.
Damang-dama ni Victor ang sakit na dinadala ng kanyang asawa. Ang mabibigat nitong paghikbi na nagpapabigat rin sa kanyang damdamin. Wala siyang nagawa kung hindi haplusin ang buhok nito.
Napapikit si Victor. "Tahan ka na aking mahal. Harapin nating dalawa ito. Walang susuko mahal," ani nito at napahikbi.
"Kung mananatili tayong mahina, paano natin haharapin ang mga kinabukasan? Kung mananatili tayong magpapatali sa ating nakaraan, paano tayo uusad sa pang-araw-araw? Kung hindi tayo marunong tumanggap sa mga nangyayari ngayon," tumigil ang boses nito sa pagsasalita. "Paano na ang pamilya natin? Ang magiging mga anak natin, at mga anak ng anak natin?" dagdag nito sa mahinang boses. "Paano nalang lahat ng mga plano natin kung hindi tayo lalaban? Susuko ka nalang ba?"
Tumigil si Margarita sa pag-iyak. Umiling-iling ito sa kanyang asawa bilang pagtutol sa tanong. Kailanman ay hindi siya susuko, ipaglalaban niya ang kanyang pamilya kahit anong unos ng problema ang dadating sa kanilang buhay.
Hinahalik-halikan nito ang noo ni Margarita. Dinaramdam ang bawat parte ng kanyang mukha. Ang noo, ilong, mga lumuluhang mata, mga pisnge, at ang mga labi nito. Gusto niyang pawiin ang sakit na dala ng kanyang asawa. Kaya nangangako itong simula sa araw na ito, gagawin niya ang lahat upang hindi na luluha ang kanyang asawa.
Isang katok ang nagpatigil sa kanila. Mabilis nilang pinunasan ang kanilang mga mata at pisngi. Isang malalim na hininga ang kanilang ginawa upang ilabas ang kanilang nararamdaman. Hinalikan muna ni Victor si Margarita bago humarap sa nakatayong lalaki malapit sa b****a ng kusina.
"Okay lang kayo? Parang..." tumigil si Ronald sa pagsasalita at ngumiti, "may nakaligtaan akong magandang pangyayari?" sabi nito at humalakhak.
"Hindi naman. Just comforting my wife," ani Victor.
Ngumiti si Ronald, "Margarita, huwag mong aakuin lahat ng problema..." ngumiti ito sa mag-asawa, "nandito kami. Para tulungan kayo. Huwag mong sisihin ang sarili mo dahil kami - kami ang may gusto, kami ang gumagawa at gagawa. Kaya huwag ka nang umiyak diyan. Nandito lang kami palagi sa iyong tabi."
Napangiti si Margarita habang nakikinig sa mga magagandang kataga na lumalabas sa bibig ni Ronald. Katulad ito ng huni ng mga ibon - pinaadpad lahat ng iyong pag-aalinlangan at lahat na matitira ay ang kapayapaan.
"Pagpasensyahan niyo na," sabi ni Margarita at nagpunas na mga natitirang luha. "Hindi ko pa naihanda ang agahan natin," dagdag nito at natawa.
"Walang problema. Okay lang, hindi pa naman ako gutom. Gusto mo..." at tumingin kay Victor, "tulongan nalang kita?" suhestiyon ni Ronald.
"Naku pare!" singit ni Victor, "ako na ang tutulong sa asawa ko," dagdag nito at natawa.
"Kayo talagang mga kabataan ngayon, ang init nuh?" sabi ni Ronald at nakitawa narin.
"Ilang taon ka na ba Ronald? Hindi ka pa naman ata matanda? O may asawa kana?" ani Margarita na ikinatawa ni Victor.
Hindi kaagad nakasagot si Ronald sapagkat natawa ito sa reaksyon ni Victor. Pabiro niyang sinuntok ang braso nito. "Bente-singko pa naman Margarita."
"Asawa pare?" tukso ni Victor.
"Wala pa pare," sagot nito habang naniningkit ang mata na tumingin.
"Naku! Ang laki naman pala ng problema mo pare. Baka maabutan ka na ng kalendaryo?" tukso ni Victor at humalakhak ng kay lakas.
"Huwag mo nang isipin iyan Ronald. Pagpasensyahan mo na ang asawa ko gutom lang iyan kaya ganyan," ani Margarita.
Nagtawanan silang tatlo sa dahil sa sinabi ni Margarita. Ang buong bahay ay napuno ng halakhak. Napangiti nalang si Margarita sa kanyang nakikita. Tumingin ito sa labas at humiling sa mga kalangitan na sana'y parati ganito kasaya ang buhay nila.