Xavier’s Point of View
Napatingin kami ni Mikael sa isa’t-isa nang nagpaalam ang mabait na babaeng kumausap sa aming dalawa. Nasanay naman na ako sa lamig ng tubig at sa lakas ng hangin dahil sa pagbagsak ng tubig sa lawa mula sa mataas na talon.
“Tara ulit,” ang yaya ni Mikael. “Okay ka naman, hindi ba?”
Ngumiti naman ako at tumango. Muli kaming nagtungo sa batuhan kung nasaana ng talunan.
“Sabay naman tayong tumalon,” ang sabi ni Mikael nang makarating kami. Tumango naman ako at nagsimula naman siyang magbilang. “One… Two… Three… Jump!”
Magkahawak-kamay nga kaming tumalon. Pagkapasok naming sa tubig ay kaagad niya akong hinila papalapit sa kanya. Hinawakan niya ang mukha ko at kaagad siniil ng halik. Ang mga kulay kayumanggi niyang mga mata ang aking nakikita. Ramdam ko ang mga mainit-init niyang labi. Pumikit naman ako at nagpaubaya. Ilang segundo kami sa ilalim ng tubig, naghahalikan. Kumalas naman siya at sabay kaming umahon. Kaagad ko siyang hinanap. Isang matamis na ngiti ang nasaksihan ko. Ang ngiting palagi kong hinahanap, ang ngiting dahilan kung bakit ko siya nagustuhan.
“Mikael!” ang protesta ko sabay hampas sa braso niya.
“Sa wakas,” ang komento niya, suot niya pa rin ang ngiting tagumpay sa kanyang mga labi. “Akala ko, hindi na darating ang pagkakataong ‘yun.”
“Oo na,” ang komento ko. “Pero ‘wag kang magsasabi sa iba. Papatayin tayo ni Xander kapag nalaman niya ang ginawa natin.”
“Tara ulit?” ang muli niyang yaya.
“Ayoko na!” ang bayolente ko namang pagtanggi sabay tulak sa kanya. “Isa ka nga talagang soro.”
“Mahal mo naman ang sorong ‘to, hindi ba?” ang paglalambing niya sabay puppy dog pout. Itinulak ko naman ang tubig patungo sa mukha niya sabay lakad palayo ngunit kaagad naman niyang kinuha ang kamay ko. “And where do you think you’re going? Hindi mo pa rin sinasagot ang tanong ko.”
“Alam mo naman kung anong isasagot ko,” ang argyumento ko naman.
“Iba pa rin kapag sinabi mo at naririnig ko,” ang tugon niya. “Sagutin mo na kasi, please. Xavier, please. Mahal moa ko, hindi ba?”
Napangiti naman ako.
“Oo,” ang nahihiya kong sinabi.
“Oo?” ang pag-uulit niya. “Na?”
“Mahal kita,” ang tugon ko.
“Ang cute mo talaga Xavier. Kahit na, mas mukha kang tigasin sa akin.”
“Mikael!” ang reaksyon ko na ikinatawa niya. Napailing naman ako. “May pagka-romantic din pala itong lugar, kahit na may mga tao.”
“Kasama mo kasi ako,” ang tugon naman ni Mikael. Tumango naman ako bilang pagsang-ayon.
“Excuse me,” ang singit ng isang boses. Kapwa naman kami natigilan at napatingin. Si Samantha. “Sorry kung nadisturbo ko ang pagmo-moment niyong dalawa. Baka nakalimutan niyong may barkada kayong kasama. Kanina pa namin kayo hinihintay.”
Napatingin naman kami ni Mikael sa may batuhan. Naroon na nga sila Xander, Trisha at Nico. Napataas ng kilay si Xander sabay tupi ng kanyang mga kamay.
“Sorry,” ang paghingi ko ng paumanhin. Kaagad naman akong umahon mula sa tubig.
“Teenager ka, girl?” ang tukso naman ni Nico nang tumabi ako sa kanya. Hindi ko na lang siya pinansin. Nang ma-kompleto kami ay muli naming tinahak ang trail pababa. Sa ilang station ay tumitigil kami upang magpahinga o kumain ng kung ano mang tinda nila roon.”
“Saan na tayo pupunta?” ang tanong ko naman habang kumakain kami ng mais.
“Ang rinig ko may surfing spot dito,” ang tugon naman ni Mikael.
“Ah, sa Sabang Beach,” ang maligalig namang saad ni Samantha. “Doon nga tayo susunod na pupunta. Marunong kayong mag-surf?”
“Kaunti lang,” ang sagot ni Mikael. “Madalas kami ng pamilya ko sa Siargao kaya natuto ako… pero matagal-tagal na rin ang huli.”
Pinagpatuloy naman namin ang paglalakad nang makapagpahinga.
“Xavier,” ang pagtawag sa akin ni Mikael. Napatingin naman ako sa kanya. “Gusto mo bang makilala ang pamilya ko?”
“Huh?” ang gulat ko namang reaksyon. Hindi ko kasi ito inasahan; biglaan naman kasi siya magtanong tungkol sa ganitong bagay. “O-oo naman.”
“Pagkabalik natin, ipapakilala kita.”
“Mikael, huwag ngayon,” ang komento ko naman. “Huwag ngayong nasa ganito pa rin kaming sitwasyon. Ano na lang iisipin nila kung isang-araw na lang nag-iba ang itsura ng boyfriend mo?”
“Sige,” ang walang gana niyang pagpayag, ramdam ko sa tinig niya ang pagkadismaya.
“Pangako, kapag bumalik na ang lahat sa normal, gagawin natin ang lahat ng gusto mo,” ang pangako ko.
“Lahat?” ang pag-uulit niya.
“Oo, lahat,” ang pagkumpirma ko naman. Napangiti naman siya ng nakakaloko. “Bakit ganyan ka kung makangiti?”
“May gusto kasi akong gawin,” ang tugon niya.
“Ano?”
“Yung normal na ginagawa ng mga magkasintahan,” ang indirekta niyang sinabi. “To sleep with you.”
“Ah,” ang tanging reaksyon ko naman. “Yun lang pala.”
Natawa naman siya sa naging reaksyon ko.
“Ang tapang, ah,” ang komento niya. “Sorry in advance, baka mapa-iyak kita.”
“Loko!” ang tugon ko pero naiintindihan ko naman ang gusto niyang ibig sabihin.
Nang makarating sa dulo ng trail ay dumeretso kami sa van. Mabilisan namang natuyo ang aming mga damit dahil sa init at sa tagal ng aming paglalakad. Hindi pa naman kami napapagod, nagawa pa nga naming sumabay sa mga kantang tumutugtog ngayon sa van. Bumaba kami ng van nang makapagpark si Mikael. Tumingin ako sa paligid. May ilang shop. Sa di kalayuan ay natatanaw ko na ang karagatan.
“Mas maganda sana kung narito tayo para panoorin ang sunrise,” ang komento ni Samantha nang nagsimula kaming maglakad papunta sa public beach. “Hindi siya ganun kaganda tulad ng mga white sand beaches sa ibang lugar pero may angkin itong kagandahan na babalik-balikan mo.”
“Gusto mo bang subukang mag-surf?” ang tanong sa akin ni Mikael. “Turuan kita kung paano.”
“Huwag na lang, Mikael,” ang pagtanggi ko. “Mas takot ako sa karagatan. Bakit hindi mon a lang enjoy-in ang pagkakataong narito tayo? Mag-surf ka habang ako naman ay maglalakad-lakad.”
“Sasamahan ko na lang si Xavier,” ang sabi naman ni Trisha.
“Mukhang ako rin,” si Samantha. “Kayong tatlo na lang ang mag-enjoy sa pagsu-surf.”
At naging ganun nga ang naging set-up naming. Sila Mikael, Xander at Nico ay naghanap ng mga surfboard na pwede nilang marentahan. Wala namang naging problema dahil nagkalat lang ang mga yun sa palid. Pinanood naming silang tatlo. Nagsimula namang kumuha ng mga litrato si Trisha. Ilang beses nahulog sa tubig si Nico kaya naman tawa lang kami ng tawa sa aming mga nasasaksihan. Tinuturuan naman siya nla Xander at Mikael.
Nagsimula naman kaming maglakad nila Samantha at Trisha nang makakuha kami ng sapat na litrato ng tatlo pa naming kasama. Hinayaan namin ang paghampas ng mga alon sa aming mga paa. Pinanood naming ang ibang tao sa paligid. May mga gumagawa ng mga kastilyong buhangin, may nagsusulat sa buhangin gamit ang kanilang daliri, at mga batang nagtatakbuhan. Hindi naman ganun kadami ang tao kaya na-e-enjoy pa rin namin ang beach.