MALALIM na ang gabi. Buo ang buwan at ang mga bituin ay tila ba sumasayaw sa kalangitan. Ilang oras ang layo mula sa Richmond University, makikita si Blue na naglalakad sa gitna ng isang kakahuyan. Napuno ang paligid ng ingay mula sa mga kuliglig na namamahinga sa ilang puno. Nang makarating siya sa isang parte na wala masyadong puno ay tahimik siyang tumigil. Inilabas niya ang isang garapon ng puting pulbura na kanyang ginamit upang gumawa ng isang malaking bilog, iba pang mga hugis at mga simbolo sa lupa. Nang matapos ay pinalibutan niya ito ng mga sinindihang kandila. Hawak niya sa kanang kamay ang litrato ni Xander samantalang sa kaliwa ay hawak niya ang ilang hibla ng buhok ng taong gusto niyang turuan ng aral. Sa isang metal na mangkok ay dahan-dahan niyang sinusunog ang mga hawak siya. Sa kanyang pamilya ng mangkukulam. Tanging siya lang ang may elementong apoy kaya ito ang gamit niya sa paggawa ng mga ritwal. Sinimulan niyang bigkasin ang isang enkantasyon.
“Quid mihi detraxi, Ter et reddi; caput ad pollicem, et nervi cutis; Prorsus ut vos adepto quod merentur.” ang bulong niya sa hangin ng ilang beses. Nagsimula namang takpan ng mga ulap ang buwan. Tila ba nagbabadya ang ulan. Sa di kalayuan ng dormitory ay may malakas na kidlat na bumaba mula sa kalangitan kasunod ng isang malakas na pagkulog. Muli namang nawala ang mga ulap at muling nagpakita ang buwan; hudyat ang pagtatapos ng ritwal. Isinara niya ang bilog at naglakad pabalik.
Xavier’s Point of View
MEDYO late na kami natulog ni Nico dahil sa dami ng kanyang tanong. Hindi ako masyadong makwento ngunit isa siya sa mga taong nagpapalabas ng kadaldalan ko. Minulat ko ang aking mga mata. Ako lang ba? Bakit parang kakaiba. Ramdam ko ang comforter sa aking balat. Sumilip ako sa loob. Wala akong pantaas at tanging boxer shorts lang ang suot ko. Hindi ako ganito manamit sa pagtulog. Mas lalo akong nakita nang makitang may abs ako. WALA AKONG ABS! Kaagad akong napaupo at napatingin sa paligid. Hindi ko to kuwarto ngunit alam kong nasa dorm lang ako dahil halos pare-pareho ang itsura ng mga kuwarto. Napatingin ako sa katabing kama. Wala roon si Nico kundi si Jace; ang member ng Soccer Team at roommate ni Xander. Anong ginagawa ko rito? Anong nangyayari?? Bumaba ako ng kama at nagimbistiga. Hindi ako pamilyar sa mga gamit sa paligid. Kinuha ko ang isang phone sa side table. Iba ng phone case.
“s**t,” ang reaksyon ko sabay balik nito sa side table nang mapagtantong kay Xander ito. Bumaba ako ng kama at dumeretso sa banyo. Kaagad tumambad ang mukha ni Xander sa salamin. “Hindi... hindi ito nangyayari...”
Sinubukan kong gumalaw-galaw na kaagad sinundan ng repleksyon sa salamin. Pumikit ako at sinampal ang aking sarili. Pagmulat ng aking mata ay mukha pa rin ng kakambal ko ang nakikita ko sa salamin.
“No!!!!” ang sigaw ko.
“Xander! Xander! Okay ka lang, dude?” ang tanong ng isang boses mula sa labas sabay katok sa pinto ng banyo. Ako nga si Xander... pero sigurado akong ako si Xavier. Ang gulo! Binuksan ko ang pinto, bumungad ang mukha ni Jace.
“Jace,” ang pagtawag ko sa kanya.
‘Okay ka lang?” ang tanong niya.
“Sino ako?” ang tanong ko. Napakunot naman siya ng noo.
“Ikaw? Ikaw si Natoy na mahal na mahal ako,” ang pilosopo naman niyang tugon. “Iba ang tama ng hang-over mo ngayong araw, Xander. Para kang nasisiraan. “
“Hindi. Panaginip lang to,” ang pangungumbinsi ko sa aking sarili. “Imposibleng mangyari ito. Panaginip lang ito.”
Dumeretso ako sa kama ni Xander at nahiga. Pinikit ko ang aking mga mata.
“Xavier, gumising ka na,” ang sabi ko sa aking sarili bago muling binuksan ang aking mga mata. Tumingin ako sa paligid. Walang pinagbago. Nakatingin si Jace sa akin na tila ba nababaliw na ako. Ganun din ang aking nararamdaman. Kailangan kong makita ang tunay kong katawan. Bumaba ako ng kama, kinuha ang nakita kong T-shirt sa tabi at kaagad yung sinuot bago tuluyang lumabas. Pababa ako ng hagdanan nang makasalubong ang isang pinakapamilyar na mukha. Ang mukha ko... ang katawan ko. Kapwa kami natigilan.
“Sino ka?!” ang sabay naming tanong sa isa’t-isa.
“Xander?” ang hula ko.
“Xavier?” ang tanong naman niya.
“Ako nga!” ang sabay nga naming pagkumpirma.
“Paano to nangyari?” ang tanong ko.
“Hindi ko rin alam,” ang tugon naman niya. “Wala kang kinalaman dito?”
“Sira ka ba? Bakit ko gugustuhing mapunta sa katawan mo?!” ang galit ko namang tanong.
“Cause I’m popular and goodlooking,” ang tugon naman niya.
“Hambog naman at tanga,” ang komento ko.
“How dare you?”
“Reality check.”
“f**k! Let’s stop this,” ang utos naman niya. “Kailangan nating maghanap ng paraan para bumalik sa normal. Kung hindi; then we’re f****d up.”
Sinang-ayunan ko naman yun.
“Then, what can we do?” ang tanong ko.
“Wag tayo rito mag-usap; let’s go to my room,” ang sabi niya.
“Kuwarto mo? As Xander or Xavier?” ang tanong ko.
“As Xan-, no. As Xavier, sa kuwarto mo. Wala run ang roommate mo at napaka-chismoso nung si Jace,” ang tugon naman niya. “Let’s go; slowpoke.”
Napaikot naman ako ng mata at sinundan siya patungo sa kuwarto niya este, kuwarto ko. Wala nga roon si Nico.
“Any suggestions?” ang tanong niya.
“Wala akong ideya,” ang tugon naman ko naman,
“Akala ko ba ikaw ang matalino?” ang pangungutya niya.
“Aba, malay ko ba sa pagpapalit ng katawan. Kuy,a” ang sarkastiko kong tugon.
“Alam mo; kung hindi lang kita kapatid; kanina pa kita sinapak,” ang naiinis niyang komento. Natigilan naman kaming dalawa nang bumukas ang pinto ng banyo pagkatapos ay lumabas si Nico. Napatingin siya sa aming dalawa lalo nasa direksyon ko. Halata ang pagtataka sa kanyang mukha.
“K-kanina ka pa riyan?” ang tanong ko. Napakamot naman siya ng ulo.
“Kararating ko lang,” ang tugon naman niya. “Pasenya na pero anong ginagawa mo rito?”
Nagkatinginan kami ni Xander. Siniko ko siya. Napatingin si Xander kay Nico.
“Uhm, kapatid ko si Xav-Xander,” ang pag-amin naman ni Xander. Hindi ko inaasahan na gagawin niya ito. Nanlaki ang mga mata ko.
“Ha?” ang reaksyon naman ni Nico. Muli kong siniko si Xander.
“Kuya ko si Xander,” ang tugon naman ni Xander. “Kambal ko siya.”
Napatiklop naman siya ng mga kamay. Nagkatinginan naman kami ni Xander. Ang weird pa rin na mukha ko ang kausap ko.
“Naniniwala na ako. Xavier at Xander,” ang tugon niya. “Pero... ano yung narinig ko na nagpalit ng katawan?”
“Sinong nagsabi?” ang tanong ko naman. Napakibit-balikat naman si Nico.
“Bakit ka nga pala andito?” ang tanong niya sa akin. “First time kong nakita kayong mag-usap.”
“Magpapatulog ako kay Xavie,” ang tugon ko naman. “May homework ako sa Algebra. Bobo kasi ako kapag Math na ang usapan.”
“O? Hindi rin naman matalino si Xavier sa Mat,” ang komento naman ni Nico. Napasimangot naman ako. Natawa naman si Xander sa katauhan ko. Napatingin naman si Nico sa kanya; nakakunot ang noo. Siniko ko naman siya kaya natigilan siya.
“Tungkol sa homework; magkita tayo sa University Library mamayang 10am,” ang bilin ko kay Xander.
“Bakit dun?” ang bulong niya. “Maraming makakakita sa atin.”
Heto na naman siya. Inuuna ang kung anong iisipin ng ibang tao. Napa-ikot naman ako ng mata.
“Saan mo ba gusto?” ang tanong ko naman.
“Room 415C sa School of Architecture,” ang tugon niya. Kaagad naman akong pumayag. “Sandali, magpalit tayo ng phone.”
Nagpalitan nga kami ng phone. Bumalik ako sa kuwarto ni Xander.
Xander’s Point of View
f**k! Ano bang nangyayari? At bakit? Bakit nagkapalit kami ng katawan ni Xavier? Ginawa ko na ang lahat para magising sa bangungot na ito. Ano pa ba ang kailangan kong gawin?
“Xavier!” ang malakas na pagtawag ng kaibigan ni Xavier. Ano na ulit ang pangalan niya? Ah, Nico nga pala. Muntikan ko nang makalimutan; ako nga pala si Xavier sa araw na ito. Napatingin naman ako sa kanya. “Kanina ka pa tulala diyan. Ang lalim ng iniisip mo; siguro sinsariwa mo yung nangyari sa’yo kahapon, no?”
“Anong nangyari kahapon?” ang tanong ko naman dahil wala akong kaide-ideya kung anong pinagsasabi niya.
“Asus!” ang reaksyon naman niya. “Ikain mo na lang yan. Bumili ako ng almusal natin.”
Tamang-tama dahil nagugutom na rin naman ako. Nagtungo kami sa mesa at nagsimulang kumain.
“Hindi talaga ako makapaniwala na kapatid mo yung si Xander,” ang pagbasag ni Nico sa katahimikan. “Ang ibig kong sabihin eh... magkaibang-magkaiba kayong dalawa.”
Yeah, right. I’m popular and good looking while my brother is such a wimp and an effin’ loser."
“Mabait ka, palakaibigan, approachable; yung kapatid mo... malaki ang ulo, suplado,” ang paliwanag naman niya. Napakunot naman ako ng noo.
“Sikat naman siya at maraming nagkakagusto sa kanya,” ang argyumento ko. Tinignan naman niya ako; may bahid ng pagtataka sa kanyang mukha.
“Himala, ipinagtatanggol mo si Xander,” ang komento niya. “Eh, madalas mo ring sabihin na ayaw mo sa kanya. Anyway, sikat nga siya at maraming nagkakagusto sa kanya. Ano naman ngayon? Masama naman ang ugali niya. Nagugustuhan lang naman siya dahil guwapo siya.”
Natigilan ako sa sinabi niya. Ganun ba talaga ang tingin nila sa akin? Itinulak ko papalayo ang platong ginamit ko pagkatapos makakain bago tumayo.
“Maliligo na muna ako,” ang paalam ko. Mabuti na lang ay magkakamukha ang mga kuwarto sa dormitory kaya madali na lang sa akin hanapin ang shower room. Naligo naman ako. Napatingin ako sa salamin at tinignan ang katawan ni Xavier. Hindi siya mahilig sa sports kaya naman hindi ganun kaganda ang katawan niya; Natural na sa pamilya namin ang pagiging payat. Napakaputi ng kanyang kulay samantalang medyo moreno naman ako. Magkamukha sila ni Xamira; ang bunso naming kapatid. Lumabas naman ako ng shower room at naghanap ng maisusuot. Xavier’s dresser is like an explosion of colors. Maayos na nakatupi ang mga damit niya ayon sa kulay. Kumuha na lang ako ng polo shirt at jeans. Nagsimula akong magbihis. Tinitigan ko ang mukha ni Xavier sa salamin. He’s not that bad. Pogi rin naman siya kung mag-aayos. Naalala ko yung nakalasalubong ko siya kahapon. Yung nakapink denim jacket siya. He looked nice. Inayos ko ang buhok ko... niya. Ewan, nakakalito.
“Saan ka pupunta?” ang tanong nitong si Nico nang makita ako.
“Tutulungan ko si Xander sa math homework niya,” ang tugon ko naman.
“Ang porma mo naman,” ang komento niya.
“Masama bang mag-ayos ako?” ang tanong ko naman.
“Hindi naman,” ang tugon niya.
“I need to go,” ang paalam ko. Tumango naman siya. Kaagad akong lumabas ng kuwarto at tinext si Xavier. Kaagad akong nagtungo sa School of Architecture.
Xavier’s Point of View
KALALABAS ko lang ng banyo. Nadatnan kong nagbabasa si Jace ng isang Men’s magazine. Napangiwi naman ako nang makita ang babaeng modelo sa cover ng magazine. Tinignan ko ang laman ng aparador ni Xander. Ang boring ng mga kulay. Karamihan sa kanyang mga damit ay monochromatic. Hindi na ako nagulat na marami rin siyang sports attire. Kumuha ako ng dark blue na polo at black na skinny jeans. Nang makapag-ayos ay kaagad akong lumabas ng kuwarto. Pumunta ako sa School of Architecture. Hindi ko alam kung saan ang lecture room na tinutukoy niya.
“Hindi ko alam kung saan yung lecture room,” ang text ko kay Xander.
“Third floor,” ang textback naman niya. “Dalian mo”
Napaikot naman ako ng mga mata sa aking nabasa. Bwisit talaga tong kambal kong ito. Kaagad naman akong nagtungo sa elevator nang makita yun.
“Sandali lang,” ang sabi ng isang boses. Pinindot ko naman ang open button para makapasok ang taong yun. Lumayo naman ako nang nakapasok ang isang babae. Nagulat naman ako nang bigla niya akong yakapin. “Xander, I miss you.”
“Sandali lang,” ang tugon ko sabay layo sa kanya.
“Galit ka pa rin ba sa akin?” ang tanong ng babae. Napakunot naman ako ng noo. s**t. Anong gagawin ko? Hindi na lang ako umimik at hinintay na makarating ako sa Third floor.
“Pasensya na pero busy ako,” ang paalam ko bago lumabas ng elevator.
“Xander!” ang pagtawag ng babae ngunit hindi na ako lumingon. Hinanap ko ang lecture room. Hindi naman nagtagal ay nahanap ko ang lecture room. Binuksan ko ang pinto. Naroon na si Xander. Kaagad naman siyang lumapit sa akin at isinara ang pinto bago ako hilain patungo sa isa sa mga mesa.
“Kailangan nating bumalik sa dati,” ang kaagad niyang sinabi. Tumango naman ako. “Wala ka bang ideya kung paano natin gagawin?”
“Uhm, wala eh,” ang tugon ko naman.
“May naisip ako; paano kung ipag-untog natin ang mga ulo natin,” ang suhestyon niya.
“Hindi ba masakit yun?”
“Masakit yun pero wala tayong ibang magagawa sa ngayon. Kailangan nating gawin lahat ng pwede nating gawin para lang bumalik tayo sa dati nating mga katawan.”
Napabuntong-hininga naman ako at pumayag. Hinawakan naman niya ang mga balikat ko.
“Pumikit ka na lang,” ang bilin niya. Pumikit naman ako.
“Isa... dalawa...”
Naramdaman ko na lang ang malakas na pag-untog ng mga ulo namin kaya pareho kaming napasigaw at napaupo. Hinawakan ko ang nanakit kong ulo. Minulat ko ang mga mata ko; umaasang nakabalik na kami sa mga katawan namin. Ngunit... walang nagbago. Bumukas naman ang pinto at kapwa kami napatingin. Nanlaki ang mga mata ko sa aking nakita.