SA pagkakataong iyon ay bumalik sa alaala ni Danilo ang minsang sinabi sa kaniya ni Aling Divina… Isang pangitain ang aking nakita… Isang masamang pangitain! May sakit na kakalat dito sa Baryo Sapian. Sakit na kung saan ay tila nasisiraan ng katinuan ang sino mang kapitan nito at nangangamba ako na si Nenita ang pagmumulan niyon. Paulit-ulit iyon sa loob ng kaniyang ulo at nahihintakutan siyang napatingin kay Fredo. Nagtataasan ang balahibo niya dahil nagkakatotoo na ang pangitain ni Aling Divina! Si Nenita ang unang nagkaroon ng sakit kung saan nasiraan ito ng ulo. Ngunit ano ang dahilan kung bakit nito iyon naipasa kay Fredo? Mabilis siyang nag-isip. Iyong sugat ni Fredo sa pisngi ay kagagawan ni Nenita. Kinagat ito doon nito. Ang ibig bang sabihin ay sa pamamagitan ng pagkagat ay naipa

