Tahimik kong pinagmasdan ang kanina pa walang kibo kong lola. Naging balisa ang matanda pagkatapos gamutin ang sugat ko sa aking leeg.
Bagamat maliit lamang ang mga sugat na natamo, ngunit ramdam ko pa rin ang paghapdi hanggang sa puntong ito. Kasalukuyang nagsasaing ang lola, at abala sa pag init ng natitirang ulam, para makapaghapunan ako. Ramdam ko ang pagka di gusto niya ng aking pagparito.
Nakakalungkot nga eh, gayong hindi naman ganito yung trato niya sa akin noong binibisita niya ako sa bayan, kapag pumaroon siya sa aming tahanan. Ibang- iba ang kanyang pakikitungo sa akin, na labis kong pinagkakataka, gayong sweet, at malambing naman ang matanda, at mahal na mahal ako. Sandali pang namayani ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Hanggang sa nagsalita siya.
"'Di ba sabi ko naman sa inyo na bibisitahin ko lang kayo doon sa bayan? Napakatigas talaga ng ulo ng ina mo, at hinayaan ka pa niyang pumarito sa baryo," malamig na sabi niya sa akin.
"Lola naman, eh sa gusto ko lang naman na bisitahin kayo. Matagal tagal na rin mula noong napadalaw kayo doon sa amin. Ayaw nga po ni mommy na pumarito ako pero ako po yung nagpumilit dahil gusto kong makasama kayo," nakayukong sagot ko dito. Totoo namang gusto kong makasama ang lola kaya ako nandito pero, parte pa rin ng rason ay yung hiwalayan naming dalawa ni Agnes.
"Ibig mong sabihin ay hindi ka nabalaan ng ina mo?" mariing tanong ng lola habang inilatag ang mainit na sabaw sa mesa kaharap ko.
Tiningnan ko siya ng may pagtataka.
"Binalaan po tungkol saan?"
Naging malikot ang kanyang mga mata, hindi makatingin ng diritso sa akin. Palagay ko'y may tinatago ang lola sa akin.
"Hindi ka masisiyahan rito. Mabo-bored ka lang. Kita mo naman sigurong malayo sa sibilisasyon ang lugar. Tahimik, walang kuryente. Wala kang mapapala dito."
"Eh la, gaya ho ng sabi ko sa inyo gusto ko kayong makasama. Hindi naman itong baryo ang sadya ko dito. 'Yun ay yung makasama ko kayo," pagpapaliwanag ko sa kanya.
Napatitig naman sa akin ang lola, tila dinamdam ang sinabi ko. Umupo siya sa kabilang upoan kaharap sa akin, pagkatapos ay naglabas siya ng isang malalim na paghinga.
"Huwag mo na akong alalahanin apo. Matanda na ako, at kaya ko ang sarili ko. Alam mo, mas mabuting umuwi ka na bukas. Sadyang hindi para sa iyo ang liblib, at tagong baryo na ito," mahinahong saad ng lola.
"La naman, pinapalayas niyo na ako. Nakakatampo naman po kayo. Minsan nga lang tayong magkita eh, papaalisin niyo na ako agad. Huwag naman ganyan, la." madrama kong sambit. Alam kong hindi ako matitiis ng lola ko, at alam kong mamaya ay bibigay na rin ito. Malakas kaya ako sa kanya, at mahal na mahal ako niyan. Ako lang kasi ang nag iisang apo niya.
"Mapanganib ang baryo, apo. Hindi kita mapoprotektahan sa ano mang mga nilalang na posibleng manakit sayo dito. Kapakanan mo lang naman ang gusto ko," nababahalang sagot niya. Hindi ko lang maintindihan ay kung bakit ganoon na lamang ang kanyang pag aalala sa akin gayong mas matagal na siyang naninirahan dito. Eh, kung mapanganib ang lugar na ito, pero bakit niya piniling dito manirahan?
"Bakit 'la? Ano po bang meron sa baryo na ito?" kinakabahan kong tanong.
"Malalim na ang gabi," pag-iiba niya sa usapan. "Matulog ka na doon sa kabilang kwarto. Bukas na lang tayo muling mag usap."
Marahil ay nakakatakot nga ang baryo na ito, dahil napapalibutan ito ng kagubatan, at maraming mabangis, at ligaw na hayop ang gumagala, gaya nga ng mga kakaibang hayop na nasaksihan ko sa gubat kanina. Wala naman sigurong mangyaring masama sa akin, lalo na't mag iingat na lamang ako.
Hating gabi, nang magising ako, dahil sa maingay na hiyawan na aking narinig. Nagmumula ang ingay sa labas, ilang metro ang layo sa bahay ng lola, na kinaroroonan ko ngayon. Animoy may maraming nagsasaya doon, dahil na dinig ko ang halakhakan ng mga tao mula dito. Akala ko ba tulog na ang mga taong naninirahan kanina pa? Bakit buhay na buhay naman 'ata sila gayong hating gabi naman?!
Nakakapagtataka hindi, ba?! 'Di ba dapat sa ganitong oras, kahit ikaw ay nasa lungsod, ganitong oras ay mahimbing na natutulog ang mga tao, upang mamahinga. Pero tila ang kaninang katahimikan na bumabalot sa misteryong baryo na ito ay nabubuhay pagsapit ng hating gabi. Bumangon ako mula sa banig na nakalatag sa lapag, na yari sa kawayan. Maingat akong naglakad patungo sa maliit na butas na nakikita ko mula sa pawid na dinding, baka pa magising ang lola na natutulog sa kabilang kwarto katabi ng silid na tinutulugan ko.
Sumilip ako sa dingding, at sinuri ang ginagawa ng mga taong nagkasiyahan sa di kalayuan. Nakita ko ang nagliliyab na apoy sa gitna. May nakasalang malaking kaldero doon. Napakalaki ng kaldero, dahilan para mangunot ang aking noo. Nakapalibot ang mga kalalakihan malaking nagliliyab na siga, at ang ibang mga kasamahan nito'y abalang abala sa pag chop chop ng isang k*****y na nilalang. Hindi ko mawari kong anong hayop ang pinagkaabalahan nila, basta ang alam ko, parang nagtataga sila ng hayop na maputi. Kakaibang hayop iyon ah, parang hugis tao na nakatihaya! Ewan, 'di kasi klaro sa aking paningin. Mayamaya pa ay nakita ko ang isang batang lalaking nakahubad, lumapit doon sa matanda na nagtadtad, at kumuha ng isang malaking piraso ng parte ng karne, at walang ano-anoy parang hayop na sinunggaban, at kinain iyon! Teka hindi pa yun luto, ah! At pagkatapos, sumunod naman iyong iba pa, at gaya nga ng ginawa ng bata, kumuha din sila ng mga tadtad na karne, at walang atubiling kinain iyon! Labis ang pagkunot ng aking noo. Bakit sila kumakain ng hilaw na karne?! Hindi ba sila aware na hindi advisable ang pagkain ng hilaw, bukod sa nakakadiri, ay wala pa akong nakikitang tao na kumakain ng hilaw na bagong katay na hayop! Anong klaseng tao ba ang mga naninirahan dito?!
"Diyos ko po!" gulat kong sambit.
Ganoon na lang ang aking pagkabigla, nang sa hindi inaasahang pagkakataon ay natabig ko ang patay na gasera na nakasabit sa dingding! Huli na ng mahawakan ko ito. Nalaglag sa sahig, at lumikha ng ingay!
Nang silipin kong muli ang maliit na butas, lahat ng mga taong nandoon ay napalingon sa kinaroroonan ko! Nakakatitig silang lahat sa akin!
Napatutop na lamang ako sa aking bibig dahil sa sobrang panginginig! Hindi ko mawari kong nakikita nila ako, basta bigla na lamang napahinto ang lahat, at ang kanilang atensyon ay matamang nakatutok sa direksyong kinaroroonan ko! Dumapa ako sa malamig na sahig.
Sobrang kaba ang nararamdaman ko ngayon.Takot na takot ako! Nakikita ba nila ako?! Muli pilit kong itinayo ang aking sarili kahit ang mga tuhod koy nanghihina. Ang aking mga nanginginig at nagyeyelong kamay ay mariing nakakapit sa dinding. Maluha luha akong sumilip sa butas at... ganoon na lamang ang aking pagkasindak nang makita ko silang lahat na sumisilip doon sa mga butas ng dingding sa labas ng bahay ng lola, tila hinahanap ako! Ang iilan ay nakasilip mula sa labas ng kawayang bakod ng bahay ni lola Virgie! Hindi ko na nagawang sumigaw pa nang biglang nakita ko ang pagtambad sa akin ng isang mapupulang mata! Nagtama ang aming paningin mula doon sa butas ng dingding! At naramdan kong tila nawala ako sa ulirat, at hindi ko no alam ang sumunod na pangyayari!