Iniwan kami ni Francine dito—sa gitna ng daan habang nasisikatan ng araw. Nakasunod lamang ang aking tingin kay Francine na malaki ang ngiting nakatingin sa screen ng kaniyang cellphone. Mukhang masayang masaya siya na pumayag ako sa alok niya sa akin at binigay ko pa sa kaniya ang aking number. Napatingin ako kay Rivas. Nakatanaw din ito sa kan'yang pinsan. Umiigting ang kan'yang panga at seryoso ang mukha. Tuwid ang kaniyang tindig na animo'y siya ang hari ng resort na ito. Tumikhim ako dahilan kung bakit siya napatingin sa akin. Mabilis ko namang binagsak ang aking mata sa sementong may buhangin nang magtama ang aming paningin. May kung ano sa mata niya na hindi ko kayang titigan nang matagal. Hindi ko alam kung ano iyon. Hindi ko masabi kung naiilang ba ako o nahihiya sa kaniya.

