Kabanata 1
RYDEN POV
PALERMO, ITALY
Umuwi ako mag-isa galing school. Hindi naman kalayuan ang bahay namin kaya I just walk home. Napatingin ako sa mga classmates kong sinusundo ng parents nila.
Napangiti ako ng konti. Hindi ko pa naranasan masundo sa school. Since first grade, pumapasok at umuuwi ako mag-isa. Okay lang naman. Eight years old na ako. Sanay na ako.
Pagdating ko sa bahay, rinig na rinig ko agad ang sigawan nina Mama at Papa. Nag-aaway na naman sila. Parang walang araw na hindi sila nagtatalo. Napailing na lang ako.
Wala na ang Pinay naming helper. Half day lang naman siya. Dumiretso ako sa kitchen. May egg sandwich at pesto na nakahanda sa table.
Tahimik akong umupo at kumain. Nalulunok ko pa rin ang pagkain kahit may mga kalabog sa taas. Sanay na ako sa ganitong buhay—everyday may gulo.
Pagkatapos kumain, umakyat ako sa room ko. Umupo sa harap ng desktop, nagsuot ng headset, at nanood ng documentary. Nasa kalagitnaan na ako ng pinapanood ko nang makarinig ako ng malakas na putok.
Huminga ako nang malalim.
Dahan-dahan akong tumayo at lumabas ng kwarto. Lakasan ng loob akong pumunta sa master bedroom kung nasaan sina Mama at Papa.
Pagbukas ko ng pinto, bumungad sa akin ang duguang katawan ni Mama na nakahandusay sa sahig. Si Papa naman nakaupo sa gilid ng kama, may hawak na baril sa kanang kamay habang nakayuko at umiiyak.
“Papa…” mahina kong tawag.
Tumingin siya sa akin, punong-puno ng luha ang mga mata.
“I–I’m sorry… I’m sorry, son—”
Tumalikod ako. Bumaba ako ng hagdan at pumunta sa kitchen kung saan naroon ang landline. I called the emergency hotline, 112. Kausap ko ang operator hanggang sa dumating ang police.
Hinawakan ako ng isang female officer at dinala sa labas ng bahay. Maraming tao na sa paligid. Nakita ko na lang na inilalabas ang katawan ni Mama papunta sa ambulance habang si Papa naman hawak ng dalawang male officers.
Nakaposas ang kamay ni Papa. Huminto siya sa harap ko at lumuhod para magpantay kami ng mukha.
“Go with your auntie when she arrives, okay? Papa will look for you. Don’t worry. I will come back for you. I love you so much, son.”
Tumango lang ako.
Malungkot siyang ngumiti bago sumama sa mga pulis. Naiwan akong kasama ang babaeng officer.
Sa buong proseso ng kaso, wala akong imik. They kept asking questions, pero walang lumalabas sa bibig ko. Wala naman akong alam. Wala rin akong nakita. So wala akong sasabihin… tama ba?
Ilang araw akong nasa custody hanggang matapos ang case. Nakulong si Papa.
Naiwan akong mag-isa.
Napabuntong-hininga ako. Parang wala namang nagbago. Ganun pa rin.
Hanggang isang araw, dumating ang Auntie ko. Auntie Becca. Ate ni Mama. Hindi ko siya kilala, pero wala akong choice kundi sumama sa kanya.
Hinimas niya ang pisngi ko habang umiiyak.
“Sakin ka muna, Ryden ha. Ako muna mag-aalaga sa’yo.”
Malambing ang boses niya. Maamo ang mukha niya, kahit mukhang may edad na. Simple lang siya. Malayong-malayo sa sophisticated na aura ni Mama.
Tumango ako.
Hindi ko alam kung saan niya ako dadalhin. May parte sa akin na ayaw sumama, pero may parte rin na gusto malaman kung may magbabago ba sa buhay ko kapag sumama ako sa kanya.
Huminga ako nang malalim.
---
TAGUM, PHILIPPINES
Nakatitig ako sa medyo mataas na pader sa likod ng Mathay Building sa school.
“Tara na, boy—” aya ng kaklase ko.
Grade 9 na pala ako. Dito sa Tagum City National High School.
Maliksing umakyat sa pader si Bernard a.k.a. Buboy. Niaya niya akong mag-cutting classes.
Bumuga muna ako ng hangin at aakyat na sana nang makarinig ako ng sigaw.
“Hoy—tabi!”
Napalingon ako.
Isang babaeng naka-PE uniform at may suot na baseball cap ang mabilis na naghagis ng pulang Hawk bag sa kabilang side ng pader. Walang kahirap-hirap niya itong inakyat.
Bago siya tumalon, sumulyap siya sa akin at ngumisi.
“Bagal mo kasi—”
Nahulog ang cap niya, at lumugay ang shoulder-length na buhok niyang itim na may halong pula.
Natameme ako.
“Tang’na naman ’yon, cap ko—” mumura niya habang bababa sana para kunin iyon.
Biglang may sumigaw.
“May tumatalon sa pader!”
Nataranta siya at tumalon na agad sa kabilang side.
Naiwan akong nakatayo.
Dinampot ko ang cap niya. May check logo pero halatang fake.
Ilang sandali lang, may dumating na teacher at malakas akong binatukan. Hinila niya ang white polo ko at dinala ako sa Guidance Office.
“I’m so disappointed, Mr. Cooper. Magaganda ang grades mo pero bakit sumasama ka sa mga nagka-cutting? Ipapatawag ko bukas ang guardian mo, okay?”
“Okay,” mahina kong sagot.
Umiling ang Guidance Counselor at bago ako pinabalik sa classroom, pinaglilinis muna ako ng men’s restroom.
Wala akong choice.
Nilinis ko ang public toilet na sobrang baho. Masangsang ang amoy. After one hour, tumunog ang bell—uwian na.
Tinapos ko pa rin ang pagmo-mop hanggang luminis ang banyo.
Paglabas ko ng school, madilim na. Tiningnan ko ang relo ko. 6:35 PM na.
May pamasahe naman ako sa tricycle, pero mas gusto kong maglakad. Half an hour walk mula school hanggang bahay nina Auntie Becca.
Anim na taon na simula nang dalhin niya ako dito sa Pilipinas. Hindi ako nahirapan mag-adjust. Marunong ako mag-Tagalog. Nakakapanibago lang ang klima—mainit, maalinsangan, madalas bumagyo. Medyo lumalamig lang pag December.
At sa nakaraang taon, hindi ako nagsisisi na sumama kay Auntie Becca. Mabait siya. Maalaga. Malambing.
Hinahatid-sundo niya ako mula Grade 4 hanggang Grade 8. Ngayon lang ako hindi nagpapahatid. Malaki na ako. Kaya ko na.
Nilulutuan niya ako ng mga kakanin at ulam tulad ng nilagang kalabaw at adobong paa ng manok.
Tahimik akong naglalakad nang may tumabing bisikleta sa akin.
Napatingin ako.
“Igop—nasaan na ang cap ko?” sabi ng babae.
Igop?
Ito pala ’yung babaeng tumalon kanina.
Huminto ako at kinuha ang cap mula sa backpack ko. Inabot ko sa kanya.
“Ayon oh. Ang husay mo ha. Transferee ka ba, igop? Ano name mo?” sabay punas ng kamay sa damit niya at inilahad ang kamay sa akin. “Febby nga pala.”
Napatingin ako sa kamay niya.
Hindi ko alam kung bakit, pero
kinakabahan ako.
Inayos ko ang bag ko at tinalikuran siya. Naglakad na lang ako.
Pero sumunod pa rin siya.
“Transferee ka raw? Galing private school? Anong section mo? Sino adviser mo? Nahuli ka ba kanina? Siguro pinagli—”
“Stop.”
Madiin kong sabi.
Natigil siya.
Hindi ako bastos. Pero naiilang ako na may ibang babae na kumakausap sa akin—maliban kay Auntie Becca.
“Stop talking.”
Binilisan ko ang lakad ko.
Hindi na ako lumingon.
Wala akong pakialam kung mainis siya.
Ayokong makipaglapit sa kahit sinong babae.
Ayoko lang.