“KANINA ka pa bahing nang bahing. Masama ba ang pakiramdam mo, anak?” Hindi ko agad nasagot si Mama nang muli na naman akong napabahing. Napahawak ako sa gilid ng lababo at hinilot ang sentido ko. Balak ko sanang pumunta ng Art’s Kitchen ngayong araw para kausapin si Ma’am Alice, pero mukhang magtitihaya lang ako sa kuwarto buong araw. “Medyo may sinat ka, ‘nak. Naambunan ka ba?” tanong ni Mama pagkatapos niya akong sinalat sa noo at leeg. “Naku, huwag mo munang halik-halikan at yakapin si Orion, baka mahawa,” sabat ni Tiyang Mildred na kalalabas lang ng kuwarto nila ni Yuri. May bitbit itong travelling bag. “Aalis na kayo, Tiyang?” tanong ko. Nasa sala si Orion, naglalaro. Nasagot ang tanong ko nang sumunod na lumabas si Yuri na may bitbit ding travelling bag. Nakasuot lang siya n

