NOON, problema lang ni Meg kung paano gagawing mas makulay ang buhay niya sa araw-araw, kung paano niya palilipasin ang oras hanggang sa muli silang magkita ni Neil. Noon, pinoproblema lang niya ang mga simpleng bagay - kung saang restaurant sila magdi-dinner, kung anong damit ang isusuot, kung ano ang mga maaari nilang pag-usapan. Noon, parang napakadali ng lahat. Parang kahit anong problema ang dumating sa kanilang dalawa ni Neil, kaya nilang lampasan. Dahil noon, sigurado siya na si Neil lang ang mahal niya at ito lang ang para sa kanya. Ngayon, wala nang sigurado sa buhay niya. Hindi na niya alam kung ano ang para sa kanya, hindi na niya alam kung ano ang gusto niya. Minsan nga, hindi niya maiwasang isipin na sana hindi na lang siya umuwi ng Batangas noon, sana hindi na niya nakilal

