CHAPTER 6

2226 Words
VICTORIA'S POINT OF VIEW “Itong fountain na ito sa hardin, ilang dekada na itong narito. Ipinaayos na rin upang mas tumibay at tumagal. Naaalala ko pa ang kuwento ng mga magulang ng asawa ko, noon daw ay pasyalan talaga ang lugar na ito. Tapos iyang fountain ay diyan naglalagay ng barya-barya noon, alam mo na for wishes. Pero bago ka raw maglagay ng barya kumuha ka muna ng dandelion seed saka mo ihulog ang pera sa fountain at ipikit ang mga mata, sabay wish. Kapag tapos ka na mag-wish, hihipan mo ang dandelion seeds at matutupad daw ang mga kahilingan mo. Iyon ang kasabihan sa lugar na ito. Nananatili pa rin ang kasabihan na iyon ngunit 'di na nagagawa,” kuwento ni Tita Prescila habang nasa harapan kami ng fountain. “Puwede po bang malaman kung bakit naitigil na po ang ganoong pamamaraan ng paghiling dito? Saka ano po nangyari sa dating pasyalan na ito?” tanong ko naman dahil nakuryuso ako. “Wala na kasi masyadong dandelions dito, Victoria. Kung mayroon kang makikita 'di naman sobrang dami kaya iniingatan at inaalagaan ito. Saka nasira ang dating malawak na pasyalan, ang parke, dahil sa hagupit daw ng bagyo noon. Tapos napabayaan din habang tumatagal daw kaya nagmistulang abandonado ito noon. Dahil matagal na ring nais ng mga magulang ni Rohan ang magkaroon ng malawak na lupa at mayroon na silang sapat na ipon, ginawa nila ito raw ang binili at doon na nagsimula ang lahat. Hindi rin naman daw naging madali, mahirap talaga sa una pero habang tumatagal, naging hacienda na nga ng pamilyang Davis at doon na nagsimulang yumaman lalo sila at lumawak nang lumawak ang mga ari-arian nilang naging hanapbuhay na. Nakalimutan kong sambitin na hindi rin pala ganito ito kalawak noon subalit nang tumagal na nga nabili na rin ang katabing lupa kaya lumawak na ito lalo katulad ng nakikita mo ngayon hija,” mahabang sagot niya sa akin. “Nakakatuwa naman pong marinig ang kuwento sa likod nitong fountain,” ani ko habang nakangiti. “Tama ka, ganiyan din reaksyon ko noon. Mamaya o bukas ipapakita ko sa'yo ang mga larawan dito noon hanggang sa kasalukuyan. Halika, doon tayo sa mga puno. May bunga na rin ang mangga roon, siguradong masasarapan ka sa lasa!” saad pa ni Tita at halatang excited pumunta sa puno ng mangga. Mabilis naman akong sumunod at gumamit kami ng bisikleta patungo roon lalo na mahaba rin ang daan kung lalakarin patungo roon. Hindi na namin kailangan din kumuha pa ng lagayan dahil mayroon na sa mga kubo na malapit sa puno. “Ito po, may hinog at hilaw pong mangga. Masarap sa asin at bagoong ang hilaw na mangga,” sambit ni Manang Carlita na tapos na magbalat saka mag-slice ng mangga. Nilabas din nila ang asin at bagoong habang nakaupo kami sa kahoy na upuan at may maliit at pabilog na lamesang yari din sa kahoy. Nagpasalamat ako kay Manang at kay Tita Prescila bago nagsimulang kumain ng hilaw na mangga at napaparami ang kain ko. “Try mo rin itong hinog hija, siguradong magugustuhan mo ito,” ani ni Tita at inabot sa akin ang lagayan. “Salamat po,” tugon ko saka uminom muna ng tubig bago tinikman ang hinog. Tama nga siya at kakaiba talaga ang sarap ng pagkahinog ng prutas at fresh na fresh pa. MATAPOS naming kumain ng mangga ay naglakad-lakad kami pero nahinto noong marinig ang boses ni Prince. Tinatawag nito si Tita Prescila. Napalingon kami sa likuran at kabababa lang din niya sa bisikleta saka tinanggal ang helmet. Medyo napanganga naman ako at napalunok. “Mom, pinapasabi ni Dad na oras na raw para mag-asikaso dahil may business meeting po kayo,” wika ni Prince. “Oh my gosh! Oo nga pala! Naku Victoria, pasensya na at maiiwan muna kita rito. Kailangan ko na bumalik at maghahanda na ako, sorry talaga hija,” saad ni Tita habang hawak ang dalawang kamay ko. “Okay lang po, wala pong problema Tita. Naiintindihan ko naman po kaya wala dapat kayong alalahanin,” tugon ko na may ngiti sa labi. “Thank you hija, Prince bantayan mo na lang siya o samahang maglibot-libot dito.” “But mom—” “No excuses, Prince. Sige kailangan ko na mag-asikaso,” ani ni Tita Prescila at nagpaalam muli bago umalis habang naka-bike. Narinig ko naman ang buntonghininga ni Prince kaya napatingin ulit ako sa kaniya. Nakatingin din siya sa akin ngayon. “Uhm, kung may gagawin ka okay lang namang mag-isa na lang muna ako,” sabi ko sa kaniya at 'di inalis ang titig. “You don't know my mom, for sure malalaman at malalaman niyang 'di ko siya sinunod. Come on, mag-bike tayo habang naglilibot,” wika niya at muling sinuot ang helmet. Ako naman ay napatango-tango saka mabilis na tinungo ang kinaroroonan ng bisekletang ginamit ko kanina pero 'di ko na nakita. Bigla akong kinabahan dahil sigurado naman akong katabi lang iyon ng pinaglagyan ni Tita Prescila. Malapit na ako mataranta sana sa paghahanap hanggang sa magsalita si Manong Edwin. “Ay, 'yong bisikletang gamit mo ba hija kanina ang hinahanap mo?” “Opo, d-dito ko lang po iyon nilagay Mang Edwin . . .” “Pinagamit muna kanina ni Ma'am Prescila kay kumpadreng Carlos. Pupunta kasi si kumpadre sa may pool para linisin iyon kaso may kalayuan talaga sa sobrang lawak dito. Sabi ni Ma'am sa bisikleta ka raw po muna ni Sir Prince,” sagot niya at nakahinga ako nang maluwag pero biglang napagtanto ang posibleng mangyari kung sa biskleta ako ni Prince aangkas. “Sige po, salamat po Manong Edwin. Kinabahan lang po ako akala ko kung saan na napunta,” ani ko pa at napahiyaw nang biglang may humawak sa balikat ko at si Prince pala iyon. “Pasenya na, n-nagulat lang,” saad ko at mahina lamang ang boses. “Ikaw na lang sumuot nitong helmet,” sambit niya at seryoso lamang ang ekspresyon. Habang ako ay pilit na pinapakalma ang sarili lalo na siya ang nagsuot sa akin ng helmet. Sunod ay nauna na siyang umangkas sa bisekleta at dahan-dahan naman akong sumunod. “Ria.” “Bakit?” “Payo ko lang, kumapit kang maiigi at baka mahulog ka,” wika niya at medyo natigilan ako. “Ano?” “Baka mahulog ka sa bisekleta,” sagot niya at biglang pumedal kaya mabilis akong napayakap sa baywang niya at humiyaw sa gulat. “Prince!” Natawa naman siya at saglit akong nilingon. “What?” tanong niya at medyo natatawa pa. “Seriosly, what lang? Paano kung nahulog ako kanina?” “Eh 'di sasaluhin kita,” sagot niya at natahimik ako. Huwag kang maging assuming Victoria. Kung ano-ano na naman naiisip mo at napasok pa sa isipan mo na double meaning iyon. Natural na sasaluhin ka niya Victoria dahil mahuhulog ka sa bisikleta! Natahimik na kami pareho. Ngunit binasag ko iyon noong mapansin na papalabas kami ng gate. “Saan tayo pupunta? Bakit palabas tayo sa gate Prince? Akala ko maglilibot tayo?” tanong ko sa kaniya. “May tambayan diyan sa labas, mas maganda roon lalo na kapag ganitong nakasakay sa bisikleta. Doon tayo pumunta, at may dandelion din doon, I mean 'yong seeds na hinihipan. You can wish there,” saad niya at malapit-lapit na nga kami lumabas sa hacienda. “Seriously?” “What? Well, if you just want to wish. Masama bang maniwala roon?” “Ha? Wala naman akong sinabi na masama. Medyo nanibago lang ako. Sa environment na kinalakihan ko kasi, maraming nagsasabi ng negative kapag nalalaman nilang ang isang tao ay humihiling tapos hihipan ang dandelion seeds. Pero inaalala ko lang baka mamaya hanapin nila tayo,” sagot ko sa kaniya. “Don't worry, i-inform natin si Kuya Darwin para 'di sila magulantang na lumabas tayo sa hacienda,” ani ni Prince at ginawa niya nga bago kami nakalabas. Ilang pedal niya lang ay bumungad na nga ang napakalawak na lupain, medyo bakod lamang ito at may mga d**o, puno, bulaklak at dandelions sa paligid. Nagpapaganda rin lalo ay ang nakakahalinang tanawin ng sikat ng araw doon. “I'm sure mas mag-e-enjoy ka kung may bike ka rin, rent tayo kay Ate Lita,” aniya at mabilis na pumunta roon sa babaeng may katandaan na rin na nagpaparenta nga ng bicycle. “Ate Lita, ito po bayad.” “Salamat hijo, siya nga pala, ang ganda ng kasama mo ah? Nobya mo?” Medyo natawa maman kami sa pabirong tanong ni Ate Lita. “Hindi po kami magkasintahan. Salamat po sa papuri,” sagot ko na. “Aysus, ganiyan din noon ang lolo at lola ko, ayon nagkatuluyan,” sambit pa niya at natawa na lang muli kami sa mga pabirong kataga. Bukod sa mga tao sa loob ng hacienda, si Ate Lita yata ang kumausap at tumingin sa akin na 'di natatakot o nanghuhusga. Isang malaking himala yata sapagkat nakasanayan ko ng halos lahat ng tao sa paligid ko ay kilala ako bilang anak ng kriminal kong magulang. Ibabalik ko sana kay Prince ang helmet pero sabi niya sa akin na lang daw muna. Pero dahil 'di ko rin muna trip na isuot ito ay kinuha niya at na-secure sa kaniyang bisikleta. Sunod ay nagsimula na kaming pumedal at ang sarap sa pakiramdam. Kahit medyo tumataas na ang sikat ng araw ay 'di ito masyadong ramdam. Sobrang presko at nakaka-relax ang pagdapo ng malamig na hangin sa balat. Lumilingon-lingon ako minsan sa paligid at huminto sa tapat ng mga dandelion seed. Nakangiti ko lamang itong tinitingnan at naisip na kumuha ng kaunting seeds lang at kinuyom ang kamay ko sabay pikit. Nang masaad na ang kahilingan ay binuksan ko ang palad sabay hinipan ang seeds na malaya namang lumipad. “Humiling ka na?” Hindi ko na kailangang lumingon pa upang alamin kung sino iyon. Amoy ng pabango pa lang, boses at presensya ay nakilala ko ng si Prince iyon. “Yep. Ikaw, hihiling ka rin ba?” tanong ko saka nilingon siya. Nakatitig lang kami ulit sa isa't isa ngayon habang hawak ang bisekleta. “Saka na lang siguro,” sagot niya at tipid naman akong ngumiti sa kaniya bilang tugon. “Tatakbuhin ko na lang saglit ang papunta roon sa bandang taas, ikaw?” “Okay, I'll do the same,” wika niya at tinakbo na nga lang namin kaunti at sunod ay muling sumakay sa bisekleta. Hanggang makarating kami sa bandang dulo at tuwang-tuwa ako nang makakita ng lawa. “Napakaganda talaga rito sa lugar ninyo,” saad ko na puno ng pagkamangha. Rinig din ang bawat huni ng ibon at malaya itong lumilipad sa himpapawid. “Tama ka, noong bata pa ako, gustong-gusto ko maranasan na tumira sa isang malaking syudad. Alam mo na, curious lang din. Pero nang maranasan ko 'di rin ako masyado nagtagal. Mas gusto ko ang buhay dito sa probinsya,” kuwento niya at muling nagtagpo ang paningin namin sa isa't isa. “Ako noon, sa syudad, nagpapakasaya sa yaman pero ayon, alam mo na ang sitwasyon. Never kong naisip sa buong buhay ko na mangyayari iyon. Hindi pa ako tumatagal dito pero mas gusto ko manirahan sa ganitong lugar.” “Good to hear that, na nagustuhan mo sa ganitong lugar kahit minsan nagiging malamok din.” Natawa naman ako sa bandang huling sinaad niya. “Hmm-Hmm, saka noong nasa syudad din ako araw-araw saan man ako pumunta ay nakakarinig ako na kung ano-ano. Maraming may alam sa bansa natin na kung kaninong anak ako. Kaya aaminin ko nanibago ako noong lumabas tayo sa hacienda tapos kita ko na wala talagang panghuhusga na tingin sa akin si Ate Lita. Nakakagaan lang kahit paano ng pakiramdam. Pero alam ko rin ang posibilidad na mangyari ulit ang naranasan ko sa syudad kapag nagpasukan na o may ibang makakita sa akin. Hindi na ako magugulat. May mga pagkakasala rin ako pero 'di ko alam na mukhang habangbuhay sa akin mababaling ang panghuhusgang dapat mga magulang ko ang nakakatamo,” wika ko at huminga nang malalim. “N-Nakausap mo ba ang mga magulang mo noong nalaman mo na ang lahat?” tanong niya na papahina ang tinig. Marahan akong umiling-iling. “Ang totoo niyan, never ko silang binibisita matapos ang lahat lalo na nang mapatunayan na nga at nakulong sila dahil sa illegal business. Malaki rin ang naramdaman kong galit sa kanila. Alam ko naman 'di rin ako perpekto at may masasama rin akong nagawa. Pero hindi ko talaga inaasahan ang lahat. Akala ko lahat ng pera namin, galing sa legal na negosyo pero nagkakamali pala ako. 'Di ko pa sila kayang harapin hanggang ngayon,” tugon ko kay Prince at nagpakawala muli ng malalim na hininga. “Hindi talaga mabilis tanggapin iyan. Siguro kung ako rin nasa posisyon mo mahihirapan din talaga akong tanggapin at harapin sila muli. Kaya pasensya na rin pala talaga kung nasaktan kita noong isang gabi,” aniya. “Ayos lang, ang mahalaga ayos naman na tayo kahit paano ngayon,” saad ko. MEDYO nagtagal pa kami ni Prince bago naisipang umuwi na dahil malapit na rin daw ang lunch time. Dahil rent lang ang ginamit kong bike, bago pa kami tuluyang pumasok ulit sa hacienda ay nakaangkas na ulit ako sa bisikleta ni Prince habang suot ang helmet niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD