GINAGAWA ni Nanami ang lahat ng kanyang makakaya para maging maayos na yaya kay Amalie, kaya kahit hirap pa siyang maging yaya ng bata ay unti-unti na rin naman siyang nagiging komportable.
“Thank you po sa paghatid sa akin sa school, ate Nanami.” Masayang sabi ni Amalie kay Nanami.
“Walang problema, sige na pasok ka na.” Tinulak ng bahagya ni Nanami ang bata papasok sa classroom ni Amalie.
“Bye Ate Nanami!” Kumaway muna si Amalie bago umalis si Nanami sa pintuan ng classroom ng kanyang alaga.
Lumabas na siya sa paaralan at bumalik sa sasakyan at naghihintay na si Manong Paeng sa kanya. Agad siyang sumakay at pinaandar ito palabas ng school, hindi na kasi niya sinasamahan ang bata dahil grade one na ito dahil matalinong bata si Amalie kaya hindi na siya tinanggap sa kinder agad itong ininroll sa grade one. Kaya umuuwi na lamang si Nanami sa bahay at saka na lang siya babalik doon kung susunduin na niya ang alaga.
“Manong Paeng?” tawag ni Nanami mula sa backseat.
“Yes, Miss Nanami?” sagot ni Paeng na hindi inaalis ang tingin sa daan.
“Nagtataka ako kay Boss bakit hindi siya nakikisalamuha sa atin?”
Nakita niya sa rearview mirror ang pagkalito sa mukha nito.
“Bakit mo natanong?”
“Bihira ko kasi siya makita na makipag-usap sa mga tao sa bahay laging si Manang at si Marcel lang ang pinapansin niya?”
“Hindi ka dapat nag uusisa tungkol sa kanya, Miss Nanami.” Sinabi nito.
“Uhm. Bakit lahat kayo ay patuloy na sinasabi sa akin na ’wag ko pakialaman ang amo natin? Hindi ko gets.”
Ngumiti si Paeng. “Maaaring hindi tayo masyadong magkakilala pero nagmamalasakit pa rin kami sa iyo. Ayos naman iyang si boss. At ganyan talaga siya mula ng mamatay ang asawa niya.”
“Talaga? So hindi ganyan dati si boss?”
“Oo, kaya huwag ka ng magtaka. Masasanay ka rin balang araw inilayo niya kasi ang sarili niya sa mga tao dahil ayaw niyang ipakita sa iba na mahina at nagluluksa siya.”
“So ano po siya dati manong, pakwento naman po.” Muling tanong niya.
“Masyado kang matanong, Miss Nanami, hindi maganda sa isang babae tulad mo ang tsismosa.” Biro nito sa kanya kaya napasimangot siya.
“Si manong Paeng naman, curious lang kasi ako sa amo natin pero kung ayaw niyo pasensya na po 'wag nyo na lang pansinin ang sinabi ko.”
“Ayos lang naiintindihan ko ang curiosity mo. Kahit sino naman na bagong kasama bahay ay ganyan ang mga nagiging reaksyon.” Sabi pa nito at huminto na ang sasakyan sa loob ng gate.
“Ay manong last na, pwede ba akong magtanong ulit.”
“Tungkol naman saan?”
Nag-alinlangan siya na sabihin iyon. “Gaano ka na po ba katagal nagtrabaho dito?”
“Hmm!” Hindi agad sumagot si Paeng.
“Sabihin na natin, simula noong ipinanganak si Master Venom ay nandito na ako.”
“Talaga po ang tagal na po pala.”
“Oo kaya matagal ko nang kilala si boss. Nakasama ko siya sa magaganda o pinakamadilim niyang sandali Miss Nanami, kaya parang anak ko na iyang si Master Venom.” Sumulyap ito sa kanya.
“Kaya kung ano man ang nakikita mo sa kanya ay huwag mo siyang husgahan. Palaging may kwento sa likod ng bawat buhay ng isang tao at kung bakit ganyan siya ay malalaman mo rin kung magtatagal ka dito. Pero kung anuman ang matuklasan o makita mo sa kanya ay kailangang tikom lang ang bibig mo, at hayaan mo na lang.” Mahabang saad nito at saka bumaba na sa sasakyan kaya bumaba na rin siya.
Malalim na napapa-isip si Nanami noong gabing nakita niyang sinasaktan ng amo ang sarili nito.
‘May kinalaman din ba iyon sa mga pinagdaanan ng amo niya?’
Bumuntong hininga si Nanami at pinasadahan ng mga daliri ang kanyang buhok ng makababa siya sa sasakyan.
“Sige manong salamat po sa mga sagot mo sa tanong ko. Makaaasa ka pong tatandaan ko iyang mga sinabi mo.” Nakangiting saad niya at pumasok na siya sa bahay ng kanyang amo.
Marami siyang gustong itanong kay mang Paeng pero alam niyang tulad ng iba ay tikom din ang bibig nito tungkol sa amo nila.
Gayunpaman, alam niyang hindi lang dito matatapos ang lahat malalaman din niya balang araw ang buong kwento ng kanyang amo. Ipinapangako niya iyan sa kanyang sarili matapos kasing masaksihan niya ang nangyari dito noong nakaraang gabi ay nagkaroon siya ng curiousity sa tunay na kwento sa likod niyon.
“MAGANDANG Umaga.” Bati ni Raphael pagkapasok niya sa kusina ng apartment nila Danie.
“Good morning din sayo, teka, nag-sleepover ka ba rito ng hindi man lang kayo nagpaalam ni Laila?” nagtatakang saad ni Danie sa lalaki.
“Oo,” ngiting alangan ni Raphael.
“Bakit hindi ko man lang napansin ang presensya mo?”
“Pinatahimik ako ni Laila kagabi at baka raw magising ka, dahil pagod ka raw kagabi.” Paliwanag nito.
Pumasok si Laila sa kusina at binati silang dalawa ni Danie.
“Magandang umaga, bestie!” Hinalikan niya si Danie sa magkabilang pisngi nito at hinaplos naman nito ang pisngi ng kasintahan. ”Morning Babe!”
“Kumusta ang gabi mo? Nakatulog ka ba ng ayos?” tumango naman ang kasintahan nito.
“Bakit nga pala hindi mo ipinaalam sa akin na dito pala matutulog kagabi si Raphael?”
“Tulog ka na kasi at ayokong istorbohin ka namin dahil sabi mo pagod na pagod ka sa work mo. May problema ka ba sa pag-sleepover ng babe ko?” pinandilatan ni Laila si Danie.
“Syempre wala naman, nagulat lang ako.” Sinabi nito.
“Kaya lang sana wala kayong ginawang milagro sa bahay na ito habang tulog ako.” Pagbibiro niya.
Nagkibit-balikat si Raphael habang kagat-kagat naman ni Laila naman ang kanyang ibabang labi at nagdududang tiningnan naman sila ni Danie.
“Oh ’wag mo akong tingnan ng ganyan. Wala kaming ginawa.” Sabi naman ni Laila.
Tumawa ng malakas si Danie. “Kayo naman binibiro ko lang kayo, nati-tense na kayo agad.”
“Haha, nakakatawa,” sabi naman ni Laila at namumula itong kunyaring hinahalo ang tasa, pero wala naman mainit na tubig ang nakalagay doon at hindi naman niya nakitang naglagay ito ng kape sa mug.
Natatawa na lamang si Raphael dahil hindi talaga magaling ang kanyang kasintahan sa pagsisinungaling.
Umikot naman ang mata ni Laila dahil sa pang gigisa ni Danie sa kanya habang si Raphael naman ay sanay na sa dalawa kapag nag-aasaran at nakangiti ng malawak.
“Hoy, tama na iyang pamumula mo, nagbibiro lang ako, okay naman kung mag labing-labing kayo sa buong bahay na ito, basta huwag nyo lang ipapakita sa akin.” Pagbibiro pa ni Danie kay Laila kaya lalo itong namula.
“Hindi ah, green minded ka lang talaga.” Tangi naman ni Laila kaya napangisi lalo si Danie dito.
“Oh siya-siya, I have to go, may work pa kasi ako,” sabi na lamang ni Danie.
“Sasabay na ako sa iyo.” Sabi naman ni Laila at iniiwas ang tingin sa kasintahan dahil ang pilyo ng pagkakangiti nito sa kanya.
“Sure ka sasabay ka na? hindi na ba kayo magtototot muna bago ka pumasok sa work mo, maaga pa naman.” Biro ulit niya dito kaya hinampas siya ni Laila, mabilis namang nakailag ang baklita sa paghampas ni Laila.
“Ikaw talaga puro ka kalokohan.” Irit ni Laila at hinabol si Danie habang napapailing naman na nagpatuloy sa pagkape si Raphael.
“MAY problema ba?” tanong ni Manang Eve kay Nanami.
“Wala na naman po manang.” Sagot naman ni Nanami sa matanda ng makita siya nitong tahimik at parang may malalim na iiniisip.
Pumasok si Nanami sa kusina at naupo sa stool na naroon. Inabot ni Eve ang isang baso ng Juice kay Nanami. “Inumin mo muna iyan, at kainin mo iyang itinira kung magmeryenda para sa'yo,” sabi ni Manang Eve sa kanya at binigyan din siya ng ensaymada.
“Salamat po pero wala akong gana,” sabi naman ni Nanami.
“Wala kang gana bakit? At saka, mukha kang stress na stress.”
“Wala ito manang, salamat pero ayos lang ako.” Aniya habang pilit na uminom ng juice para hindi magtampo ang matanda sa kanya.
Napriskuhan si Nanami matapos niyang uminom ng juice, at nasarapan siya doon kaya hindi niya namalayan na naubos na niya iyon.
“Wow ang sarap naman nito manang anong juice ito?” tanong niya.
“Herbal juice iyan, paborito namin iyang inumin dahil nakakawala ng pagod lalo na sa dami naming ginagawa dito kaya iyan lagi ang inihahanda ko sa lahat ng empleyado sa mansyon na ito kapag gusto nilang uminom ng juice.” Sagot naman ni Manang sa kanya at ipinakita niya ang lalagyan ng juice.
‘Merly Juice,’ basa ni Nanami sa lalagyan.
Ngumiti si Nanami at saka nag-inat-inat. “Nakakarelax nga manang. Salamat at naglaan ka ng oras para ihanda ito para sa akin.”
“Sus maliit na bagay iha, halos lahat naman kayo dito ay pinaghahandaan ko talaga ng meryenda dahil napapagod din kayo sa mga kanya-kanya ninyong mga trabaho kaya dapat lagi kayong busog.”
Kinuha ni Eve ang walang laman na basong hawak ni Nanami at naglakad papunta sa lababo.
“Magpahinga ka na muna bago mo ituloy ang mga gagawin mo,” sabi pa ni manang Eve habang hinuhugasan nito ang mga ginamit na pinag-meryendahan ng mga tao sa bahay na iyon.
“Sige manang aayusin ko muna silid ni Amalie, aakyat na po ako salamat sa meryenda.” Nakangiting sabi ni Nanami.
Tumango naman ang matanda sa kanya at ipinagpatuloy na nito ang ginagawa.
Umalis na si Nanami sa kusina habang
sinundan siya ng tingin ni Eve hanggang sa mawala na siya sa paningin nito.
Nagpakawala ito ng malalim na hininga hindi siya dapat mawala agad sa bahay na ito, dahil ayaw niyang mawalan na naman ng ikasasaya ang kanyang pinakamamahal na itinuturing na niyang tunay na apo, si Amalie. Dahil naniniwala siyang ito ang magiging solusyon para bumalik ang dating buhay ng mga taong nandito sa mansyon, lalong lalo na ang kanyang alagang si Venom na para na niyang tunay na anak.
“KANINA ko pa gustong magtanong Nanami?” simula ni Marcel, na umagaw sa atensyon ni Nanami. Nagpaluto kasi bigla si Venom ng cordon bleu na niluto niya noong gabing si Amalie ang pinadala niya noong unang gumawa siya ng ganun. Nagustuhan yata nito kaya nagpapagawa raw ulit ito ng ganoong pagkain na iniutos lamang nito kay Marcel.
“Bakit ba masyado kang nagmamalasakit kay boss?”
“Hindi ko maintindihan. Anong ibig mong sabihin?” nagtataka namang tanong ni Nanami.
“Lagi kang nagtatanong tungkol sa kanya. At ngayon, gumagawa ka ng cordon bleu para sa kanya?”
Pinunasan ni Nanami ang kanyang kamay bago hinarap si Marcel. “Hindi ko alam kung ano ang sinasabi mo, Marcel. Wala akong nakikitang krimen sa paggawa ng pagkain para sa amo natin.”
“Yaya ka ni Amalie. Siya dapat ang priority at concern mo hindi si boss.” Nagdududang sita nito.
“Eksakto kaya nga wala naman ibig sabihin ito. Ginawa ko lang ang magpapasaya sa alaga ko, iyon lang.” Sabi niya.
“Teka, sa tingin mo ba may iba akong motibo?” pinaningkitan niya ng mata si Marcel.
Pinag-aralan siyang mabuti ni Marcel. “Noong sinabi ko sa iyo ang tungkol sa pagtatrabaho bilang yaya, tinanggihan mo ang alok na iyon, ngunit sa sandaling nakita mo ang amo natin, biglang nagbago ang isip mo. Bakit?”
“Nawalan ako ng trabaho at kinukulit ako ng ama ko na umuwi na sa amin, so ano ba choice ko kaysa maghanap naman ako ng bagong work na lagi naman akong nari- reject at kaysa bumalik sa amin ay pinasok ko na lang ito.” Dahilan niya na tunay naman dahil sa ama niya kaya napilitan na siyang magtrabaho.
“But I'm sure as hell na kung ano man ang pinaplano mo ay hindi gagana iyan. Kaya mag focus ka na lang sa pag-aalaga mo kay miss Amalie, para hindi ka magkaroon ng problema dahil sa panghihimasok mo sa buhay ni master Venom.” Babala ni Marcel kaya napairap si Nanami dito.
Tumalikod na ito para umalis pero naagaw ang atensyon nito kay Mela na papasok pa lang sa loob ng kusina.
Mabilis na inayos ni Marcel ang kanyang sarili at saka ngumiti sa dalagang kapapasok lang.
“Kumusta ka na M-Mela?” nauutal na bati nito kay Mela kaya napataas naman ang kilay ni Nanami habang pinirito niya ang cordon bleu.
Binigyan naman ito ng blankong tingin ni Mela bago nagsalita, “Okay lang ako, Marcel. Anong ginagawa mo dito?”
“Pumunta ako dito para sabihin kay Nanami na lutuan si master Venom ng pagkain.”
“Ganoon ba.” Medyo may disappoint sa boses na sabi ni Mela pero hindi iyon nahalata ng lalaki.
Dumako ang tingin nito kay Nanami na tahimik na nakatayo sa likod ni Marcel habang pinagmamasdan ang dalawa habang hinihintay niyang maluto ang piniprito, “Hello, Nanami.”
Inilipat ni Nanami ang mga mata sa babae at saka ngumiti dito.
“Sana hindi ako nakakaistorbo sa inyo ni Marcel.” May himig na selos siyang narinig sa bati nito sa kanya.
“Hindi naman, nagpaluto lang siya ng cordon bleu ni master Venom sa akin, saka paalis na rin naman iyan si Marcel.” Nakangiting sabi niya sa babae.
Tumango naman si Marcel sa pag sang-ayon niya kay Nanami, para ipahiwatig sa dalagang si Mela na iyon ang pakay niya kaya pumunta ito sa kusina.
“Sige, aalis na ako, kukuha lang naman ako ng maiinom.” Paalam ni Mela sa kanila ni Marcel at kumuha agad ng tubig sa ref at nagmamadali nang lumabas na ng kusina.
Ngumisi naman si Nanami habang papalapit kay Marcel at bumulong sa tainga nito matapos patayin ang gas stove dahil luto na ang niluluto niya.
“Sa tingin ko dapat ang mga payo mo sa akin ay iniaaply mo sa sarili mo. Mas mabuting tumutok ka sa iyong trabaho at ihinto ang pangangarap mo ng gising kay Mela.” She winked and then inihanda na niya sa isang tray ang pagkain dahil luto na iyon at lumabas na ng kusina habang kinakanta ang kanta ang (Boy with love by: Bts and Halsey) sa versiong tagalog.
Wala namang imik na tinitigan ni Marcel si Nanami, habang papalabas ito ng pinto habang siya naman ay napapakamot sa ulo.