Napabalikwas ako ng bangon nang atakehin ang ilong ko ng mabango at masarap na amoy. Muli akong pumikit at sininghot ang amoy na siguradong nagmumula sa ibaba. Nag-inat ako at tiningnan ang orasang nasa dingding. Alas otso pa lang ng umaga at sigurado akong si Tita Malou ang nasa kusina sa mga oras na ito. Kaagad akong tumayo at naghilamos. Matapos punasan ang basang mukha ay kaagad akong lumabas ng silid ko. Halos lipadin ko ang hagdanan para mabilis na makababa. “Tita!” malakas na tawag ko sa kanya nang tunguhin ko ang kusina. Abala s’ya sa paglilipat sa lamesa ng mga nilutong pagkain. Kaagad na niyakap ko si Tita. Sininghot ko ang mabango n'yang amoy. “Good morning, Tita.” Natatawang tinampal n’ya ang braso ko. “Good morning. Hala, maupo ka na at nang makapag-almusal na tayo.”

