ALEXIA POV.
KARARATING ko lang, at nasa pintuan pa lamang ako ng bahay nang umalingawngaw sa akin ang mga boses mula sa loob. Si Mama… may kausap siya. Kilala ko ang boses na iyon. Ano na naman ang ginagawa niya rito? Sa pagkakaalam ko, matagal nang hindi dito nakatira ang aking ama. Sa anim na buwang pananatili namin sa ibang bansa, ni minsan ay wala kaming balita tungkol sa kanya.
Pagbalik namin, sinalubong kami ng alikabok sa buong bahay. Wala na rin halos damit si Papa sa closet; inisip kong hindi na talaga siya babalik. At ngayon, heto siya… bumabalik para lang guluhin ang isip ni Mama? Bumilis ang paglakad ko papasok, diretso sa kinaroroonan nila.
“Ma, kanina ka pa yata nakaupo sa harap ng TV. Hindi po ‘yan maganda para sa kalusugan mo,” sabi ko bago siya lapitan at halikan sa pisngi.
“Anak, papasok na ako sa kwarto. Kausapin mo ang iyong ama,” malumanay na tugon ni Mama bago siya tumayo at marahang naglakad palayo.
“Melendy, kausapin mo muna ako… pakiusap,” tawag ni Papa.
Hindi na lumingon si Mama hanggang mawala siya sa paningin ko. Humarap ako sa ama ko, pinipigilan ang malamig na panginginig ng boses ko. “Ano po ba ang kailangan ninyo kay Mama? Nag-aalala ako na baka ma-stress siya. Bawal ‘yon sa kondisyon niya.” Sana maintindihan niya ang mensahe at kusa siyang umalis.
“A—Anak… nakikiusap ako. Patawarin nyo na ako. Pangako, hindi ko na uulitin…”
Napatawa ako nang mapait. “Hindi ko na po mabilang sa daliri ko ang mga ‘pangako’ n’yo. ‘Hindi ko na uulitin.’ Ako naman ngayon ang makikiusap… please, huwag ka nang magpakita kay Mama. Maawa ka sa kanya. Sobra na ang mga sakit na naidulot ng pambababae mo.”
“A—Anak… please…”
Hindi na ako sumagot. Tumalikod na lamang ako at naglakad papunta sa kusina upang simulan ang paghahanda ng hapunan namin ni Mama.
Ngayon ang unang araw ko sa RestoBar bilang manager. Marami akong responsibilidad, at hindi ko rin alam kung bakit iyon ang posisyong binigay sa akin ni Mr. Argus. Kanina ko lang din nalaman na silang magkakapatid pala ang may-ari ng magkakatabing building: ang bowling center na pagmamay-ari ni Mr. Rufus Nathan; ang RestoBar na hawak ni Mr. Argus Emanuel; at ang Hugo Coffee Shop… ang pinaka-lihim kong misyon.
Ang paibigin si Mr. Hugo Nick.
At hindi ko alam kung magtatagumpay ako.
Matapos akong makapagluto, tinungo ko si Mama sa silid niya. Hindi na ako kumatok dahil nakaawang naman ang pinto.
“Ma, maliligo muna po ako bago tayo kumain. Kailangan mas maaga ako kaysa sa mga staff ng RestoBar.”
“Oo, anak. Good luck sa trabaho mo. Mag-iingat ka roon,” nakangiting tugon ni Mama. “Bilisan mo lang maligo.”
“Opo, Ma.”
“Go, para hindi ka nagmamadali,” pabiro pa niyang sagot sabay taboy sa akin, kaya agad akong nagtungo sa banyo.
Ang banyo ay katapat ng kusina; tatlo ang kwarto sa bahay ngunit iisa lang ang banyo. Mabilis akong kumilos… hindi rin naman ako maarte. Buhos, shampoo, sabon, banlaw. Ganun kasimple at diretso na agad sa kwarto.
Labinlimang minuto lang ang itinagal ko. Nang lumabas ako ay nakabihis na, ngunit nakabalot pa rin ang towel sa ulo ko para hindi tumulo ang buhok. Kinatok ko si Mama at sumagot naman siya, “Susunod na ako, anak.”
Nagpunta ako sa kusina at naghain ng pagkain. Inihiwalay ko rin ang isang Tupperware para kay Mama… para kapag nagutom siya sa kalagitnaan ng gabi, may makakain siya. Nandoon naman ang microwave para sa pag-init.
“Anak… anong sabi ng Papa mo? At anong oras siya umalis?” mahina at nag-aalala na tanong ni Mama. Ramdam ko ang bigat sa boses niya.
“Hindi na rin po siya nagtagal. Pagpasok mo sa kwarto, nagpaalam na rin siya.”
“Wala ba siyang ibang sinabi?”
“Meron po. Humingi na naman siya ng tawad,” matapat kong sagot. Hindi ko kayang magsinungaling sa kanya.
“Saan daw siya nakatira ngayon? Ang laki ng pinayat ng Papa mo…”
“Deserve niya ‘yon, Ma. Hayaan na natin siya. Gusto niya ang ganyang buhay kaya wala na tayong magagawa,” seryoso kong sagot. “At hindi ko po tinanong kung saan siya nakatira.
“Anak… kahit ano pa ang ginawa ng Papa mo, hindi ka dapat magtanim ng galit.”
“Sorry po, Ma. Hindi ko po ginusto na magalit. Pero hindi ko kayang tanggapin ang ginawa niyang panloloko sa iyo. Dapat siya ang unang nasa tabi mo, siya ang nagpapalakas ng loob mo. Pero nagawa pa niyang mambabae kahit ganito na ang sitwasyon ng pamilya natin.”
“Nauunawaan kita, anak,” malumanay na sabi ni Mama. “Mabait ang Papa mo. Siguro… hindi lang niya maiwasang matukso. Hindi ka na bata, alam kong alam mo ang ibig kong sabihin.”
“Dahil hindi mo na maibigay sa kanya ang pangangailangan niya bilang lalaki kaya nagawa niyang maghanap ng iba?” tanong ko, hindi maitago ang pagpintig ng inis sa tinig ko.
“Hindi lang naman tungkol doon, anak…” mahinahon pero may lungkot na sagot ni Mama. “Marami na akong pagkukulang sa iyong ama. At siguro… naibigay sa kanya ng babae niya ang mga iyon.”
“Sorry, Ma, pero hindi ako sang-ayon sa sinasabi mo. Kaya huwag mo na po akong pilitin na unawain si Papa. Sapagkat kung mahal ka niya, hinding-hindi siya gagawa ng bagay na makakasakit sa’yo.”
Hindi na ako sinagot ni Mama, kaya nagpatuloy na lang ako sa pagkain, pilit binabalewa ang hindi magandang usapan.
“Ahm… Ma, hanggang closing po ang trabaho ko mamaya. Kaya huwag mo na akong hintayin. May susi naman po ako.” iniba ko na ang topic namin upang mabura ang mabigat na emosyon.
“Oo, anak. Lagi kang mag-iingat. Paulit-ulit ko na ‘yang sinasabi sa’yo.”
“Opo. Hindi naman po ako nakakalimot magdasal. Kaya lagi Niya tayong gagabayan at iingatan,” tugon kong may ngiti, gusto kong makita nang maayos ang loob ni Mama bago ako umalis.
Pagsapit ng alas-sais, humakbang ako patungo sa maliit naming sala. “Ma, aalis na po ako. Huwag mong kalimutang i-lock ang pinto.” Yumuko ako at humalik sa pisngi niya.
“Ingat, anak.”
“Yes, Ma.” At lumabas na ako, tanging shoulder bag ang dala. Hinila ko pasara ang pinto at nagsimulang maglakad. Ngunit ilang hakbang pa lamang ay narinig ko ang boses ng mga tambay.
“Bossing! Nariyan na si lalabs mo!”
Napalingon ako… agad din napasimangot nang makita ko si Mr. Hugo Nick. Ano na naman ang ginagawa ng lalaking ito dito? Wala ba siyang trabaho sa coffee shop? Pero nang maalala ko ang misyon ko… ang nakasimangot kong mukha ay parang naglaho na lang bigla.
“Ms. Alexia, sabay ka na sa akin. Doon din ang punta ko.” paanyaya niya na may konting ngiti sa labi.
“‘Wag na po… may tricycle naman sa labasan,” mahina kong sagot.
“Gabi na. Hindi ka ligtas sa pampublikong sasakyan. Baka may mga holdaper, snatcher, at—”
“Mr. Hugo Nick,” putol ko agad, tumitig ako sa kanya. “Dito ako ipinanganak at lumaki. Hindi mo kailangan sabihin sa akin ang tungkol sa ganun. At gusto ko lang ipaalala sa’yo… sa edad kong ito, wala pang nangahas gumawa sa akin ng ganyang bagay, huh!”
Iniwan ko siyang nakatayo roon at mabilis na naglakad palayo, bahagyang naiirita… at hindi ko alam kung bakit, pero naramdaman kong parang bumilis ang tib*k ng puso ko.
“Gusto mo bang buhatin ulit kita para lang isakay sa sasakyan ko?” aniya, may halong pagbabanta at pang-aasar sa tono.
Hindi ako sumagot. Sa halip, luminga ako sa paligid… sigurado akong may mga nakakarinig sa lakas ng boses niya.
“Kung ayaw mong gawin ko ’yon sa’yo, sumakay ka na nang maayos. At simula ngayon, ako na ang maghahatid-sundo sa’yo.”
Napataas ang kilay ko, pero pinili kong manahimik. Dapat nga yatang matuwa ako… siya mismo ang unang lumalapit sa akin. At hindi malabong mangyari na ma-in love siya sa akin nang mas maaga kaysa inaasahan ko. Kapag nangyari ’yon… makakawala na ako sa agreement namin ni Senyor Del Fierro.
Pinagbuksan niya ako ng pinto kaya sumakay ako. Akma ko nang hihilahin ang seatbelt nang may kamay na biglang nauna. Sa pagkakayuko niya, halos magdikit ang aming mukha… at parang huminto ang mundo ko. Ramdam ko ang init ng hininga niyang amoy mint.
Akala ko’y aalis na siya at isasara ang pinto, pero nanigas ako sa sumunod niyang ginawa. Napamulagat ako nang maramdaman ko ang mga labi niyang dumampi sa mga labi ko… mabilis, banayad, pero sapat para kumabog nang sobra ang puso ko.
Akmang itutulak ko siya, pero mabilis din siyang lumayo. Kasabay niyon ang marahang pagsara ng pinto.
Hindi ako makatingin sa kanya nang nakaupo na siya sa driver’s seat. Ibinaling ko na lang ang tingin ko sa labas ng bintana, pilit pinapakalma ang sarili.
“Baka magka-step neck ka niyan,” aniya. “Iisipin ng mga customer na makakita sa’yo… isa kang robot.”
Napalingon ako, gulat sa huling sinabi niya, hindi rin nakaligtas sa mga mata ko ang lihim niyang ngiti. “Anong kinalaman ng robot sa step neck?”
Hindi siya sumagot. Tumawa lang… at halos natulala ako. Unang beses ko siyang nakitang tumawa nang ganoon, kita ang buong ngipin… at para bang dumoble ang kagwapuhan niya.
Parang may kumalabog sa dibdib ko… malakas, sunod-sunod, hindi ko mapigilan. Oh no. Hindi ito dapat mangyari. Para bang nababaliktad ang sitwasyon. Para bang…
Ako pa ang unang magkakagusto.
At kung mangyari ’yon… paano na ang agreement namin ni Senyor?
Napatuwid ako ng upo nang marinig ko siyang tumikhim. Ramdam ko agad ang pag-init ng aking mukha… alam kong nakita niya akong nakatitig.
“Aminin mo…” aniya, may halong ngisi. “Crush mo ako, ’no?”
Parang nasukol niya ako. Hindi ko alam ang isasagot. Iniling-iling ko ang ulo ko para makabalik sa wisyo, saka ko siya hinarap.
“Crush ka agad? Ano ako, teenager?” singhal ko. “At isa pa, hindi ako nagkakagusto sa matanda… ay! Ano ba! Bigla ka namang nagpreno! Muntik na akong mabukulan!”
“Matanda, huh,” mababa niyang bulong… puno ng hamon.
At bigla niyang ihininto ang sasakyan.
Akmang sasabihin ko pa sana ang kasunod kong reklamo nang kusa na ring nagsara ang bibig ko… nang maramdaman ko ang mga labi niya sa akin, mariin, mainit, walang pasabi.
Kasunod niyon, ang dila niya… mabilis, mapangahas, at walang pagdadalawang-isip na pumasok sa loob ng bibig ko.
Halos hindi ako maka-react… nanlalamig ang kamay ko, ngunit umiinit ang dibdib ko. Sinikap kong pigilan ang kakaibang kiliting umaakyat sa aking sikmura, pilit kong nilalabanan ang sensasyon…
Pero sa huli, ang narinig ko na lang sa loob ng kotse ay ang sariling impit kong ungol.
Masarap, nakakabaliw at nakakawala ng katinuan... kakaiba ang halik niya, napatunayan ko 'yon. Sapagkat kung gugustuhin kong itulak siya... magagawa ko. Ngunit, sa halip, tinugon ko at nakipag-ispadahan pa ang dila ko sa loob ng bibig namin pareho.
"Hey! Ayos ka lang, bakit natulala ka na riyan... humm... siguro nasarapan ka sa halik ko ano?" panunudyo niya.
Bumalik ako sa huwisyo at mabilis nag-isip ng isasagot. "Mas masarap humalik sayo ang boyfriend ko."
"F*ck!" Malakas niyang pagmumura.
At hindi ko napigilan lumingon sa kanya, nakita ko ang kakaibang galit niya, para tuloy gusto kong pagsisihan ang huling sinabi ko.