El Greco Empire Forever / Inner Passion/ Kabanata -1
El Greco Empire Forever
INNER PASSION
The story of RJ and Annalize
Si RJ ay kabaliktaran ng lalaking nais niyang mahalin at makasama habang buhay. Well, he's handsome, but a typical dirty-macho, long-hair pa. Tipong brusko at barumbado, barubal kung magsalita, at higit sa lahat, construction boy at jeepney driver. Never in her wildest dream na gugusto siya sa lalaking kagaya nito. Pero sa tuwing magkukrus ang landas nila, sa simpleng pagkakadikit lang ng mga balat nila, bumibilis ang t***k ng kanyang puso, bumibilis ang daloy ng dugo. At para siyang gamu-gamong sumusugba sa apoy. Paano niya tatakasan ang nararamdaman, lalo na ngayong matikman niya ang mapusok at maalab nitong halik? May isa pa palang problema... he looks like someone na mahalaga sa kanya... at nakadagdag iyon sa kanyang pagkalito...
*******
KABANATA 1
"KUYA AJ!"
"Oh, hi, my baby!" pagdaka ay umaliwalas ang mukha ng lalaki nang makita ang twin sister.
They were just paternal twin kaya hindi sila magkamukha. "How are you, huh?" saka ibinukas ang mga braso upang yakapin ang palapit na dalaga.
"Oh, of course I'm fine! But I miss you so much!" agad nga siyang yumakap sa kakambal at humalik sa pisngi nito.
"Really? And I miss you too, my baby!" gumanti ito nang halik sa kanyang pisngi.
"So, may pasalubong ka sa akin?" malambing niyang tanong habang nakasiksik sa dibdib nito.
"But of course! But tell me the truth, na-miss mo nga ba ako, o hinihintay mo lang talaga ang pasalubong ko?"
"Hey, of course not!" napalayo siya rito at bahagyang tinampal sa balikat si Aaron James. "Mas mahalaga ka, ano?"
"Oo na! O, sige, naroon sa maletang iniakyat ni Aling Marta ang mga pasalubong ko sa iyo, okay?"
"Naks! Mga pasalubong talaga? As in, marami?" nangislap ang mga mata ni Annalize.
"Oo naman! Ikaw pa!"
"Wow! May LV bag?"
"Hmm! Bilin mo iyon, hindi ba?"
"And my favorite perfume?"
"Of course! And many more!"
"Oh, thank you, Kuya! You're really great!" muli siya napayakap sa kakambal.
"Hus, bolahin ba ako!" natatawa na lang na ginulo nito ang buhok ng dalaga.
"Ay, ano ba? My hair!" napaigtad tuloy siya palayo rito.
"As usual, ayaw na ayaw mo ng ginugulo ang buhok mo!" natatawa na lang na humakbang na palayo sa kanya ang binata para umakyat sa silid nito. "You know what, para ka pa ring bata hanggang ngayon. Para kang hindi doktora, ha?"
"And as usual, iyan ang paborito mong pang-asar sa akin! And I thought hindi mo na iyan gagawin sa akin dahil malalaki na tayo! Pero hindi ka pa rin nagbabago!" napasimangot na lang siya habang sinusundan ito nang tingin.
"But still, I love you so much, my baby!" humahalakhak na itong pumasok sa sariling silid.
"And I love you too, Kuya AJ!" natatawa na lang na ganting sigaw niya na pumuno sa kabahayan nila.
Ganoon sila ka-close, may lambingan at may asaran, but definitely, they love each other so much...
_________
"RJ, IKAW na ba iyan?" saka sinundan ng mahihinang pag-ubo ang may-ari ng paos na tinig na iyon.
"Oho, Inang! May uwi akong pansit para sa inyo. O, inuubo na naman kayo!" Agad na napapasok sa silid ng ina ang binata.
"W-wala ito." Inut-inot na nagbangon ang payat na babaeng nakahiga sa papag na may banig.
"Anong wala? Naglaba na naman kayo, ano? May mga nakita akong sampay sa labas."
"K-konti lang iyon!"
"Konti? Inang naman, binawalan na kayo ng doktor na maglaba, hindi ba?" naiiling na naupo si Richard James sa gilid ng papag at hinagod sa likod ang matanda.
"Alam mo naman na ayokong natatambak ang damit na marumi, hindi ba?"
"Sabi ko naman sa inyo, ako na lang ang maglalaba bago ako umalis sa umaga!"
"Alam ko naman na pagod ka na sa trabaho pagdating mo. Sa umaga naman ay maaga kang pumapasok. At alam kong suma-sideline ka pa sa jeep ni Mang Eliseo sa gabi. Baka magkasakit ka."
"Okay lang iyon, Inang! Malakas ang katawan ko, hindi ko iniinda ang pagod. Kayo nga itong sakitin at matanda na. Hindi na nga gumagaling ang ubo ninyo, nagpapagod pa kayo! Masama sa inyo ang mabasa ng pawis."
"Ay naku, ayos lang ako, anak. Sige na, kumain ka na!"
"May dala ho akong pansit, saluhan ninyo ako. Ibinili ko nga pala kayo ng gamot sa ubo."
"Salamat. Kumain na ako."
"Ah, basta, saluhan ninyo ako! Para sa inyo talaga ito!"
"Pero alam mo naman na wala akong ganang magkakain, hindi ba?"
"Inang, kapag hindi kayo kumain, hindi rin ako kakain!"
"RJ—"
"Sige na ho, ha?"
Napailing na lang si Aling Julia at sa huli ay pinagbigyan na rin ang anak...
_________
"BAD trip! Wala na naman sa bansa si Kuya AJ! Mami-miss ko na naman siya!"
Naiiling na lang si Annalize habang nagda-drive pauwi.
Pero hindi bale, sa susunod na mag-leave si Kuya, I'll make sure na makakasama ako sa kanya sa kung saan man siya—
"Ay!" tila nawindang pati kaluluwa ni Annalize dahil sa malakas na puwersang bumangga sa likurang bahagi ng kanyang kotse. "Oh, God, no!" at dahil nawala sa huwisyo ang kontrol sa manibela, umesi-esi ang takbo niyon. "No!"
At lalo siyang nagimbal nang pagtingin sa harapan ay bumalandra sa kanyang paningin ang malaking puno sa may gilid ng kalsada na tinutumbok na pala ng sasakyan.
"Agh!" napaigik na lang siya nang maramdaman ang sakit sa pagkauntog ng ulo sa may pinto.
Umikot ang paningin ng dalaga, tila nanlalabo ang paligid, umaalon ang kanyang pakiramdam...
"Dali, kuhanin ninyo iyong babae sa loob!"
"Buksan ninyong pinto!"
"Paraan! Bubuksan ko!"
Naulinigan ni Annalize ang nagagahol na tinig sa paligid...
Pilit niyang iminulat ang mga mata...
"Okay ka lang, Miss? Halika, bubuhatin kita!"
Sa nanlalabong paningin ng dalaga, nabanaag niya ang pamilyar na hugis ng guwapong mukha na iyon...
Kuya AJ...
Muli siyang napapikit... ramdam niya ang matitipuno at malakas na bisig na bumuhat sa kanya palabas ng sasakyan bagama't hindi na magawang dumilat muli ng dalaga.
Hanggang tuluyan nang lagumin ng antok ang kanyang kamalayan...
________
"ANAK ng—" napatapak sa preno si RJ dahil sa nasaksihang aksidente sa kalsada.
"Pare, bumangga sa poste iyong kotseng nabangga ng van!" wika ng back-ride niyang si Kulas
"Oo nga, dali, kunin mo iyong plate number ng nakabangga! Gagong iyon, ah! Tinakbuhan!" pagkuwa'y agad na bumaba ng jeep ang binata.
"O, saan ka pupunta?"
"Tutulungan ko iyong sakay!" agad nang tinakbo ni RJ ang kotseng nabangga sa poste na agad na ring nilapitan ng ibang usyoso.
"Dali, kuhanin ninyo iyong babae sa loob!"
"Buksan ninyong pinto!"
"Paraan! Bubuksan ko!" agad na hinawi ni RJ ang mga tao at binuksan ang pinto.
Pilit na nagmulat ng mga mata ang babae.
"Okay ka lang, Miss? Halika, bubuhatin kita!"
Pero muli itong pumikit at lumungayngay ang ulo.
"Miss! Miss!"
Agad na niyang pinangko ang babae ng hindi na ito kumibo at inilabas sa kotse.
"O, Pare, ayusin mo sa loob, isasakay ko ito! Hawakan mo itong bag niya, baka mawala!" utos niya kay Kulas.
"Sige, aalalayan ko!"
Ilang sandali pa, humahagibis na sa kalsada ang jeep na minamaneho ni RJ.
"Okay pa ba iyan?"
"Okay pa, Pare! Pero ang ganda nito, Pare! Mukhang mayaman talaga, o! Ang kinis!"
"Heh! Naaksidente na nga iyong tao, baka minamanyak mo pa!"
"Hindi, ah! Napansin ko lang na maganda! Mga ganito kaganda ang bagay sa iyo, Pare!"
"Tumahimik ka!" isang mabilis na lingon sa mukha ng babae ang kanyang ginawa...
Oo nga, ang ganda ng babae kahit nakapikit at may bahid ng dugo sa mukha...
Mayaman at maganda, paano magiging bagay sa akin?
Naiiling na nagpatuloy na lang siya sa pagda-drive hanggang nakarating na sila sa pinakamalapit na ospital...
Agad namang inilagay sa stretcher ang babaeng duguan at dinala sa ER...
"Okay na ba siya, Miss?" nag-aalalang tanong ni RJ sa nurse habang sinusulyap-sulyapan ang babaeng naaksidente na ngayon ay may dextrose na at tinatahi ang sugat sa noo.
"Okay naman ang vital signs niya, wala lang malay."
"Pare, okay naman pala, tara na, alis na tayo!"
"Sige! Miss, eto iyong bag niya, ha?"
"Oho."
"O, tara na Pare, nagawa na natin ang tungkulin ng isang nagmamalasakit sa kapwa!" yaya ni Kulas.
"Sige, halika na!" kahit tila mabigat pa rin ang kalooban na iwanan ito, isang huling sulyap sa mukha ng babae ang kanyang ginawa at agad nang humakbang palabas ng ER at tumungo sa jeep at nilisan na ang ospital...
"Yari tayo kay Mang Eliseo. Sermon na, maglilinis pa tayo ng naduguang jeep!" wika ni Kulas nang makagarahe na sila sa looban ng operator ng jeep.
"Okay lang iyon! Saka mabait naman si Mang Eliseo, maiintindihan niya ako! Linisin na lang natin!" nauna nang bumaba si RJ.
"Sabagay, mabait nga sa iyo ang matandang iyon. Hanga kasi iyon sa sipag mo. Uy, teka!" napalingon si Kulas sa upuan sa likod.
"O, ano iyon?"
"Mukhang may nalaglag sa bag ng babaeng nadala natin sa ospital, o!" Dumukwang ito at inabot ang tila ID. "Driver's license, Pare!"
"Ha? Patingin!" agad na kinuha ni RJ ang hawak nito. "Oo nga, siya ito!"
Ilang sandali siyang napatitig sa larawang naroon, pagkuwa'y sa nakalimbag na pangalan...
Annalize El Greco! El Greco?
Napatitig sa kawalan ang binata...