OH MY! Nahalata bang nakasunod ako sa kanila? s**t! Buti na lang at naka-seatbelt ako, muntik na akong masubsob sa dashboard, ah! At... oh no! Bumaba siya... at palapit siya rito!
Para tuloy itinulos sa kinauupuan si Annalize nang makitang palapit nga sa kotse niya ang matangkad na lalaking driver ng jeep...
Oh! Kahit sa paglakad, kamukha siya ni Kuya AJ!
"Miss, pakibukas nga!"
"H-ha?" napalunok na lang siya nang makalapit na ang lalaki at marahang kinatok ang salamin ng bintana ng kanyang sasakyan.
"Miss, buksan mo!" bahagya nang malakas ang boses nito at ramdam niya ang kalakip na galit.
Pinisil ni Annalize ang open-button.
"W-why? At bakit ba bigla kang nagpipreno, ha? Muntik na tuloy akong masubsob!" nagtataray-tarayang wika ng dalaga.
"Ganoon? Ako pa ang biglang nag-preno, huh! At bakit naman kanina mo pa kami sinusundan, ha? May atraso ba ako sa iyo? Bakit? Dahil hindi kita tinulungang magpalit ng gulong noong isang gabi dahil mataray ka pala at matapobre?" naniin ang mga palad nito sa gilid ng bintana at animo higanteng nakatunghay sa kanya.
"H-ha?" napaawang na lang ang bibig ng dalaga habang nakatingala naman siya rito.
Diyata't hindi lang nito nahalata na kanina pa siya nakabuntot sa jeep nito, kund nakilala pala siya kahit na tinted ang salamin ng kanyang sasakyan.
"Ah... b-bakit naman kita susundan kung hindi mo ako tinulungan noong isang gabi? At s-sa iyo ba ang kalsada? At—"
"Puwede ka namang magkaila, pero paano mo ipaliliwanag na kahit naka-go ka na, o kahit na maluwag na ang kalsada ay nakaagapay ka pa sa jeep ko? At bakit pati sa pagliko ko, nakabuntot ka, sige nga, paliwanag mo!"
"H-hindi ako nakabuntot dito, okay? At t-talagang dito ako papunta!"
"Ganoon? One-way ang daang ito, bawal tayong pumasok dito! Puro palabas lang dapat ang mga sasakyan dito."
"H-ha?" lalong natulala si Annalize.
"Sinadya kong dito lumiko para makasiguro na sinusundan mo nga ako!"
"Ah, k-kasi—"
"At dahil bawal tayo rito, hayan o, may palapit sa ating MMDA."
"A-ano?"
"Hihingin niya ang lisensiya natin, pagmumultahin tayo, kaya lagot ka! Wala kang lisensiya."
"H-ha?"
"Oy, kayong dalawa, bakit kayo pumasok sa one-way, ha?" agad na sita ng MMDA nang makalapit na.
"Ah, sorry Boss, emergency kasi!" kaswal na hinarap ito ng binata.
"Anong emergency? Patingin nga ng lisensiya mo!"
"Ah, okay, Boss!" agad naman itong dumukot sa bulsa.
Maging si Annalize ay hinagilap ang bag para kuhanin ang lisensiya.
Nasaan na? Bakit wala rito sa bag? Hindi naman ako nagpapalit ng bag, ah!
"Boss, lisensiya ko, eto rin ang lisensiya niya!"
"H-ha?"
"At bakit nasa iyo ang lisensiya niya?"
"Ah, iyon nga kasi, Boss! Naiwan nitong kaibigan ko ang lisensiya niya sa jeep ko. Tapos, may problema ang preno ng kanyang sasakyan kaya nang tumawag siya ay agad akong sumunod para tingnan. Kaya kami lumiko dito kahit bawal ay baka madisgrasya pa siya at magdulot lang ng matinding trapik sa kalsada."
"Ha? Totoo ba iyan?"
"Oho naman! Pero alam kong may mali kami, kaya baka naman puwedeng pag-usapan na lang."
"Aba, eh, ano ang lagay?" napangisi naman ang MMDA.
"Ah, teka, akong bahala. Hey, pahinge five hundred!'
"H-ha?"
"Bilis, baka magbago ang isip ni Boss, yari ka! Driving without license, may violation ka pa sa pagpasok sa one-way!" bahagya itong yumukod at bumulong.
"Ah, s-sige!" nagahol pa siya sa pagkuha ng pera sa kanyang wallet...
___________
"G-GANOON?"
"Oo, ganoon? Kaya kilala ko ang kotse mo, dalawang beses ko nang nakita iyan. At pangatlo ngayon!"
Napayuko si Annalize...
"S-sorry..."
"Sorry saan?"
"S-sa pagtataray ko sa iyo ng gabing iyon... at salamat dahil ikaw pala ang nagdala sa akin sa ospital. Salamat din dahil... itinabi mo ang lisensiya ko."
Hindi kumibo ang binata, matiim lang na nakatitig sa kanya.
"A-at sorry din... sumusunod nga ako sa iyo kanina." Napayuko na lang siya dahil matagalan ang titig nito.
"Bakit nga?"
"Ah... kasi nga... nakilala kita."
"Nakilala mo lang ako, sumunod ka na? Bakit? Para tarayan uli?"
"H-hindi naman. Ah... siguro, gusto ko lang talagang... humingi ng sorry."
"Siguro? O, sige na nga! Umalis na tayo rito, baka bumalik ang MMDA at magsama pa ng iba, makotongan na naman tayo!"
"Ah, sandali!"
"Bakit?"
"P-pahingi ng cellphone number mo."
"Ha? Bakit?"
"Ah, mukhang sanay ka talaga sa sasakyan... b-baka isang araw ay masiraan uli ako, baka puwedeng tawagan ko."
"Ganoon?"
"O-oo... sige na, please?"
Bahagyang natigilan si RJ, tila hinaplos ng malamig na kamay ang binata dahil sa mababang tinig ni Annalize.
"O, sige na nga!" sinabi nito ang numero.
"Wait, ise-save ko sa Iphone ko!" nagahol pa si Annalize sa pagre-record sa phonebook ng numerong sinabi nito.
"Iyong sa iyo, hindi mo ibibigay sa akin?"
"Ah, oo nga pala!" Isang calling card ang kinuha niya sa bag at iniabot dito.
"Hmm, Annalize El Greco. Maganda ang name mo, ha? El Greco... marami ka bang kilalang El Greco?"
"O-oo naman! Malaking angkan ang El Greco."
"Ah, okay! Sige, alis na ako!" umalis na ito sa pagkakatayo sa tabi ng kanyang kotse.
"Sandali!"
"Bakit?"
"A-ang pangalan mo, hindi mo pa binibigay!"
Saglit itong natigilan.
"RJ! Iyon ang name ko!" malakas nitong wika habang paatras na humahakbang patungo sa jeep nito.
"RJ ano?"
"Basta RJ lang, Richard James!" pagkuwa'y diretso na itong sumakay ng jeep at pinaandar iyon pa-u-turn para lumabas na sa one-way na kalsadang iyon.
Habang si Annalize ay nanatili pa rin nakaupo, nakatulala sa loob ng sasakyan...
Oh my God! I still can't believe it! Ngayong natitigan at nakausap ko na siya nang malapitan, sigurado na ako na hindi ako namamalikmata lang! Talagang kamukhang-kamukha siya ni Kuya AJ! Pati boses, magkatunog! Bakit? Paano nangyari iyon? Ang pagkakaiba lang nila... ang mahabang buhok ng lalaking iyon. At ito... itong malakas na kabog ng dibdib ko habang kausap ko siya. Hindi ko ito nararamdaman kapag si Kuya AJ ang kausap ko! Pero sa kanya, pakiramdam ko ay malalagutan ako ng hininga sa halu-halong emosyon na aking nadarama! Ah, ano ba? Anong nangyayari sa akin?
_________
ANNALIZE El Greco... psychiatrist... isa siyang doktora. Hindi lang siya maganda at mayaman, mataas din ang kanyang pinag-aralan.
Walang kakurap-kurap si RJ habang nakatitig sa calling card na ibinigay ng dalaga kanina.
Kaya wala akong karapatang pangarapin ka. Isa pa, kung isa akong El Greco, hindi talaga puwede. Baka... magkamag-anak pa tayo!
Nakuyom na lang niya ang kamao sa isiping iyon...
Pero bakit ganito? Sa simpleng pagkaalala ko lang sa kanyang magandang mukha, parang dumadagundong sa kaba ang dibdib ko! Parang... ah... hindi ito puwede, hindi dapat! Baka masaktan lang ako kapag kinunsinti kong sarili ko!
Biglang tumunog ang mumurahing cellphone ng binata...
Sino kaya ito? Hindi ko kilala ang numero, ah!
Pero lihim na siyang kinakabahan sa mga antisipasyon kung sino ang puwedeng tumawag sa kanya...
"Hello?"
"H-hi!"
Lihim na napabuntong-hininga si RJ nang makilala ang boses.
"Hi! Bakit ka napatawag?"
"Talaga? Kilala mo na agad ako?" malambing ang tinig mula sa kabilang linya.
"Oo naman, alam kong ikaw iyan. Wala naman kasing ibang nakakaalam ng number ko maliban sa mga barkada kong lalaki, sa operator ng jeep na inilalabas ko, at ilang kasamahan sa construction site na pinapasukan ko."
"Sinasabi mo ba sa akin na walang ibang babaeng nakakaalam ng number mo?"
Bahagya siyang natigilan...
"Parang... ganoon na nga!"
"I'm glad to hear that!"
"Oy, huwag mo akong inglisin, ha? Naiintindihan kong sinabi mo, pero pag humigit pa doon, hindi na. High school lang ang natapos ko."
"Ikaw naman! Kahit naman high school lang, kung talagang matalino ang isang tao, makakaintindi ng simpleng english."
"Oo na! O, bakit ka nga pala tumawag?"
"Hindi ka kasi tumatawag. Kanina pa ako naghihintay sa tawag mo."
"Ano? At bakit ka naman maghihintay sa—"
"Wala lang! Siyempre, nakuha mo ng number ko, kahit paano, naiisip ko na baka nga tawagan mo ako... d-dahil ikaw ang lalaki."
"Ganoon ba iyon? Sorry, wala akong load. Kaya nga wala akong katawagang babae, ayoko ng may maghihintay ng tawag ko dahil lagi akong walang load."
"Ganoon?"
"Oo. Kaya kung wala ka ng ibang sasabihin—"
"Sandali – sandali!"
"Bakit ba?"
"Ah, gusto kasi ng papa ko na... kumuha ako ng driver. I-I mean... ah, ang ibig kong sabihin, baka gusto mong maging... driver ko?"
"Ha?"
"K-kung gusto mo lang. S-sabi nga nina Papa at Kuya AJ ko, madalas magkaaberya ang kotse ko, o kaya naman, nagkakaproblema at—"
"Sorry, hindi ako puwedeng maging driver mo."
"B-bakit naman?"
"Wala lang, ayoko lang."
"R-RJ—"
"Inaantok na ako, bye!" Ini-off na niya ang kanyang mamahaling cellphone...
Pero ilang sandali na siyang walang kausap ay nakatitig pa rin ang binata sa kawalan...
Driver niya? Hah! Anong nakain ng babaeng iyon at inaalok akong maging driver niya? Baka nagti-trip! Hah! Ayoko nga! Mamaya, kung saan pa mauwi itong kakaibang pakiramdam na nararamdaman ko kapag nakikita ko siya! Mahirap na, baka sa huli, masaktan lang ako kapag... nalulong ako sa kanya!
Pero sa magdamag na iyon, naging mailap ang antok kay RJ...
Ang isiping inaalok siya ni Annalize na maging driver, iyon bang magkakasama sila maghapon sa loob ng kotse ng dalaga, iyong malaya niyang malalanghap ang pabango nito... ah, kayhirap pakitunguhan ang mga damdaming umaahon sa kanyang dibdib... tila palasong tumutudla sa bawat himaymay ng kanyang kalamnan, naglalakbay sa pinakakubling bahagi ng kanyang pagkatao...