Ilang araw nang hindi maganda ang timpla ni Maximo dahil sa masamang balitang natanggap—buhay si Amadeo. Buong akala niya ay tuluyan nang binawian ng buhay ang basurang ampon ng kanyang ama. Ngunit tila malakas talaga ang kapit nito kay Satanas dahil nabigyan pa ng pangalawang pagkakataon para mabuhay. May sa-pusa yata ang tarantado. Nanghihinayang siya sa mga tauhan niyang nalagas, pero wala na siyang magagawa roon. Inasahan na niyang wala nang makakabalik sa kanila, pero umasa siyang kahit isa man lang kay Adelina o Amadeo ang mahila nila sa hukay. Napabuga na lang siya ng hangin saka nagtungo sa veranda dala ang isang bote ng mamahaling alak. Pinagmasdan niya ang bilog na buwan na naghahari sa madilim na kalangitan. Unti-unti na siyang napupuno dahil hindi umaayon sa gusto niya ang

