CHAPTER 5

1989 Words
Gusto kong sumigaw, gusto kong tumakas ngunit paano? Nakikita ko na ang unti-unting paglaki ng apoy ngunit hindi ako makaalpas sa kamay ng babaeng mahigpit ang kapit sa aking buhok. Bawat kalmot niya sa aking mukha, bawat wasiwas niya sa aking buhok ay damang dama ko ang sakit. "Maawa ka! Tama na!" umiiyak na sigaw ko. Buong lakas ko siyang itinulak palayo at nagtagumpay akong makawala sa mga kamay niya. May sinasabi ang babae ngunit bumuka man ang bibig nito ay hindi ko naman marinig ang tinig. ”Tulungan mo ako! Parang awa mo na!” Luhaan akong humingi ng tulong sa lalaking nasa isang tabi ngunit hindi man lang ito gumalaw ni tumugon sa akin. Tinadyakan ako ng babae sa aking sikmura na halos ikaputol ng aking paghinga. Natumba ako sa sahig at parang mawawalan na ako ng ulirat dahil sa tindi ng sakit noon. Nag uunahan sa pagtulo ang aking mga luha nang makita kong magka hawak kamay akong iniwan ng dalawa sa nasusunog na bahay. “Tu…long! Tu…long!” impit na sigaw ko dahil kasabay ng sakit ng tadyak na iyon ay ang unti unting paglamon ng usok at apoy sa akin. “Don’t be scared. I’m always be here.” Ramdam ko ang init sa hawak niyang iyon sa aking kamay. Hawak na may pagmamahal. Kung kanina ay naroon ako sa nasusunog na bahay. Ngayon naman ay tila ba nasa isang paraiso ako. Maraming bulaklak at mga puno sa paligid. Nakaupo ako sa upuang bakal habang ang lalaking kumakausap sa akin ay nakatalikod. Pilit ko mang aninawin ang kanyang mukha ay hindi ko talaga makita. “Iwanan ka man ng lahat. Hindi ako. Hinding hindi kita iiwanan dahil naniniwala ako sa ‘yo…” Napadilat ang aking mga mata dahil sa tilaok ng manok. Hingal na hingal ako at nanunuyo ang aking lalamunan. Bumangon ako at nasilip sa labas na madilim dilim pa. Pinunasan ko ang pawisan kong noo at inayos ang aking sarili bago bumaba. Naabutan ko si mama sa kusina na nagtitimpla ng kape. Ngumiti siya sa akin nang makita niya ako. “Ang aga mo namang nagising,” aniya. “Gusto mo ba ng kape ipagtitimpla kita?” Tumango ako at nagtungo sa banyo para maghilamos. Tinitigan ko ang aking mukha sa harap ng salamin. “Sino ka ba talaga, Laira?” nanulas na tanong mula sa aking bibig. Huminga ako ng malalim at napailing na lang. Dahil sa gabi gabing pagdalaw ng bangungot na iyon ay pati ang aking sarili ay pinagdududahan ko na rin. Para bang hindi ko kilala ang sarili ko sa tuwing gigising ako. Araw araw ay pinag iisipan ko kung dapat na ba akong magpatingin sa doktor o hindi. Marami akong gustong malaman pero parang natatakot ako. “Ilang araw ka ng tahimik. May problema ka ba?” tanong ni Klare isang araw. “Kulang lang siguro ako sa tulog,” tugon ko. Na siyang totoo naman dahil gabi gabi na akong dinadalawa ng bangungot ko. At ng lalaking iyon. “Gusto mo ba samahan kita sa doktor? May kilala ako,” alok pa ni Klare. “Para sa ‘yo din ‘to, Laira.” Hinawakan niya ang braso kong nakapatong sa mesa. “Baka sinasabi ng panaginip mo na harapin mo na ang kinatatakutan mo.” “Kinatatakutang ano?” Sabay kaming napalingon kay Andrie ng magsalita ito. Umupo ito sa tabi ni Klare habang nag aalala ang mga matang tumingin sa akin. “May problema ka, Laira?” tanong pa niya ulit. “Ah… w-wala! Wala lang ‘to! Maiwan ko muna kayo.” Hindi na ako naghintay ng tugon at agad na rin akong umalis. Tama ng si Klare ang may alam sa nangyayari sa akin bukod sa amin ni mama. Ayaw kong pag usapan dahil ayaw kong kaawaan ako sa sitwasyon kong ito. Linggo ng umaga ay maaga ulit akong nagising. Mas nauna pa akong magising kay mama. Dahil nag aagaw na ang liwanag at dilim ay nagpasya akong maglakad lakad na sa dalampasigan. Pakiramdam ko kasi ay napapayapa ang isip at puso ko kapag nakakakita ako ng dagat. Naupo ako sa ugat ng malaking puno at tinatanaw ang mga bangkang paroo’t parito sa ‘di kalayuan. Masarap sa balat ang lamig ng sariwang hangin. Inayos ko ang balabal na nasa aking balikat at hinayaang tangayin ng hangin ang aking buhok. Maya maya pa ay may dumaong na bangka ng mga mangingisda. Maingay ang mga ito at pinag uusapan ang marami nilang huling mga isda. Kanya kanya na rin sila ng hila ng kani kanilang mga banyera. Tuwang tuwa talaga sila dahil sa dami ng kanilang mga nahuli. Huling dumaong ang isang bangka. Agad ring nagbaba ng ilang banyera ang mga lalaking naroon. “Iba talaga kapag kasama sa loot si Sir Pier ‘no! Ang dami natin laging huli!” wika ng lalaking dumaan. Kumabog bigla ang puso ko nang marinig ko ang pangalang iyon. Marahas akong lumingon sa mga bangkang dumaong. “Sir Pier! Tayo na at umuwi! Kagabi pa kayo hinahanap ng daddy n’yo!” Isang matandang babae ang aligagang lumapit sa isang lalaki at nag abot ng tuwalya. Agad akong napatayo dahil kilala ko ang bultong iyon! Iyon ang bulto ng lalaki sa panaginip ko! “Laira!” Napasinghap ako at napatalon pa ng bahagya sa gulat ng hawakan bigla ni Andrie ang isang kamay ko. “Saan ka pupunta?” tanong niya. Nagtataka pang sinundan ng tingin ang direksyon ng dalampasigan. “A-anong ginagawa mo rito?” tanong ko ng makabawi sa gulat. “Nag-jogging lang. Napadaan ako dito at nakita kita kaya lumapit ako. Pauwi ka na ba?” Nilingon kong muli ang dalampasigan. Tahimik na iyon ngayon. At wala na rin ang lalaking iyon. “Ano?” untag pa ni Andrie sa akin. “Titingin sana ako ng mga sariwang isda,” sagot ko. “Sariwang isda? Saan?” “Do…on…” Natahimik ako dahil ang mga bangka kanina ay wala na. Unti unti kong nilingon si Andrie at kitang kita ko ang pagkunot ng kanyang noo. “Ah… doon sa palengke. Ah… aayain ko si mama kaya uuwi na ako,” pagdadahilan ko na lang. “Sige! Tara na ihahatid na kita,” anito at hinila na ako paalis ng dalampasigan. Lumingon ako ulit at ganoon na lang ang pagtataka ko dahil walang mga bangka. Walang mga tao. Panaginip ba iyon? “Good morning po!” “Goid morning, Sir Axcel! Wow! Long time no see, ah!” bati ni Klare pagpasok nito. “Naging busy sa Manila, eh! Anong meryenda natin?” “Marami po. Ito po ang menu namin.” Magiliw na pinag silbihan ni Klare si Axcel at ilang body guards nito. “Hi, Laira. Nice to see you again,” bati niya sa akin. “Hello po,” ani ko at nakangiting tinanguan siya. “Dito ka na ba ulit maglalagi, sir?” tanong naman ni Wena. “I’m going back to Manila one of this days din. May kailangan lang akong tapusing trabaho dito,” sagot nito. “Malapit na po ang eleksyon. Tatakbo ka po ba?” si Wena. “I’m not a fan of politics,” natatawang sagot ni Axcel. “Si kuya ang papalit kay dad.” “Ay! Talaga po! Uuwi na si Sir Pier?!” excited ring tanong ni Klare. “Yeah! By next week siguro nandito na ‘yon.” Marami pa silang napag kwentuhan pero ang tanging tumatak lang sa akin ay ang pangalang Pier. Pangalang nagpapabilis bigla ng t***k ng aking puso. “Laira, anak,” tawag ni mama sa akin. “Ma? May kailangan ka?” Umayos ako sa pagkakaupo para bigyan siya ng space sa sofa. “Ilang araw ko na kasing napapansin na parang ang lalim ng iniisip mo. Nabanggit rin ni Klare sa akin na may kakilala s’yang doktor sa bayan. Baka gusto mong magpa-check up,” pahayag ni mama. “Nag aalala kami sa ‘yo, anak.” Nasa boses pa nito ang lungkot. “Sabi naman po ng doktor sa Maynila na babalik ng kusa ang mga alaala ko ‘di ba. Hihintayin ko na lang po iyon,” tugon ko. “Halika sa kwarto. May gusto akong ipakita sa ‘yo.” Naguguluhan man ay sumunod ako kay mama paakyat sa itaas. Nakita ko siyang nakaupo sa kanyang kama kaya dahan dahan akong lumapit at naupo sa kanyang tabi. “Ano ‘to, ma?” nagtatakang tanong ko nang iabot niya ang isang maliit na kahon. “Bago mo sana buksan ‘yan may gusto akong sabihin sa ‘yo. Pero sana, maintindihan mo ako.” Marahan akong tumango. Huminga ng malalim si mama at kinuha ang isang photo album sa ilalim ng cabinet. Kinuha ko iyon at nakita ang larawan ng isang pamilya. Pamilya namin. Si mama at papa n’ong ikasal sila hanggang sa dumating na nga ako. “Hindi ikaw ang batang ‘yan.” Agad akong nag angat ng tingin kay mama. “H-hindi ako?” litong tanong ko. Pinahid ni mama ang mga luhang tumulo sa kanyang magkabilang pisngi. “Panahon na siguro para malaman mo ang lahat. Namatay sa sunog ang totoong Liara. Sumabog ang barkong sinasakyan namin papuntang Maynila ilang buwan bago ka dumating sa buhay ko.” “Kasama ba ako sa barkong ‘yon?” “Hindi ako sigurado dahil sa hospital na rin kita nakita. Akala rin ng ibang mga nurse sa barko ka galing at ilang linggo na pero walang nagki-claim sa ‘yo. Kaya inako kita dahil sa pangungulila ko sa sarili kong anak.” “Kung sa barko ako galing bakit hindi iyon ang nasa panaginip ko. Bakit nasa bahay ako? Bakit may kasama akong babae at lalaki? Bakit nila ako iniwanan doon? Ah!” Napahawak ako sa aking ulo ng bigla iyong sumakit. “Laira!” Agad akong dinaluhan ni mama. “Tama na! S-saka na ulit natin ito pag usapan, anak,” nag aalalang ani mama pa sa akin. “Hindi, ma! Sabihin n’yo na lahat sa akin. Baka sakaling may maalala na ako kahit konti!” mangiyak ngiyak na sabi ko. “Pero, anak…” “Please, ma! Sige na po,” pagmamakaawa ko. “Hindi ko rin alam ang sagot sa mga tanong mo, Laira. Baka ang laman ng kahon na ‘to ang susi sa mga tanong mo. Hindi ko ibinigay sa ‘yo ‘yan agad dahil sa kalagayan mo noon.” Huminga ako ng malalim para pakalmahin ang aking sarili. Kinuha ko ang maliit na kahon. Isang kwintas at singsing ang laman noon. Napapikit ako ng titigan kong mabuti ang kwintas sa aking kamay. Isang scenario ang pumasok sa aking isipan. May lalaking nagsuot sa akin ng kwintas na iyon. Hinawakan ko iyon at matamis akong ngumiti. Nang dumampi sa mga daliri ko ang singsing ay para bang sumikip bigla ang puso ko. Pakiramdam ko may nagsuot na sa akin nito. “Baka may pamilya po ako, ma? May asawa o anak. May mga magulang,” wika ko habang abot abot ang kabang nararamdaman. “Bakit hindi ka nila hinanap? Ibibigay naman kita sa kanila, anak. Hindi kita ipagkakait, pero walang naghanap sa ‘yo hanggang makalabas tayo ng hospital,” paliwanag ni mama. Walang naghanap sa akin. At parang sinaksak ng paulit ulit ang puso ko sa kaalamang iyon. “Para sa akin anak kita, Laira. Handa akong akuin ka bilang totoong anak ko. Pero kung handa ka ng harapin ang nakaraan mo at handa ka ng malaman ang totoo mong pagkatao hahayaan kita. Masaya akong naging parte ng buhay mo kahit sa maiksing panahon lang. Kaya magpatingin na tayo sa doktor. ‘Wag kang matakot dahil nandito ako. Sasamahan kita. Dahil anak kita.” Tahimik akong umiyak sa mga bisig ni mama. Panahon na nga siguro para harapin ko kung sino talaga ako. Kung saan ako nanggaling. At bakit walang naghanap sa akin?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD