“Ayos ka lang ba, anak?” untag ni mama sa pananahimik ko.
Pauwi na kami sa bahay galing sa check up. Pagkatapos ng ilang test sa akin ay ini-refer niya kami sa Psychologist. Next week ang session ko at ngayon pa lang ay parang kinakabahan na ako.
“Baka nagugutom ka? Gusto mo bang kumain?” tanong pa ulit ni mama sa akin.
“Sa bahay na lang po, ma. Medyo napapagod na rin po kasi ako,” wika ko.
“Kung ayaw mong ituloy-“
Napatingin si mama sa kamay kong humawak sa kanyang braso.
“Hindi mo naman ako pababayaan ‘di ba?” nakangiting saad ko.
“Oo naman! Anak kita, Laira. Hindi ka man sa akin galing. Pero sa puso ko, anak kita,” nakangiting tugon niya. “Ano man ang maging kahinatnan ng gamutang ito. Nasa tabi mo ako, anak.” Hinaplos pa ni mama ang pisngi ko.
May ngiti sa labing humilig ako sa balikat ni mama. Napaka swerte ko talaga dahil si Mama Danna ang nakakuha sa akin.
Simula ng gabing aminin ni mama sa akin ang sikreto niyang iyon ay lagi na lang akong napapatanong sa aking sarili.
Kung may pamilya ba ako? Nanay o kahit kapatid man lang? At ang pagpapagamot ko lang ang natitirang paraan para malaman ko ang tunay kong pagkatao.
Pagdating namin sa bahay ay agad kaming nagtungo sa kainan. Busy ang lahat dahil tanghalian na. Hindi na rin ako nag aksaya ng oras at tumulong na rin sa pag aasikaso sa ibang customers.
“Saan kayo galing?” tanong ni Andrie ng makalapit sa akin.
“Sa bayan lang. Nagpa check up,” tipid kong tugon.
“May sakit ka?” nag aalala niyang tanong.
“Medyo masama lang pakiramdam ko. Sabi ng doktor pagod lang daw kaya okay naman ako.” Pagsisinungaling ko.
“Laira, kumusta ang lakad n’yo ni tita?” si Klare.
“Okay naman. Kakain lang muna ako,” paalam ko para bigyan sila ng space.
Lagi kong ibinibigay kay Klare ang ganoong opportunity para makapag solo sila ni Andrie. Way ko na iyon para mapalapit sila sa isa’t isa.
Maya maya pa ay dumating si Axcel kasama pa rin ang ilang body guards niya. Um-order siya ng pagkain para dalhin sa munisipyo. Pa despidida daw kasi niya dahil last day na niya sa munisipyo. Lahat rin ng customers namin ay sinagot niya ang pagkain.
“Kailan naman ang balik mo n’yan, iho?” tanong ni mama.
“Hindi ko pa po alam, tita. Pero sure po sa kampanya uuwi ako dito para tumulong kina daddy,” wika pa niya.
“Mami-miss ka namin, Sir Axcel,” ani Wena.
“Naku! Dinamay mo pa kami!” siring ni Klare dito.
“Eh! Ang kaso hindi naman ako ang mami-miss ni Sir Axcel ‘no!” Sabay sulyap ni Wena sa akin.
“Ikaw talaga! Nakakahiya kay Laira,” saway ni Axcel. “To end this rumors, crush ko si Laira. Pero hindi po ako manliligaw, tita, ha!” Natatawang baling nito kay mama. “Engaged na rin po kasi ako matagal na. Alam n’yo na. Sakit ng mga mayayamang pamilya.” Natatawa pa niyang dagdag.
Napahinga ako ng maluwag. Ngayon ay malinaw na ang lahat. Mabait naman talaga si Axcel hindi lang dahil kailangan niyang maging mabait dahil anak siya ng Mayor kundi dahil likas na iyon sa kanya.
Maaari ko na rin siyang ibilang sa mga bago kong kaibigan. At mami-miss ko rin siya dahil isa siya sa pinaka consistent naming suki dito sa kainan.
“Saan ka galing, Andrie? Kanina pa kita hinahanap, eh! Ipapakilala pa naman sana kita kay Sir Axcel,” si Klare.
Nasundan ko rin ng tingin si Andrie ng sumulpot ito. Bigla nga itong nawala kanina nang dumating sina Axcel.
Sumaglit lang ako sa bahay nag text kasi si uncle may ipinakisuyo lang. Busy rin kayo kaya hindi ko na kayo inistorbo,” tugon niya.
Hinayaan ko ng mag usap ang dalawa at lumapit na lang ako kay Wena para tulungan siya sa pagpupunas ng mga bagong hugas na kasangkapan.
“Alam mo ba kung saan nakatira ‘yang si Andrie?” tanong ni Wena sa akin maya maya.
Saglit akong sumulyap sa gawi nila Klare at napaisip rin. “Hindi. Baka si Klare alam,” tugon ko.
“Ilang buwan na rin ‘yang pabalik balik dito, eh! Hindi ko lang talaga maalalang itanong,” natatawa pang sabi nito. “Pero alam mo, may pagka misteryoso s’ya ‘no. Parang may itinatago kahit mukhang mabait naman.”
“Kagaya ng?” kunut noong ani ko.
“Basta! Hindi ko lang ma-figure out. Iba kasi ang dating n’ya. Parang delikado,” kwento pa ni Wena.
Akala ko ay ako lang ang nakakaramdam ng ganoon. Na hindi dapat pagkatiwalaan ang lalaking kasama namin.
“Kaya nga gusto kong balaan si Klare, eh! Kaya lang baka ma-misinterpret n’ya na may gusto ako kay Andrie. Kaya ‘wag na lang.” Napakibit balikat pa ito.
“Maiintindihan naman siguro ni Klare ‘yon. Concern ka lang naman,” ani ko.
“Iba magalit ang babaeng ‘yan ‘no! Saka hayaan na lang natin malaki na s’ya.”
Kahit pagod sa maghapon ay hindi pa rin ako dalawin ng antok. Nakatulala lang ako sa kisame. Bumangon ako at kinuha sa drawer ang maliit na kahon kung nasaan ang kwintas at singsing.
Isinukat ko ang mga iyon. Nakaramdam ako ng mainit na haplos sa puso ko. Sa akin nga ang mga alahas na ito dahil iyon ang pakiramdam ng puso ko.
Maraming rides sa paligid. Nakasakay ako sa ferris wheel. May mga hindi malinaw na sigawan. At naramdaman ko ang mga brasong yumakap sa akin.
“Go! Go!” sigaw ng lalaki sa kung sino habang yakap yakap ako.
Napamulat ako ng mga mata. Umaga na sa labas.
“Panaginip…” marahang sambit ko.
Pero kakaibang panaginip. Hindi ako takot sa panginip kong iyon. Parang ako ang kinatatakutan.
Pinilit kong alalahanin ang mukha ng lalaking yumakap sa akin pero wala talaga. Ngunit sigurado ako na s’ya ang lalaki sa mga naunang panaginip ko.
“Palagi ka ba dito?”
Napahinto ako sa pagguhit nang marinig kong magsalita si Andrie sa likod ko.
“Ituloy mo lang,” aniya pang napansin rin ang pagkakahinto ko sa pagdo-drawing.
“Ano’ng ginagawa mo dito?” tanong ko. Itinabi ko na muna ang sketch pad ko.
“Naglalakad lakad lang.” Naupo siya sa ugat ng puno at tinanaw ang kalayuan ng dagat.
Gwapo rin ito at kahit sino ay mapapalingon. Hindi kataka taka na mahulog si Klare sa kanya dahil may ibubuga rin naman kung pisikal na itsura ang pag uusapan.
“Bakit?”
Napakurap kurap ako at inalis ang tingin sa kanya. Nakakahiyang mahuli niya akong nakatitig sa kanya.
“Taga dito ka ba talaga? I mean… ang pamilya mo?” tanong ko.
“Bakit mo tinatanong?” balik tanong niya sa akin.
“W-wala naman. Ilang buwan ka na kasing pabalik balik sa kainan namin. Hindi ka tumatanggap ng bayad. Baka lang may iba kang trabaho at naaabala ka,” paliwanag ko.
“Nag-resign na ako sa trabaho ko sa Manila. Gusto kong mag for good na dito sa probinsya. May konting ipon naman ako para mag start ng bagong buhay.”
“Mas maganda ang opportunity sa Maynila,” wika ko.
“Pero wala doon ang puso ko. Nakita ko na dito.”
Nagkasalubong ang aming mga mata. May kung ano sa mga titig niya na hindi ko maipaliwanag. Parang may ibig ipahiwatig ang mga iyon.
“Si Klare ba?” wika ko na tila siguradung sigurado ako na si Klare nga iyon.
Para akong nakuryente ng hawakan niya ang mukha ko at iharap iyon sa kanya kaya bahagya akong napalayo.
“Ano’ng ginagawa mo?!” Tinapik ko ang kanyang kamay.
“Ikaw, Laira. Ikaw ang gusto ko!”
Tila ba binuhusan ng nagyeyelong tubig ang puso ko dahil sa aking narinig.
“Hindi p’wede!” Agad akong napatayo. “Hindi mo alam kung anong sinasabi mo!”
“Alam ko! At sinasabi nito na ikaw ang gusto ko, Laira!” Itinuro pa niya ang kanyang dibdib.
“Pero gusto ka ni Klare, Andrie!” sigaw ko. “Masasaktan s’ya! Naiintindihan mo ba ‘yon?!”
“Kaya ba pilit mo kaming pinaglalapit? Akala mo ba hindi ko napapansin ang pag iwas mo sa tuwing magkakasama tayong tatlo. Binibigyan mo kaming dalawa ng space para ano? Laira, kaibigan lang si Klare sa akin.”
“Hindi kita gusto, okay! Marami akong dapat unahin at intindihin kaya ibaling mo na lang sa iba ‘yang nararamdaman mo. Hindi kita kilala! At mas lalong hindi mo ako kilala. Marami kang bagay na hindi alam tungkol sa akin, Andrie kaya please lang ngayon pa lang layuan mo na ako.”
“Paano kung sabihin ko sa ‘yong kilala kita?!” seryosong saad niya. “Na hindi aksidente ang pagpunta ko dito. Na hindi Laira ang pangalan mo?”
Awang ang labing napatingin ako sa kanya. Nahulog sa buhanginan ang sketch pad na hawak ko.
“Kilala mo ako?…” mahinang sambit ko.
Sunud sunod siyang tumango. Hinawakan niya ang magkabilang braso ko at seryosong tumitig sa mga mata ko.
“Oo. Hayaan mo akong tulungan kitang makaalala, Nikki. Ipapaalala ko sa ‘yo lahat lahat. ‘Wag mo akong itaboy palayo dahil ako lang ang susi sa mga nawawala mong alaala.”
“Nikki… Nikki ang pangalan ko…”
Hinawakan ni Andrie ang magkabilang pisngi ko at marahang pinunasan ang mga luhang naglandas doon.
“Oo,” aniyang sinabayan pa ng pagtango. “Ikaw si Nikki. Ikaw ang babaeng mahal ko!” Agad niya akong niyakap ng mahigpit.
“H-hindi!” Tinulak ko siya palayo. Humakbang ako paatras.
“Bakit ba palagi mo na lang akong itinutulak palayo sa ‘yo?” Garalgal ang boses na wika niya. “Nikki, mahal kita! Mahal na mahal kita! Please alalahanin mo ‘ko! Kasi hirap na hirap na ako, eh! Nahihirapan akong makitang ganito ang babaeng mahal ko!”
Sunud sunod akong napailing. Ayaw tanggapin ng puso’t isipan ko ang kanyang mga sinasabi.
“Hindi! Hindi totoo ‘to! Sinungaling ka! Sinungaling ka!” sigaw ko habang tinatakpan ang magkabila kong tainga. “Umalis ka na! Umalis ka na!”
“Sumama ka sa ‘kin sa Manila para malaman mo ang totoo! Ikaw si Nikki! Ikaw si Nikki! Ikaw ang babaeng mahal ko!”
“Umalis ka na!” Pilit kong pagtataboy sa kanya.
Unti unting sumasakit ang ulo ko dahil maraming scenario ang pumapasok sa utak ko. Parte na ba iyon ng mga alaala ko? Ngunit malabo pa!
“Nikki-“
“Bitawan mo ako!” Iwinaksi ko ang mga kamay niyang humawak sa aking braso. “Umalis ka na! Layuan mo ako! Hindi ako naniniwala sa ‘yo!”
Tumakbo ako kahit na alam kong walang direksyon ang patutunguhan ko. Ang importante ay makalayo ako sa kanya.
Hindi ko ininda ang sakit ng ulo ko basta ang mahalga sa akin ay makalayo ako kay Andrie. Sinasabi ng isip at puso ko na kailangan ko siyang layuan.
“Ah! Ah! Ah!” paulit ulit na sigaw ko dahil parang pinupunit ang aking anit sa tindi ng sakit.
“Tulong!” sigaw ko mula sa loob ng bahay na nasusunog.
“Akin s’ya! Akin lang s’ya!” sigaw ng isang babae kasabay ng malalakas na pagsampal sa akin.
“Wala ka talagang kwenta! Sana mawala ka na! Salot ka! Salot!” Isang babaeng paulit ulit akong sinasaktan.
“Pasensya ka na, anak.” Isang lalaking ginagamot ang mga sugat ko.
Samu’t saring scenario na para bang sasabog na ang ulo ko! Sobrang sakit!
“Tama na! Tama na!” sigaw ko habang nakasabunot sa aking buhok ang magkabila kong mga kamay. “Tama na! Ayoko na! Ayoko na!”
Ngunit patuloy ang pagragasa ng mga alaala. Mga alaalang hindi malinaw. Walang mukha ang mga iyon na lalong nagpapasakit sa ulo ko.
“Ayoko na! Ayoko na!”
Pinilit kong tumayo ngunit dahil sa samu’t saring sakit na nararamdaman ko ay bigla akong nabuwal. Ngunit bago ko tuluyang ipikit ang aking mga mata ay isang imahe ang lumitaw sa harapan ko at ang mga bisig nito ang sumalo sa nanghihinang katawan ko.
“Ikaw…” sambit ko bago tuluyang mawalan ng malay.