CHAPTER 7

2066 Words
Malamig na paligid at amoy ng tila gamot ang sumalubong sa aking pang amoy ng magkamalay ako. Hindi ko agad iminulat ang aking mga mata. Pinakiramdaman ko muna ang aking paligid. Tahimik na tila ba ako lang mag isa dito sa loob ng kwarto. Unti unti kong idinilat ang aking mga mata. Nakakasilaw ang liwanag mula sa ilaw na nagmumula sa kisame. Napapikit akong muli at napakurap kurap para makapag adjust ang mga mata ko sa liwanag. Nilibot ko ng tingin ang buong paligid hanggang dumako ang mga mata ko sa aking kamay na may swero. Bumukas ang pintuan ng kwartong kinaroroonan ko at maya maya ay pumasok si mama kasama si Wena na may dalang pagkain at plastic ng prutas. “Tita, gising na po si Laira!” ani Wena ng tumingin sa higaan ko. Agad akong dinaluhan ni mama at bakas sa kanyang mukha ang pag aalala habang haplos ang aking mukha. “Kumusta ang pakiramdam mo? May masakit ba sa ‘yo, anak?” sunud sunod na tanong ni mama sa akin. “Ano po ang nangyari? Bakit nandito po ako sa hospital?” balik tanong ko. “Nawalan ka ng malay malapit sa tabing dagat, anak. Mabuti na lang at may tumulong sa ‘yo at nadala ka agad dito,” kwento ni mama. “Isang linggo ka ring walang malay. Tinakot mo kami, Laira,” si Wena. “I-isang linggo?” hindi makapaniwalang sambit ko. “Ganoon ka tagal akong tulog?!” “Oo, anak. Pero sabi ng doktor wala namang problema sa ‘yo. Baka dahil sa stress daw sabi n’ya. Ano ba kasing ginawa mo sa tabing dagat?” tanong ni mama. Natahimik ako at inalala ang mga nangyari. Pero kahit ano ang pilit ko na alalahanin ay wala talaga akong maalala. “Anak, ‘wag mong pilitin ang sarili mo. Baka makasama na naman sa ‘yo,” ani mama na hinagod pa ang aking balikat. “Ang importante naman ay gising ka na.” “Ang bongga mo ‘te! Alam mo ba ‘yon! Si Sir Pier pa ang tumulong sa ‘yo n’ong mahimatay ka sa tabing dagat!” kinikilig na kwento ni Wena. “Pier?” bulalas ko. Parang bombilyang biglang lumiwanag ang isipan ko. Naalala ko ang lalaking sumalo sa akin bago ako mawalan ng malay. “S’ya ‘yon! S’ya ‘yon!” mahinang sambit ko. “Ang ano?” kunot noong tanong ni Wena sa akin. Napabuntong hininga ako at umiling ng bahagya. “W-wala,” tugon ko. “Kailan po ako p’wedeng lumabas, ma?” Pag iiba ko sa usapan. “Itatanong ko mamaya, anak. Sa ngayong magpahinga ka muna para lumakas ka,” sagot nito. Gusto ko ng lumabas agad dahil gusto kong makita si Pier. Gusto ko s’yang makita ng personal. Pakiramdam ko talaga ay kilala ko s’ya at kilala n’ya ako. “May masakit ba sa ‘yo, friend?” untag ni Wena sa akin. Pilit akong ngumiti sa kanya para hindi siya mag alala. “Ayos lang ako. Si Klare nga pala?” “Galing s’ya dito kahapon. Baka mamaya dumalaw ulit sila ni Tita Donna dito lalo’t alam na nilang gising ka na,” wika nito. Ngayon sumagi sa isipan ko si Andrie. At naaalala ko na ang nangyari sa dalampasigan ng araw na iyon. “Paano kung sabihin ko sa ‘yong kilala kita?!” “Na hindi aksidente ang pagpunta ko dito. Na hindi Laira ang pangalan mo?” “Oo. Hayaan mo akong tulungan kitang makaalala, Nikki. Ipapaalala ko sa ‘yo lahat lahat. ‘Wag mo akong itaboy palayo dahil ako lang ang susi sa mga nawawala mong alaala.” “Bakit ba palagi mo na lang akong itinutulak palayo sa ‘yo?” “Nikki, mahal kita! Mahal na mahal kita! Please alalahanin mo ‘ko! Kasi hirap na hirap na ako, eh! Nahihirapan akong makitang ganito ang babaeng mahal ko!” “Sumama ka sa ‘kin sa Manila para malaman mo ang totoo! Ikaw si Nikki! Ikaw si Nikki! Ikaw ang babaeng mahal ko!” “Si Andrie? Nasaan s’ya?” wala sa sariling tanong ko. “Hindi ko alam, eh! Kahit si Klare hindi rin alam kung nasaan na s’ya. Simula ng ma-ospital ka hindi pa namin s’ya nakikita,” pahayag ni Wena. Kung kailan sumulpot si Pier saka naman nawala si Andrie. Kung totoo ngang kilala n’ya ako bakit wala s’ya dito? Kung totoo ang mga sinabi n’ya sa akin bakit wala s’ya sa tabi ko? “Bakit mo naman hinahanap si Andrie?” “W-wala naman. Kaibigan rin natin s’ya ‘di ba?” ani ko. Maraming gumugulo sa isipan ko habang nagpapagaling ako dito sa hospital. Gusto kong magkwento kay mama pero pinipigilan ko ang aking sarili dahil kaming dalawa lang ang nakakaalam ng totoong sitwasyon ko. “Maaari na po s’yang makauwi mamaya. Saka by next week po babalik po s’ya para sa weekly check up at session n’ya.” “Thank you po, doc.” Inihatid ni mama sa pintuan ang doktor at matamis ang ngiting bumalik sa akin. “Hay naku! Mabuti na lang at p’wede ka nang umuwi.” “Ma, paano po ang bill dito sa hospital?” nag aalalang tanong ko. “Saan po tayo kukuha ng pambayad?” “Bayad na anak. Sinagot na ni Sir Pier ang bill natin dito,” tugon ni mama. “Pareho sila ni Sir Axcel ang bait!” “Ma, kilala ko s’ya!” pahayag ko. Kunut noong tumingin sa akin si mama. “Paano?” “S’ya ‘yong lalaki sa mga panaginip ko. ‘Yong lalaking nagliligtas sa akin.” “Anak-“ “Sabihin n’yo na pong imposible pero ‘yon po ang nararamdaman ko. S’ya po ang huling nakita ko bago po ako mawalan ng malay, ma!” wika ko pa. Napalingon kaming pareho ni mama sa pintuan ng may kumatok doon. “Sa bahay na natin pag usapan ito, ha,” ani mama at tinungo ang pintuan para buksan. “Laira!” Agad akong sinugod ng yakap ni Klare nang makita niyang nakaupo ako. “Mabuti naman at okay ka na!” masayang saad nito. “Ngayon lang kami nadalaw at busy sa trabaho,” wika rin ni Tita Donna at hinaplos ang aking buhok. “May trabaho na rin ako!” excited na kwento naman ni Klare. “Pag magaling ka na talaga p’wede ka ring mag apply sa factory na pinapasukan ko. Naghahanap pa raw sila ng tauhan, eh!” “Paano ang kainan?” Sabay baling ko kay mama. “Simula ng ma-ospital ka hindi na rin ako nakakapag bukas ng kainan, anak. Saka ‘wag mo na munang intindihin iyon. Ang importante ay ikaw at ang kalusugan mo,” si mama. “Laira, ‘wag kang mag alala kasi nandito naman kami. Tutulungan namin kayo sa abot ng makakaya namin. Tama ang mama mo, mas importante ka kaya tama na muna ang mga isipin. Magpahinga ka at magpalakas,” saad ni tita. “That’s right. Marami akong kwento sa ‘yo habang tulog ka. Mabuti na lang uuwi ka na. Ma, p’wede bang doon muna ako kina Laira mag-stay?” Paalam naman ni Klare sa kanyang ina. “Ikaw ang bahala. Basta give Laira some rest.” “Oo naman po!” Niyakap pa ako nito. Maya maya lang ay dumating na rin si Wena para sunduin kami. At kagaya ni Klare ay sa bahay rin siya matutulog ngayong gabi. “May napag usapan ba kayo ni Andrie bago ka ma-ospital? May nakapag sabi kasi sa akin na magkasama daw kayong dalawa bago ka dalhin ni Sir Pier sa hospital, eh,” wika ni Klare habang nagsusuklay ng kanyang buhok sa harap ng salamin. “Simula kasi n’on hindi na rin s’ya nagpakita. Hindi ko rin naman alam kung saan s’ya pupuntahan o kokontakin.” Dagdag pa niya. “Wala naman kaming napag usapan.” Pagsisinungaling ko. “Nakita n’ya lang ako doon.” “Hay naku! Magpapakita rin ‘yon. Alam n’yo naman ‘yon bigla bigla na lang sumusulpot. Pero d’on talaga ako kinilig sa pag-save sa ‘yo ni Sir Pier!” Patiling wika ni Wena nakahawak pa sa magkabilang pisngi niya. “May… may picture ka ba ni Sir Pier? P’wede ko bang makita?” tanong ko. “Ay! Wait lang! Nasaan na ba ‘yong cellphone ko?” Agad siyang tumayo at kinuha sa ibabaw ng kama ang kanyang cellphone. “Ito, oh!” Parang tinambol nang malakas ang puso ko nang makita ko ang mukha ni Pier sa screen. “You’re safe here. Magpagaling ka. Hihintayin kita kahit gaano pa ‘yan katagal. Dahil mahal kita. Mahal na mahal kita!” “Paano kung hindi na ako gumaling?” “Gagaling ka. Tutulungan ka ng mga doktor dito sa facilities. Kaya dapat tulungan mo rin ang sarili mo. Marami kaming naghihintay sa paggaling at pagbabalik mo, Nikki.” “Laira, okay ka lang?” Nag aalalang tanong ni Wena sa akin. “May masakit ba sa ‘yo?” ani naman ni Klare. Napahinga ako ng malalim at pinahid ang aking mga luha. Pilit akong ngumiti at kinalma ang aking sarili. Sa ngayon hindi pa nila p’wedeng malaman ang totoo. Bago ko sabihin sa kanila ang tunay kong pagkatao kailangang ako muna ang makaalam sa tunay kong pagkatao. “May naalala lang ako,” turan ko. “Boyfriend mo?” nanlalaki ang mga matang tanong ni Klare. Natawa ako. “Wala akong boyfriend,” sagot ko. “Eh! Bakit bigla kang naiyak? Tiningnan mo lang ‘yong picture ni Sir Pier?” singit naman ni Wena. “May naalala lang akong palabas dati. Sinagip rin ng bidang lalaki ang bidang babae, pero hindi sila nagkatuluyan sa huli,” kwento ko. Kwentong gawa gawa ko. At kung totoo man ang naalala ko. Imposibleng magkatuluyan kami. Paggising ko kinabukasan ay wala na sa tabi ko sina Wena at Klare. Sabi ni mama ay maaga daw umalis ang dalawa para pumasok sa trabaho. Hindi na rin nila ako inabala para makatulog pa raw ako ng mahaba haba. “Ano’ng plano mo ngayon?” maya maya ay tanong ni mama sa akin. Ikinuwento ko sa kanya ang nangyari sa dalampasigan ng araw na mawalan ako ng malay. “Hindi ko po alam. Kailangan ko pong makita si Pier. Baka sa kanya ko po malaman ang lahat lahat.” “Paano si Andrie? Kung Andrie nga ba ang pangalan ng lalaking ‘yon? Hindi na rin s’ya nagpakita. Kasalanan n’ya ‘to, eh!” galit na saad ni mama. “Sa ngayon po. Kailangan ko po munang makausap si Pier. Ayaw ko po munang makita si Andrie. Iba po kasi ang pakiramdam ko sa lalaking ‘yon, ma. Parang marami pa s’yang tinatago.” “At hindi rin natin alam kung totoo ba ang mga sinabi n’ya sa ‘yo. Sabihin na nating kilala ka n’ya. Pero baka may iba pa s’yang motibo.” “Aalamin ko rin po iyon. Sa ngayon si Pier muna ang dapat kung unahin.” “Anak, kung kilala ka nga ni Sir Pier bakit hindi na rin s’ya bumalik sa hospital?” makahulugang tanong ni mama. “Naguguluhan lang kasi ako. Base sa alaala mo may ugnayan kayong dalawa. Pero isang linggo ka doon sa hospital hindi man lang s’ya nagpakita o dumalaw sa ‘yo.” Natigilan rin ako sa sinabing iyon ni mama. Pero malinaw sa isipan ko ang tagpong iyon kagabi. Gawa gawa lang ba iyon ng isipan ko kagaya ng mga bangkang dumaong sa dalampasigan na kasama rin si Pier? “Kailangan ko pong malaman, ma. Kung isa s’ya sa susi sa mga nawawala kong alaala totoo man o hindi ang mga alaala ko kagabi tungkol sa kanya kailangan ko pa rin s’yang makita at makausap.” Nagdadalawang isip si mama na samahan ako sa factory kung saan nagta trabaho sina Wena at Klare. Kakagaling ko lang sa hospital at baka kung ano pa ang mangyari sa akin. Ngunit hindi ako p’wedeng mag aksaya ng panahon. Gustung gusto ko ng malaman ang totoo. Kung sino ba talaga ako? Kung saan ba talaga ako galing? Kung sino ang mga taong huling naalala ko bago ako mawalan ng malay. At nasisigurado ko na si Pier lang ang tanging makakasagot ng mga tanong ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD