Claire’s POV
Papasok na ako sa room namin kahit late na ako. Mas mabilis pa sa hangin ang takbo ko para lang maunahan ang pagpasok ng adviser namin.
Kahit gaano kaingay ang tunog ng sapatos ko ay hindi ko na 'yon pinansin. Gusto kong makahabol sa first period dahil first week palang ng klase namin.
"Si sir?" tanong ko kay Don na nakasilip sa bintana ng classroom namin. Halos bumagsak na ako sa sahig dahil sa sobrang pagod. Ramdam ko ang mabilis na t***k ng puso ko at habol na habol ang hininga ko.
"Wala pa naman," napaupo ako sa labas ng classroom namin sa tabi ng pinto. Doon ko pinunasan ang mga pawis sa mukha ko at tsaka ako uminom ng tubig.
"10 minutes na ah. Bakit wala pa rin?" kibit balikat lang ang sinagot niya sa tanong ko. Siguro absent si sir pero wala namang pasabi.
"Pasok na, Claire," muntik akong masamid sa biglaang pagdating ni Sir Gino. May nakasukbit na bag sa balikat niya at may dalang chalk.
Pagpasok ko sa classroom ay nagkakagulo sila habang may mga hawak na papel. “Settle down!” sigaw ni sir Gino kaya napabalik silang lahat sa kani-kaniyang upuan. Ganoon din ang ginawa ko. Nasa likod ako dahil mas tahimik dito at iilang lang kami.
“Good morning! I asked other teachers kung may class officers na sila at mayroon na raw,” nakatingin lang ako sa harap kung nasaan ang blackboard. Si sir ay nagsusulat lang ng class officers at nagkakagulo ang mga kaklase ko.
“Tahimik muna,” mahinahong sabi ni Faye. Nakatingin din siya sa blackboard habang inaayos ang kaniyang nakalugay na buhok.
“The nomination for president is now open,” ang kaninang maingay na classroom ay napalitan ng nakakabinging katahimikan. Lahat ay nakatingin sa harap at biglang nagtaas ng kamay si Don.
“I nominate Faye for president,” pagkasabi niya noon ay hinampas siya ni Faye sa balikat. Napuno ng tawanan ang buong classroom pero nanatili akong walang imik.
“Faye is your former president, right?” tanong ni sir Gino habang isinusulat ang pangalan ni Faye sa blackboard.
“Sir!” matinis na boses ang umagaw sa atensyon ng buong klase. Kunot noong lumingon si Sir Gino kay Shyra na kasalukuyang nagtataas ng kamay. “I nominate Claire.”
Nagsigawan ang mga kaklase naming nang isulat ni sir ang pangalan ko. I love to be alone kaya bakit isinama ako sa nomination?
“Sir, ayoko po,” napalingon silang lahat sa akin at halo-halong emosyon ang nakikita ko ngayon. “Iba nalang po,” umangat ang kilay ng mga kaklase ko.
“Ikaw na nga inonominate choosy ka pa,” sabi ni Shyra sabay halukipkip. Hindi ko naman ni-request na inominate niya ako. Bakit parang pinapalabas niyang ako ang may pakana?
“It’s okay, Claire. The decision will be based on the votes,” matapos sabihin ni sir iyon ay nagbotohan na. Nakakuha ng 20 votes si Faye at mayroon akong 22 votes. Kapag nga naman minamalas ka.
Breaktime na at nagdesisyon akong magpaiwan sa classroom. Inilabas ko ang limang pirasong cookies na baon ko at ang tumbler na may lamang tubig. Binigay ito ni kuya dahil ayaw niyang nagugutom ako.
Habang kumakain ako ay inilabas ko rin ang cellphone at earphone ko. Nagsimula akong magpatugtog ng mga kanta ng BIZARre. Hindi ko mapigilan ang sarili kong mag-tap ng paa. Nakaposisyon din ang kamay ko sa hangin at ang isa ay nasa bandang tiyan ko. Umakto ako na parang tumutugtog ng gitara kahit na ako lang ang nakakarinig sa kanta.
“Hmm… hmm...” narinig ko ang pag-hum ng nasa tabi ko. Agad gumalaw ang kamay ko para tanggalin ang earphone at sabayn siya sa kanta. Iyon din ang tugtog ngayon sa cellphone ko at iniisip ko kung malakas ba pero hindi naman. Siguro dahil sumisikat na ang kantang ‘to kaya kinakanta niya.
“I can touch you, can’t reach you
I can see you, can’t hold you
I can do this, but can’t do that
I’m watching from afar”
Nakapikit ako habang kinakanta ang mga linyang ‘yon. Tanging imagination ko lang ang nakikita ko. I can see myself standing infront of him. Even if I’m just their fan, I want to be noticed by them. Gusto ko silang makausap kahit isang hi lang.
I imagine Aikiel singing infront of me, with his shiny mask and beautiful nose. I also want to touch his kissable lips and his veiny hands. Hindi ko pa nakikita ang totoong mukha ni Aikiel dahil nakamaskara ang buong banda. Tanging labi at pisngi pa lang ang nakikita ko. I wish I can see his whole face.
“Fan ka pala ng BIZARre?” sabi niya sa akin habang nakatingin nang seryoso.
"Ah oo, ang gagaling kasi nila lalo na 'yong vocalist," umangat ang gilid ng labi ko dahil nakakaramdam nanaman ako ng kilig.
"Aikiel?" tanong niya kaya nanlaki ang mata ko sa sinabi niya.
"Fan ka rin?" tanong ko kaya napatayo ako. Nakahawak ako sa balikat niya at nakatitig lang siya sa akin. Na-realize ko rin na nadadala ako sa emosyon ko kaya bumitaw ako sa balikat niya.
"Hindi. Kilala ko lang sila,” sagot niya at naglakad na pabalik sa pwesto niya. Nakatitig ako sa kaniya habang patuloy sa pag-hum ng kanta. Feeling ko maganda ang boses niya dahil maganda ang tono ng pag-hum niya.
"Kumain ka na?" tanong ni Faye na may dalang softdrinks at egg sandwich. Naglakad siya papunta sa pwesto ko kaya hindi ko na ibinalik ang earphone. Alam kong dadaldal nanaman 'to pero hindi ko na 'yon inirereklamo sa kaniya. Siya ang kaisa-isang kaibigang itinuturing kong totoo kaya bakit ako magrereklamo?
"Hoy!" napalingon ako sa kaniya habang nakakunot ang noo. Bigla niya akong hinampas na dahilan ng pag-ingit ko. Napalingon din sa amin ang mga kaklase naming dahil kami ang pinaka-maingay rito.
"Ang ingay mo," sabi ko. Nakangiti siya at pawis na pawis. Namumula rin ang matataba niyang mga pisngi.
"May concert na ‘yong BIZARre,” napalingon ako sa kaniya. She’s neither a fan nor a supporter but she supports me for being a fan.
“Weh? Talaga ba?” ayoko pang maniwala dahil nakakaduda ang mga ngiti niya. Inilahad niya ang cellphone niya sa kamay ko. Binasa ko ang nakalagay sa isang site na tinitignan niya. “BIZARre will have a concert in Manila on June 22,” Nanlaki ang mata ko at dahan-dahang lumingon sa kaniya.
“Mura lang yan, local artist at hindi naman international. Pero diba ayaw mo sa crowded places?” Sabi niya. Gusto ko sanang um-attend pero nakakahiyang manghingi ng pera sa magulang ko para lang doon. At totoong ayoko sa crowded places.
“Diba fan ka ng BIZARre?” Napalingon ako sa gilid ko at nakita ko roon si John. May hawak siyang tinapay at isang mineral water.
“Oo,” sagot ko. Nagkibit balikat siya kaya nagtaka ako. Akala ko fan siya at itatanong kung pupunta ako.
“Ang baduy naman. Alam mo bang pinaka-baduy na banda yan na galing sa Pinas?” napatikom ang kaniyang labi at nag-umpisang manginig ang balikat. Nagpipigil siya ng tawa hanggang sa pagbalik niya sa pwesto niya.
“Inggit lang sila dahil puro talented ang members ng BIZARre,” umirap si Faye at sinamaan ng tingin si Ivan. Kakaunti lang ang fans ng bandang ‘yon kaya proud akong isa ako sa mga ‘yon.
Pag-uwi ko ay sinalubong ko ang mga pusa kong sina Katkat at Carl. Naglalaro sila sa sahig kaya nagluto na muna ako ng ulam namin. Nakatanggap ako ng text mula kay kuya na male-late siya ng uwi kaya hindi na ako makakapunta sa sementeryo.
Kumakain na ako nang biglang mag-ring ang cellphone ko. Nakikipag-video call si mama kaya sinagot ko’yon.
[Kumain ka na ba?] nakaharap si mama sa kitchen table at mukhang nagluluto siya ng hapunan nila. Kasambahay siya dahil ni-recommend siya ng kaibigan niyang nagtatrabaho sa Japan. Magkaibigan ang kaibigan niya at ang amo niya. Sa office naman nagtatrabaho si papa bilang janitor.
“Kasalukuyan pa lang, ma. Si kuya mamaya pa raw,” sabi ko sabay subo sa pagkain.
[Okaeri.] nakita ko ang pagpasok ni papa dahil sa sinabi ni mama. Sa tagal nilang nagtatrabaho roon ay na-adapt na rin nila ang kaugalian sa Japan.
[May concert pala ‘yong mga idol mo ah.] sabi ni papa habang kumukuha ng tubig mula sa ref.
“Opo. Gusto ko sanang pumunta pero sa susunod nalang,” sabi ko. Nahihiya ako sa kanila kaya ayokong mang-abala.
[Kapag may sobra sa sweldo namin, ipapadala namin sa’yo.] napaangat ang labi ko kahit ngumunguya palang ako ng pagkain.
“Thank you po!” sa sobrang saya ko ay muntik kong matabig ang basong pinaglalagyan ng inumin ko.
Bigla naming may kumatok sa gate kaya dali-dali akong lumabas para pagbuksan si kuya.