Claire’s POV
Kinabukasan ay nag-aapura nanaman ako sa pagpasok. Katulad ng kahapon, sakto lang na wala pa si sir. Tuloy-tuloy lang ako sa paglalakad dahil nag-iingay ang mga kaklase ko. Nasa upuanna ako nang biglang may kumalabit sa akin.
“Kanina ka pa hinahanap ni sir,” bulong ni Michael. Nag-umpisang mamawis ang mukha ko at nanginginig ang mga kamay ko. Absent ang dalawa naming kaklase kaya kaming dalawa lang ang nandito.
“Anong sabi?” tanong ko. Bigla naming pumasok si Sir Gino kaya napatigil kami.
“Claire, sinabi ko na kay Michael ang gagawin. First week palang palagi ka nang late. You’re the class president, pakiiwasan ‘yan,” isang tango lang ang ibinigay ko dahil wala naman akong sapat na rason. Napuyat ako kakaisip kung paano ako makakapunta sa concert.
“May activity raw, pakulo ng principal natin. Magbebenta raw tayo ng kahit ano basta nasa 10 pesos hanggang 20 pesos ang presyo. Ang pangalan ng bawat product ay dapat related sa strand. Pwedeng mga pagkain, damit, school supplies or kahit ano,” paliwanag niya.
“Claire, suggestion ko pagkain nalang,” sabi ni Paulo.
“Sa akin school supplies,” sabi naman ni Faye.
Nag-umpisa nang mag-ingay ang mga kaklase ko. Napatigil sa pagtingin sa papel si sir kaya napatigil din ang lahat.
“May mga contest din sa araw na ‘yon. Pag-usapan niyo na, Claire, dito ka,” napalingon ako sa paligid at nakatingin sa akin si Faye. Tumango lang siya habang may hawak na papel. Siya ang secretary ng section naming kaya ililista niya ang mga pag-uusapan.
Nang tumayo ako ay nakaramdam ako ng kakaiba sa katawan ko. Pinagpapawisan ang noo ko at nanginginig ang binti ko. Hindi ako takot, sadyang hindi lang ako sanay na mag-lead ng meeting.
Lunch na at kasama ko si Faye. Nandito pa rin kami sa classroom at si Michael at Shyra lang ang naiwan na kasama namin.
“So anong balak mo sa concert?” tanong ni Faye.
“Nakita ko sa internet kagabi, hindi raw tuloy,” sabi ni Michael. Napalingon naman ako sa kaniya na may halong pagtataka. Kumakain siya ng lunch na nasa lunch box niya, adobong manok ‘yon at pinipigilan ko ang sarili kong makitikim.
“Bakit daw?” tanong ko. Akala ko hindi siya fan, bakit alam na alam niya ‘yon?
“Sasabihin daw sa official page nila kapag may official statement na,” sagot niya.
“Fan ka ba talaga? Bakit hindi mo man lang alam ‘yong mga bagay na ‘yon?” tanong ni Shyra.
Naglalagay siya ng liptint at blush. Napatingin din ako sa kilay niyang nakaayos nanaman. Ayoko na sanang mag-isip pa ng hindi maganda pero wala siyang karapatang makialam sa akin.
Natapos akong kumain at nagsuot ulit ako ng earphone. I feel so nostalgic everytime I hear this song.
"You are the moon in my universe
You are the light my saving grace
The only thing that matters to me
Your face is the only thing I can see"
Napatanggal ako sa earphones ko nang biglang may kumalabit sa akin. Nilingon ko 'yon at nakita ko si Don.
"Pinapasabi ni sir na next week mag-prepare nalang daw tayo para sa activity," sabi niya.
"Wala talagang sasali sa mga contest? Exempted daw sa quiz 'yong sasali," major subject namin ang subject ni sir. Mas maganda na matataas ang nakukuha palagi. Wala akong pakialam kung ma-honor man ako o hindi, basta matuwa sila mama ayos na ako. Kung saan sila Masaya, doon ako.
"Pag-usapan natin mamayang uwian. Alas tres ang uwian natin at palalabasin tayo nang alas kwatro. May isang oras pa para sa meeting,” sagot ko.
Uwian na namin at inilalabas ko na ang susi ng bahay namin. Buti may sumundo kay Faye kaya nakisabay na ako.
Paghawak ko sa gate ay bukas 'yon. Baka nakauwi na si kuya. Naglakad nalang ako papasok sa amin. Maingay sa loob ng bahay kumpara sa usual na dinadatnan ko.
Sinalubong ulit ako ni Carl habang si Katkat ay nakahiga sa sulok ng terrace namin. Hinayaan ko muna sila sa labas pero hindi ko ugaling isara ang pinto kapag nasa labas sila.
Pagpasok ko ay bumungad sa akin ang dalawang kaibigan ni kuya. Sina Kuya Sean at Ate Zoe. Nakaupo sila sa harap ng TV at nanonood ng pelikula.
"Kain, Claire," sabi ni Ate Zoe. Tumango lang ako sabay ngiti.
Inilapag ko muna ang bag ko sa maliit na sofa kung saan nakalagay ang bag ni kuya. Nasa tapat ng TV ang mahabang sofa at kabilaan naman ang pwesto ng maliliit na sofa. Sa pader kung saan nakasandal ang maliit na sofa ay naroroon ang mga bag namin. Sa kabilang sofa naman nakaupo si kuya.
Naglakad ako papunta sa kitchen. Binuksan ko ang ref at kusang umangat nang todo ang sulok ng labi ko hanggang tenga dahil marami nanaman kaming stock.
"Ate Zoe, dito ba kayo kakain?" tanong ko kay Ate Zoe na nakatingin sa cellphone niya habang naka-dekwatro.
"Hanggang 8 pm pa kami rito. Nagpa-deliver kami ng pagkain kaya wag ka nang magluto," sagot niya. Palagi silang nagdadala ng sariling pagkain kapag nandito sa amin. Minsan sinasabi nilang gusto nilang siguraduhing okay lang kami kaya sila dumadalaw.
"Pupunta ka ba sa sementeryo?" tanong ni kuya na papalapit sa akin. Kumuha siya ng tasa mula sa lalagyan. Baka pagkakapehin niya ang mga kaibigan niya.
"Sige.”
Hindi pa man din ako nakakabihis ay kinuha ko na ang cellphone ko. Nagpalit nalang din ako ng color pink na tsinelas para maipahinga ko na ang paa ko.
"Aalis kayo? Sige kami muna rito," sabi ni Kuya Sean. Kahit tutok siya sa panonood ay alam niyang napag-usapan namin 'to ni kuya.
Inilabas na ni kuya ang motor at pumitas lang ako ng limang pirasong bulaklak. Ayokong gumastos nang malaki para lang sa bouquet. Isa pa, ayaw ni Marco na gumagastos ako nang malaki pag dating sa kaniya.
Pagdating namin ay katulad ng usual na ginagawa, nauna akong pumunta sa puntod niya.
Humahaba na ang mga d**o sa mga katabi niyang puntod. Ang sa kaniya ay dumurumi na rin. Gusto kong linisin 'yon kapag gusto na akong samahan ni kuya.
Inilapag ko ulit ang bulaklak sa lapida niya. Muli akong naupo katulad ng palagi kong ginagawa. Hindi mainit ang panahon dahil nag-uumpisa nanamang lumakas ang hangin. Gaano man 'yon kalakas ay hindi ko 'yon pinansin.
"Alam mo ba love, isinali ako sa contest. Para siyang quiz bee pero bawat strand ay maglalaban-laban. Kasama ko si Don kasi siya yung first honor naming," unti-unti nang pumapatak ang ulan pero ayoko pang umalis. Napahawak ulit ako sa lapida niya habang sinasabayan ng mga luha ko ang pagbuhos ng ulan.
"May concert dapat 'yong BIZARre kaso hindi raw tuloy," kahit nag-iinit ang mata ko dahil sa pag-iyak, pilit kong inaangat ang sulok ng labi ko para lumabas ang isang pekeng ngiti.
"Wag kang mag-alala. Gagawa ako ng paraan para makapunta roon. Isasama kita kasi pangarap natin 'yon eh," napatingin ako sa langit at nakita ang unti-unting paghina ng ulan. Paunti-unti nalang din ang mga pumapatak sa braso ko.
"Uwi na tayo, kuya," sabi ko at sumakay na agad sa motor.
Pagkauwi namin ay inabutan ako ni Ate Zoe ng tuwalya at inabutan din ni Kuya Sean si Kuya ng tuwalya. Masaya ako para kay kuya dahil nakahanap siya ng mga totoong kaibigan.
Nagpalit lang ako ng damit at lumabas na rin pagkatapos. Naka-t shirt ako at naka-leggings. Utos sa akin ni kuya na kahit gaano namin kakilala ang bisita, dapat hindi maikli ang suot ko.
"Kain na tayo, noong kararating niyo, kararating lang din ng pina-deliver naming,” sabi ni Ate Zoe na nasa kusina ngayon. No wonder kung bakit nagustuhan siya ni Kuya Sean. Maganda, matangkad, morena, para siyang model. Lalo na 'yong mahahaba niyang pilikmata at sobrang pulang labi.
"Claire, may nagpapabigay pala sa'yo," sabi ni Ate Zoe at iniabot sa akin ang maliit na bouquet ng bulaklak at isang hand written letter.
Napatingin ako sa labas at napatitig ako sa muling pagsilay ng araw kahit palubog na ito.