Chapter 3
Claire's POV
Maaga akong nagising at nakahain na ang pagkain na niluto ni kuya. Kalalabas niya lang sa banyo at basa ang buhok. May nakalagay na tuwalya sa kaniyang balikat at nakasuot lang siya ng blue na sando.
"May pasok ka?" Tanong ko. Hindi siya naka-uniform at ang shorts na hanggang tuhod ang suot niyang pang-ibaba.
"Mamayang hapon." Sagot niya. Pumasok siya sa kaniyang kuwarto kaya ipinako ko na ang tingin ko sa pagkain na nasa harap ko at nag-umpisang kumain.
Nasa ilalim ng lamesa si Katkat at si Carl ay nasa doormat ng pinto ni kuya. Mas close si Katkat sa akin at mas malikot. Si Carl ay palaging tulog pero kapag si kuya ang nakikita ay naglilikot din.
Maya-maya ay narinig ko ang pagbukas ng pinto mula sa kaniyang kuwarto. Napalingon ako roon at nakita kong may mga hawak siyang papel.
"Bakit yan?" Tanong ko. Kasalukuyan akong umiinom ng gatas na tinimpla niya para sa akin.
"May quiz daw mamaya, mag-rereview ako." Sagot niya. "Magbihis ka na at ihahatid na kita."
Matapos kong kumain ay naligo ako at nagbihis. Inilagay ko rin sa bag ko ang mga notebook na hindi ko naidala kahapon. Palabas na ako ng kuwarto nang makita kong bukas pa ang cabinet. Bumalik ako sa gawi na iyon para isara pero may napansin ako. Agad ko iyong kinuha at inilagay sa bag ko.
Nasa sala na ako at hawak ni kuya ang susi. Hinimas-himas ko rin ang balahibo ni Katkat para makapagpaalam muna ako.
Nasa pinto na ako nang may kumatok sa gate. "Tao po." Kilala ko ang boses na 'yon kaya naglakad ako papunta sa gate at pinagbuksan siya.
"Di ka pa pumapasok?" Tanong ko kay Faye. Dala niya ang bag niya at mukhang kabababa niya lang sa tricycle.
"Hindi pa. Nandito ako para sunduin ka." Sagot niya.
"Oh ayan na pala eh. Sabay na ba kayo?" Tanong ni kuya. Isang tango ang isinagot ni Faye.
Bago ako lumabas ay may iniabot si kuya sa akin. "Baon mo." Sabi niya at kinuha ko 'yon.
Hinila ako ni Faye papasok sa tricycle at kumaway pa siya bago kami umalis. "Babye po." Malakas na sigaw niya at kahit nakalayo na kami ay kumakaway pa rin siya.
"Ang layo na natin kumakaway ka pa." Sabi ko. Ibinaba niya ang kamay niya. Saglit lang kami sa byahe pero kahit gaano kabilis kaming nakarating ay marami siyang naikwento.
Nasa room na kami at nagkakagulo na sila. May ilan na nagwawalis, may nagbubura ng board at ang iba ay nasa labas at nagkukwentuhan lang.
Nakaupo ako sa pwesto ko habang nakikinig sa kanta ng BIZARre. Hindi ko kaya ang iba't ibang ingay na nasa labas at dumagdag pa ang mga dumadaan sa hallway.
Biglang may kumalabit sa balikat ko kaya inalis ko ang earphone. Nilingon ko si Michael na nakatingin sa akin. Tinaas ko ang kilay ko na parang nagtatanong ng bakit.
"Hindi ako sasali sa contest." Sabi niya sabay yuko. Napakunot ang noo ko at inilapit ko ang mukha ko sa kaniya.
"Bakit?" Tanong ko.
"Magluluto nalang ako." Nadismaya ako sa sagot niyang 'yon. Isa si Michael sa pinaka-matalino sa amin. Individual quiz bee 'yon at siya ang isinali namin.
"Si Don nalang, siya naman 'yong first honor." Sabi pa niya. Umiling ako at umiwas ng tingin sa kaniya.
"Hindi kasi pwede si Don. Mas mabilis ang utak mo kaysa sa kaniya kaya ikaw ang gusto naming isali." Sagot ko. "Pero hayaan mo na."
Biglang lumakas ang tunong ng yabag ng kanilang mga paa. Sabay-sabay pumasok ang mga kaklase ko at naupo sila sa kani-kaniyang pwesto.
Narinig ko ang mahihinang yabag at pumasok si Sir Gino. Dala niya ang bag at chalk. "You're early, Claire." Sabi niya sa akin. Isang ngiti lang ang isinagot ko sa kaniya.
"May iba pa kayong hindi na-meet na teachers, right? May iba na hindi pa naayos ang schedule kaya hindi pa sila pumupunta." Napatigil siya sa pagsasalita nang mapalingon sa gawi ko. Pero hindi, kay Michael siya nakatingin.
"Bakit nakalabas ang walis, Michael? Paki-ayos. 'Yong cleaners, paki-ayos ang mga ginagamit." Sabi ni sir. Ibinalik niya ang tingin sa mga nasa harap. Tumayo naman si Michael para ayusin 'yon. Tumayo rin ang isa naming kaklase para tulungan siya.
"Next week, may activity tayo. Sa Monday to Wednesday, mag-prepare kayo lalo na ang sasali sa contest." May kinuha siyang papel sa bag niya at binuklat iyon. "The week after next week, required na ayusin ang room. May mga gamit na nakalagay roon sa cabinet sa likod, 'yon na muna ang gamitin. Principal ang mag-iikot, tsaka na natin ayusin kapag supervisor na ang bibisita."
Mabilis na lumipas ang oras at lunch na. Katulad ng palaging ginagawa, si Faye ang kasama ko. Kaming dalawa lamang ang nandito, at si Michael na natutulog.
"Friday naman, tara sa bahay." Pag-aaya niya. Hindi ko naranasang maki-sleep over dahil pagpatak ng dilim, gusto ko palaging mapag-isa.
"Ayoko." Sagot ko.
"Bakit? Pupunta ka ba sa sementeryo?" Agad kong binitawan ang kutsara at tinidor na hawak ko. Ipinangtakip ko ang mga kamay ko sa bibig niya.
"Wag kang maingay." Bulong ko at dahan-dahang inalis ang pagkakatakip sa bibig niya.
"Bakit? Tulog naman siya." Sagot niya sabay tingin kay Michael. Mahimbing ang tulog nito pero malapit siya sa amin. Iyon ang ipinag-aalala ko, na baka bigla siyang magising o maalimpungatan at marinig ang usapan namin.
Hinawakan ko ulit ang kutsara at tinidor. Itinuloy ko ang pagkain habang nakatingin sa cellphone.
Biglang nanlaki ang mata ko at bumilis ang t***k ng puso ko. Nanginginig din ang kamay ko at namamawis. Napatayo rin ako at ninais kong sumigaw pero hindi ko magawa.
"Bakit?" Nakakunot ang noo ni Faye habang nakatingin sa akin.
"Iyong BIZARre, may bagong album na i-rerelease." Malakas ang boses ko at bigla namang gumalaw si Michael. Napaupo ako bigla at pilit kinalma ang sarili ko.
Nakangiti si Faye habang nakatingin sa akin. Ako rin ay hindi makapagpigil sa ngiti. Nakatingin pa rin ako sa cellphone ko habang sinasabi ang "BIZARre, aabangan ko 'yan."
"Laos naman 'yan eh." Napatingin ako sa kapapasok pa lamang na si Shyra. Nakasukbit sa balikat niya ang bag at pulang-pula ang labi.
"Sana nakakatanggal ng kasamaan ng ugali 'yong liptint." Bulong ni Faye habang nakahawak sa tumbler niya.
"Girl, sana hindi ka nalang nag-exist sa mundong ibabaw." Medyo malakas ang pagkakasabi ni Shyra kaya napatayo si Faye.
"Huwag na." Hinawakan ko siya sa kamay. Kilala ko si Shyra, hahanap siya ng pwedeng siraan at kapag pinagsabihan siya, magpapaawa siya.
Tawa nang tawa si Shyra at puno ng halakhak ang buong room. Naging dahilan 'yon para tuluyang magising si Michael.
"Ang ingay." Inis na sabi niya.
Uwian na at isa ako sa cleaners. Naunang umuwi si Shyra dahil may pinapagawa pa raw ang lola niya.
Tahimik lang akong nag-aayos ng mga upuan nang biglang may kumatok sa pinto. Agad kong nilingon 'yon pero hindi ko kilala.
Nanatili ako sa pwesto ko dahil ayokong lumapit sa mga hindi ko kilala. "Y-yes po?" Kabadong sabi ko.
"Claire Ocampo. Patapos ka na?" Nanlaki ang mata ko nang mapagtantong siya 'yon. Muntik kong makalimutang magkikita nga pala kami ngayon.
"Oo." Agad akong nag-iwas ng tingin at inayos na ulit ang mga upuan. Kinuha ko na rin ang bag ko at lumabas na.
Nasa pinto na ako nang hawakan niya ako sa kamay. "Wyett. Wyett Lopez." Sabi niya at inilatag ang kamay sa harap ko. It feels awkward because I'm not into meeting new people.
"Claire Ocampo." Sagot ko at hinawakan ang kamay niya para makipag-shake hands.
Sabay kaming naglalakad pababa ng hagdan. Dahan-dahan ang lakad namin at ni isa ay walang nagsasalita.
"ICT pala 'yong strand ko at dancer ako ng school." Tumango-tango ako para hindi masyadong maging awkward.
"Ako uhm--" Hindi pa tapos ang sasabihin ko nang bigla siyang magsalita.
"STEM, top 5, mahiyain pero mabait, at higit sa lahat, fan ng BIZARre." Napangiti ako nang sabihin niya 'yon. Akala ko ay makakalimutan niya pero isa 'yon sa ikinatuwa ko.
Mahaba-habang kuwentuhan ang naganap habang pababa kami sa hagdan. May kalayuan din ang building namin mula sa gate kaya mas marami pa siyang naikwento at hanggang sa makasakay kami ay nagtatanong siya.
Nag-tricycle kami at inihatid niya ako pauwi. "Sige dito nalang. Thank you, ingat ka." Kumaway siya sa akin at hinintay kong makalayo ang sasakyan bago ako pumasok.
Kakatok palang ako sa gate nang bigla itong binuksan ni kuya. Agad niya akong niyakap na ipinagtaka ko naman.
"Bakit?" Tanong ko. Hindi siya sumagot at basta nalang hinigpitan ang pagyakap sa akin.