Chapter 1
"Nay, dumating na po ba ang order nating malagkit na bigas kina Aling Tuding at sampung kilong brown sugar?" tanong niya sa inang si Susan na hinahalo ang niluluto nitong pambiko na ipapalako nila mamaya sa mga tindera nila.
"Kakarating lang, idineliver ng anak niyang si Martin. Hinahanap ka nga at may gustong ibigay sa'yo pero sinabi kong natutulog ka pa dahil madaling araw ka ng nakatulog kanina kase tinapos mo pa ang paggawa ng mga puto at kuntsinta na order sa iyo," aning sagot naman ni Aling Susan sa kanya.
"Bakit naman niya ako hahanapin at ano raw po ang ibibigay niya sa 'kin?" tanong niya.
"Ayun! inayos ko na sa flower vase at baka malanta agad ay hindi mo na makita ang bulaklak na binili niya para sa'yo. Mukhang mahal pa naman ang bulaklak," wika ng kanyang ina na itinuro pa ang mga bulaklak na nasa sala nila.
"Sinabi ko na nang huwag na kong ligawan eh! ang kulit talaga ng anak ni Aling Tuding. Sa susunod po 'wag na ninyong tatanggapin ang mga ibinibigay niya para hindi na siya umasa na magiging kami, hindi ko naman kase siya type," aniyang naiinis dahil sa pangungulit ni Martin na ligawan siya nito kahit na binasted na nga niya ng ilang ulit.
"Mabait naman yung tao at may hitsura naman dahil hindi naman panget at may trabaho pa sa munisipyo. Anong kinaayawan mo sa tao? mukha namang sincere sa iyo ang anak ni Tuding," komento ng kanyang ina.
"Nay, ayokong munang magmahal uli. Minsan na akong nasaktan at tama na ang minsan na iniwan ako ng isang lalaki dahil sa pagiging makitid ang utak at makasarili niya. Tama na nga nay, ayoko ng ungkatin ang pagkasawi ng puso ko at matagal na rin naman nangyari yun," aniya pa sa ina.
"Na hanggang ngayon ay sawi! Baka naman kase, kaya ayaw mong tumanggap ng manliligaw ay dahil umaasa ka na babalik si Edgar at makikipagbalikan sa iyo yung tao? Eloisa wag ka na ngang umasa dahil sigurado kabikabilaan na ang naging babae ng ex mong yon! Alam namin na minahal mo siya, pero ikaw ba minahal ka nga ba niya?" turan ni aling Susan sa anak.
Natahimik si Eloisa dahil napaisip sa sinabi ng ina. May point ang kanyang ina baka ginawa nga lang excuse ni Edgar ang pagpapapili sa kanya sa pamilya niya over him para mahiwalayan siya nito.
Hindi kase lingid sa dating nobyo ang pangarap niya at unang priority niya sa buhay. Yun ay ang makatulong siya at maiangat niya sa hirap ng buhay ang pamilya niya. Noon kase ay nagdidildil lang sila ng asin sa kanin o kaya naman ay nag uulam sila ng toyo at mantika at kung wala nun ay asukal naman.
"Tapos na kami nay, hindi ko na ho siya iniisip. Nay, pwede ba wag na po natin pag usapan si Edgar at ang nakaraan namin," maktol niya sa ina.
"O siya, hindi na nga! ikaw kase itong unang nagbanggit ng nakaraan. Mabuti pa ay ikaw na ang tumapos nito at may gagawin ako sa labas," utos na lang ng ina sa kanya.
"Sige po!" aniya na lang.
Pagkatapos niyang mailuto at maiayos ang tatlong bilao ng biko ay tinakpan na niya ng dahon ng saging ang mga iyon. Maya-maya lamang ay kukunin na ng mga tindera nilang maglalako ang bikong niluto nila.
Graduate ng BS Management si Eloisa Marasigan. Tatlong taon din siyang naging manager sa isang sikat na fast food chain sa bayan nila. At nang makaipon, pati sa tulong ng magulang niya ay nakapagsimula siya ng maliit na negosyo. Ang Kakanin Delights niya.
May maliit siyang pwesto sa harapan ng bahay nila at nagpapalako at nagpapaorder din siya online at sa dalawang taon na pagnenegosyo niya ay nakilala na ang kanyang kakanin shop sa bayan ng Guimaras.
Nagpapahinga si Eloisa sa sala at nanunuod ng tv kasama ang kapatid nilang bunso na kakarating lang galing school dahil pang umaga ang pasok nito sa iskwelahan ng elementarya malapit sa bahay nila.
"Ate, patulong naman sa paggawa ng assignment ko sa math." paghingi ng pabor ng bunso nilang si Michael.
"Madali lang naman ata yan kaya mo na yan."
"Kaya nga ako nagpapatulong kase nahihirapan ako dito sa question number 4 at 5."
"Patingin nga! ito ba eh ang dali lang naman nito. bigyan kita ng sample ha tapos pag aralan mo, makukuha mo ang sagot sa number 4 at number 5 sundan mo lang ang ginawa ko."
"Sige ate, eh kung sagutin mo na lang kaya ate ang 4 at 5 para mas madali may pa sample ka pa eh!"
"Aba at pasaway ka! hindi kita tutulungan bahala ka diyan. Assignment mo yan, hindi ko assignment kaya ikaw ang gumawa." paninita niya sa bunso nila.
"Binibiro lang kita ate Eloisa, sige na turuan mo na ko para matapos na ko. Maglalaro pa kami ni Paulo sa labas."
"Yan, diyan ka magaling Michael sa pakikipaglaro. Kapag bumaba ang grades mo lagot ka kay nanay at tatay." banta niya sa kapatid.
"Malabo yang sinasabi mo ate, paborito ako ng mga teacher namin sa school eh!." wika ni Michael.
"Nak's, ang yabang mo sa part na yan ha. siguraduhin mo lang, sipsip na estudyante!." biro ni Eloisa sa kapatid na tinawanan lang siya.
Nagturuan silang magkapatid at nalaman ni Eloisa na madali palang matuto ang bunso nila dahil nakadalawa lang siyang sample sa kapatid ay nakuha agad nito ang sagot. Kaya ng matapos ay iniligpit ang gamit at iniwan siyang mag isa sa sala nila ng hindi man lang nagpaalam pa sa kanya.
Tatawa tawa siya sa kaniyang pinanood sa tv ng dumating ang kaibigan niyang si Janet na siguradong hahatiran na naman siya ng nasagap na tsismis nito.
"Best friend, sarap ng buhay natin ah! panuod- nuod na lang ng tv mag isa. Asan ang nanay mo pati kapatid mo?" tanong ng kaibigan niyang si Janet na karga ang anak nitong dalawang taong gulang na inaanak niya.
"Sarap buhay ka diyan! kakatapos ko lang ng gawain ko noh! Wala si Nanay umalis hindi ko alam saan nagpunta, si Cecile nasa school pa yun mamaya pa uwi non, si Michael nasa labas nakikipaglaro at ang tatay ko alam na kung nasaan."
"Eh di, mag isa ka nga lang dito?" muling tanong ni Janet sa kanya ng pabalang.
"Hindi ata, may kasama yata akong multo." pang iinis niya sa kanyang best friend.
"Sinabi ko ng wala buong pamilya ko at ako lang nakita mo dito, tapos yan ulit- ulit mong tanong. Pasalamat ka kasama mo yang anak mo kundi binatukan na kita. Akin na nga yang inaanak ko ng hindi na sumingkit ang malaki kong mata ng dahil sayo, Janet." sarcastic niyang saad sa kaibigan na tinawan lang siya at pinakarga sa kanya ang anak nito.
"Kyla, baby ko, sa ninang Eloisa ka muna ha! nang mawala ang init ng ulo." pagkausap naman nito sa anak na hindi naman nakakaintindi pero tinawanan ang ina.
"Andito ka na naman, mamaya mag- away na naman kayo ni Leo, dahil nakatambay ka na naman rito. Ikaw ba nakapaglinis at nakapagluto ka na bago nangapitbahay?" singhal niya sa kaibigan na madalas ay matigas ang ulo.
"Hayaan mo siya magalit. Mamaya ako magluluto ng panghapunan, anong oras pa lang naman. Hindi rin ako magtatagal maaga yun uuwi ngayon." sagot sa kanya ng kaibigan.
"May itsitsismis ako sayo Eloisa, natatandaan mo pa ang ex mong si Edgar?"
"Syempre naman ex ko yun eh! O e anong tsismis naman tungkol kay Edgar ha?!" pakunwaring balewala sa kanya ang sinasabi ng kaibigan, pero ang totoo ay ramdam niya sa sarili na gusto niyang malaman ang sasabibin ni Janet tungkol sa kanyang ex.
"Uyyy.. kunwari parang wala lang talaga eh! if i know nacurious naman!. Gusto mo rin malaman kung ano yun, pakunwari ka pa kurutin ko ang singit mo eh!" aning turan ni Janet na binigyan niya ng pekeng ngiti.
"Nasabi ni Leo, sa akin kagabi na ibinalita ni Don Edgardo sa kanila sa manggahan kahapon na pauwi si Edgar dito sa atin sa sabado kasama ang kapatid nito na si Margaret. Kaya bukas ay maghahanda sila para sa pagdating ng mga apo ni Don Edgardo." pagbabalita ni Janet.
"Matagal na rin na hindi sila nagbabakasyon rito. Ano naman kaya ang dahilan ng pag uwi ng magkapatid rito?" tanong niya kay Janet.
"Gusto ata ni Don Edgardo na magbakasyon na muna kasama ang ang mga anak sa ibang bansa at si Edgar na muna raw ang mamahala ng manggahan nila ng ilang buwan."
"Magtatagal pala siya rito. Sana hindi kami magkita habang narito siya sa Poblacion." halos pabulong na wika n'ya sa sarili na hindi naman narinig ni Janet.
"Anong sabi mo? hindi ko maintindihan eh!" tanong ni Janet sa kanya.
"Wala, ang sabi ko mag meryenda na lang tayo at pakainin mo itong anak mo ng puto. May naitabi ako diyan sa lamesa kunin mo." sabi na lang niya sa kaibigan ng tumahimik na.
"Hindi ka na talaga interesado sa first love mo? Sabagay siya naman ang nakipaghiwalay sayo noon, dapat taas noo ka pa rin sa kanya dahil hindi naman niya nakuha ang iniingatan mo nang iwan ka niya six years ago." komento pa ni Janet.
"Gaga! ikaw lang naman ang malibog sa atin kaya maaga kang nagka asawa't anak. Tignan mo nga, nakadalawang anak ka na agad, ako wala pa. Asan ang panganay mo bakit nga pala hindi mo bitbit?"
pag-iiba niya ng usapan para tantanan na siya ng kaibigan.
"Nasa mga biyenan ko, hiniram muna nila si Botchok at natutuwa sila sa apo nilang iyon, napakabibo raw kase." sagot naman ni Janet.
"Mabuti nga iyon, Janet. Para hindi ka pagod sa pag- aalaga ng mga anak ninyo ni Leo. Katuwang mo sa pag aalaga ang mga byenan mo, kahit pa nga alam naman nating hindi ka nila gusto bilang manugang." aning turan ni Eloisa.
"Ikaw ha! baka akala mo hindi ko napapansin iniiba mo ang usapan natin. Eloisa, kilala kita." paninita ni Janet sa kanya.
Hindi na siya sumagot para hindi na magsalita uli si Janet. Sinabayan na lang niyang magmeryenda ang mag ina. Pero ang isipan niya ay nasa sinabi ng kaibigan na uuwi ng Poblacion si Edgar Alminarez. Ang ex boyfriend niyang pinapili siya noon kung sasama siya rito o mananatili siya sa lugar sa piling ng pamilya n'ya.