Chapter Nine - Ang Paglisan
"Sino ba iyon?" Tanong ng aking ama pagkasarado ko ng pintuan. "Parang mayaman ah? Naka-dekotse pa. Regular customer mo ba iyon?"
Sumalampak ng upo sa sopa ang aking ama habang sinisindihan nito ang lampara sa ibabaw ng maliit na lamesa. Nagkaroon ng ilaw ang madilim na dekwatrong silid ng sala. Agad kong inilapag ang dala kong mga gamit sa katabing sopa at nakita ko ang laylayan ng sinusuot kong damit kaya napatuwid ako ng tayo.
"Ipagtimpla mo ako ng kape!"
Nasindak ako sa sigaw ng aking ama kaya agad akong napabaling dito. "Opo," siyang tanging sagot ko lamang dito. Agad akong nagtungo sa lamesa habang tinutupi ang laylayan ng aking damit. Agad kong binuhos ang mainit na tubig sa thermos ngunit patak lamang ang lumabas dito. Napatingin ako sa aking ama habang sumisindi ito mg sigarilyo. Malaki ang ibinagbago ng ugali ng aking ama simula noong nawalan na siya ng pag-asang uuwi pa si mama.
"Mahal? Pwede namang ako nalang muna ang magtatrabaho dito. Makakahanap din naman ako," pangungunbinsi ng aking papa kay mama.
Dinig kong pag-uusap nila sa labas ng aking kwarto. Kanina pa ako nagmumukmok dito kakaiyak dahil narinig kong mag-aabroad si mama para maghanap ng trabaho doon. Pwede namang dito lang siya magtatrabaho ngunit naliliitan lamang siya sa kanyang sahod na natatanggap sa kanyang trabahong pinapasukan kaya napag-isipan nitong mag-abroad nalang.
"Mahal, alam kong kaya mo. Ngunit, alam mo rin na hindi sapat ang pera nating dalawa upang panggasta sa lahat ng mga bayarin at kakailangan natin araw-araw. Kakabayad pa nga natin ng upa sa bahay na ito ngunit kaunti nalang ang natitirang pera dahil bibili pa tayo ng mga pagkain natin. Intindihin mo naman ako, mahal. Hindi ko naman kayo iiwan," iyon ang panghuling sinabi ni mama na tumatak sa aking isipan.
Ngunit, hindi ko alam kong maniniwala pa ba ako kay mama dahil sa aking nakikita ngayon. Agad akong napabaling sa tinitimpla kong kape na kaunting tubig lamabg ang laman nito. Binuhos ko ang isang stick ng nescafe at kumuha ng cream ngunit, ubos na pala ito. Wala akong nagawa kaya dinagdagan ko nalang ito ng tubig na galing sa container. Hinalo ko ito gamit ang kutsara at dama ko ang lamig nito na alam kong ika-disgusto ng aking ama.
"Ito na po pa," ani ko habang inilapag ang dala kong kape sa katabi nitong maliit na lamesa.
Agad nitong ibinuga ang iniinom na kape sa aking harapan. "P*ta! Kape ba ito?" Sigaw nito sabay saboy sa aking mukha. "Hindi kita pinalaking walang respeto Phenice! Ito ang ipapainom mo sa iyong ama? Napakawalang-hiya mong ipainum sa akin ang malamig na kape na ito."
Habang dinudura at tinuturo niya ako ay labis ang aking iyak. Gabi-gabi ako nakakatanggap ng sermon galing sa kanya kapag lasing ito. Hindi din nito gustong natatagalan ang kanyang mga iniutos.
"Mag-iinit muna ako ng tubig pa."
"Ngayon mo pa gagawin? Huwag na! Baka makatulogan ko iyang kape mo sa tagal."
"Anak?" Tawag ni mama sa akin habang kumakatok sa pintuan.
Nagmumukmuk parin ako sa loob ng kwarto habang umiiyak. Isinarado ko ang pintuan dahil ayaw kong makita ang aking ina na umalis. Panay ang katok nito ngunit hindi ko parin ito pinagbuksan.
"Anak? Ayaw mo bang makita si mama? Aalis na ako."
"Ayaw ko!" Sigaw ko dito. "Bakit ka naman aalis? Ayaw ko!"
Hindi kaagad sumagot ang aking ina kaya napatigil ako sa paghikbi. Tumayo ako at isinandal ang tainga sa pintuan upang pakinggan kung umalis ba ito. Wala akong narinig na tunog kaya nagulat nalang ako nung kumatok bigla si mama sapagkat kay lapit lamang ng aking tainga.
"Anak? Papasukin mo na si mama. Mahal na mahal ka ni mama nak. Sige na," pansusuyo nito sa akin.
"Huwag ka nga alis, ma." Humihikbi kong sabi sa kanya.
"Huwag ka na umiyak nak. Bili tayo ngayon sa labas ng paborito mo pagkain. Ayaw mo?"
Agad kong pinunasan ang aking mukha at tumigil sa pag-iyak. Agad kong binuksan ang pintuan at bumungad sa aking harapan si mama na nakadamit na panlakad. Agad kong niyakap ito pagkalabas ko.
"Saan na po ma?" Masaya kong sabi dito habang mahigpit na niyayakap.
"Hindi ka na galit kay mama?"
Hindi ako kaagad nakaimik.
"Sige! Bibilhan kita ng paborito mong chicken joy. Diba gust mo iyon? Pero smile ka muna."
Hinahagud nito ang aking ulo habang sinusubukang pinapangiti ako. Unti-unti akong ngumiti dahil hindi ko magawang kagtampo. Dahil sa nahihiya ako ay bigla ako yumakap dito upang itago ang nakangiti kong labi.
"Nahiya pa? Huwag ka na mahiya nak. Let me see your teeth?" Sabi nito. Agad naman akong kumalas. "Naku! Ang daming absent."
Biro nito sa akin kaya humagikhik ako sa tawa. Tinakpan ko naman ang aking bibig upang hindi makita ni mama ang ngipin ko na maraming absent. Agad niya akong pinatayan at tumingin sa aking mga mata habang matamis na ngumingiti.
"Sabihin mo kay papa pagbalik niyo mamaya na magtotoothbrush ka ha? Dalaga na ang aking anak kaya dapat matuto ka ng may-ayos. Okay?" Sabi nito habang pinat ang aking ulo.
"Opo nay! Tara na po sa Jollibee!" Masaya kong sabi na kanyamg ikinatuwa.
"Tara?" Anyaya niya sa akin at tumayo.
"Masarap ba nak?" Sabi ni mama habang kumakain ako ng chicken joy.
Napatango naman ako habang sinusubukan nitong pinupunasan ang aking pisngi. Nagpatuloy parin ako sa pagkain habang inaasikaso naman ako ni mama. Paborito ko ang mga pagkain sa Jollibee dahil palagi kaming nagbobonding ni mama at papa dito.
"Kumain ka na mahal," sabi ni mama at kinuha nito ang kamay ni papa at pinagsiklop.
Napangisi naman ako habang tumitingin sa kanila. Kinikilig pa ako habang nakikita kong nilalambing ni mama si papa. Hindi pa kasi ito kumakain, kanina pa. Napatingin naman si papa sa akin at nakita kong nahihiya ito. Ngumuso ito sa akin na ikinatingin ng aking ina.
"Tinatawanan tayo ng anak natin," ani nito na ikinatawa ni mama.
"Tinatawanan mo ba kami nak?"
Agad akong umiling. "Hindi po. Si papa lang," diretsa kong sagot dito. "Kunwarin pong nagtatampo para lambingin niyo."
Bumungisngis ng tawa ang aking mga magulang dahil sa sinabi ko. Agad akong nakatanggap ng kiliti sa aking ama kaya natigil ako sa pagkain. Masaya ako sapagkat nakikita kong masaya ang aking mga magulang.
"Ano! Natulala ka na naman, Phenice. Ano ba kasing iniisip mo?"
"Wala po 'tay. Pasensya na po kayo," mahinahon kong sabi nito habang ngumingiti.
"Mabuti pa ay ipagluto mo nalang kaya ako ng pagkain. Wala ka namang ginagawa dito kung hindi tumutok diyan sa cellphone mo! Sige na bilis! Pambawi sa kape mong malamig. Pwe!", Sabay upo nito habang hinihilot ang sintido. "Sakit mo sa ulo."0
Agad akong napatango at tumalikod na mabigat ang damdamin. Bawat hatak ng aking paa sa paghakbang ay siyang pag-agos ng aking mga luha. Masakit man ang mga binabatong salita ng aking ama ay kailangan kong magtimpi dahil sa iniingatan kong pangako.
"Anak? Natatandaan mo ba ang sinabi ko sa iyo kanina?"
"Na ano po ma?"
Sabi ko habang pinupunasan ang aking bibig. Tapos na kaming kumain kaya umalis muna si papa upang magpunta ng banyo. Naiwan naman kami ni mama ditong nag-aantay kay papa.
"Diba sabi ko magtotoothbrush ka pagkauwi niyo ng papa?"
"Opo ma," sagot ko nito habang tumatango.
"Very good! Huwag matigas ang ulo nak ha?" Sabi nito habang nakikita ko ang paniningkit ng mga mata nito habang ngumingiti. "Huwag maging pasaway kapag may iuutos ang papa. Alam mo naman ang papa na pagod pa galing sa trabaho kaya anong gagawin ng mabait na bata?"
"Huwag matigas ang ulo at asikasuhin ang papa."
Tumango ito habang sumisinghot. Lumandas ang mga luha kaya kumintab ang mga pisngi nito. Agad napakunot ang aking noo dahil sa pagtataka.
"Bakit ka po umiiyak ma?"
"Wala anak," sabi nito sabay punas sa mga luha nito.
"Aalis ka na ba?"
Tanong ni papa kaya napabaling ako dito.
"Anong aalis pa?"
Bumaling ako ulit sa aking ina na hindi na napigilang umiyak. Bigla kong naisip ang pinag-usapan nila kanina sa bahay. Naalala kong aalis nga pala ito para mag-abroad.
"T-Tutuloy ka ma?" Tanong ko at hindi ko napigilang umiyak ng malakas. Agad akong yumakap sa kanya. "H-Huwag kang umalis ma. Dito ka nalang po," pangungumbinsi ko sa kanya.
"N-Nak, intindihin mo muna si mama ha? Bibilhan ka ni mama ng maraming laruan. Hindi ba gusto mo iyon?"
"Ayaw ko ng laruan!" Sigaw ko dito.
Nag-uumapaw parin ang mga luha sa aking mga mata kaya hindi ko masyadong kita ang nasa paligid. Dinig ko lamang ang singhot ng aking ina habang may mga kamay na humahagod sa aking likuran.
"Huwag mo akong iwan ma!"
"Nak? Mabilis lang naman si mama. Sa malapit lang naman si mama."
"Ayaw ko ma!" Sigaw ko ulit.
"Fred?"
"Ma!"
Sigaw ko habang pinupunasan ang aking mga mata. Nakita kong hinawakan nito ang kanyang mga maleta. Napatingin ang mga tao sa amin ngunit wala akong pakialam. Lumapit ako sa aking ina ngunit pinigilan ako ng aking ama.
"Ma! Huwag mo kaming iwan!"
"Nak, ginagawa ko ito para sa iyo." Sabi niti at mabilis na hinagkan ang aking noo.
Umiiyak na umalis si mama palabas ng Jollibee. Umiiyak naman ako habang niyakap ako ni papa. Dinig ko ang mumunting hikbi nito kaya bumaling ako dito.
"Pa? Hahayaan mo ba si mama, pa?" Tanong ko dito.
"Anak?" Tumigil ito sa pag-iyak at pinunasan ang mga mata. Pagkatapos, ang aking mga pisngi namab ngayon ang kanyang pinupunasan. "Ginagawa ito ni mama para sa kinabukasan mo. Hindi mo pa man naiintindihan ngunit, babalik si mama nak. Nandito naman si papa. Hindi mo ba mahal si papa?"
"Mahal po."
"Mahal pala, kaya huwag ka ng umiyak oara hindi na umiyak si papa. Babalik naman si mama."
"Ayaw ko pong umalis si mama," sigaw ko at niyakap ako ulit ni papa.
Kahit hindi sabihin ng aking ama ay alam kong labis siyang nasaktan sa paglisan ng aking ina. Kaya sa pagdaan ng mga buwan at taong hindi pagpaparamdam ni mama ay unti-unti siyang naging pabaya, lasinggero, at mapang-abuso. Kahit ganito na si papa ay hinahawakan ko parin ang mga pangakong binitawan ko, hindi para sa king ina kung hindi para sa aking naiwang ama.