Magdamag binantayan ni Mark si Alex. Maya't maya ang pagpunas niya ng bimpo sa noo nito, tumataas- baba kasi ang lagnat ng dalaga. Ginigising niya ito at binabangon kapag oras nang uminom ng gamot at pagkatapos ay muli niya itong pupunasan ng bimpo. Halos mag-uumaga na rin ng bumaba ng tuluyan ang lagnat ng dalaga kaya nakaidlip na rin siya sa gawing paanan nito. Tirik na ang araw nang magising si Alex. Tumatagos na rin ang sinag ng araw mula sa bintana. Bahagya siyang napaigtad nang maramdaman niya ang kung anong nakadagan sa paa niya kaya nasipa niya ito. Nagulat pa siya nang biglang may kumalabog sa lapag. "Aray ko!" nakahawak pa sa balakang nang tumayo si Mark. Agad siyang napasandal sa kama. "Sorry. Bakit kasi diyan ka natulog?" aniya na hindi maiwasang mangiti sa hitsura ni Mark.

