Inaya ako ni Kuya Kenaz na pumunta muna sa isang kainan bago magpatuloy sa pag-uusapan namin. Pinili namin ang bandang dulong upuan ng kainan para medyo malayo sa mga tao. Pagkatapos namin umorder ay nag umpisa na rin kami kumain.
"Akala ko talaga magbubunga ang panunukso ko sa inyo ni Maeve eh...hahahahaha" natatawang biro ni kuya Kenaz sa akin.
Nakitawa na rin ako rito. Malapit kami ni Maeve kaysa kay Nyree pero ni minsan ay hindi ako nakaramdam ng kakaiba para kay Maeve. Kahit na halos kaliwa't kanan ang tukso sa aming dalawa. Ganoon rin naman siya dahil minsan na rin itong nagka-nobyo noong labing-limang taong gulang pa lang ito.
"Hahahahahaha pero,sabihin mo nga...may nililigawan ka ba dyan? Hahaha,baka naman" hindi ako makapaniwala na sobrang laki na ng pinagbago ni kuya Kenaz.
Hindi naman kasi siya masyadong pilyo noon at ang palagi lang niyang iniisip ay kung paano siya makakapunta dito sa Central dahil katulad ng karamihan ay pangarap niya rin ito. At ngayong nandito na siya ay mukhang saka lamang ito nagkaroon ng interes tungkol sa panliligaw.
"Wala kuya Kenaz...wala rin yun sa isipan ko sa ngayon eh," nakangiting sagot ko rito.
"Bakit naman? Alam mo ba na mas masaya ang buhay ng isang lalaki kapag may babae?" banat pa nito saka inom ng alak.
Tulad kanina ay nakitawa na lang rin ako rito. Hindi ko rin naman alam ang isasagot kung magsalita pa ako. Pero, sa totoo lang ay hindi ko pa naiisip na magkaroon ng nobya. Siguro ay sa oras na dumating na ang tamang tao para sa akin ay saka ko pa lang pag-iisipan ang magkaroon ng nobya.
Habang umiinom ng alak ay wala siyang ibang sinasabi kung hindi ang maraming koleksyon niya ng mga babae. Pangit man pakinggan para sa iba ngunit ang mga ito na mismo ang nagkakagusto kay Kenaz.
Dahil na rin siguro ng itsura nito ay hindi na nagpapakipot pa ang mga babaeng tinutukoy niya at sila na mismo ang lumapit sa kanya.Maya-maya ay napag usapan na rin namin ang tungkol sa pakay ko rito.
"Oo nga pala, kamusta na ang plano mo? May iba ka na bang nahanap na impormasyon?" seryosong tanong nito sa akin.
"Wala pa masyado Kuya Kenaz, pero palagi kong naririnig ang pangalang Master Raizel tulad pa rin dati..." magalang na saad ko.
Nasabi ko na noon kay Kuya Kenaz ang tungkol sa pangalang Master Raizel na minsan ko nang narinig sa bibig ni lola. At ayon sa kanya ay tutulungan niya ako sa oras na makarating na siya sa Central.
"Master Raizel hmmm...sa totoo lang ay nandito siya kamakailan lang, siguro noong nakaraang buwan pero hindi rin siya nagtagal kaya naman hinihintay ko rin na bumalik ito pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ito napaparito" saad nito
"Bakit naman kaya kuya?"
"Ang sabi sabi ay mayroon daw malaking plano ang hierarchy, pero hindi ko sigurado kung ano iyon. At bilang kasapi ng mga low ranks sa hierarchy at nararapat lang na nandoon si Master Raizel upang magbantay at maki-isa sa gawaing iyon"
Pareho kaming napaisip tungkol dito. Hindi lamang ang paghahanap kay Master Raizel ang pakay ko bagkus ay iyon ang unang hakbang sa pagkamit ko ng tunay na misyon ko dito sa Central.
Pero kailan naman kaya ulit siya babalik sa ground? Sa ganoong paraan kasi ay mas mapapadali ang pagtulong sa akin ni kuya Kenaz.
Minsan lang naman kasi lumalabas sa publiko ang mga katulad ni Master Raizel na kasapi ng low rank ng hierarchy. Ang iba naman ay hindi na talaga lumalabas at inilalagi ang sarili sa loob ng kanilang mansyon habambuhay. Habang ang iba ay sinasabing nagbabalat-kayo at ni isa ay walang mababakas na pagka-maharlika sa mga ito.
"Isa pa sa mga ipinagtataka ko ay noong huling punta niya rito" biglang saad nito.
Agad akong napatingin sa kanya.
"Noong huling beses ko itong makita ay may napansin ako sa batok nito. Isang bilog na marka na may tatsulok sa loob nito. May kakaibang mga letra rin ang makikita sa loob na hindi ko maintindihan.Ipinagtataka ko rin ang mga kasama nito ay may mga marka rin ngunit sa magkakaibang parte ng katawan. Ang iba ay nasa batok, pero karamihan ay nasa braso, likod at binti" paliwanag nito.
Ang Ring of Trevon…
Hindi nga ako nagkakamali. Ang mga taong may kaugnayan kay Master Raizel ay may marka rin ng Ring of Trevon. Unang beses ko pa lang na makita ang Ring of Trevon, ay naisip ko nang maaaring may kaugnayan ito kay Master Raizel.
Ang nakakapagtaka lamang ay dahilan ng kanilang paggamit sa markang ito. Ang Ring of Trevon ay simbolo ng kapayapaan.At kung iuugnay ito kay Master Raizel ay parang dinungisan na rin nila ang markang ito.
"Pero parang imposible, napakabanal ng simbolong Ring of Trevon hindi ba?" naga-alangang tanong ko rito.
"Azriel, hindi lahat ng nakikita ng mata ay totoo. Maging ako na kasama mo ngayon at kung sino man ang katabi mo kahapon, bukas hanggang sa susunod na bukas ay maaaring hindi rin totoo. Kaya ang mata ng tao ay hindi rin mapagkakatiwalaan kung minsan. May mga bagay kasi na hindi mo na kailangang makita bagkus ay kailangan mo lang maramdaman" seryosong saad nito.
Hindi ko alam ngunit naramdaman kong tila may iba siyang nais na ipabatid sa akin.
Maya-maya ay may narinig kaming sigawan at hiyawan ng mga tao habang may dala-dala itong mga visual banners. Nag lapitan ang mga tao malapit sa ring at dahil nasa mataas na lugar kami ay kitang-kita namin ang dalawang tao na papasok sa loob nito.
Unang pumasok ang isang lalaki na hindi kalakihan ang katawan pero kita sa mga muscle nito ang kakisigan. Halatang nahubog ng panahon at matinding ehersisyo ang bawat himay ng katawan nito.
"Yan si Atlas Drishti. Sikat siya dito sa ground dahil sa mabilis niyang kilos. Hindi ko pa siya nakita na natalo. Ang sabi ay nag-aaral siya ng iba't ibang klase ng ancient martial arts. At ang pinakamaster niya ay ang muay-thai kaya naman isang sipa niya siguro sayo ay bali agad ang buto mo, ha.ha ha.ha" nakangiting saad nito at kinutsa pa ako.
Sa halip na magsalita ay itinuon ko na lang ang paningin sa kabilang panig. Halata sa katawan nito ang kakisigan.Napakalaki ng katawan nito at sa tingin ko ay kalahati lamang ng katawan niya ang katawan ko.
"Yan naman si Lyrik Dex. Sikat rin siya pero hindi ko pa siya nakitang lumaban dati kaya hindi ko alam kung magaling ba siya o hindi."
Kaunting katahimikan muna ang namayani sa aming dalawa.
"Pero alam mo Azriel, kinakabahan ako..."
Napalingon ako rito.
"Mas ramdam ko ang takot sa dalawa, ha ha ha ha ha...akala ko tuloy ako yung lalaban hahaha...." natatawang sambit ni Kuya.
"Bakit kuya?"
"Mga tinitingala silang underground player dito at pareho silang pasok sa top 10. Kung titingnan mo ang dalawa base sa stats nila, mapapanganga ka talaga. Hindi mo aakalain na ang payat na katawan na iyan ni Atlas ay umabot sa 6500 power stats habang si Lyrik Dex naman ay 6000 power stats."
"Ibig sabihin..."
"Oo...mas mataas ang puntos ni Atlas kaysa kay Lyrik dahil ito ay nasa ika-limang rank habang si Lyrik naman ay ika-anim.Isa sila sa mga players na may malapit na puntos sa isa't isa kaya isinagawa ang pagtatapat nilang ito upang malaman kung sino talaga ang mas malakas. Unang beses lang din nila magkaharap ngayon sa loob ng ring kaya naman napakalaking laban ang nasasaksihan mo ngayon" nakangiting saad nito.
Kung isang malaking laban ito, hindi kaya,may mga darating na mga taong may kaugnayan sa hierarchy?
"Kung iniisip mo na kung darating ngayon si Master Raizel, nagkakamali ka. Isang simpleng laban lang ito para sa mga elite player dahil sa tingin nila ay ang mga kasali lamang sa top 3 ang makakapagbigay ng magandang laban para sa kanila " walang emosyon na sambit nito.
Top 3?
Ganon ba kagagaling ang mga taong yun para puntahan ng mga elite?
Itinuon ko muli ang tingin ko sa laban na kasalukuyan nang binigyan ng senyas ng tagapamagitan.
Unang umabante si Lyrik na agresibo namang inilagan ni Atlas. Mabilis na inambahan ng suntok ni Atlas sa tagiliran ang kalaban. Hindi man direktang nasuntok si Lyrik ay kapansin-pansin sa mukha nito ang sakit na nararamdaman ngunit hindi niya ito ininda bagkus ay sinunggaban niya ng malakas na sipa ang payat na lalaki sa likuran na ikinabigla nito.
Napaluhod si Atlas dahil sa lakas ng sipa na ikinatuwa naman ni Lyrik. Naghiyawan ang mga taong panig kay Lyrik at bahagya pang itinaas nito ang kamay na para bang sinasabing siya na ang nagwagi, pero hindi kalaunan ay nakatayo agad ng diretso si Atlas at mabilis na inambahan ang kalaban. Halos hindi ko na masundan ang mga galaw nila sa sobrang bilis lalo na ng mga segunda ni Atlas na mas mabilis ng tatlong beses sa bilis ng ordinaryong manlalaro tulad ni Lyrik.
Hanggang sa maya-maya ay napatumba si Lyrik at naghiyawan naman ang kampo ni Atlas ngunit hindi tulad ng nauna ay hindi pinalampas ni Atlas ang pagkakataon at sunod sunod na inambahan ng suntok, tadyak at kakilakilabot na pagbalibag sa katawan ng kalaban ang ginawa niya habang wala pa itong kalaban laban sa kanya.
Hindi pa ito nakontento at pinagsasapak niya pa ito sa mukha. Ngunit maya-maya ay nasalo ng kalaban ang kamay niya na ikinabigla nito.
Muling nagmulat ng mata si Lyrik na kanina ay halos hindi na makamulat. Hinawakan niya ang kamay ni Atlas at dahan-dahan na inikot. Kitang kita sa mukha ni Atlas ang sobrang sakit na nararamdaman dahil sa kawawang braso na unti-unti nang nababali.
Isang malakas na tunog ang umalingawngaw mula sa ring nang tuluyan ng mabali ang braso nito at ikinahiyaw ng lalaki. Hindi magkamayaw si Atlas sa paghawak ng nabaling kamay habang si Lyrik naman ay nakakainsultong ngumiti sa kanya. Natumba si Atlas dahil sa sakit na nararamdaman niya.
Maya-maya ay biglang pinunit ni Lyrik ang kanyang damit na nagpalabas sa kabuuan ng katawan nito. Napasinghap ang mga kababaihan sa nakita habang ang mga kalalakihan ay humanga naman sa kanyang katawan tulad na lamang ng katabi ko.
Hindi pa nakatatayo ng maayos ang kalaban ay bigla na lamang niya nitong inambahan ang kalaban at kitang-kita ko ang sakit na naidudulot nito kay Lyrik. Ngunit hindi rin nagtagal ay nakabawing muli ang isa at ang naka-amba sa kanya kanina ang siya namang kanyang inaambahan.
Kaliwa't kanan ang sigawan dahil sa nangyari at kahit na isang braso na lamang ang gamit ni Atlas ay napakasakit pa rin ang naidudulot nito sa kanya.
Hanggang sa maya-maya ay nagpalit-ulit lang ang kanilang pwesto.Ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na muling nakatayo pa si Atlas. Dahil hindi na ito gumagalaw pa ay dahan-dahan napahiga si Lyrik sa tabi nito. Marahil ay dahil sa napagod.
"Haysss, akala ko pa man din ay si Atlas ang mananalo, kainis naman at nasayang ang tatlong daang rak na naipusta ko!" naiinis na saad ng katabi ko.
"Bakit kuya...tumaya ka?"
"Oo, kaso na sayang ang perang ipinusta ko!" galit na sigaw nito.
Idinaan na lang ni Kenaz ang inis sa pag-inom ng alak na nasa harapan niya. Malaking bagay na rin kasi ang tatlong daang rak sa mga katulad namin.
Ibinaling ko uli ang atensyon ko sa ring.Duguan na rin ang katawan ni Lyrik habang si Atlas naman ay halos hindi na gumagalaw kaya naman isinakay na agad ito sa blench.Nang mai-alis na si Atlas sa ring ay dahan-dahan naman na inalalayan si Lyrik upang makatayo at mai-upo sa isang upuan. Ngunit may napansin ako malapit sa braso nito.
Halos manlaki ang mga mata ko dahil sa nakita. Hindi ako maaaring magkamali. Iyon ay isang marka!
Ang Ring of Trevon.
Na naman??!!!
Hindi ko alam pero mas madalas ko nang makita ang markang ito ngayon. Kahit saan ako magpunta ay may nakikita akong marka ng Ring of Trevon. Ano ba ang ibig sabihin nito??!!
Nang mai-announce na ang nanalo ay siya namang alisan na rin ng mga nanonood. Ngunit hindi ko pa rin inaalis ang paningin ko kay Lyrik.
Dahan-dahan na itong tumayo ng maayos at dinala ang mga gamit. Nang akma na itong lalabas ay tumayo agad ako dahil balak ko itong sundan.Narinig ko pa ang pagtawag sa akin ni kuya Kenaz ngunit nagpatuloy pa rin ako sa pagtakbo hanggang sa maabutan ko ito papunta sa isang eskinita. Sakop pa rin ng underground ang eskinita na ito ngunit kaunti lamang ang mga nadaan. Pasimple akong nagtago sa isang trash bin nang huminto ito at may tinignan sa kanyang telepono.
Maya-maya ay nagpatuloy uli ito sa paglalakad hanggang sa kumanan ito. Naghintay pa ako ng ilang segundo bago ko ito sundan muli ngunit pagliko ko sa kanyang pinuntahan ay wala nang Lyrik na makikita sa daan. Dahan-dahan akong naglakad at pinaki ramdaman ang paligid hanggang sa may narinig akong tunog na nagmumula sa mas makipot na eskinita sa bandang kaliwa ko.
Sumilip ako ng bahagya at doon ko nakita ang malaking tao kasama ng mga lalaking nakaitim na jacket.
Sino naman sila? Hanggang sa namukhaan ko ang isang lalaki.
Teka...hindi ba siya ang lalaking sinusundan ko noong nakaraan? Siya yung lalaking may tattoo rin sa batok!
Kung pareho silang may tattoo ng Ring of Trevon, hindi kaya...dito ang tagpuan nila para sa mga kasamaan na gagawin nila? Hindi pa ako tapos mag-isip nang biglang isang malakas na alingawngaw ang narinig ko.
Nakaramdam rin ako ng bahagyang pagtulo ng dugo sa ilong ko na agad ko rin namang pinunasan. Hanggang sa dahan-dahan kong sinilip ang walang buhay na lalaki.
Pinatay nila si Lyrik?! Pe-pero bakit? Hindi ba dapat ay magkakampi sila?
Hindi pa nakakalayo ang mga lalaking salarin kaya agad agad akong tumayo para sundan ang mga iyon. May mga pumapatak pa rin na mga dugo sa ilong ko at ramdam ko na ang dahilan nito ay ang pagputok ng kakaibang armas na iyon. Hindi ko pa alam kung anong klase ang armas o baril iyon pero hindi ko ipagkakaila na napakalakas ng wave na inilalabas noon. Kasing lakas ng wave na nilalabas ng isang humanoid robot. Mabuti na lamang at may ilang metro ang layo ko sa mga ito nang mangyari iyon dahil panigurado at mahihimatay ako kung mas malapit ako rito.
Marahil ay may suot silang proteksyon upang hindi matablan ng waves nito.
Nang mapansin kong lumiko ang mga lalaking iyon ay sinundan ko kaagad ito ngunit wala na akong nadatnan pa. Napakabilis nila tumakbo at kung minsan ay tumatalon pa ito. Hindi ako sanay na tumalon sa mataas na container van na nakapaligid sa amin pero sanay akong tumalon sa mga puno dahil iyon ang kinalakihan ko.
Tumalon ako pataas ng container van at ilang beses pa akong nahulog bago ako tuluyang makaakyat. Nang makatuntong na ang dalawang paa ko sa ibabaw nito ay malaya ko nang nakikita ang mga nasa paligid kaya naman tumingin-tingin ako kung nasaan na ang mga ito ngunit tuluyan ko nang hindi nakita ang kahit isa man lang sa kanila.
Maya-maya ay naagaw ng atensyon ko ang isang lalaki na pasipol-sipol habang malaki ang ngisi sa mga labi nito. Pamilyar ang mukha nito sa akin hanggang sa mapagtanto ko na si Jing lang pala ito kaya agad agad akong bumaba dito. Baka magtanong pa ito kung ano ang ginagawa ko sa taas ng container van eh.
Nilapitan ko si Jing na ngayon ay pasimple pang kumakanta.
"Hmmm....hmmmmm.....malaya mm...mm...." pagha-humming nito habang hindi pa rin nawawala ang malaking ngiti nito sa labi.
"Jing!!!" tawag ko rito.
"Oh, ikaw pala ‘yan Azriel... anong ginagawa mo rito?"
"Ah, may binisita lang ako,isang kaibigan, ikaw?" balik na tanong ko rito.
"Ah...nanood ako ng laban ni Lyrik at Atlas grabe...buti na nga lang at nanalo si Lyrik eh...hahahaha panalo ako sa pustahan..." natatawang saad nito.
" Ganoon ba?"
"Ang perang ito ay laan ko sa nobya ko...matagal ko nang pinapangarap na manalo sa pustahan ng sa ganoon ay mai-date ko siya...hahahahahahahaha"
May nobya pala siya?
Kaya pala sobrang laki ng ngiti niya. Hindi lamang dahil sa nanalo ang pinustahan niya kung hindi dahil sa magde-date sila ng nobya niya.
"Hahahahaha sa susunod na lang ang balato mo ah" biro pa nito sa akin sabay tapik ng balikat ko.
Ngumiti lamang ako bilang tugon.
Hindi na rin ito nagtagal at nagpaalam na rin siya dahil kailangan niyang maghanda para sa iso-sorpresa sa nobya. Naiwan naman akong mag-isa rito sa eskinita kaya naisipan ko na bumalik sa ground upang balikan si kuya Kenaz.
Ngunit hindi pa ako nakakalayo nang mapansin ko ang isang dalaga na nakatayo sa gilid ng kalsada. Base sa suot at tangkad nito ay masasabi ko na halos kasing edarin ko lang ito. Aalis na sana ako nang bigla itong matumba kaya naman agad akong uma-lalay rito at tinulungan na tumayo ng maayos.
"Ayos ka lang?" tanong ko rito.
Dahan-dahan na nag angat ng paningin ang dalaga at nakita ko ang kabuuan ng itsura nito. May kaputian ang babae at masasabi ko na maalaga ito sa sarili dahil sa napaka-aliwalas ng mukha nito.Ngunit kapansin-pansin ang namumutla nitong mukha at ang nanginginig na kamay nito.
Hinawakan ko ito.
Napaka lamig!!
"Ayos ka lang??" tanong ko uli dito.
"P-pagka...in" pahina nang pahina na sagot nito.
Nang maintindihan ko na ang sinasabi nito ay agad kong inilabas ang isang biscuit sa loob ng pantalon ko na sa tingin ko ay kahapon ko pa binili. Agad ko itong ibinigay sa kanya na agad niya rin namang kinuha.
Gutom na gutom ang dalaga kaya naman halos sunod-sunod na pagkagat ang ginawa nito sa biscuit ngunit nanginginig pa rin ito sa lamig. Inalis ko ang dobleng damit ko at ibinalot sa katawan niya ngunit inalis niya agad ito.
"Ma...malamig" ganun pa rin ang hina ng boses nito at ramdam ko ang panlalamig nito.
Dahan dahan kong inilapit ang mga kamay nito sa bibig ko at marahan na hinipan. Dahil mainit naman ang hininga ng tao ay iyon ang pansamantalang nagbigay init dito. Nakatingin lamang ito sa akin habang ngumunguya at ako naman ay patuloy pa rin sa pag-ihip sa kamay nito. Maya-maya pa ay nagsalita itong bigla.
"I...ilang ilang taon ka na?"
Nailang naman ako sa paraan ng pagtitig niya sa akin dahil medyo malapit rin kasi ang mga mukha namin sa isa't isa. Ngunit ang mas ipinagtaka ko ay bakit ang edad ko ang una niyang tinanong, hindi ba't dapat ay pangalan ko muna?
"Eighteen...ikaw?" saad ko habang ipinagpapatuloy pa rin ang ginagawa.
"Fi-fifteen..." mahinang sagot nito.
Hindi na muli ito nagsalita at ipinagpatuloy lang ang pagkain. Medyo nakakailang para sa akin ang pwesto namin ngayon dahil nasa harapan niya ako habang hinihipan ang mga kamay nito.
Hindi ko maipagkakaila na napakaganda rin ng dalagang ito.
Sa ilang araw na pamamalagi ko dito ay halos hindi ko na mabilang kung ilang magagandang babae na ba ang nakita ko.Habang nakatingin rito ay napansin ko ang pamumula ng bandang braso nito na pilit namang tinatakpan ng maikli nitong damit. Hindi naman hapit sa katawan ang pang-itaas nito pero sapat lang iyon para makahinga ng kaunti. Habang isang maong naman ang suot nito sa pambaba.
Habang malaya kong nakikita ang kabuuan niya ay hindi ko maiwasan na tingnan ang mukha nito habang kumakain. Hindi ko alam pero bigla na lamang akong nakaramdam ng kakaiba sa katawan ko kaya naman iniwas ko kaagad ang paningin ko at napadako ito sa bandang batok nito.
Dahil sa yumuko ito ay isang marka ang bigla kong nakita.
Ring of Trevon?
Hindi ko alam pero bigla akong nanghinayang. Bakit kasapi pa sa mga taong pinaghihinalaan ko ang dalagang ito. Napakainosente niya at sigurado akong mabuti itong tao. Hindi kaya pinilit lang siya na markahan?
Bigla akong naibalik sa wisyo nang tumingin ito sa akin. Saglit na tumigil ang mundo ko nang tumitig ang maamong mukha nito habang inosenteng ngininguya ang pagkain.
At naramdaman ko ang malakas na kabog ng dibdib ko.