NAGMAMADALI ako na tumatakbo papasok sa presinto. Tumawag sa akin si nanay, umiiyak. Hindi klaro ang sinabi niya sa akin, ang sabi lang ay pumunta ako sa presinto malapit sa palengke. Kinakabahan tuloy ako na 'di ko mawari. Nagpaalam lang ako sa professor ko na may emergency. Pinayagan naman ako kaagad.
Aligaga akong lumapit sa information. "Andito po ba ang nanay ko?" hinihingal na tanong ko sa pulis. Walang reaksyon na tumingin ito sa akin. Tumayo ito mula sa upuan niya at nilapitan ako. Sinuyod ng tingin ang kabuuan ko, mula ulo hanggang paa. Napaatras ako sa ginagawa niya at napa-cross arm.
"Sa dami ng nakakulong dito malalaman ko ba kung sino ang nanay mo! Ibigay mo ang pangalan, 'di 'yong tatanungin mo lang ako kung nasaan ang nanay mo." May pang-uuyam na diin nito sa akin at sinamaan pa ako ng tingin.
"Milora Pasanin po ang pangalan ng nanay ko. Pasensiya na po, mamang pulis. Natataranta po kasi ako," dahilan ko. Mula sa University halos hindi na ako magkandauga-uga na makarating sa presinto. Halos nablangko ang utak ko. 'Di ko inaasahang tatawag si nanay bigla pagkatapos ay pupunta ako ng presinto.
Masama pa rin ang hilatsa ng mukha nito na tinitignan ang listahan niya. Ilang minuto ay napaangat ito ng tingin sa akin.
"Walang Milora Pasanin ang naka-detained dito. Pero kanina mayroong bagong dating, Carding Pasanin galing sa palengke. Tatay mo ba 'yon?"
Nagtaka naman ako. "Si Tatay, nakakulong? Ano pong kaso niya?"
"Ang maigi pa tanungin mo ang nanay mo. Nasa loob siya sa visiting area. Pumasok ka na lang ss loob," ang sagot nito sa akin. Napatalikod ako kay mamang pulis. Rinig ko ang mga bulong niya. "Ang dami daming tanong, iniistorbo ako sa trabaho ko..."
Dumiretso ako sa visiting area sa loob ng presinto. Nakita ko si nanay na nakaupo kaharap si tatay. Nakapanghihina na makita ang dalawa taong importante sa buhay mo ang nagdurusa. Kaya nagsisikap akong mag-aral para sa kanila. Pero ayoko silang makita sa ganitong sitwasyon.
Nakakapanlumo at nakakadurog ng puso nang makita ko si tatay na suot ang uniform na pang-preso. Naipikit ko ng bahagya ang mga mata ko at napadilat. Napansin ako ni tatay habang nakatayo 'di kalayuan sa lamesa nila.
"M-Mel," nabigkas ni tatay habang nakatingin sa akin. Napalingon bigla ang nanay sa akin. Mabilis akong tumakbo palapit kay tatay at umiiyak na niyakap siya.
"Ano pong nangyari?" Agad na tanong ko na humahagulhol ng iyak sa balikat ni tatay. Hinahagod nito ang aking likod.
"Patawarin mo ako, Mel. Hindi ko ginawa ang anumang ibinibintang nila sa akin. Naniniwala ka ba kay tatay?"
Napabitaw ako sa kanya dahil sa tanong nito at saka marahang tumango. Kahit kailan ay 'di nagsinungaling si tatay sa akin. Alam ko na nagsasabi siya bg totoo na hindi siya nagnakaw.
"Siyempre, tatay ko po kayo. Wala po kayong kasalanan at gagawa po ako ng paraan para mapalaya kayo sa kulungan na 'to."
"Nagnakaw daw ang tatay mo ng isang milyong piso kay Mr. Mayer," sabat ni nanay na ikinalingon ko rito. Nanlalaki ang mata ko. Isang milyon? Para saan naman gagamitin ni tatay ang ganoong halaga? Malabo 'yon na gawin ng tatay ko. Isa pa, parati nila akong sinasabihan na masama ang magnakaw ng kahit anong bagay.
"Hindi po magagawa ni tatay ang magnakaw. Malabo po ang ibinibintang nila, nay," wika ko na napabaling sa tatay ko. Napayuko ito ng ulo. Yumugyog ang balikat nito.
"O-Oo naman, Mel. 'Di magagawa ng tatay mo 'yon. Palagi naming itinuturo sayo na mali ang magnakaw. Kaya kahit na mahirap lang tayo, 'di niya magagawa ang magnakaw," si nanay ang sumagot sa sinabi ko.
"Maghahanap po ako ng magaling na abogado. Kahit na gagawin ko po makalaya lang kayo rito. Hindi po ako titigil, ilalabas ko po kayo rito, tay. Pangako ko po 'yan," umiiyak na sambit kong pangako kina nanay at tatay.
"Anak, saan ka kukuha ng pambayad sa abogado? Nag-aaral ka palang, vocational pa. Baka sa isang hearing sa abogado limang libo na kaagad, wala tayong ganoong kalaking pera. Nakakulong ang tatay mo, ang labada ko two hundred fifty. Sapat lang iyon para sa buong maghapon nating pagkain. Isa pa si Mr. Cruz Mayer ang makakalaban natin. Sa tingin mo, kaya natin siyang tapatan?" litanya ni nanay.
Para akong sinampal ng katotohanang mahirap lang pala kami. Ganoon na lamang ba parati ang mga mahihirap lalong ibinabaon sa hirap. Wala naman kaming ginagawang masama sa kanya, ah. Ang tahimik ng buhay namin para ganitohin niya.
"Kaya po natin siyang tapatan. Mayaman lang po siya, 'di siya ang Diyos," desidido kong bigkas. Gagawin ko ang lahat para lamang nakalabas ng kulungan ang tatay ko. Hindi ako uupo lamang at maghihintay na mabubulok siya na wala namang kasalanan.
Kahit mahirap lamang kami, may paraan pa rin para nakalaban kami sa mayamang katulad ni Mr. Cruz Mayer. Buhay ko man isasangla ko na, mailabas ko lang sa kulungan ang tatay ko.
"Dapat hindi mo na sana sinabi kay Mel, Milora, ang nangyari sa akin. Mag-aaral pa rin siya at hindi na ako iniintindi pa. Ayokong bigyan pa kayo ng problemang mag-ina. 'Wag ninyo akong isipin dito sa loob. Maayos lang naman ako." Napatingin si tatay sa akin at pilititong ngumiti. "Ayusin mo ang pag-aaral mo, Mel. Siguro naman hindi ako magtatagal dito. Dahil wala naman silang makikitang pera na kinuha ko."
"Hindi pa rin po tayo sigurado, tay. Ang gusto ko ay mailabas ko po kayo rito. Basta gagawa ako ng paraan."
Napaluha si nanay na inaalalo ni tatay. Nakikita ko ang sobrang pag-aalala nito sa magiging kalagayan ni tatay sa loob.
"Paano ako makakatulog, Carding? Wala ka sa tabi ko. Nag-aalala ako para sayo."
"Milora, masasanay ka rin. Bantayan mo lang maigi si Mel. Ikaw na muna ang bahala sa anak natin. Kaya natin 'to. Malalampasan din natin kaya manalig pa rin tayo na may maganda pa ring darating," sabi ni tatay. Pati ako ay naiiyak na. Niyakap ko sina nanay at tatay.
Nang makauwi kami ni nanay ng bahay ay para kaming pinagbagsakan ng langit at lupa. Umuwi kami na hindi kasama si tatay.
Napahagulhol si nanay ng malakas. "Mel, paano na? Wala rito ang tatay mo. Paano tayo mabubuhay na dalawa? Buong buhay ko umaasa lamang ako sa iyong ama. Simula noong ikasal kami nakadepende ako sa kanya. Ang hirap kumilos nang wala siya. Para akong nawalan ng mga paa at kamay."
Kita ko kung paano sobrang nagdadalamhati si nanay dahil wala si tatay sa amin.
Napaluhod ako sa harap ni nanay at hinawakan ang kaniyang kamay. "Lalaban po tayo. Kakayanin natin ito na tayo muna, nanay. Maging matapang pp kayo para sa akin. Ipinapangako ko naman po na gagawin ko ang lahat para mailabas sa kulungan si tatay. Magtulungan po muna tayo ngayon. Alam ko po kung gaano kahirap iyon para sa inyo. Pero para po sa amin muna, maging matatag kayo. Kailangan ko po kayo," nagsusumamo akong napatunghay sa kanya.
Marahang tumango si nanay ng ulo. Napipilitan lamang ito alam ko. Dahil panay pa rin ang pagtulo ng mga luha niya sa mata. Umupo ako sa tabi niya at inihilig ko siya sa balikat ko. Ayokong ipakitang nanghihina rin ako. Tinatagan ko lang para hindi tuluyang manghina si nanay.
Gabi na, 'di pa rin ako dalawin ng antok. Sa isang iglap biglang nagbago ang buhay namin. Parang isang bangungot na dumating sa pamilya namin.
Iniisip ko si tatay. 'Di rin kaya siya nakakatulog ngayong gabi? Alam ko, ramdam ko na iniisip niya pa rin kami ni nanay.
Naisipan kong bumangon at silipin si nanay sa kuwarto nila ni tatay. Nasa may pintuan palang ako rinig ko na ang mga hikbi niya. Inililis ko lang ang kurtina na nagsisilbing pinto ng kuwarto nila at sinilip si nanay sa loob.
Tama nga ang naririnig ko, mga iyak 'yon ni nanay. Hindi ko natiis na makitang ganoon ang nanay ko. Kaya nilapitan ko siya at niyakap.
"Hindi ka rin makatulog? Iniisip ko ang tatay mo, anak. Sorry, Mel," usal niya habang patuloy na umiiyak sa dibdib ko.