PINUNASAN ni Elena ang bahagyang pawis sa kanyang noo. Hanggang sa marinig niya ang boses ng kanyang ina na tinatawag ang mga trabahador.
"Kumain na muna tayo!"
Isa-isang nagsilapit ang mga ito sa bahay-kubo kung saan, sama-samang silang kumakain. Pinauna na muna niya ang kaibigang si Laila at umupo siya sa ilalim ng punong mangga.
Iyon ang madalas niyang gawin. Nagpapahinga muna siya nang ilang sandali bago sumunod sa mga ito.
"Anak!"
Kinawayan siya ng kanyang ina.
"Mamaya na ako, inay!"
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Elena habang pinagmamasdan ang kalawakan ng hacienda ng mga Del Fio. Napakatahimik at napakapayapa.
Ito ang talagang pangarap niya: isang malayong lugar mula sa magulong kapaligiran tulad ng Kamaynilaan. Nais niya ng ganitong uri ng lugar — maraming puno upang sariwa palagi ang ihip ng hangin.
Nang mapalingon si Elena nang makita ang isang kabayo habang sakay ang isang lalaki. Kumunot ang noo niya - mukhang 'di ito tauhan dito sa hacienda?
Napansin niyang kaagad itong sinalubong ng kanyang itay. May inabot din ang lalaki na isang malaking supot - marahil padala na naman iyon ni Don Abier sa mga tauhan nito.
Kitang-kita niya ang saya sa mukha ng mga trabahador habang binabati ang lalaki. Lalo na ang ilang kadalagahan na naroon na para bang kinikilig?
Nang sandali siyang natigilan.
Hindi kaya ang lalaking ito ang sinasabi ng kanyang itay?
Nakatingin siya sa mga ito nang bigla siyang ituro ng kanyang itay sa lalaki. Hindi maintindihan ni Elena at biglang kumabog ang dibdib niya.
Marahil hindi lang niya inaasahan na ituturo siya ng kanyang itay. Kahit may kalayuan ang bahay-kubo sa kinauupuan niya - napansin niyang sa kanya nakatingin ang lalaki.
Napaiwas siya nang tingin.
Ngunit alam ni Elena na napansin niya ang tindig nito - matayog na tila hindi ito basta basta magigiba?
Matangkad at malaking tao.
Kung ito ang lalaking kanang-kamay ni Sir Christopher, marahil kasing edad lang ito ng lalaki.
"Anak - Elena!"
Napalingon siya. Kinakawayan siya ng kanyang ama - walang nagawa si Elena kundi ang patamad na tumayo at maglakad ng mabagal.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan, nakaramdam siya nang pagkailang, at nakatingin pa rin sa kanya ang lalaki. Hindi niya namalayang napasimple ang pagmamasid sa sarili—malinis naman siya at walang dungis ang damit na suot niya.
Nakapantalon at nakat-shirt siya. Naka-boots din siya at may sombrero sa ulo—lalo na’t tirik ang araw noon.
Habang papalapit sa mga ito, lalong napagmasdan ni Elena ang itsura ng lalaki - matikas ang pangangatawan nito.
At mukhang may itsura din naman?
Hanggang sa tuluyan siyang nakalapit sa kanyang itay. Hindi na niya nilingon pa ang lalaki.
"Anak, ito si Henri, iyong nababanggit ko sa iyo.." at saka ito bumaling sa lalaki. "Ito naman ang anak kong si Elena, hijo." Buong tamis pa itong nakangiti sa lalaki.
Hindi na rin naman magtataka si Elena at likas na mababait ang mga taong nakatira sa lugar nila.
Doon naman lumingon si Elena lalo na't narinig niya ang pagtikhim ng lalaki. Muntik na siyang matigilan nang magtama ang kanilang mga mata.
Nagtaka siya at biglang lumakas ang kabog ng dibdib niya na tila bigla siyang kinabahan! Muntik pa siyang mapalunok sa harapan ng lalaki!
Kaagad siyang yumuko bilang pagbati. Naramdaman din ni Elena na tila naging ngiwi ang ngiti sa kanyang mga labi. Mukha tuloy siyang plastic sa harapan nito!
"Hello po, Sir Henri.."
Napakurap si Elena at tila gumuhit ang mapanuksong ngiti sa mga labi nito - o baka nagkakamali lang siya at nang titigan na niya ito, simpleng ngiti na ang nakapaskil sa mukha nito.
"Ikinagagalak kong makilala ka, Elena.."
Napalunok si Elena sa baritonong boses nito. Kakaiba iyon sa mga kabinataang nagpapapansin sa kanya. Dahil ba matanda na ang lalaki?
Tama! Ganoon na nga. Hindi nga siya nagkamali na mukhang kasing edad lang ito ni Sir Christopher.
Ngunit kapansin-pansin na maganda ang kutis nito, halatang marunong mag-alaga sa sariling katawan. Ang ibang tao kasi, lalo na tauhan lang, hindi masyadong napagtutuunan nang pansin ang sarili.
Pero ang isang ito - mukha ngang hindi tauhan ni Sir Christopher. Mas bagay pa 'ata rito ang maging CEO ng isang kompanya?
Maputi at makinis ang balat. At mamula-mula rin ang mga labi nito? Makinis ang mukha at talaga palang may itsura - o mas tamang sabihing guwapo ito?
Ilang tikhim sa paligid ang nagpakurap-kurap kay Elena. At ganoon na lang ang pamumula ng kanyang mukha nang mapagtantong natulala na pala siya sa harapan ng lalaki!
Gusto niyang lumubog sa kinatatayuan ng makita ang kakaibang kislap sa mga mata nito. Baka isipin ng lalaking ito, nahumaling siya sa itsura nito!
No way!
"Guwapo ba, hija?" tukso ni Aling Marie.
Lalong namula ang mukha ni Elena nang marinig ang mahihinang tawa sa paligid. Napakamot na lang din ang kanyang itay na pangiti-ngiti sa kanyang tabi.
"Well, binata pa naman si Sir Henri. At wala ring nobya!" wika ni Mang Joseph na lalong ikinatawa ng mga ito.
Kaagad siyang umiling.
"Mali ho kayo ng iniisip. Naalala ko lang ho iyong kaklase ko, medyo may pagkahawig kasi kay Sir Henri," magalang at mahinahon niyang wika.
Hindi niya nanaising isipin ng mga ito na natipuhan niya ang lalaking ito - ang tanda na nito sa kanya no!
Lihim na napailing si Elena.
Kahit naman may itsura ito, mataas ang standard niya pagdating sa lalaki - gusto niya iyong kasing edad lang niya.
Para namang wala ng ibang lalaki sa mundo para patulan niya ito? E, mukhang tatay niya na ito e!
Hindi naman sa minamaliit niya ang lalaki - pero ayaw naman ni Elena na isipin nito na ganoon siyang klase na babae.
Na makakita lang ng guwapo, papatulan na! E, ang dami ngang guwapo sa University, 'di man lang siya magka-interesado.
Ito pa kaya?
"Ah, akala ko hija, natipuhan mo si Sir Henri at wala namang masama roon, hindi ba Jose?" wika pa ni Mang Joseph sa kanyang itay.
Tumikhim naman ang kanyang ama at bumaleng sa lalaki na nanatili lang tahimik ngunit sa kanya nakatingin.
"Pasensya ka na hijo, baka makaramdam ka ng pagkailang sa amin dahil sa biruang ito.."
Pasimple pang siniko ng kanyang ama ang kaibigan nitong si Mang Joseph. Pangiti-ngiti lang din ang mga naroon na tila nag-aabang sa mga susunod na eksena!
Nang ngumiti ang lalaki.
"Ayos lang, Mang Jose."
Pasimple nang umalis si Elena at wala sa oras na napadampot ng pinggan. Bigla yata siyang nagutom!
Nang tabihan siya ni Laila.
"Oy! May kamukha pala ha? Halata ka girl!"
Bigla itong humagighik ngunit mahina lang. Nagawa pa talaga siya nitong sundutin sa tagiliran.
Pagbaleng niya, namumula ang mukha nito dahil sa kilig! Iyong ibang kadalagahan na naroon, tila ba nakaramdam ng panghihinayang at hindi sila ang nabigyan nang pagkakataong mapansin ng lalaking si Henri.
E, hindi naman siya interesado sa lalaki!
"Anong pinagsasabi mo? Kung type niyo siya, ako hindi. Duh, ang tanda na niya no?"
Bigla itong naubo. Lihim naman siyang napangisi. Hindi yata nito inaasahan ang magiging sagot niya.
Umupo siya sa dulo.
Pag-angat niya nang tingin, sa kanya pa rin nakatingin ang lalaking si Henri. Sa hindi maipaliwanag na dahilan - bigla niya itong nairapan.
Gusto niya lang kasing ipakita ritong hindi siya interesado dito kung 'yon ang iniisip nito dahil sa biglaan siyang natulala kanina sa harapan nito.
Napalaki pa ang pagsubo niya, ngunit wala siyang pakialam. Wala rin siyang pakialam kung isipin nitong masungit siyang babae.
Naiinis din kasi siya sa sarili kung bakit natulala pa siya sa harapan nito kanina! Kung bakit nagawa pa niyang examine ang itsura nito!
Ayan tuloy - tinukso pa siya ng mga trabahador! Ayaw na ayaw pa naman niya ng ganoon.
Nang tumabi sa kanya si Laila. Nakangiti na naman ang mukha nito.
"Grabi ka naman makatanda, alam mo na ba kung ilang taon na siya? Hindi naman halatang matanda siya e! Ang hot niya nga e!"
Natitigan niya ang mukha nitong kinikilig.
"Hindi ko na kailangan pang malaman. Halata naman sa itsura niya, no? Hindi mo lang napapansin dahil mas pinagtutuunan mo ang panlabas niyang itsura. Isipin mong tauhan siya ni Sir Christopher, hindi naman 'yon kukuha ng pipitsuging tauhan na bata-bata!" Umingos pa siya at saka isinubo ang pusit sa bibig.
Nang mahina itong natawa.
"Parang may galit ka sa kaniya, bes!" lalo lang siya nitong tinukso. "Masyado kang pahalata e!" may kalakasan pa itong natawa
Namula na naman ang mukha ni Elena.
Hindi niya akalaing iisipin talaga nitong may gusto siya sa lalaki! Dahil ba masyado siyang agresibo sa mga sagot niya? Ano bang mali sa mga sinabi niya, upang isipin nitong may gusto siya sa lalaki?
Inis tuloy na binalingan niyang muli ang lalaking nagngangalang Henri. At talagang nakapaskil ang simpatikong ngiti sa labi nito habang nakikipag-usap sa kanyang itay!
Mukhang nahahalata nitong tinutukso siya ng kaibigan niya!
Talagang nagpapa-cute pa ito sa harapan ng kanyang itay?!
O alam nitong pinagmamasdan siya ng mga kadalagahan?
Inis na napairap na lang si Elena at hinayaan ang kaibigang manukso. Alam niya sa sarili na 'di niya ito magugustuhan!
Lalo siyang naiinis sa isiping iniisip ng mga trabahador na natipuhan niya ang lalaking Henri na ito!