Chapter 6: Dangerous Encounter.

2133 Words
Hindi pa man sumisikat ang araw ay nagpasya na akong umalis sa kwebang pinagtaguan namin kagabi. Kaonting tulog lamang ang nagawa ko at maaga din akong nagising, naabutan ko pa ang parehong pag-alis nina Leviticus at Cassius doon bago ako sumunod. Hindi ko alam kung ilang minuto na ang nakakalipas simula nang ipagpatuloy ko muli ang paglalakbay ko. Mabilis akong lumipat sa kabilang puno nang maamoy ang pamilyar na amoy ng usa. Sa ngayon ay hindi ko pa alam ang susunod kong magiging hakbang. Hindi pala madali ang paglalakbay lalo na at wala akong kaakibat na plano. Sa ngayon ay isa na lamang ako nawawalang bampira na hindi alam kung saan ang patutunguhan. Mabilis kong sinunggaban at itinarak ang maliit kong kutsilyo sa ulo ng noo’y kumakain na usa. Hindi pa naman ako gutom, ngunit kailangan kong mag-imbak ng dugong kailangan ko. Malalim akong napabuntong hininga at muling naalala ang naging pangyayare kung bakit nga ba ako humantong sa ganitong sitwasyon. Sigurado akong nakarating na ako sa bayan ng Carran kung hindi lamang kami tinambangan ng mga tulisan na ‘yon. Napailing-iling ako at tinanggal iyon sa isip ko. Dumiretso kaagad ako sa katawan ng usa para hugutin ang maliit kong kutsilyo. Inilabas ko ang maliit na telang nakalaan para dito upang linisin at pagkatapos ay muling ibinalik sa lalagyanan nito. Inilabas ko ang maliit na boteng pinaglalagyan ko ng dugo. Dahil sa dami ng dugo ng usa ay mas pinili kong inumin na ang iba dahil hindi na kasya sa boteng dala ko. Pinili ko munang magpahinga sa ilalim ng isang matayog na puno. Ilang oras din akong tumatakbo sa direksyon ng silangan ngunit hindi ko pa rin mahanap ang daan palabas sa kagubatang ito. Marahan kong ipinikit ang mga mata ko ng umihip ang hangin. Kasabay nang pagdampi ng mga ito sa akin ay ang pagbuga ko ng hininga. Ganito pala kahirap maglakbay. Alam ko nang mahihirapan ako bago ko palang simulan ang paglalakbay na ito. Ngunit hindi ko inaakalang ganito kahirap ang magiging karanasan ko. Ilang beses nang nanganib ang buhay ko sa loob ng tatlong araw na paglalakbay ko. Muli akong napabuntong hininga at marahan kong inihiga ang katawan ko sa lupa at ang ugat ng matayog na puno na nalakabas ang s’yang naging sandalan ko. Tila bigla na lamang akong dinalaw ng antok at ang pagod ko’y bigla na lamang nagparamdam sa akin. Marahan akong humikab at sinubukang pigilan ang antok ko, ngunit tila ayaw akong payagan ng mga mata ko dahil mas lalo lamang itong bumibigat. Sa huli ay hindi ko na rin napigilan at napagpasyahan ko nalang na matulog na muna. Marahil ay kailangan ko nga ito sa ngayon. Nagising ako sa ingay ng mga kaluskos sa paligid ko. Hindi ko pa maimulat ng maigi ang mga mata dahil antok pa rin ako. Umayos ako sa aking pagkakahiga at sinubukan uling matulog. Mabuti na lamang at nawala na rin naman ang mga kaluskos na narinig ko. Hindi pa man lumalalim ang pagkakatulog ko ay muli ko nanamang narinig ang mga kaluskos sa paligid ko. Hindi ko na sana iyon papansinin ngunit pinilit ko ang sarili kong tignan kung saan nanggagaling ang mga kaluskos na iyon. Maingat akong umupo sa ugat ng punong pinagpahingahan ko at sinuyod ang buong paligid ko. Base sa lamig ng hanging dumampi sa akin ay alam kong papalubog na ang araw. Napaawang ang bibig ko dahil sa sobrang haba pala ng naging pagtulog ko. Mabilis akong napabaling sa kanan ko ng marinig ang papalapit na kaluskos na naririnig ko. Hindi ko mawari kung anung klaseng hayop ang papalapit sa pwesto ko ngayon. Marahan kong hinawakan ang nag-iisa kong sandata at maingat na tumayo at umakyat sa matayog na puno ng hindi gumagawa ng ingay. Hinintay kong makalapit sa akin ang hayop na alam kong patungo sa direksyon ng punong kinalalagyan ko, ngunit lumipas na ang ilang minuto ay wala akong naramdamang kakaiba sa ibaba. Muli kong pinakinggan ang mga kaluskos sa paligid ngunit maging ang tunog ng mga ito ay nawala na rin. Tila naglahong parang bula ang misteryosong hayop na papunta sa akin. Alam ko sa sarili kong hindi ako nagkakamali sa aking pandinig. Alam kong papunta sa akin ang hayop na iyon, ngunit bakit hanggang ngayon ay wala pa rin akong maramdamang kakaibang presensya sa ibaba? Ipinilig ko ang ulo ko at muling pinakinggan ang kapaligiran ko. Marahil ay alam nitong nagtatago ako sa isa sa mga punong naririto at nag-iingat sa biglaan kong pag-atake. Muling lumipas ang ilang minuto ngunit hindi ko na muli narinig ang kaluskos na narinig ko kanina. Hindi ko alam kung bakit, ngunit kakaiba ang naging pakiramam ko sa narinig ko kanina. Hindi ako maaaring magkamali, malinaw kong narinig ang mga kaluskos kanina at alam kong palapit iyon sa akin. Dahil sa kakaibang pakiramdam ay napag-pasyahan kong manatili muna sa itaas ng puno. Mahirap na at baka atakehin ako sa aking pagbaba. Nagpalipas ako ng ilan pang minuto sa itaas, sinisiguradong wala na nga akong muling maririnig na kaluskos kagaya kanina. Nakahinga ako ng maluwag nang sa mga sumunod na minuto ay wala akong narinig na kakaiba, muling pinakiramdaman ang kapaligiran ko. Nang masigurong wala namang kakaiba ay inumpisahan ko na ang aking pag-baba. Dinahan-dahan ko ang pagbaba sa matayog na punong inakyat ko kanina, ngunit hindi pa man ako nangangalahati ay bigla na lamang yumanig ng malakas ang punong kinalalagyan ko. Muntikan pa akong mahulog sa sobrang lakas ng pagyanig, mabuti na lamang at nakahawak kaagad ako sa isa sa mga sanga ng puno. Bumilis ang pagtibok ng puso ko dahil sa nangyare. Akamang aakyat muli ako sa puno ng bigla nanamang yumanig ang puno. Sa puntong iyon ay mas malakas na pagyanig naman ang naganap. Nanlaki ang mga mata ko ng magsunod-sunod ang pagyanig sa punong kinalalagyan ko. Pinilit ko ang sarili kong makaakyat muli sa itaas, ngunit hindi naging madali sa akin dahil sa patuloy na pagyanig ng puno. Dahil sa sobrang kaba ko ay halos masugatan pa ako sa pag-akyat ko. Sinisigurado kong mahigpit ang bawat kapit sa sanga ng puno habang umaakyat. Hindi ako pwedeng mahulog dahil alam kong hindi ako makakalapag ng maayos. Nakahinga ako nang maluwag ng muli ko nanamang marating ang pwesto ko kanina. Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at mabilis na iniyakap sa puno ang dalawang kamay ko. Doon ko lamang naramdaman ang kakaibang presensyang hindi ko pa nararamdaman dati. Hindi ko alam kung anong klaseng hayop ito, ngunit base pa lamang sa lakas nito ay masasabi kong hindi lamang ito ordinaryong hayop. Mas lalong dumagundong sa kaba ang dibdib ko ng marinig ko ang nakakatakot na alulong nito, ngunit ganon na lamang ang gulat ko nang nasundan iyon ng apat pang magkakasabay na alulong. Tila sa mga oras na iyon ay nawala ako sa tamang pag-iisip ko. Ngayon ko lamang narinig ang ganoong nakakatakot na alulong sa buong buhay ko. Sa tagal kong nanirahan sa gitna ng kagubatan ay halos memoryado ko na ang bawat yabag at ingay ng mga hayop na naroroon, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi ko masabi kung anong klaseng hayop ang may ganitong nakakakilabot na alulong at lakas. Mas lalo kong hinigpitan ang pagkakayakap ko sa katawan ng puno dahil sa patuloy na pagyanig nito. Sa bawat minutong dumadaan ay hindi man lang ako nilubayan ng kaba, kung tutuusin ay mas lalo lamang akong kinakabahan at natatakot. Kung ano-ano na lamang ang mga senaryong pumapasok sa isipan ko dahil sa sobrang takot. Paano kung bigla na lamang maputol ang punong ito? Siguradong ikamamatay ko kaagad ang pagbagsak. Kung makakaligtas naman ako sa pagbagsak ng puno ay sigurado naman akong mamamatay rin ako dahil nag-aabang sa akin sa ibaba ang hindi ko pa kilalang mga hayop. Nag-uunahang bumagsak ang mga luha sa pisngi ko dahil sa sobrang takot. Hindi rin ako makapag-isip ng mabuti kung paano nga ba ako makakaalis sa ganitong sitwasyon. Kaonting luwag ko lamang sa pagkakayakap ko sa puno ay siguradong mahuhulog ako. Mariin ko na lamang naipikit ang mga mata ko at mahinang bumulong ng dasal na sanay makaligtas pa ako sa pagkakataong ito. Wala pa akong nasisimulan at wala pa rin akong napatutunguhan. Hindi ko pa nakikita at nahahanap ang dyosang naging rason ko kung bakit ako naglalakbay ngayon. Hindi ko pa gustong mamatay ngayon, marami pa akong gustong maranasan at mapatunguhan ng mag-isa ko lamang. Mapait akong napangiti kasabay nang mas masaganang pagtulo ng luha sa mga mata ko. Bakit ba palagi nalang akong nalalagay sa ganitong sitwasyon? Bakit ba palagi na lamang ako ang nahihirapan? Ilang beses pa bang manganganib ang buhay ko para lamang may mapatunguhan ako? Ano bang nagawa kong kamalian para maranasan ko ang mga sitwasyong kagaya nito? Malalim akong huminga, sinubukan kong pigilan ang pag-luha ngunit hindi ko magawa. Pinilit ko ang sarili kong makahanap ng pwedeng mapaglilipatan ko, ngunit halos mawalan na ako ng pag-asa nang maalalang nag-iisa lamang ang matayog na punong ito kumpara sa mga punong katabi nito. Natatandaan kong nagpalipat-lipat ako ng puno kanina para lamang makapatay ng usa at nasisiguro kong walang kasing tayog nang punong ito maliban dito. Sigurado rin akong mas madaling maputol ang mga iyon kumpara sa punong kinalalagyan ko ngayon. Muli akong nilukob ng takot sa muli nitong pag-alulong. Nawawalan na ako ng pag-asang makaalis pa sa punong ito. Akmang hahayaan ko na lamang ang sarili kong nakayakap sa puno at hintayin na maputol ito ng bigla na lamang tumigil ang pagyanig nang puno. Kunot ang noo kong pinakiramdaman ang kapaligiran ko. Maang kong pinakiramdaman ang mga presensya ng mga ito at ganon na lamang ang pagtataka ko nang mapansing lumalayo na ang mga presensya nila sa puno. Gustuhin ko mang magbunyi dahil sa hindi inaasahang pagkakataon, ngunit mabilis ko ring sinuway ang sarili ko nang maisip na kaya sila lumalayo ay baka gusto lamang nila akong hintayin bumaba at sunggaban pagkatapos. Dahil sa naisip ay hinayaan ko munang magpalipas ng oras sa itaas ng puno. Sa bawat minutong lumilipas ay paulit-ulit kong pinakinggan ang kapaligiran ko upang malaman kung naririyan pa ba ang mga hayop na yon. Umihip ang malamig at marahas na hangin tanda na gabi na. Sa huling pagkakataon ay muli kong pinakinggan ang kapaligiran ko at maging ang pang-amoy ko’y ginamit ko rin upang masigurong wala na nga ang mga ito. Saka lamang ako nakahinga ng maluwag dahil sa nangyare. Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at mabilis na bumaba sa matayog na puno. Mabilis ang naging pag-galaw ko nang makababa ako. Kaagad kong naamoy ang dugo ng usa pagkababa ko. Kumunot ang noo ko at kinapa sa lupa ang dugo, ngunit mas nagulat ako dahil hindi lamang likdo ng dugo ang nakapa ko kundi maging ang basag na parte ng isang bagay na sigurado akong lalagyan. Mabilis kong kinapa ang lalagyan ko ng dugo at doon ko lamang napagtantong wala na ito sa bewang ko. Siguro’y nahulog ito kanina noong paakyat uli ako sa puno. Napabuntong hininga ako ng malalim. Nanghihinayang man ay wala akong magagawa. Mabilis akong tumakbo pasulong. Dahil na rin sa posibilidad na banta ng mga ganoong hayop ay minabuti kong umakyat muli ng puno at muling magpatuloy. Gamit ang bilis ko ay mabilis akong nakakalipat sa bawat sanga ng puno. Hanggat maaari ay gusto ko nang makalabas sa kagubatang ito, hindi ko alam kung mayroon pa bang ibang mga ganoong hayop na may kakaibang lakas ngunit nasisiguro kong masyadong delikado ang kagubatang ito. Muling lumipas ang oras at nag-uumpisa na akong makaramdam ng pagod sa katawan. Ngunit alam ko sa sarili kong hindi ako pwedeng huminto sa pagtakbo. Masyadong delikado at baka mamaya ay mayroon pang umatake sa akin kapag nagpahinga ako. Sa aking pagpapatuloy ay nakarinig ako ng kakaibang tunog. Mahina lamang iyon ngunit naagaw niyon ang pansin ko. Mabilis akong nag-iba ng direksyon at tinahak ang kanang bahagi ng kagubatan kung saan ko narinig ang tunog na iyon. Unti-unting lumilinaw sa aking pandinig ang tunog ng isang instrumento na nagbibigay ng kakaibang tunog. Ngunit ang mas nagpabilis sa akin sa aking pagtakbo ay ang unti-unting pagpaparamdaman sa aking ng mga presensyang alam kong hindi mapanganib kagaya ng kanina. Doon lamang ako nabuhayan at tila ang nanghihina kong katawan ay bigla na lang lumakas. Hindi ko maitago ang ngiting lumabas sa bibig ko nang makarating ako sa isang bayan. Ang kakaibang tunog na narinig ko ay nanggagaling sa bayang ito. Tila mayroong pista ngayon sa bayan at ang iba’t ibang tunog ay maririnig sa buong bayan. Mas lalo akong lumapit at rinig na rinig ko ang hiyawan ng karamihan dahil sa isa atang palarong nagaganap doon. Hindi na ako nagdalawang-isip pa at mabilis na lumabas sa gubat, ngunit ganoon na lamang ang naging gulat ko nang sa paglapag ko sa lupa ay sinalubong ako ng malakas nilang hiyawan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD