chapter 1
Tahimik ang umaga sa maliit naming barong-barong. Isa iyon sa mga umagang parang ayaw mong gumising dahil alam mong pagmulat mo ng mata, babalik na naman ang bigat ng realidad.
Ngunit wala akong choice.
Unti-unti kong iminulat ang aking mga mata habang nakatitig sa bubong naming gawa sa kalawangin at butas-butas na yero. Doon pumapasok ang manipis na sinag ng araw na parang pilit na sumisilip sa loob ng aming tahanan. Sa bawat paggalaw ng hangin, bahagyang gumagalaw ang lumang kurtinang gawa sa kupas na tela na minsan nang naging kumot.
Huminga ako nang malalim bago bumangon.
Isa na namang araw ng pakikipaglaban sa buhay.
Tahimik akong bumaba sa manipis na papag na hinihigaan ko. Maingat akong gumalaw para hindi magising sina Mama at Papa na natutulog sa kabilang kama. Pareho silang payat at nanghihina dahil sa sakit na matagal nang nagpapahirap sa kanila.
Minsan naiisip ko kung may pera lang kami noon, kung nakapag-aral lang kami nang maayos, baka hindi kami umabot sa ganitong punto.
Pero wala na ring silbi ang pag-iisip ng mga "sana."
Lumapit ako sa maliit na mesa kung saan nakalagay ang mga gulay na ibebenta ko sa palengke. Maaga akong bumabangon araw-araw para maihanda ang mga iyon.
Isa-isa kong inayos ang mga kamatis, talong, sitaw, at kangkong sa lumang basket.
Habang abala ako, narinig ko ang pamilyar na boses sa likod ko.
“Becca, gising ka na pala.”
Napalingon ako.
Nakatayo si Ruby sa may maliit naming salamin, inaayos ang mahaba niyang buhok. Tulad ko, bagong gising pa lang din siya, pero tulad ng dati, may ngiti na agad sa kanyang mukha.
Napangiti ako nang bahagya.
Kung may isang taong kayang gawing magaan ang mundo kahit gaano kabigat ang problema, iyon ay ang kakambal ko.
Si Ruby.
Magkamukha kami. Parehong mahaba ang buhok, parehong kayumanggi ang balat, parehong hugis ng mukha. Kaya nahihirapan kami kilalanin ng tao; madalas silang nalilito kung sino si Ruby at kung sino si Rebecca.
Pero kung makakasama mo kami kahit sandali, mapapansin mo agad ang pagkakaiba.
Si Ruby ay parang araw.
Ako naman… parang ulap.
Siya ang palaging masayahin, palabiro, at puno ng pag-asa. Kahit gaano kahirap ang sitwasyon, may paraan siyang ngumiti.
Samantalang ako… mas tahimik. Mas maingat. Mas seryoso.
“Oo,” sagot ko habang inilalagay ang huling kumpol ng talong sa basket. “Kailangan ko nang umalis mamaya.”
Lumapit siya sa akin at sumilip sa laman ng basket.
“Ang dami mong dadalhin ngayon ah.”
“Para mas maraming benta,” sabi ko.
Hindi ko man siya tinitingnan, nararamdaman kong nakatingin siya sa akin.
May kung anong bigat sa hangin.
Maya-maya ay napatingin siya sa kama kung saan natutulog sina Mama at Papa.
Tahimik ang mga ito habang mabagal ang paghinga. Halos hindi gumagalaw.
“May gamot pa ba sila? ” mahina niyang tanong.
Napabuntong-hininga ako.
“Konti na lang,” sagot ko. “Pero huwag kang mag-alala. May kinita ako kahapon sa palengke.”
Hindi iyon ganap na totoo.
May kinita ako, oo.
Pero hindi sapat.
Malayo sa sapat.
Napansin kong hindi agad sumagot si Ruby.
Tahimik lang siya.
Kilalang-kilala ko ang kapatid ko. Alam ko kapag may iniisip siya.
Alam ko rin na alam niyang hindi sapat ang kinikita ko.
"Rebecca, may gusto sana ako ipaalam sayo."
"Tungkol naman saan?"
"May nag-alok sa akin ng trabaho," sabi niya sabay tingin muli sa mga magulang namin.
"Anong klase ng trabaho iyan?"
"Isang GRO sa isang bar."
"Ha? Nababaliw kana ba?"
"Rebecca, Hindi ito ang panahon para makipagtalo.
Kailangan natin ng pera para may pambili tayo ng gamot. Isa pa, ilang araw na lang at malapit na gibain ang tinitirhan natin; kailangan na natin humanap ng matutuluyan."
"Pero paano ka?"
"Wag mo ako isipin, kung kinakaya mo araw-araw magpunta sa palengke at magbilad sa araw para lang kumita ng kaunting salapi, bakit hindi ko kakayanin? Handa ko isakripisyo ang buhay ko alang-alang sa mga magulang natin na siyang nagbigay sa atin ng buhay.
Panahon na para makabawi tayo sa lahat ng sakripisyo nila para sa atin.
Kung kaya nilang gawin ang lahat para sa atin, kaya din nating ibalik iyon sa kanila.
Wag Kang mag alala, pipilitin ko kayanin ito para sa ating pamilya," nakangiting wika nito sa akin.
Iyon ang dahilan kung bakit, kahit labag sa loob ko, hinayaan ko siyang magtrabaho bilang GRO sa isang bar.
Ilang araw na buhat ng magpaalam si Ruby sa akin na papasok siya bilang GRO. Ramdam ko pa rin sa dibdib ko ang bigat ng desisyon na ginawa namin, lalo na at sa tuwing uuwi siya ay kita ko ang lungkot at pagod sa kanyang mukha, malayo sa dati niyang mukha.
Bagay na mas nagpapabigat ng aking damdamin bilang kapatid niya.
Ayokong gawin niya iyon pero wala kaming ibang choice.
Ayokong makita siyang nakangiti sa mga lalaking hindi naman niya tunay na kilala.
Ayokong makita siyang pinipilit maging masaya para lang kumita.
Pero kailangan.
Para kina Mama at Papa.
Para sa pamilya.
Habang nagluluto ako ng hapunan, lumapit siya sa akin at bigla niyang hinawakan ang kamay ko.
“Konting tiis na lang, Becca,” sabi niya.
Napatingin ako sa kanya.
Ngumiti siya, yung ngiti niyang parang kayang burahin ang lahat ng problema sa mundo.
“Gagaling din sina Mama at Papa.”
Hindi ko alam kung saan niya kinukuha ang ganung klaseng pag-asa.
Pero gusto kong maniwala.
Kaya ngumiti ako kahit may kurot sa dibdib ko.
“Mag-iingat ka lagi, Ruby, sa tuwing aalis ka para magtrabaho. Hindi ko kakayanin pag nawala ka sa akin.”
“Palagi naman ako nag-iingat, para sayo at para kay Mama at Papa," sagot niya sabay kindat.
Napailing ako.
Ganyan talaga siya.
Parang walang kinatatakutan.
Pero ako meron.
At ang pinakamalaking takot ko ay ang mangyari sa kanya ang isang bagay na hindi ko kayang pigilan.