NASA loob ng locker room si Wayne, kasama ang mga teammates nila. Katatapos lang ng practice game nila. Magsisimula na naman kasi ang bagong Season sa PBA, kaya ngayon pa lang ay pinaghahandaan na nila iyon. At dahil puro lalaki naman sila doon sa loob, tanging boxer shorts lang ang suot niya dahil magsa-shower siya mayamaya, habang nagpapahinga kausap niya ang mga kasama.
"Pare, ano? Kumusta na kayo ni Laiza? Kayo na ba talaga?" tanong ng isang teammate niya.
"Ayos lang, Pare. Hindi pa, but I'm planning to court her. This time, it's for real."
"Naks! Mukhang nagka-seryosohan na kayo ah."
"Hindi ko rin inaasahan 'yon," nakangiting sagot niya.
"At pati kami dinamay mo, napakuha tuloy kami sa Insurance ng wala sa oras."
Natawa siya. "Ngayon ka pa magre-reklamo? Ang Pamilya mo rin naman ang makikinabang no'n," sabi naman niya.
Habang nasa gitna ng masayang usapan. Nagulat ang lahat ng biglang bumukas ang pinto ng locker room. Walang pasintabi na pumasok doon si Lynne. Mabilis na nagpulasan ang mga kalalakihan at nagkanya-kanyang takip ng tuwalya sa pang-ibaba nila.
"What the hell are you doing here, Lynne?" galit niyang tanong dito. Maging siya ay nagtapis din ng tuwalya sa baywang.
"We need to talk," sagot nito.
"Hindi ka ba puwedeng maghintay sa labas? Kailangan mo pang sumugod dito sa loob ng locker room. Hindi ka na nahiya!" galit na wika niya.
"Please Wayne, come back to me. Tayo na lang!" biglang sabi nito.
Nagulat siya sa sinabi nito. Napalingon siya sa paligid, nakatingin sa kanila ang mga teammates niya. Hinablot niya ito sa braso, saka ito hinila palabas.
"Leave now, Lynne."
"No. I will not leave unless you tell me that you will leave Laiza, and choose me."
Tumawa siya ng pagak, saka umiling. Hindi siya makapaniwala sa sinabi nito. "Nababaliw ka na ba? You know I can't do that!" aniya.
"Bakit hindi? Tayo ang pinagkasundo ng mga magulang natin. Why can't you love me? Or why can't you even like me?"
"Dahil hindi kita mahal! Pagka-kaibigan lang ang puwede kong maibigay sa'yo!"
Mabilis na bumagsak ang mga luha nito. Gusto niyang maawa dito, ngunit hindi niya maaring dayain ang puso. Si Laiza ang mahal niya, hindi man niya plinano ang lahat. Ngunit iyon ang katotohanan na kailangan at masaya niyang haharapin.
"No, it can't be!" sagot nito.
Napabuntong-hininga siya. "I'm sorry Lynne," aniya.
"Paano mo siya nagawang mahalin? Kailan mo lang siya nakilala, di ba? I know about your dark secret, Wayne. She's not your true girlfriend. You're not even getting married. Dahil nagpapanggap lang kayo!" galit na galit na wika nito.
Natigilan siya, kasabay ng pag-ahon ng kaba sa puso niya.
"How'd you..."
"I have my ways, Wayne," nangingiting wika nito. Lumapit pa ito sa kanya. Kasabay ng pagyakap nito sa leeg niya.
"If I were you, iiwan ko na siya. Because I might slip my tongue and tell everybody your little secret, especially to Tita Eve," sabi pa nito.
Tinitigan niya ito. "You really have no idea what are you talking about," sagot niya dito.
Nawala ang ngiti nito sa labi.
"What do you mean?" tanong pa nito.
"It did start that way. But I love her now. I'm in love with Laiza, and there's nothing you can do about it."
Natigilan ito. Mayamaya, ay sunod sunod na umiling ito. "No!" tili nito.
"Sa susunod na mang-blackmail ka, mag-isip ka ulit ng sampung beses. Ayokong patulan ka, Lynne. Kaya kung ako sa'yo, aalis na ako."
"I love you, Wayne." Sa halip ay sabi nito. Nagulat siya sa sumunod na ginawa nito. Bigla na lang siya nitong hinalikan sa labi.
Mabilis niya itong nilayo sa kanya. Saka agad na nagkasalubong ang dalawang kilay niya.
"Ito pala ang nangyayari kapag nakatalikod ako."
Nagulat siya ng sa paglingon niya ay nakita niya na nakatayo si Laiza sa di kalayuan, kitang kita niya sa mga mata nito na nasaktan ito sa nasaksihan.
"Babe, please. It's not what you think. Let me explain," mabilis niyang wika nito, paglapit niya.
Hindi halos ito makapagsalita, nakatitig lang ito sa kanya.
"Hindi mo sinabi, tapos na pala," lumuluhang wika nito.
Mabilis niyang pinahid ang luha nito. "No," sagot niya.
"I can't believe this, talagang pinaninindigan mo siya!" galit na sabad ni Lynne.
"Stay out of this, Lynne! Umalis ka na!" pagtataboy niya dito.
"Wayne, please," pagmamakaawa pa nito.
"Narinig mo siya, di ba? Siguro naman marunong ka pa rin umintindi ng tagalog," galit na baling ni Laiza dito.
Napapitlag sila ng biglang sumigaw ito. "Tandaan mo 'to, Laiza! Babalikan pa kita! At sa pagbalik ko, sisiguraduhin kong ikaw naman ang mapapahiya!" pagbabanta pa nito.
Sa pag-alis nito, si Laiza naman ang hinarap niya.
"Please, hayaan mo akong magpaliwanag."
Umiling ito. "Hindi na. Hindi mo naman obligasyon mag-paliwanag sa akin. Remember? Nagpapanggap lang tayo. Pero sana, sinabihan mo ako na tapos na pala ang palabas na ito, para hindi ako nagmukhang tanga." Umiiyak na sabi nito.
Binalot ng habag ang puso niya. Sa tuwing nakikita niyang umiiyak ito, labis din siyang nasasaktan. Ayaw niyang makita itong nalulungkot, ang tanging nais niya ay masilayan ang magagandang mga ngiti nito. Ngiting walang ibang naghatid kung hindi saya. Niyakap niya ito. Pero agad din naman itong kumalas sa kanya.
"I'm sorry, Laiza."
"Pumunta ako dito, para sana kausapin ka tungkol sa fifty thousand. Saka magpapasalamat sana ako sa mga teammates mo. Nakuha ko na rin kasi yung bonus sa opisina dahil sa pagkuha nila ng Insurance. May sasabihin sana ako. Importante," pormal na sabi nito.
Sa pagkakataon na ito. It was his turn to be hurt. Fifty thousand. Oo nga pala, this is about money. Her money. Isa lang ang dalangin niya, sana ay makita ni Laiza na may mas mahalaga pa sa pera. Na may isang lalaki na gaya niya na nagmamahal dito, at ibibigay sa kanya ang mga bagay na mas mahalaga pa sa salapi.
"Uuwi na ako, doon na lang tayo mag-usap," pormal ang mukha na wika nito.
Hanggang sa makaalis na ito. Nanatili pa rin siya sa kinatatayuan niya. Halos masuntok niya ang pader sa galit. Sabi ng isip niya, pera lang ang mahalaga kay Laiza. Pero sabi naman ng puso niya, mahal din siya nito. Kailangan niyang makausap ang Mommy niya. She have to make Lynne stop. Natatakot siya sa maaari nitong gawin kay Laiza. But he swear to God, hindi niya papabayaan si Laiza, at hinding hindi siya aalis sa tabi nito.
PAPASOK na si Laiza ng Tanangco, ngunit ayaw pa rin huminto ng mga luha niya sa pagpatak. Hindi niya akalain na ganoon kasakit ang maaabutan niya sa pagbisita niya kay Wayne. Nalilito siya sa tagpong nakita niya kanina. Hindi niya maintindihan, halos ipagsigawan ni Wayne na ayaw nito kay Lynne, ngunit kitang kita ng dalawang mata niya na naghahalikan ang dalawa.
Tapos na ba ang munting palabas nila? Baka naisip nitong sundin ang napagkasunduan ng mga magulang nito. Ngunit bakit sinasabi nito na mali ang nakita niya? Pero malinaw ang nakita niya, magkalapat ang mga labi nito. She didn't even saw him refused, sa halip wala itong kibo. At iyon ang masakit sa lahat, ang makita ang minamahal mo na may kayakap na iba. Kung kailan naman sumabay sa problema niya sa Pamilya.
"Laiza?"
Agad siyang umiwas ng tingin kay Daryl, kasama nito ang girlfriend nitong si Jhanine. Maging ang iba pang mga pinsan ni Wayne.
"Hey, bakit ka umiiyak?" nag-aalalang tanong ni Kamille.
Agad siyang umiling. "Wala 'to," sagot niya.
"Nag-away ba kayo ni Wayne?" tanong ulit ni Nicole.
"Hindi," tanggi niya.
"It's okay if you don't want to tell us for now," sabi naman ni Miguel.
"Salamat," aniya. "Sige, uwi muna ako."
Hindi na niya hinintay pang sumagot ang mga ito. Basta na lamang siyang lumakad palayo, pagdating niya sa tapat ng bahay nila Lolo Badong, nakita niya ito sa may labas kasama ang esposa nito. Saglit siyang lumapit dito upang magmano.
"Hija, ayos ka lang ba?" nagtatakang tanong ni Lola Dadang.
"Opo. Medyo masama lang po ang pakiramdam ko." Pagdadahilan niya.
"Umamin ka nga sa amin, bata ka. Nag-away ba kayo ni Wayne?" tanong naman ni Lolo Badong.
Hindi siya nakakibo. Hindi rin naman niya kayang tumanggi sa kanila.
"Mag-usap kayo para maayos ninyo 'yan," payo pa ni Lolo Badong. Alam niyang alam nito ang ibig sabihin ng hindi niya pagsagot.
"Una na po ako," paalam din niya dito.
"Sige hija."
Mabilis siyang naglakad pauwi. Pagdating sa loob ng bahay, agad siyang nahiga sa sofa at doon umiyak ng umiyak. Pakiramdam ni Laiza ay nadurog ang puso niya. Gusto niyang magalit kay Wayne, dahil sa nakita niya. Gusto niyang magselos kay Lynne. Pero alam niyang wala siyang karapatan. Isang fake girlfriend ang papel niya sa buhay nito. Wala siyang karapatan para magselos. Kahit ang mahalin ito ay hindi rin nararapat. Ngunit kahit na anong pigil niya sa nararamdaman niya para kay Wayne, ayaw paawat ng puso niya. Pilit pa rin itong umaalpas. Malakas pa rin ang sigaw ng puso niya, kung gaano niya kamahal ito.
Minsan nga, iniisip niya. Kung dapat ba niyang pagsisihan na pumayag siya na maging kunwaring girlfriend nito. Ngunit sa tuwing iniisip naman niya ang mga masasayang pinagsamahan nila, nawawala ang ano man pag-aalinlangan. Mayamaya, biglang tumunog ang cellphone niya. Agad niyang sinagot iyon nang makitang ang kapatid niya ang tumatawag.
"Hello, kumusta na si Papa?" tanong niya agad pagsagot niya.
"Okay na si Papa, ate. Iyon nga lang, medyo malaki ang bill sa Ospital," sagot ng nakababatang kapatid niya sa kabilang linya.
"Bakit kasi hindi n'yo sinabi agad sa akin ang nangyari? Isang linggo na pala 'yan," umiiyak na sabi niya.
"Sorry Ate, sinabi kasi ni Mama na huwag na daw sabihin sa'yo. Ayaw lang nilang mag-alala ka, dahil nga malayo ka dito," aniya.
Napahagulgol siya. Kaninang umaga, nang tawagan niya ang isang kapatid niya para mangamusta. Sasabihin sana niya ang magandang balita sa Papa niya tungkol sa malaking bonus niya. Nang hanapin niya ang Ama, saka lang umamin ang kapatid niya tungkol sa tunay na kalagayan nito. Isang linggo na daw ang nakakalipas simula ng maaksidente ang Papa nila. Bumangga daw ang sinasakyan nitong kotse habang tine-test drive nito iyon. Dahil hindi ito naka-seatbelt, tumama ng malakas ang ulo nito sa bintana ng kotse, dahilan upang magkaroon ito ng malalim na sugat sa ulo. Mabuti na lamang daw ay kakilala ng Mama niya ang isa sa doctor na pinagdalhan sa Papa niyang Ospital. Kaya nakamenos sila sa bayad sa operasyon. Kung hindi pa siya tumawag ay hindi niya malalaman ang lahat. Saka lang siya nakahinga ng maluwag kahit paano ng makausap niya ang Papa niya, at malaman na maayos at ligtas na ito. Ngunit, kaakibat naman niyon ay ang malaking pera na kakailanganin para sa bayad ospital at sa mga gamot ng Papa niya. Isang dahilan kung bakit niya pinuntahan niya si Waynekanina. Ngunit napigil ang tunay na pakay niya nang masaksihan niya ang tagpong iyon.
"Tawagan ulit kita kapag kumpleto na 'yung perang kailangan ni Papa sa Ospital," sabi pa niya.
"Eh Ate, kailan ka uuwi?" tanong nito.
Napabuntong hininga siya. Kailan nga ba? Kailan ba niya haharapin ang buhay na wala si Wayne? Nasanay na siyang gumising araw-araw na ito ang magigisnan niya. Ngayon, hindi na niya alam kung paano ibabalik ang buhay dati kung saan hindi ito kabilang. Because she cannot imagine her life without him anymore.
"Hindi ko alam," sagot niya.
Nang matapos sila sa pag-uusap ng kapatid niya. Tumayo na siya. Marahil kailangan na niyang bumalik sa bahay ni Lea, o kaya naman uuwi na siya sa kanila para madalaw ang Papa niya. Eksaktong pagtayo niya ay siyang dating naman ni Wayne. Tiningnan lamang niya ito, pagkatapos ay umakyat na siya.
"Laiza, can we talk? Please."
"Para saan pa? Sabi ko naman sa'yo, di ba? Hindi mo obligasyon magpaliwanag sa akin."
"But I want to."
"Huwag na lang, Wayne."
"Bakit hindi?"
"Dahil hindi mo ako girlfriend."
"Then, why are you acting like you are so hurt?" diretsong tanong nito.
Napahinto siya sa paglalakad. Nasukol siya doon. Humarap siya dito. Bahala na, kung iyon ang tamang pagkakataon para umamin sa tunay niyang damdamin. Haharapin niya. Bahala na kung pagtawanan siya nito o mas lalo siyang magmukhang tanga.
"Dahil..."
"Dahil natatakot kang hindi ko ibigay sa'yo ang pera?" sa halip ay sabi nito.
Nagpanting ang tenga niya, agad na nagsalubong ang dalawang kilay niya. Mabilis na nag-unahan muli sa pagbagsak ang mga luha niya.
"Sinasabi mo bang mukha akong pera?" galit na tanong niya dito.
Hindi ito sumagot. Ngunit hindi rin ito natinag mula sa kinatatayuan nito at sa pagtitig nito sa kanya.
"What do you want me to think about you?" tanong din nito.
"Tigilan na lang natin 'to, Wayne! Huwag mo na lang ako kausapin. Aalis na lang ako kung tapos na ang pagpapanggap na 'to! Ang ayoko lang, ginawa mo akong tanga! Gusto mo rin pala si Lynne, ginamit mo pa ako!"
"You agreed to do this!"
"Oo! Na sana hindi ko na lang ginawa! Dahil nahihirapan ako ngayon! Nasasaktan ako! Nasaktan ako nang makita ko kayo kanina!"
"Laiza..."
"Ayoko nitong nararamdaman ko! Ayoko ng ganito! Ayokong may isang lalaking nagpapagulo ng isip ko! Ayokong mahalin ka! Pero ayaw paawat ng puso ko! Minahal kita ng hindi ko namamalayan, kahit na alam ko naman na hindi mo ako mahal," tuluyan niyang pag-amin.
Pinahid niya ang luha sa mga pisngi niya. "Kaya aalis na lang ako. Maraming Salamat sa lahat. Kukuhanin ko lang muna ang mga gamit ko."
Tila kay bigat ng mga paa niya nang tumalikod siya dito. Alam niyang wala ng makakapantay pa sa pagmamahal niya para dito.
Hahawakan pa lang niya ang doorknob ng pinto ng silid niya, nang matigilan siya. Sa halip, inunahan siya ng kamay ni Wayne habang nasa likod niya ito. Naramdaman niyang humakbang ito palapit sa kanya. Mabilis na tumibok ang puso niya. Hindi niya alam kung para saan iyon, pero sana hindi na lang ito magsalita. Lalo na kung masasaktan din lang siya sa mga sasabihin nito.
"Can't you just let me explain my side?" tanong nito sa mababang tinig.
"Ayokong marinig. Ayokong masaktan na naman."
"Lynne came to me, begging. Gusto niyang ituloy namin ang napagkasunduan ng mga magulang namin. But I refused. Sinabi ko sa kanya na hindi ko siya gusto. Dahil may iba na akong mahal. Sinabi ko sa kanya na mahal ko ang babaeng bigla na lang dumating sa buhay ko ng walang pasabi."
May kung anong tila sumipa sa dibdib niya pagkatapos niyang marinig ang mga salitang iyon. Ang kamay nitong nakahawak sa doorknob ng pinto, ay dahan dahan umakyat paakyat sa braso niya, hanggang sa balikat niya.
"I also told her that there's nothing she can do about it, because I'm in love with you."
Natutop niya ang bibig. Tama ba ang narinig niya? O nabibingi na siya? Pinihit siya nito paharap dito. Lalong lumakas ang kabog ng puso niya nang magtama ang paningin nila. He run his fingers on her cheeks.
"Si Lynne ang humalik sa akin. Nagpupumilit siyang iwan kita. Pero hindi ko magagawa iyon, ayokong pakawalan ang babaeng natutunan ko nang mahalin."
"Wayne..."
"Hindi ka dapat magselos, dahil nasa iyo ang puso ko."
Ang takot ay napalitan ng saya. Nakahinga siya ng maluwag, nakabawas sa dinadala niya. Pakiramdam ni Laiza ay siya na ang pinakamasayang babae sa mundo. Mahal din siya ni Wayne.
"I love you, Laiza."
Dahil sa rebelasyon na iyon. Nanatili siyang nakatulala dito, ni hindi niya alam ang dapat sabihin. Hindi siya makapaniwala na ang isang lalaking kagaya ni Wayne ay mamahalin ang isang ordinaryong babae na tulad niya.
"Pasensiya ka na sa nasabi ko tungkol sa pera."
Umiling siya. "Okay lang," halos pabulong na sagot niya.
"Wala ka man lang bang isasagot? Ang sabi ko, I love you."
Hindi na niya napigilan ang ngumiti. Saka nag-iinit ang pisngi na ngumiti siya dito.
"I love you too," sagot niya. Tila iyon lang ang hinihintay nito upang ikulong siya sa mga bisig nito.
"Ikaw ang mahal ko, Laiza. Kaya hindi mo kailangan magselos kay Lynne." Sabi pa nito.
Sa pagkakataon na iyon, isang katotohanan na ang tungkol sa kanila ni Wayne. Hindi na isang pagpapanggap. Isang tunay na pagmamahalan ng dalawang pusong tunay na umiibig sa isa't isa. Mayamaya, nawala ang atensiyon niya nang marinig niya ang malakas na buhos ng ulan.
Bigla ay naalala niya ang sinampay niya sa likod ng bahay. "Sandali, kukunin ko ang mga damit na nilabhan ko," pagpaalam niya. Tinulungan siya ni Wayne na ipasok ang mga iyon. Dahil sa lakas ng ulan, saglit ay halos nabasa na siya.
Agad siya nitong kinuha ng towel, saka siya nagpunas. Naroon na sila sa sala ng mga sandaling iyon. Napatingin siya sa labas ng bintana.
"Bigla naman akong nilamig," aniya. "Sandali nga magpapalit muna ako ng damit."
Tatayo pa lang siya ng pigilan siya ni Wayne, saka siya hinila nito pabalik sa sofa. Hinila pa siya nito palapit dito.
"Bakit?" tanong niya.
Hindi ito sumagot. Basta na lang siya nito niyakap ng mahigpit.
"Hoy teka, basa ang damit ko."
"I don't care. I just want to hug you. Gusto kong maramdaman mo kung gaano kita kamahal. Iyong yakap na walang halong pagpapanggap," sabi pa nito. Ngunit ilang saglit lang ay bumitiw ito sa pagkakayakap sa kanya. Saka siya nito tinitigan ng husto.
"Sinabihan mo ako noon, natatandaan mo pa ba?" tanong niya.
Kumunot ang noo nito. "Ano 'yon?"
"Sabi mo sa akin. Hindi ako dapat main-love sa'yo, dahil baka hindi mo na ako pakawalan pa." sagot niya.
Ngumiti ito. "Ah yes, I remember. Pero kabaligtaran ang nangyari, ako ang nain-love sa'yo." Anito.
"Pareho lang tayo. Nain-love din ako sa'yo."
"Eh di hindi na kita papakawalan." Nakangiting wika nito.
"Okay lang," nakangiti din na sagot niya.
Hindi na ito nagsalita pa. Hinawakan nito ang magkabilang pisngi niya, saka tila kinakabisado nito ang bawat detalye ng mukha niya.
"Mahal na mahal kita, Laiza."
"Mahal na mahal din kita, Wayne."
Pagkatapos ay agad nitong sinakop ang mga labi niya. Buong puso siyang nagpaubaya, kasabay ng pagbigay ng puso niya para sa minamahal. Napuno ng saya ang dibdib niya, sa kabila ng kinakaharap na problema niya sa Pamilya. May isang bagay pa rin na binigay ang Diyos para makuhanan niya ng lakas. Ang pag-ibig nila ni Wayne.