Chapter Nine

3529 Words
"NAKAKALOKA!" sigaw ng masayang si Lea. Natatawa at napapailing na lang si Laiza dahil sa reaksiyon ng kaibigan niya. Masayang masaya ito nang ibalita niya dito ang naganap na pag-amin sa pagitan nila ni Wayne. Naroon sila ng mga sandaling iyon sa coffee shop malapit sa Building kung saan sila nag-oopisina. "Shh! Huwag ka naman eskandalosa d'yan!" saway niya dito. "Eh sorry naman, kasi naman eh! Nakakakilig naman talaga ang sinabi mo. Imagine, kayo na talaga ni Wayne?" hindi makapaniwalang wika nito. "Kahit naman ako, hindi makapaniwala." "Sana pala nakipagpustahan ako, eh di sana panalo ako."  "Hay naku, yung mga kaibigan ko doon sa Tanangco. Nag-pustahan na rin kaya, sigurado may nagse-celebrate na ngayon."  Kinuha niya ang isang tasa na may laman na kape at humigop siya doon. Muling nagsalita si Lea. "Imagine, pwedeng isulat sa libro ang story n'yong dalawa. Nagsimula sa pagpanggap na nauwi sa totoong love." Ngumiti siya. Kahit siya man ay hindi makapaniwala. Parang isang panaginip lang ang lahat sa kanya. Ilang linggo lang ang nakalilipas ng masuong siya sa isang sitwasyon na siyang nagtulak sa kanya upang magpanggap na girlfriend nito. Pero sadyang mahiwaga ang paraan ng pag-ibig. Lumipas ang mga araw, saka niya namalayan na mahal na nila ang isa't isa. Siya na yata ang pinakamasayang babae simula pa kagabi. "Pero in fairness girl, kung hindi dahil sa pagpapanggap mong girlfriend ni Wayne. Hindi ka makaka-qouta ngayon buwan! Grabe ka ha! Hindi ka man lang namigay ng kliyente. Sinolo mo lahat ng teammates at mga pinsan niya! Pagkatapos may fifty thousand ka pa!" sabi pa nito. "Hoy, wag ka ngang maingay," saway niya dito. "Baka mamaya may makarinig sa'yo eh. Malintikan ako sa opisina." Natutop nito ang bibig. "Ay, sorry."  "Ubusin mo na 'yang iniinom mo, matatapos na coffee break natin," paalala pa niya dito. "Uy Laiza, pinapatawag ka pala ni Sir. Nandoon sa bagong office niya sa tenth floor, may sasabihin yata sa'yo," sabad ng isang ka-officemate niya na nasa kabilang table lang. "Okay, ubusin lang namin 'to. Akyat na ako agad."  Ngunit ilang sandali pa ang lumipas ng mula sa likuran ni Lea ay may tumayong babae at humarap sa kanila. Nagulat siya ng makitang si Lynne iyon. Agad na umahon ang kaba sa dibdib niya, saka mabilis na napaisip. Hindi niya alam kung gaano ito katagal nakaupo doon sa bandang likuran nila. Hindi naman din kasi niya ito napansin kanina pagdating nila. Pero huwag naman sana nitong narinig ang usapan nila ni Lea kanina. "Hi Laiza," bati pa nito. Nakataas ang kilay nito, ngunit nakapaskil din sa mga labi nito ang kakaibang ngiti. "Hi," pormal ang mukha na sagot niya. "It's nice to see you again."  Tumayo siya. "Ano na naman ang pina-plano mo?" nakakunot noong tanong niya dito. Pa-inosenteng nagkibit balikat ito. "Nothing. I mean. Sinabi ko lang naman na It's nice to see you again. Does it have to mean anything? Ganoon ba talaga ka sama ang tingin mo sa akin?"  Aaminin niya. Wala siyang tiwala sa mga sinabi nito. Base sa hilatsa ng ngiti nito, alam niyang may pinaplano ito. Hindi ang tipo nito ang susuko ng basta, lalo na at alam niyang abot hanggang langit ang pagkagusto nito kay Wayne. "I gotta go, may importante pa akong meeting today," sabi pa nito. "Bye Laiza, have a great day." Paalam nito, pagkatapos ay naglakad ito patungo sa may elevator. Nang mawala ito sa paningin niya. Mabilis na naman siyang kinabahan at hindi niya alam ang ibig sabihin niyon. "Sino 'yon?" tanong ni Lea. "Si Lynne, siya yung sinabi ko sa'yong may gusto kay Wayne." "Mukhang maldita," komento nito. "Halika na, huwag mo ng pansinin 'yon. Akyat na tayo, baka hinahanap na ako ni Sir."  Hindi agad bumalik sa table niya si Laiza, bagkus ay dumiretso siya sa tenth floor kung saan naroon ang opisina ng Boss niya. Pagdating niya doon, nilapitan niya ang Secretary nito. "Hi, nandiyan si Sir? Pinapatawag daw niya ako." Aniya. "Ah oo nga. Pero may instruction siya na maghintay ka lang daw muna dito. May biglaan kasing dumating na ka-meeting si Sir."  "Ah okay, thank you." "Maupo ka muna habang naghihintay."  Tumango siya, saka umupo sa isang bakanteng single chair sa harap ng table ng Secretary. Ilang minuto lang ang nakalipas ng bumukas na ang pribadong opisina ng Boss niya. Ganoon na lang ang gulat niya ng lumabas doon si Lynne, matamis pa ang pagkakangiti nito sa Boss niya. Habang ang huli ay halos magbuhol na ang dalawang kilay sa sobrang simangot. Mabilis na kumabog ang puso niya, kasunod ng takot na unti-unti ay lumukob sa kanya. "Anong ginagawa mo dito?" tanong niya kay Lynne. Tumawa ng pagak ito, pagkatapos ay lumapit ito sa kanya. "You see, Laiza. Sun doesn't always shine everyday, really." Makahulugang sagot nito. Nagpipigil na naikuyom niya ang dalawang palad niya, gusto niyang sampalin ito sa sobrang galit niya. Dahil may ideya na siya kung bakit ito naroon. Ngunit hindi niya ibababa ang sarili sa lebel nito. Siya ang mahal ni Wayne, sapat nang dahilan iyon para hindi niya patulan ito. At tila nang-iinis pa na humalik ito sa pisngi niya saka pasimpleng bumulong. "Have a great day, b***h. And wait 'till Tita Eve heard this." Pagkatapos ay umalis na ito. "Laiza, in my office. Now!" NAGSUNOD-SUNOD ang patak ng luha niya matapos siyang pagalitan ng Boss niya. Halos dumagundong ang lakas ng boses nito sa buong silid nito. Tama ang hinala niya, narinig nga ni Lynne ang mga pinag-usapan nila ni Lea, eksakto naman na binanggit ng isa sa mga ka-officemate niya ang eksaktong floor ng Boss niya kaya napuntahan nito iyon. Kaya iyon ang ginamit nito laban sa kanya, ang higit na masama sa ginawa nito. In-exagerate nito ang kuwento. Sinabi nitong ginamit niya ang katawan niya para makakuha ng mga kliyente. "I'm so disappointed with you, Laiza! Ikaw ang isa sa mga magagaling at matinong Agents dito sa opisina. Pagkatapos mababalitaan ko na gumagawa ka ng ganitong ka-imoral na bagay! Paano mo nakuhang sumama sa isang lalaki kapalit ng mga kliyenteng makukuha mo at pagkatapos ay tumira sa iisang bubong? Hindi ko alam na ganyan kababa ang pagkatao mo! Ginamit mo pa talaga ang opisina sa racket mo! " galit na galit na bulyaw nito. "Sir, hindi po ganoon 'yon. Hindi po totoo ang sinasabi ni Lynne. Magpapaliwanag po ako. Pakiusap naman po. "  "Sige, magpaliwanag ka!" sigaw nito. "Ang maging girlfriend lang po ang ginawa ko. Hindi po totoo na ginamit ko ang katawan ko. Kahit na mahirap lang ako, marangal pa rin ako! Kahit kailan hindi sumagi sa isip ko ang sinasabi n'yong iyan sa akin." Pagtatanggol pa niya sa sarili. "Pero may involve na pera, Laiza. Anong pagkakaiba no'n?" Hindi siya nakakibo. "This is just a disgrace in our Company! Nakakahiya ka!" Doon nagpanting ang tenga niya. Napatayo siya saka galit na tinignan ng diretso sa mata ang Boss niya. "Wala akong pakialam kung kinahihiya n'yo ako! Wala na rin akong pakialam sa iisipin n'yo! Dahil kahit na anong paliwanag ko sa inyo, hindi rin kayo maniniwala. Pero hindi ko kinahihiya ang ginawa kong pagpanggap dahil malinis ang konsensiya ko at alam iyan ng Diyos! At wala akong pinagsisisihan sa mga ginawa ko! Dahil ginawa ko 'yon para sa Pamilya ko! Pero huwag na huwag ninyong huhusgahan ang pagkatao ko! Wala kayong karapatan!" galit rin na wika niya, saka niya pinahid ang luha sa mga pisngi niya. Pagkatapos ay nagmartsa siya patungo sa pinto. "Teka, saan ka pupunta?" habol ng Boss niya sa kanya. Huminto siya saka muli siyang lumingon dito. "I resign! Nakakahiya kasi sa malinis n'yong pagkatao! Napaka-perpekto n'yo!" sagot niya, saka mabilis siyang lumabas ng pinto. Paglabas naman niya, huli niyang nakikinig sa usapan nila ng Boss niya ang secretary nito. Mabilis itong bumalik sa puwesto nang tingnan niya ito ng masama. Pagdating niya sa department nila, pagpasok pa lang ng pintuan agad na naglingunan sa kanya ang mga ka-officemate niya. Narinig pa niya ang mga bulungan ng mga ito. "Grabe no? Nakakahiya, sumama sa lalaki para lang makakuha ng kliyente." Tumaas ang isang sulok ng labi niya saka siya napailing. Wala talagang imposible sa mga taong tsismosa. Kakabitan ng pakpak ang balita kung kinakailangan para lumipad. Hindi niya pinansin ito, tumuloy siya sa table niya at mabilis na inayos ang mga gamit niya. Nilapitan siya ng umiiyak na si Lea. "Girl, anong nangyari?" tanong nito. Malungkot na ngumiti siya dito, nagkibit balikat siya. "Wala eh, alam na nila." Umiiyak na sagot niya. "Wala ka naman ginagawang masama eh," sabi pa nito. Tumango siya saka lalong napaiyak. Niyakap siya ni Lea. "Huwag mo na silang isipin, friend." Pag-aalo nito sa kanya. "Aalis na ako, Lea. Nag-resign na ako." Bahagya itong lumayo sa kanya saka nagulat. "Bakit?" lalong naiyak na tanong nito. "Ayokong hintayin na palayasin nila ko dito. Para may matira naman kahit paano sa pagkatao ko. Ayokong bugbugin ako ng mga tao dito sa pangungutya at pang-aalipusta. Kailangan ko ng umalis dito."  "Eh paano ka na?" nag-aalalang tanong nito. "Okay lang ako."  Pagkatapos niyang ayusin ang mga gamit. Agad niyang nilisan ang lugar na iyon, baon ang masamang tingin sa kanya ng mga dating kasama sa trabaho. Bakit nga kaydali para sa mga ito ang husgahan siya? Nasaan na ang magandang pinagsamahan nila? Mabigat ang loob na lumabas siya sa building na iyon. Habang nakasakay ng taxi pauwi ng Tanangco. Walang patid pa rin ang pag-agos ng mga luha niya. Ilang minuto lang ang lumipas, nakarating na siya sa bahay ni Wayne. Pagdating niya ay nakita niyang nakaparada sa garahe ang kotse nito. Marahil ay hindi ito pumasok, o kaya naman ay nag-practice game lamang ito. Pagpasok niya sa loob, wala ito doon. Hinanap niya ito, gusto niyang ibalita dito ang nangyari at ang ginawa ni Lynne. Pagdating niya sa Carwash, nakita niya si Lolo Badong, nagmano siya dito. "Lo, nakita n'yo po ba si Wayne?" tanong niya. "Parang napansin kong pumasok doon sa Bilyaran, sa second floor ng Jefti's. Tingnan mo at baka makita mo doon."  "Sige po, salamat." Pag-akyat niya, papasok na sana siya ng mapahinto siya nang marinig niyang banggitin ni Marvin ang pangalan niya. Napahinto siya, at natagpuan ang sarili na nakikinig sa usapan ng magpi-pinsan. "Nasaan si Laiza?" tanong ni Marvin kay Wayne. "Pumasok sa trabaho."  "Kumusta naman ang palabas n'yo?" tanong naman ni Jester. "Ayos lang, so far wala naman naghihinala. Except for Lynne, mukhang may alam na siya." "Eh anong plano mo?" tanong pa ni Kevin. "Deny syempre, ayokong bigyan ng pagkakataon si Lynne para guluhin ako." "Umamin ka na kaya kahit kay Tita Eve, sabihin n'yo na ang totoo." Suhestiyon ni Jefti. "I don't know if it's the right time."  "Teka nga Pinsan, don't tell me hindi ka nade-develop kay Laiza." Sabi pa ni Glenn. Hinintay niyang sumagot si Wayne. Pagkatapos ng naging pag-amin nila sa isa't isa kahapon, buo ang pag-asa niya na sasabihin din nito ang totoo sa mga pinsan nito. Na magiging proud ito sa kanya bilang tunay na girlfriend nito. Ngunit nagtaka siya, dahil hindi pa rin sumasagot ito. "Bakit Dude? Na-develop ka na nga ba sa kanya?" tanong ni Mark. Narinig niyang bumuntong-hininga ito. "It was just for the show. Everything. Kailangan kong mapaniwala ang lahat bukod sa inyo na mahal ko siya. I have to pretend that I love her, kailangan ko rin iparamdam iyon kay Laiza para maging natural ang dating ng palabas namin. Sayang naman ang fifty thousand pesos na ibabayad ko sa kanya. Mabuti nga hindi nagsalita si Lynne, alam na nito ang pagpapanggap namin. Pero giniit ko sa kanya na si Laiza ang mahal ko. I had no choice. Kailangan kong sabihin 'yon."  Parang bomba na sumabog iyon sa kanyang pandinig. Sa isang iglap, nag-unahan muli sa pagbagsak ang mga luha niya. Pakiramdam niya ay paulit-ulit na sinaksak ang puso niya ng isang matalim na kutsilyo. Kung ganoon, isang kasinungalingan lang pala ang lahat. Ang pag-amin nito sa kanya, isa ring pagpapanggap. Ang buong akala niya, dalawa sila sa role na iyon. Ngunit hindi niya alam na maging siya ay napapaniwala nito. Hindi lang pala siya ang nanloko, maging siya ay naloko din. Ito na ba ang consequence niya sa pagsisinungaling sa harap ng Mommy nito at ng ibang tao? Ang higit na masakit sa lahat. Base sa narinig niya mula mismo kay Wayne. Pera lang ang habol niya dito. Natutop niya ang bibig para mapigilan niya ang malakas na paghagulgol. Mas masakit pa ito sa narinig niyang mga salita mula sa Boss niya, o sa mga pang-iinsulto ni Lynne sa kanya. Sa mga mapanghusgang tingin ng mga ka-opisina niya. Dahil ang mismong lalaki na pinakamamahal niya ang nanglaglag sa kanya. Bakit nga ba napaka-unfair ng mundo? Oo. Aaminin niya. Nanloko siya. Nagpanggap siya. Nagsinungaling. Aaminin din niya na pumayag siya dahil sa matinding pangangailangan ng pera. Ngunit kailan pa naging masama ang isipin ang kapakanan ng Pamilya? Hindi rin naman niya plinano na mahulog ang loob kay Wayne. Ang mahalin ito ng buong puso sa loob ng maikling panahon. Sa kabila ng lahat ng ginawa niya. Sa bandang huli ng malaking palabas na iyon. Marahil dumating na yata ang panahon para bigyan ng wakas ang isang malaking kasinungalingan. Oras na para isarado ang telon ng entablado. Tapos na ang pagpapanggap. Tapos na ang palabas. Dumating na ang wakas. Sapagkat kung mayroon man tunay sa lahat ng iyon. Iyon ay ang pagmamahal niya para kay Wayne. Isang bagay na inakala niyang tunay na pinagkaloob din nito sa kanya. Nang hindi na niya nakayanan agad na umalis siya sa lugar na iyon, hindi na rin siya nag-aksaya ng panahon at mabilis niyang inempake ang gamit niya at saka agad na umalis. Wala ng rason para mag-usap sila ni Wayne. Narinig na niya ang dapat marinig. Tama na ang nasaktan siya ng sobra. Mahal na mahal kita, Wayne. Goodbye. "IT WAS just for the show. Everything. Kailangan kong mapaniwala ang lahat bukod sa inyo na mahal ko siya. I have to pretend that I love her, kailangan ko rin iparamdam iyon kay Laiza para maging natural ang dating ng palabas namin. Sayang naman ang fifty thousand pesos na ibabayad ko sa kanya. Mabuti nga hindi nagsalita si Lynne, alam na nito ang pagpapanggap namin. Pero giniit ko sa kanya na si Laiza ang mahal ko. I had no choice. Kailangan kong sabihin 'yon." sagot niya. "Pero, iba na ngayon. Hindi ko inaasahan na mamahalin ko siya. And I want to correct all my mistakes, aamin na ako kay Mommy. Sasabihin ko na sa kanya ang lahat, tapos, kakausapin ko ang mga magulang ni Laiza. Gusto kong pormal na humarap sa kanila bilang boyfriend nito. Gusto kong patunayan kay Laiza na wala akong ibang minahal ng ganito sa buhay kung hindi siya lang. Nang komprontahin ako ni Lynne tungkol sa pagpapanggap namin, pinandigan ko sa kanya na totoong mahal ko na si Laiza. Na wala na iyong pagkukunwari. Alam kong nasaktan ko si Lynne, pero ayoko rin siyang paasahin. Wala akong ibang mamahalin kung hindi si Laiza," dugtong niya. Napangiti si Karl. Kinamayan siya nito. "I'm proud of you, 'couz." "Thank you," aniya. "So, anong plano mo?" tanong ni Wesley. "Pupuntahan ko si Mommy ngayon. I'll talk to her."  "That's the best thing I heard from you. Gawin mo na ngayon, bago pa mahuli ang lahat." "Thank you!" nakangiting wika ni Wayne, saka sila nag-high five magpipinsan. Pagkatapos nilang mag-usap magpi-pinsan, agad siyang bumaba para umuwi at magbihis. Gaya ng sinabi niya, pupuntahan niya ang Mommy niya sa Hotel para kausapin ito. Pagdating niya sa labas, tinawag siya ng Lolo niya, nagulat pa siya ng bigla siya nitong hampasin ng tungkod nito sa braso. "Aray ko, Lolo. Bakit po?" gulat na tanong niya. Pagkatapos isang masakit na pingot sa tenga ang tinanggap niya mula kay Lola Dadang. "Lola naman eh, bakit po ba? Nanu pong kasalanan ku?" tanong ulit niya. "Aruuu! Ikang anak ka, nanung gewa mu na naman kang Laiza?" galit na tanong ni Lolo Badong. Ang ibig sabihin nito ay 'Ikaw na bata ka, anong ginawa mo na naman kay Laiza?' "Ala po!" inosenteng sagot niya. "Ano bang wala? Eh bakit iyak ng iyak kanina nang manggaling diyan?" tanong naman ni Lola Dadang. Napakunot-noo siya. Hindi niya nakitang pumunta doon sa Jefti's si Laiza. "Pumunta po si Laiza sa Jefti's?" nagtatakang tanong niya. "Aba'y oo! Hinanap ka sa akin kanina, tinuro kita doon. Hindi ba kayo nagkita?" "Hindi po!" "Baka kung saan na naman kasi kayo nagsuot ng mga pinsan mo," sabi naman ng Lola niya. "Lola, hindi po kami umaalis doon. Nasa second floor lang kami." Bigla siyang natigilan. Hindi kaya narinig nito ang pinag-usapan nila? Sa isipin na iyon. Agad siyang nagpaalam sa Lolo at Lola niya, saka tumakbo pauwi sa bahay niya. Dali dali niyang tinawag ito pagpasok sa loob. "Laiza!" Ngunit walang sumasagot na Laiza. Hinanap niya ito sa buong Kabahayan, ngunit wala ito doon. Halos manlumo siya ng i-check niya ang closet nito. Wala na doon ang mga gamit nito. Agad na umahon ang kaba at takot sa puso niya. Kinuha niya ang cellphone mula sa bulsa ng suot niyang maong na pantalon saka tinawagan si Laiza. Ngunit hindi nito sinasagot ang tawag niya, kina-cancel na lamang iyon. "God! Laiza, pick up!" he said in frustration. Ilang beses niyang inulit ang pag-dial sa numero nito ngunit hindi pa rin nito sinasagot iyon. Malakas ang kutob niya na may nangyayaring hindi maganda. Hindi aalis ito ng walang dahilan. Napaupo siya sa sofa saka napahawak siya sa noo niya. Ilang sandali pa biglang nag-ring ang cellphone niya, sinagot niya iyon ng makitang ang Mommy niya ang tumatawag. "Mom," bungad niya dito. "I want you to come here in Hotel right now!" may awtoridad na utos nito sa kanya. "Mom, I can't. Laiza is missing, she left me!" natatarantang sagot niya dito. "I have to find her. I need her. I love her." "She's not missing, anak. She's here. I think you have to talk." Sukat sa narinig niya bigla siyang napatayo. "Okay, I'll be right there." Sagot niya saka nagmamadaling umalis ng bahay. Dahil walang traffic at nasa Makati lang ang Hotel na tinutuluyan ng Mommy niya. Wala pang tatlumpung minuto ay naroon na siya. Papasok na siya sa Hotel Room nito ng biglang bumukas iyon. Isang malungkot na Laiza ang lumabas doon. "Laiza," aniya. Dali dali niyang niyakap ito. "Babe, where were you? Pinag-alala mo ako. Bakit wala na ang mga gamit mo sa bahay ko? What happened, please tell me."  Nagulat siya ng itulak siya nito palayo. "Tama na ang pagpapanggap, Wayne. Tapos na ang palabas."  Kumunot ang noo niya. Hindi niya maintindihan ang ibig sabihin ng mga sinasabi nito. "Ano bang sinasabi mo? I don't understand." Umagos ang luha nito, habang nakatitig sa kanya. Nakikita niya ang galit sa mga mata nito, maging ang pighati at sakit. "Hindi na natin kailangan magpanggap, Wayne. Tapos na ang lahat, inamin ko na sa Mommy mo ang ginawa natin. Humingi na rin ako ng tawad sa kanya."  Nagulat siya. "Laiza." "Alam mo akala ko, sa dinami-dami ng kasinungalingan natin. May nag-iisang tama tayong nagawa. Akala ko exempted ang pagmamahal natin sa isa't isa ang mananatiling totoo, pero nagkamali ako. Siguro nga, karma na ito sa akin. Pumayag ako na magsinungaling. Kaya ang ending, may nagsinungaling din sa akin. Ang galing mo, napapaniwala mo akong mahal mo rin ako. Na totoo iyon at walang halong pagpapanggap. Oo nga pala, hindi lang pala ikaw. Tayong dalawa, napapaniwala natin sila na nagmamahalan tayo." Umiiyak na paglalahad nito. "Laiza, I don't know what you're talking about?" Aniya. "Malinaw ang mga narinig ko, Wayne. Hindi ako bingi. Sa'yo ko mismo narinig, sinabi mo sa mga pinsan mo. Kailangan mong magpanggap na mahal mo rin ako para mapaniwala ang Mommy mo at ang mga tao sa paligid mo. Pero ang mas masakit, ginawa mo akong mukhang pera!" bulalas nito.  "Matagal na rin palang alam ni Lynne ang tungkol sa pagpapanggap natin. Pero hindi mo sinabi sa akin. Nagmu-mukha na pala akong tanga sa harap niya hindi ko pa alam. Kaya pala ang lakas ng loob niyang pumunta sa opisina namin kanina. Kinausap niya ang Boss ko, alam mo ba 'yon? At ako na yata ang pinaka-imoral na babae sa mata ng mga kasama ko sa trabaho!" galit na sabi niti sa kanya. "Alam mo rin ba? Hindi ko na nga dapat kukuhanin 'yong pera na 'yon, dahil minahal na kita. Mahal na mahal kita. At walang makakatumbas na halaga sa pagmamahal ko para sa'yo. Pero naospital ang Papa ko, nangailangan kami ng malaking halaga. Kaya lumapit ako sa'yo." Napapikit si Wayne. Kung ganoon, tama ang hinala niya. Pumunta nga ito doon sa Jefti's at narinig ang pag-uusap nilang magpi-pinsan, ngunit nagkamali ito ng interpretasyon sa mga sinabi niya. Marahil hindi na nito narinig ang iba pang sinabi niya. "Please, let me explain." Pakiusap niya. Umiling ito, pagkatapos ay humakbang ng isa paatras. "Tama na, Wayne. Huwag na natin dagdagan ang mga kasalanan natin. Tama na ang pagsisinungaling. Tama na ang pagpapanggap. Tama na ang pinaasa ko ang sarili ko at umasa ako sa'yo na mamahalin mo rin ako ng tunay. Ang taas naman kasi ng pangarap ko na mamahalin din ako ng isang kagaya mo. Akala ko kasi, ikaw na ang pangarap kong pag-ibig, pero nagkamali ako." Dagdag pa nito. Pagkatapos ay tuluyan na itong tumalikod. Hinabol niya ito, saka niya nahagip ang isang braso nito. "Laiza, hindi ganoon 'yon. Mali ang narinig mo. Mahal kita!" giit niya. "Ah, nga pala, 'yung tungkol sa pera. Hindi ko na lang kukunin. Ayokong magkaroon ng utang sa'yo."  Nasuntok niya ang pader ng lagpasan siya nito. "Laiza!" malakas ang boses na tawag niya dito, ngunit hindi na ito lumingon pa. Ngtuloy-tuloy lang ito sa paglalakad. Hanggang sa elevator ay hinabol niya ito. Ngunit hindi na ito nakinig. Iniwan siya nito ng hindi man lang siya pinapakinggan nito. Mahal na mahal niya si Laiza. At gagawin niya ang lahat para bumalik lang ito sa buhay niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD