“LO, BAKA MAPATAY mo siya!” sigaw ko para sawayin si Lolo Jose. Ngunit hindi ko hinahawakan si lolo para pigilan siya. Dahil sa loob ko, sige na! Patayin mo na siya! Iyon ang sigaw ng utak ko. May malakas na hanging umikot-ikot sa kabuuan ng bahay na nagpalipad sa mga gamit. Mas tumindi ang lakas ng enerhiya ni Lolo Jose at mas lumaki ang kanyang katawan. Pulang-pula ang kanyang mga mata at mas lumaki ang napunit niyang bibig na may matatalim na ngipin sa loob. Malakas siyang sumisigaw na umalingaw-ngaw sa buong lugar. Nais ko siyang hayaan para mailabas niya ang kanyang nararamdaman. Ngunit hindi kami masama. At higit sa lahat, hindi kami mamamatay tao. Kaya niyakap ko si Lolo Jose upang awatin siya. Nang mga sandaling iyon, halos hindi na gumagalaw si Migs at nangingitim na. Nasa bingg

