ATHENA'S POINT OF VIEW
Parang natuyuan ako ng dugo nang makita ko siyang pababa ng kotse. Hindi ko na naramdaman ang lamig ng hangin o ang matigas na semento sa ilalim ng paa ko. Ang natitira na lang sa isip ko ay isang bagay—wala na akong kawala.
Mabilis akong umatras, pilit na sinasarado ulit ang pinto sa likod ng bahay. Pero bago pa man sumara nang tuluyan, isang malakas na braso ang biglang pumigil dito. Napaatras ako, napasandal sa malamig na dingding, at hindi ko na napigilan ang panginginig ng buong katawan ko nang maramdaman ko ang presensya niya sa harapan ko.
“Sa tingin mo makakatakas ka, ha?” malamig at punong-puno ng galit ang boses niya. Hindi siya lasing—oo, amoy alak siya, pero malinaw ang mga mata niya. Sobrang linaw na para bang kaya niyang basahin ang bawat patak ng takot sa mukha ko.
Hindi ko nagawang sumagot. Alam kong wala nang saysay kahit anong sabihin ko.
Bigla niyang hinawakan ang braso ko—hindi basta hawak lang, kundi mariin, masakit, parang gustong baliin ang buto ko. Napakapit ako sa kanya, hindi dahil gusto ko siyang hawakan, kundi dahil pakiramdam ko, mababali ako sa lakas ng kapit niya.
“Akala mo talaga makakalaya ka na sa’kin?”
Hinila niya ako pabalik sa loob ng bahay, ni hindi man lang niya isinara ang pinto. Pinilit kong pumalag, pilit kong hinahatak ang sarili ko palayo, pero mas malakas siya. Hindi pa man kami nakakapasok nang tuluyan sa loob ng bahay, ibinalibag niya ako sa sahig.
Napasinghap ako sa sakit nang sumayad ang likod ko sa malamig na marmol na sahig. Nanginginig akong bumangon, pero bago ko pa maitukod ang mga kamay ko para itulak ang sarili kong tumayo, isang malakas na sipa ang tumama sa tagiliran ko.
“AGH!” Napahawak ako sa tagiliran ko, napakagat sa labi para pigilan ang pag-iyak. Pero mas lalo lang akong nanginig nang marinig ko ang hagikhik niya.
“Sabi ko na nga ba… para kang daga na hindi marunong lumaban,” natatawang sabi niya. “Limang taon na kitang ginaganyan, Athena. At kahit kailan, hindi mo ako nagawang tapatan.”
Dahan-dahan siyang lumuhod sa harapan ko. Hinawakan niya ang panga ko, mariing pinisil ang pisngi ko na parang gusto niyang basagin ang mukha ko.
“Hindi ka ba natutuwa?” bulong niya. “Mabait ako sa’yo ngayon.”
Mabait? Kung ito ang tawag niyang kabaitan, paano pa kung nagalit siya nang tuluyan?
Napapikit ako nang bigla niyang hatakin ang buhok ko, pinipilit akong tumingala para harapin siya. Ang sakit. Pakiramdam ko, para niyang hinuhugot ang anit ko mula sa ulo ko.
“Sinayang ko ang limang taon sa’yo,” madiin niyang sabi. “At sa isang iglap, gusto mo lang akong takasan? Gusto mong burahin ang lahat ng iyon na parang wala lang?”
Napabuka ang bibig ko, gusto kong sumagot, gusto kong ipamukha sa kanya kung paano niya ako ginawang basahan sa loob ng limang taon, kung paano niya ako tinapakan, sinaktan, pinahiya. Pero alam kong wala nang saysay ang kahit anong sasabihin ko.
Hinila niya ako patayo, pero hindi niya ako hinayaang makatayo nang buo. Bago ko pa mailapat nang maayos ang mga paa ko sa sahig, sinampal niya ako—malakas, mas malakas kaysa dati.
Pakiramdam ko, umikot ang buong mundo ko. Napaluhod ulit ako sa sahig, nanginginig, nanlalabo ang paningin. Ramdam ko ang init sa pisngi ko, kasabay ng kirot na unti-unting bumalot sa mukha ko.
“Benedict…” halos hindi ko na nakilala ang sarili kong boses sa panghihina.
Pero imbes na maawa, marahas niyang sinabunutan ang buhok ko at hinila ulit ako pataas. “Anong sinabi mo?”
Napakapit ako sa braso niya, sinusubukang pigilan ang sakit. “A-ayos na…” Nanginginig ang boses ko. “T-tama na, please…”
Sa halip na sagutin ako, hinila niya ako paakyat sa kwarto namin. Pilit akong nagpupumiglas, pero mahigpit ang hawak niya sa braso ko. Alam kong walang saysay ang pagtakbo—wala akong laban sa kanya.
Pagdating namin sa kwarto, marahas niya akong itinulak sa kama. Napasubsob ako, napakapit sa kumot para pigilan ang sarili kong gumulong pababa.
Tumawa siya. “Ang hina mo talaga, Athena.”
Narinig kong may bumagsak sa sahig—ang bag ko. Ang maliit na bag na naglalaman ng tanging pag-asa ko para makalayo sa kanya.
Lumapit siya rito at dinampot ito. Kitang-kita ko kung paano niya binuksan ang zipper at inilabas ang laman—ilang pirasong damit, pera… at ang pinakamahalaga sa lahat, ang annulment papers na matagal kong itinago.
Dahan-dahan niya itong binuklat, inisa-isang tingnan ang bawat pahina. “Annulment, ha?” Bulong niya. “Talagang handa ka na, no?”
Pinunit niya ito.
Isa-isang piraso, pinunit niya ang papeles sa harapan ko, ang tanging bagay na magpapalaya sana sa’kin. Napakapit ako sa kama, pilit pinipigilan ang luha ko, pero hindi ko na napigilan ang pag-iyak.
Wala na.
Sinira na niya.
“Makinig kang mabuti sa’kin, Athena,” malamig niyang sabi. Lumapit siya sa’kin, itinukod ang mga kamay niya sa kama para mapalapit ang mukha niya sa mukha ko. “Kahit kailan, hindi kita palalayain. Hindi kita hahayaang umalis.”
Napapikit ako, pinilit isiksik sa utak ko ang katotohanang iyon.
Wala na akong kawala.
At sa gabing ito, sa pangil ng halimaw na paulit-ulit akong sinasaktan, napagtanto ko ang isang bagay—hindi ako makakatakas nang ganoon lang.
Kung gusto kong makalaya, hindi sapat ang pagtakbo.
Kailangan kong lumaban.