Makalipas ang dalawang taon.
Napabuntong-hininga ako sa sobrang pagod. Tiningnan ko ang screen ng monitor. 6:45 na ng gabi. Hinawakan ko ang inuupuang swivel chair at umikot saka ko pinatong ang mga braso sa mesa at isinubsob doon ang mukha. Nakakapagod. Umayos ako ng upo at kinuha ang telepono na nakapatong sa mesa nang tumunog ito. "Tin loves, hindi ka pa ba tapos?" Abot-tenga akong napangiti. Marinig lang ang boses niya ay napapawi agad ang pagod ko. Dalawang taon na mula nang sinagot ko siya pero parang araw-araw niya pa rin akong nililigawan. "Jann, katatapos ko lang. Susunduin mo na ba ako?" Natawa ako sa pagmamaktol niya dahil hindi ko siya tinawag na 'loves'. Hindi ko alam kung bakit kelangan pa nun. Marinig ko lang siyang tawagin akong Tin ay nag-iinit na ang mukha ko sa kilig. "Loves," pagtatama ko. "Yan. Ako lang loves mo. Andito na ko sa baba ng building. Hintayin kita dito ah? I love you." Nagdulot ng kakaibang kiliti sa tiyan ko ang huling kataga niya. Matapos ang tawag na iyon ay mabilis akong nagligpit. Gusto ko na din siyang makita.
"Jann!" Kahit hirap sa pagtakbo, dahil na rin sa heels na suot ko, mabilis akong nakarating sa kanya para paulanan ng halik at yakap. Natawa nalang siya sa ginawa ko. "Oo na. Miss din kita. Hahaha," sabay halik sa noo ko. "For you," nagningning pa ang mga mata ko nang makita ang bungkos ng rosas na itinago nya sa kaliwang kamay. Kinuha ko iyon at nilanghap ang sariwang amoy. "Thank you Jann loves." Tumingkayad ako at hinalikan siya sa pisngi ay siya namang pagngiti niya. "Dapat pala araw-arawin ko na ang pagdala ng bulaklak para may halik ako lagi." Nahampas ko siya nang mahina sa braso. Nagtawanan kami at umalis na ng gusali.
Pinagbuksan niya ako ng kotse. "Thank you." Pumasok na ako at naupo sa shotgun seat. Umikot naman siya para pumasok sa driver's seat. Mayaman si Jann. Bukod sa mayaman ang pamilya niya, nagtayo na siya ng sarili nyang business nung college palang kami kaya nakaipon siya agad. Hindi naman siya nahirapang palaguin iyon. Alam ko ang kakayahan ni Jann. Basta gusto niya, gagawin niya ang lahat para makuha ito. Isa sa mga katangian niya na inibig ko. "Baka matunaw ako niyan, Tin loves." Nakangiti niyang saad na hindi inaalis ang tingin sa daan. Bumaba na lamang ang tingin ko sa mga rosas na yakap ko at inamoy ito. Hindi na ako nahihiya kapag inaasar nya ako nang ganun. Lagi ko namang ginagawa yun, ang tingnan siya at pagmasdan sa tuwing may pagkakataon. Hindi nakakasawang tingnan ang mukha niya. Kahit araw-araw ko pa atang gawin iyon ay hinding-hindi ako mauumay. Lumipat ang tingin ko sa window shield para tumingin sa labas. Maaliwalas ang daan. Hindi nakawala sa paningin ko ang nagtataasang mga gusali.
"Jann, ihinto mo." Seryoso kong utos na agad niya namang sinunod. Hindi umalis ang tingin ko sa hospital na hinintuan namin. Walang paalam kong nilapag ang mga bulaklak sa seat ko at lumabas ng kotse. Alam kong nakasunod sa akin si Jann.
"Lucy," mahina kong tawag sa kanya na agad niya namang nilingon. Nakatayo siya sa labas ng hospital, tingin ko'y nagpapahangin. Nakapamulsa siyang humarap sa akin. Napansin kong umiksi ang buhok niya na abot hanggang balikat. Napansin ko din ang stethoscope na nakasuot sa kanyang leeg. Mas pumuti siya at ang amo ng mukha niya na parang walang mabigat na pinagdaanan noon. Pagkatapos iburol ang mommy at daddy niya, hindi na kami nakapag-usap. Galit na galit siya sa akin na kahit makita lang ang mukha ko noon ay pinanggigigilan niya. Hanggang sa mabalitaan ko nalang na nangibang-bansa na siya, nagpunta ng Britain. Nakakapag-usap pa sila ni Jann noon kaya sa kanya ako nakikibalita ng patungkol kay Lucy. Pero nang pumunta na siya ng Britain, wala na silang komunikasyon. Wala na silang kontak sa isa't-isa kaya wala na kong napagtanungan. Dalawang taon na din ang nakakalipas. Hindi ko akalain na magagawa niyang bumalik dito matapos lahat ng mapait na nangyari.
Bumungad sa akin ang malawak na ngiti niya. Napasinghap ako sa nakita. Napaisip ako na baka at sana hindi na siya galit sa akin. "Hey, Kristin. I didn't know I would see you here. Kamusta?" Kaswal niyang pagkakasabi, walang halong panunuya, walang bahid ng inis. May accent na din ang tono ng boses niya, nakakamangha. Lumapit siya sa akin at niyakap ako. Namiss ko din ang babaeng ito. Ngumiti akong nakaharap sa kanya nang maghiwalay kami. "Okay lang ako Lucy. Ikaw ang kamusta? Ang tagal din nating hindi nagkita. Um, g-galit ka pa ba sa akin?" Ngumiti siya. "Let's forget about what happened, Kristin. I'm sorry for blaming you. I know it's not your fault." Nabunutan ako ng tinik sa sinabi niya. Sa tuwa ko ay niyakap ko ulit siya. "Thank you, Lucy." Nang kumalas ako, napansin niyang may nakatayo sa likod ko. "Michael! It's you!" Mabilis siyang lumayo sa akin para lumapit kay Jann at pinaunlakan ito ng yakap. "Oh God! I missed you! Kamusta ka?" Kumalag din sila. "Okay lang ako Lucy. Ang tagal na din ah. Hindi ka na nagparamdam sa amin." Tumawa siya at hinampas ito nang mahina. "I know. Ang laki ng atraso ko sa inyo. Babawi ako, don't worry."
Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa aming dalawa na tila may binubuong puzzle. "Oh, I see. You're still together huh?" Lumapit na sa akin si Jann at pinagsiklop ang mga daliri namin. "Yep. Two years na kami ni loves and I'm still in love." Lumakas ang t***k ng puso ko sa sinabi ni Jann. Lagi niyang ginagawa iyon. Ang ipagmalaki ako sa mga kakilala niya, na mahal na mahal niya ako. At hindi niya alam kung gaano nya ko mas napapaibig dahil dun. "That's so sweet!" Tuwang-tuwa na sambit niya. "Nakakainggit naman kayo. By the way, may lakad ba kayo bukas? Around 7 in the evening? Date naman tayo. Kwentuhan ganun." Tumingin sa akin si Jann, hinihintay ang sagot ko. Pag may ganitong mga lakad na kasama siya, gusto niya ako ang nagdedesisyon para sa kanya. Hindi naman ako umaangal kasi mas kinikilig ako na importante ang opinyon ko sa mga ginagawa niya.
Umiling ako. "Wala naman Lucy. Sige gala tayo bukas." Napalukso siya, ang sigla niyang tingnan. Mukhang nakamove on na nga siya sa mga nangyari. "That's great!" May dinukot siya sa bulsa niya. "Kukunin ko na ang number niyong dalawa para matext kayo kung san tayo magkikita." At ginawa nga namin ni Jann ang hiling niya. Hindi nagtagal, tinawag na siya ng isa pang nurse galing sa hospital kaya nagpaalam na din siya sa amin. "Kitakits nalang bukas!" Kaway niya habang papalayo. Kumaway na din kami.
Napatalon ako nang biglang may umakay sa akin. "Tara na loves." Bumaba ang hawak nya sa bewang ko. "Lagyan mo ng Tin para kiligin ako." Biro ko sa kanya. "Sus, marinig mo nga lang boses ko kinikilig ka na." Napasinghap ako at lumayo sa kanya. "Ang hangin Jann!" Dinilaan ko siya at naunang maglakad. Pero totoo naman ang sinabi niya, ayoko lang aminin. Tumakbo siya paharap sa akin at patalikod na naglakad. "Hoy Tin loves! Teka lang. Baka inaaway mo ko kasi niyakap ako ni Lucy kanina ah. Nagseselos ka?" Nagkasalubong ang kilay ko sa sinabi niya. "Anong selos? Bakit naman ako magseselos?" Ngumuso siya sa sinagot ko. "Kahit minsan di pa kita nakitang magselos. Duda na tuloy ako kung mahal mo ko." Naparolyo ako ng mata sa sinabi niya. Nag-iinarte na naman. Pinitik ko siya sa noo. "Aray naman loves!" Sumimangot ako sa reaksiyon niya. "Ang hina lang nun! Kung makareact ito!"
Nagulat ako nang mapatid siya ng batong nakaharang sa dinadaanan niya. Buti nalang at naagapan ko. Nahawakan ko siya sa kamay, dahilan para magdikit ang katawan namin. Napatingala ako sa kanya, ang lapit ng mukha namin sa isa't-isa. Nasilayan ko ang paglunok niya at tumingin sa baba papunta sa labi ko. Unti-unti siyang lumapit at walang alinlangang ginawaran ako ng matamis na halik. Hindi ko makakalimutan ang gabing ito. Alam kong wala nang mas sasaya na makapiling ang mahal mo sa buhay, at para sa akin si Jann yun.
Nagising ako sa malakas na pagtunog ng alarm clock na nasa mesa sa gilid ng kama ko. Nakatakip pa ng unan ang mukha ko nang kapain ko ang mesa para patayin ang alarm clock. Gusto ko pang matulog. Napabalikwas ako ng bangon. Baka makatulog ulit ako at anong oras na magising. Pumunta na ako sa banyo at saka naligo. Nakapikit pa ang mga mata ko habang naliligo, tinatamaan pa rin ako ng antok. Nagpapatuyo ako ng buhok at papalakad na tumungo sa cabinet. Binuksan ko ito at kinuha ang chiffon blouse at pencil cut skirt. Matapos kong suotin ay naglakad ako sa shoe rack para kunin ang pointed heels. Humarap ako sa salamin at nag-ayos nang kunti. All set.
Sakto nang matapos ako ay ang pagbusina ng isang sasakyan. Masigla kong kinuha ang leather bag sa kama at lumabas na ng apartment. Bumungad sa akin ang matipunong lalaking nakatayo sa may pinto ng kotse niya na mahinahong naghihintay sa akin. Binaba niya ang sunglasses na suot nang makita ako at nagbigay ng malawak na ngiti. "Good morning." Niyakap niya ako sa bewang at saka hinagkan. "Good morning!" Masaya kong bati sa kanya. Pinagbuksan niya ako ng kotse kagaya ng lagi niyang ginagawa at saka sumakay na din.