WALANG napuntahan sina Therese at Benj sa tatlong lugar na nasa listahan ng lalaki. Nang itanong niya kay Benj kung nasaan na sila, sinabi nitong lumampas na sila sa Vienn farm, ang kilalang farm sa Corazon na bukas sa publiko tuwing panahon ng pagtatanim o kaya ay anihan. “Lumampas na tayo sa Vienn farm?” ulit ni Therese. “Sabi mo hindi tayo maliligaw?” “Mapuputol ang kuwento mo kung huminto tayo,” sagot ni Benj sa mababang tono. “Parang mas gusto mong magkuwento kaysa mag-ikot sa Corazon,” kasunod ang sulyap na parang ngingiti. Bumagal ang takbo nila hanggang itinabi nito ang sasakyan sa gilid ng kalsada. Tama naman si Benj. Wala naman talaga siyang planong mamasyal. Hindi bakasyon ang sadya niya sa lugar. Ang totoo ay hindi niya alam kung bakit si

