Chapter One: The Rude Rivas

2318 Words
Dylan Rivas POV: "Brianna! Ano na naman itong kumakalat sa opisina na kasama mo ang isa sa investor ng kompanya natin? Totoo bang may relasyon kayo? Ha! Sumagot ka!" Narinig ko na naman ang malakas na pagsigaw ni papa. At kahit tinutuon ko ang atensyon ko sa Video Games na nilalaro ko, dinig na dinig ko pa din ang malakas na pagdabog ni mama. Hudyat na mag-uumpisa na naman sila sa walang sawa nitong bangayan. Halos masanay na ang teynga ko sa paulit-ulit na scenario nila sa kabilang kwarto. Walang araw na hindi ganito ang masasaksihan kong sitwasyon sa kanilang dalawa. Manhid na rin ako sa mga masasakit na salitang naririnig ko na binibitawan nila sa isa't isa. "Ayan ka na naman sa pagiging praning mo Danilo! Nagpapaniwala ka sa mga chismis! Kun’sabagay, wala ka namang tiwala sa akin!" singhal naman ni mama at bakas sa boses nito ang galit at gigil na nararamdaman. Napapailing na lamang ako. Sa murang edad kong ito na sampong taong gulang, nasaksihan ko na ang walang pupuntahang relasyon ng aking magulang. Walang pupuntahan dahil umiikot na lamang ito sa gulo, away at sakitan. "Paano ba ako magkakaroon ng tiwala sa’yo! Kung nilalantad mo sa lahat ang kalandian mo! Hindi ka man lang nahiya? May asawa ka, may anak pero laman ka ng chismis sa opisina na nakikipagharotan ka sa isang investor! Dinaig mo pa ang linta kung makadikit sa lalaking iyon! Mas malala ka pa nga yata sa babaeng mababa ang lipad! Nakakahiya ka!" Ramdam na ramdam ko ang bawat pagdiin ni papa sa mga binibigkas nitong salita. Hindi ko alam ngunit kusang napatayo ako at humakbang ang mga paa ko patungo sa kwarto nila. At pagkabukas na pagkabukas ko ng pinto, agad bumungad sa akin ang malakas at malutong na pagsampal ni mama kay papa. Kitang kita ko sa mga mata nila ang galit nila sa isa't isa. Wala na akong nakikita ditong pagmamahal kundi pagkamuhi at matinding poot ang bumabalot na sa kanila. Akmang gaganti ng sampal si papa nang mabilis akong pumagitna sa kanila at agad siyang tinulak papalayo kay mama. ''What the f**k Dylan! Ano bang ginagawa mo rito? ‘Wag kang makisali sa away namin! Pumasok ka sa kwarto mo ngayon din!" Nanggagalaiti na saad sa akin ni papa at nanlilisik din ang mga mata nitong nakatingin sa akin. Hinawakan naman ako ni mama sa balikat at pinalingon sa kanya. At nakita ko ang sunod sunod na pagtulo ng mga luha nito. "Baby, wag kang mangialam sa away ni mommy at daddy ha? Balik ka na lang doon sa kwarto mo. Binilhan kita ng supermario mo roon. Laruin mo na iyong sa psp mo---" Natigilan si mama sa kanyang sasabihin nang marahas kong iwinaksi ang mga kamay nito na nasa balikat ko. ''Bakit hindi ako mangingialam sa nangyayari sa inyo? Bakit kasi anak niyo lang ako!?" diniinan ko pang sambitin ang katagang iyon habang nakangiti nang mapait."Yes! I'm just your son! Pero sa pagtatalo ninyong dalawa, ako ang mas naaapektuhan! Ako ang mas naaaggrabyado! Sa tingin niyo ba kayo lang nahihirapan? Hindi! Kasi damay ako! Kasi isang pamilya tayo rito!" Halos mawalan na ako ng boses sa pagsasalita ngunit ginawa ko lahat ng makakaya ko para maituwid ko ang gusto kong sabihin para maunawaan na nila. Ngunit hindi. Hindi pa rin ito nangyari. "O! Nakita mo na Brianna? Pati anak natin nadadamay dahil na rin sa pangangati mo!" nanggigigil na singhal pa ni Papa na pawang ‘di nito narinig ang mga sinabi ko. "Ako pa ang mali? Sino ba sa ating dalawa ang bintang nang bintang ng kahit ano pero wala namang ebidensya? Sino ba sa ating dalawa ang nagpapaniwala sa mga chismis na wala namang kabuluhan! Ako ba ha?! Ikaw ang dapat sisihin kung bakit nasisira ang pamilyang ito! Dahil na rin sa kakaselos mo na wala na sa lugar!" sabat naman agad ni mama at dinuro duro pa nito nang marahas si papa. Napapalipat lipat na lamang ang atensyon ko sa kanilang dalawa. Talagang walang may balak na sumuko at magpatalo sa kanila. Nagmumukha na silang ibang tao sa harapan ko ngayon. Ibang iba na ang pakikitungo nila sa isa't isa. Ang dating magandang samahan nila bilang mag-asawa, ngayon naglaho na. Rinding rindi na ako sa bawat salitang lumalabas sa bibig nila. Wala na itong preno at nabibingi na ako sapagkat ang sigawan nila ang bumabalot sa kwarto. "Pareho kayo! Pareho kayong may mali kaya wag na kayong magsisihan! Walang puwedeng sisihin dito kundi kayo! Kayo, kasi ‘di niyo pinipiling ayusin! Mas pinipili niyong palalain ang away! Mas pinipili niyong magbitawan ng masasakit na salita! Mas pinili niyo ang ganyang sitwasyon! Kaya ganito ang klase ng pamilyang mayroon tayo kasi kasalanan niyo!" seryosong saad ko na nagpahinto at nagpatahimik sa kanilang dalawa. Pinigilan kong hindi tumulo ang mga luhang nagbabadya ng bumagsak mula sa aking mata at tinapunan sila nang walang emosyong tingin. "Sige. Wala naman kayong kapaguran sa pagtatalo kaya sige pagpatuloy niyo ‘yan. Pero sana sa labas na lang kayo, para hindi naman marinig ng anak niyo ang walang kwenta niyong sumbatan. ‘Di ako makapagfocus masyado sa paglalaro e! Napakalaki niyong istorbo!" Mapang-insultong dagdag ko pa. Nanliit naman ang mata ni papa sa inakto ko ngunit wala akong pakealam. Hindi nga nila ako iniisip kapag nagtatalo sila, kaya wala rin akong panahon para respetohin sila. Sinanay nila akong makarinig sa mga binibitawan nilang salita kaya ‘wag nilang asahan na may maayos ding salita na lalabas sa bibig ko. "Ganyan ka na ba kabastos Dylan? Baka nakakalimutan mong magulang mo ang kausap mo ngayon-----" "Ah magulang ko pala kayo. Di ko alam ha!? I mean ‘di ko pala ramdam na magulang ko kayo. Kasi hindi niyo naman pinaramdam sakin iyon. Inatupag niyo lang puro pagtatalo. Wala kayong ibang ginawa kundi mag-away sa walang kwentang mga rason!" walang kagalang galang na turan ko sa kanila. Wala na sa isip ko kung magmukha na akong walang respeto o bastos sa harapan nila. ‘Di na sa akin iyon importante dahil sobrang sumabog na ang emosyon ko sa hinanakit na nararamdaman ko ngayon. "Baby, huwag mong sabihin iyan. Kasi kahit papaano maayos ka naming-----" Pinahinto ko agad si mama sa kung ano ang sasabihin nito sa pamamagitan ng pagtaas ng kamay ko hudyat na huwag niyang balaking ituloy ang sasabihin niya. "Maayos? Sarili niyo ngang relasyon na mag-asawa hindi niyo maayos ayos, pagiging magulang pa kaya sa akin?" napapangising ani ko. Patuloy naman ang pag-iyak ni mama sa harapan ko habang si papa naman ay nanginginig ang nakakamao nitong palad. Halos wala na akong maramdaman. Kaya't hinakbang ko palayo ang mga paa ko sa kwartong iyon. Dala-dala ang bigat ng loob ko sa nangyayare sa pamilyang mayroon ako ngayon. Kung tutuusin, hindi naman ganitong mundo ang namulatan ko noon. Masaya kami. Buo at saka kumpleto. Ang pamilya namin ay isa sa kinaiinggitan ng iba sapagkat nakikitaan talaga kami ng katatagan at may matibay na pundasyon. At naalala ko pa na laging pinupuri ng lahat ang klase ng relasyon ng magulang ko. Dahil walang puwedeng hindi makapansin sa matamis na pagmamahalan nilang dalawa. Sila ay childhood sweetheart at sa tagal nilang magkarelasyon na umabot nang mahigit dalawang dekada, wala itong naging lamat. Kumbaga, perpekto ang naging pagsasama nila. Marami ring nagsasabi na kaya raw nagtagal ang relasyon ng magulang ko kasi isang matinong lalaki raw si papa kaya marami talagang mga babae ang nakadama ng inggit kay mama. Napakahaba daw ng buhok nito. Dahil bukod daw sa tapat na ito sa kanya, makisig pa ito at talagang hindi siya nito pinagpalit sa iba. Naalala ko pa noong ikawalong taong gulang na kaarawan ko. Nagdaos ng munting salo-salo ang magulang ko at lahat ng mga kakilala nila ay pumunta. At walang ibang bukambibig ang mga babaeng nandoon kung hindi ang purihin si mama. ''Iba na talaga pag-alagang Danilo Rivas, lalong gumaganda,” palambing na puna ng isang babaeng sobrang pula ng labi sabay tapik pa sa balikat ni mama na animo'y matagal na silang magkakilala. Ginantihan lang naman siya ni mama ng nag-aalinlangang ngiti. Napaismid naman ako nang umikot ang mata ng babae. Napakapeke. Sa mura kong edad marunong na akong bumasa ng tao. Alam ko na kung totoo ba ito o nagbabalat kayo. Napadako naman ang tingin nito sa akin at mabilis ding nagbago ang reaksyon niya. Akala niya siguro hindi ko nahuli ang pagiging sopistikada niya kanina. ''Ito na ba ang unico ijo ninyo Brianna? Oh my gosh! Napakaguwapong bata! Manang mana sa ama niya. Napakaginoong tingnan. Sigurado ako na paglaki niya, katulad rin ito ni Danilo na marespeto sa isang babae," halos napapatili pa ito habang binibigkas ang pangalan ni papa at halata ang pagkakilig niya sa bawat salitang binibigkas nito. Napatitig naman ako sa kanya ng diretso. Walang kurap kurap ko siyang tinitigan. "Sobrang ganda ko na ba para titigan mo ako ng ganyan?'' mapang-asar na tanong nito sa akin. At napatawa pa ito ng matinis kaya't napatuon sa amin ang atensyon ng lahat. Ito pala ang kailangan ng tulad niya. Atensyon! Binigyan ko lamang siya nang sarkastikong ngiti habang tinitingnan ko siya na may kasamang pang-iinsulto. "Ang laki kasi ng labi mo, parang namamaga. Mukhang hindi successful ang pagpaparetoke mo. Lalo ka tuloy pumangit,” parang wala lang na ani ko. Napalaki naman ang mata niya sa gulat at kusang napahawak pa ito sa labi niya. Namayani naman sa paligid namin ang tawanan ng lahat. "How rude are you!" Hiyang hiyang sagot nito at tinakpan nito ang bibig niya. Kitang kita sa mukha nito ang kahihiyan dahil nakatuon ang tukso sa kanya ng lahat. ''I'm not rude. I'm just honest. Besides you need to know the truth. Dapat nga magpasalamat ka sa’kin kasi sinabi ko sa’yo at nang maging aware ka sa itsura mo,” pa-cool kong sabi sa kanya at tinapunan ko siya ng malamig na tingin na tatagos sa kaibaturan nito. "Ngayon aware ka na ang pangit mo. Dati, ‘di mo alam ‘yon. So yeah, big achievement for you!" Nang iinsultong dagdag ko pa at pinalakpakan ko pa ito. Hindi na maipinta ang reaksyon ng mukha niya. Pulang pula na ang pisngi nito sa hiya at nangingilid na rin ang luha nito sa kanyang mata. Ngunit wala akong naramdaman na kahit anong awa sa kanya. Bagkos pinipigilan ko pa ang humalakhak dahil nagmumukha siyang katawa tawa sa harapan ko. Hindi ko maintindihan ngunit natutuwa talaga akong pahiyain ang mga babaeng katulad niya. Napakalow class na klase ng babae. ''Dylan!'' Napatigil naman ako sa pagtitig sa babaeng sopistikada nang biglang sumigaw si papa at mabilis na nagtungo sa puwesto ko. "Ano na naman itong pinanggagawa----" Hindi na natapos ang sasabihin ni papa nang mabilis na sumingit ang babaeng may namamagang labi. Napangisi nalang ako sa kawalan. "Danilo! Napakabastos ng anak mo! Wala siyang respeto sa akin lalo na't babae ako. Hindi niya man lang ako ginalang! Sinabihan pa akong pangit! Danilo!" mangiyak ngiyak na sumbong nito kay papa at gamit pa nito ang boses niya na animo'y parang naipit na ipis. "Dylan, nag-usap na tayo di ba? Hindi mo dapat ginaganyan ang mga babae-----" Hindi na naman natuloy ni papa ang sasabihin dahil sumingit na naman ang babae at kusang napataas na lang ako ng kilay nang lumingkis pa ito sa braso ni papa na parang linta. "Tama ka nga riyan Danilo. Dapat talaga hindi ginaganyan ang mga babae lalo na kung tulad ko." maarte na pagkakasaad nito at pinatong pa nito ang ulo niya sa balikat ni papa at nagawa pa ako nitong kindatan. Ginantihan ko naman ito ng mapang-asar na tingin. Nagitla na lamang siya nang biglang dumating si mama at walang pakundangan na tinulak siya papalayo kay papa kaya naging dahilan ito para mawalan siya ng balanse at matumba. Nakakatawa siyang pagmasdan na nakakasubsob ang pangit nitong mukha sa lupa ngayon. "Kailangan bang respetohin ang isang tulad mong babae na kung makadikit sa asawa ko dinaig pa ang ahas?" mataray na pagkakasaad ni mama sa katawa tawang babae na halos hirap na hirap na sa pagtayo. Napamaang naman ako nang maagap si papa na tulungan ito. "Brianna! Ano ba itong----" "Ano? Kakampihan mo ba iyang malandi na ‘yan laban sa amin ng anak mo? Nasobrahan ka naman yata ng pagiging gentleman mo, Danilo! Pati nanlalandi sa’yo, hinahayaan mo lang kasi babae! Eh babae rin naman ang asawa mo! Pero ‘di mo magawang irespeto!" gigil na gigil na sigaw ni mama at halos namumula na rin ito sa matinding galit. Nang makatayo ang babae, mabilis namang lumapit si papa sa direksyon namin ni mama. At agad niyang niyakap si mama ng mahigpit. Kahit na pilit na kumakawala si mama sa bisig niya ay patuloy pa rin si papa sa pagyakap sa kanya. "Brianna, alam mo naman na mahalaga sa akin ang pagrespeto sa isang babae. Gusto kong matutunan iyon ng anak natin,” mahinahon na turan ni papa na nagpaismid sa akin. Iyan ang ugali ni papa na hinahangaan ng lahat. Ang pagiging respetado nito lalo na pagdating sa babae. Ginagalang niya ito at talagang iniingatan. Bansag nga sa kanya ng iba, "Protektor ng Kababaihan". Kaya't ang mata ng lahat ay nasa akin. Dahil umaasa sila na ganoon din ako kay papa. Nasa isip nila na parehas ng prinsipyo ko ang prinsipyo na mayroon ang aking ama. Pero nagkakamali sila. Dahil iba ang nakikita ko sa isang babae sa nakikita ni papa. Hindi ko sila gusto. Kumukulo ang dugo ko sa mga lahi nila. Marunong naman akong rumispeto ngunit binibigay ko ito sa karapat dapat sa bagay na iyon. Ngunit kung isa kang madaling babae at masyadong kulang ka ng atensyon, wala itong makukuha sa akin kundi pambabastos at pang-iinsulto. Kinaiinisan ko ang mga babaeng mabababa. At tanging si mama lang ang nagpapataas ng tingin ko sa isang babae. Ngunit sa isang iglap lang nagbago ang lahat ng iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD