Kabanata 20

1647 Words
Third Person's Point of View NANG sumapit ang tanghalian, lahat ay okyupado para sa pagluluto ng mga pagkain na dadalhin nila mamayang hapon sa lake para sa kanilang picnic. Siya ang naatasang gumawa ng sandwiches at vanilla cake. She’s good at baking and also at making coffees. Tinanggal niya ang apron na suot nang matapos niya lahat ang sandwiches at cake. Tinanggal niya rin ang pusod sa kaniyang buhok kaya malayang sumasayaw ang kaniyang itim na itim at mahabang buhok sa ihip ng hangin. Nasa stock room naman ang mga lalaki. Tinitingnan kasi ng mga ito kung may sira ang tent na dadalhin nila. Balak kasi nilang magpaabot ng gabi sa subdivision’s lake. Maganda ang panahon ngayon kaya tiyak na masisilayan nila ang sunset at ang bilyon-bilyong mga bituin. Kakatapos lang rin magluto ng kaniyang ina, si Tita Haidee at Manang Rosie. Kasalukuyang nasa living room ang mga ito at sumisimsim ng tea. Lumabas siya sa kusina tyaka pumunta sa salas. Tumabi siya sa kaniyang ina. Okyupa ang mga ito sa pagkukwentuhan. Parang gusto niyang lumabas na lamang ng bahay nang marinig niya ang pinagkukwentuhan ng mga ito. “Kailan ba darating ang bunso mong anak nang maipakilala na kay Maribelle?” Giliw na giliw na tanong ng kaniyang ina. “Nararamdaman ko talagang bagay sila.” Natahimik siya sa tabi ng ina. Napaiwas siya ng tingin sa mga ito. Her face turns somber. Si Noah ang gusto niya at hindi ang kapatid nito. Kung maaari lamang niyang sabihin ang mga katagang iyon sa kaniyang ina para matigil na ito pero hindi. Hindi pwede. Batid niyang hindi tama ang kaniyang nararamdaman para kay Noah. Hindi dapat umubsong ang kaniyang paghanga para rito pero kahit ilang beses na iyong dinikta ng kaniyang utak ay nananaig pa rin ang sutil niyang puso para ipagpatuloy ang paghanga sa lalaki.  “Hayaan mo`t mamaya ay tatawagan ko ulit siya para papuntahin na rito.” Tita Haidee excitedly said. Dumako ang paningin niya kay Manang Rosie na matamang nakatingin din sa kaniya. Bakas sa mukha nito ang pakikisimpatiya sa kaniyang nararamdaman ngayon. Buti pa ito naiintindihan ang tunay niyang nararamdaman. “Tulungan mo nga akong ayusin ang mga pagkain sa kusina, Maribelle.” Tumayo si Manang at sumunod naman siya rito sa kusina. Yinakap niya ito patalikod nang makarating sila roon. Sinandal niya rin ang kaniyang pisngi sa balikat nito.  “Kahit siguro hindi siya magpapari ay hindi ako magugustuhan ni Noah.” Sadness hint in her voice. “Paano mo naman nasabi `yan?” “I saw him earlier. He was so happy while talking with Eliza. Iyong doktor na kapit-bahay natin.” Kumalas siya sa yakap. Sumandal siya sa mesa. “Ganoon yata ang tipo ni Noah: maganda, sexy, elegante at matalino.” Lalo lamang niyang sinasaktan ang sarili pero iyon naman talaga ang totoo. Wala siyang sinabi kung ikukumpara siya kay Eliza. “Kaya pala.” Isang malaking ngiti ang sumilay sa mga labi ni Manang. Tumango-tango pa ito na parang may napagtanto. “Anong kaya pala, Manang?” Kunot noo niyang tanong. “Kaya pala noong bumalik ka para sunduin si Noah sa labas ay bigla kang nanahimik.” Manang Rosie let out a short laugh. “Ngayon ay nakuha mo ng magselos.” She quickly looked away. Her cheeks were flaming red. “Lahat naman siguro ay ganoon ang mararamdaman sa tuwing nakikita nila ang taong gusto nila na may kasamang iba.” Depensa niya sa sarili. Manang laughed again making her frown. “Naalala ko tuloy kung gaano nagngitngit sa selos si Aurora noon.” Nagbalik-tanaw si Manang Rosie tungkol sa kwento ng kaibigan nitong si Aurora.             Malaki man ang distansya nang kinauupuan ni Aurora ay mataman namang nakamasid ang kaniyang mga mata kina Aston at Stella. Base sa nakikita niya ay mukhang nagkakasiyahan ang dalawa habang nagbabangi ang mga ito ng laman ng baboy. Kaarawan ngayon ni Madre Cisca kaya`t naisipan nilang magsalo-salo sa tabi ng dagat na siyang malapit sa simbahan. Lahat ng mang-aawit ng simbahan ay kasama rin sa salo-salo. Dapi`t hapon na at hinihintay nilang masilayan ang paglubog ng kulay kahel na araw. Ang kalooban niya ay hindi mapakali at hindi niya mapigilan ang sarili na sulyapan si Aston at Stella na kanina pang magkasama. Kanina pa siyang hindi umiimik. Tila nawalan na kasi siya ng gana na magsalita dahil ang taong gusto niyang kausap ay mukhang masayang nakikipagkwentuhan sa iba. Ilang beses niya nang pinaulit-ulit sa kaniyang isipan na isang pari ang kaniyang napupusuan at mali ang kaniyang nararamdaman pero handang ipaglaban ng kaniyang puso ang makasalanang pag-ibig makasama lamang niya si Aston. Sana lang ay pareho sila ng nararamdaman nito ng sa ganoon ay magkaroon ng saysay ang kaniyang pagsuway. Nanatiling nakamasid ang kaniyang mga mata sa dalawa. Naikuyom niya ang kaniyang kamay nang makita niya kung paano himasin ni Stella ang kamay ni Aston ng malahidan ito ng binabanging baboy. Babae siya kaya`t alam niya ang pagkakaiba ng paghimas na walang malisya at paghimas na may kasamang landi. Base sa nakikita niya ay ang huli ang siyang ginawa ni Stella. Tila wala namang malisya iyon kay Aston. Patuloy lamang ito sa pababangi.             “Aurora, ilagay mo rito ang mga nilutong inihaw na baboy  nina Padre Aston nang maihain na sa mesa.” Inilahad ni Madre Irmeng ang plato. Agad naman niya iyong kinuha. Bahagya pa siyang napapikit at bumuntong hininga bago tahakin ang kinaroroonan nina Aston. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa plato. Hindi niya gustong lapitan ang dalawa pero kailangan niyang sundin ang inutos ni Madre Irmeng.             “Maaari ko na po bang makuha ang mga naluto niyo na ng sa ganoon ay maihain na sa mesa?” Pormal niyang tanong. Sa binabangi nakabaling ang kaniyang paningin. Ayaw niyang makita ang kulay gabing mga mata ni Aston. Hindi man siya nakatingin dito, batid niyang tinititigan siya ng lalaki na mas lalong nagpadagdag ng kaba sa kaniyang dibdib.             “Maaari mo bang tingnan kung ayos na ito?” Rinig niyang sabi ni Aston. Tyaka lamang siya nagtaas ng paningin.             “Ayos na iyan, Padre Aston. Hindi ba`t nakain na nga natin ang naunang linuto natin?” Kumawala ang bungisngis sa labi ni Stella. Sumilay din ang matamis na ngiti ni Aston. Kita nga niyang kumakain ang dalawa kanina. Pinunasan pa nga ni Stella ang kaliwang bahagi ng labi ni Aston nang malahidan ito ng inihaw na baboy na siyang dahilan ng pagngingitngit ng kaniyang puso.             Bigla ay nanikip ang kaniyang dibdib. Nanunuot ang sakit sa kaniyang kalooban pero pinaglabanan niyang hindi iyon mahalata ng kaharap. “Kung gayon ay kukuhanin ko na po ang mga naluto niyo na.” Iniwas niya ang paningin kay Aston. Batid niyang ramdam ng lalaki ang kaniyang pagdistansya rito at pagsasalita niya ng pormal dahilan para manahimik ito ng ilang segundo.             Malamlam ang mga mata ni Aston na nakatingin sa kaniya. “Stella, maaari ka bang kumuha ng isa pang plato. Batid kong hindi kasya ang mga linuto nating inihaw sa platong dala ni Aurora.” Sa kaniya nakatuon ang paningin nito kahit na si Stella ang kausap.             Akma nang tututol si Stella dahil ayaw nitong mahiwalay kay Aston pero wala itong nagawa kundi sundin ang inutos ng pari. Nang makaalis si Stella ay tyaka nagtagpo ang mata nilang dalawa. Nakakailang na katahimikan ang siyang namutawi at ang tunog ng paghampas ng alon sa dalampasigan ang tanging naririnig nila.             “Ikaw ba ay may hinanakit sa akin? Batid kong nag-iba ang pakikitungo mo simula pa kanina.” Namutawi ang lungkot sa boses nito.             “Bakit naman ako magkakaroon ng hinanakit sayo?” Binalik niya ang paraan ng pakikipag-usap dito pero wala na iyong sigla at saya sa kaniyang boses tuwing kausap niya ito. Nanatiling blangko ang kaniyang mata. “Napapansin ko lang na kanina mo pa akong iniiwasan.” Sumilay ang lungkot sa mata nito. Mahihimigan ang pag-iiba ng boses ni Aston. Kung kanina ay masigla iyon, ngayon ay mahihimigan ng lungkot at pagtatampo.  “Hindi kita iniiwasan. Sadya lang okyupa ang buong oras mo habang kasama mo si Stella.” Lumakas ang ihip ng hangin. Sumasabay ang mahaba niyang buhok sa direksyon nito. Maging ang kaniyang mahabang palda ay sumasayaw kasabay ng hangin. Hindi man mababakasan ng emosyon ang kaniyang mga mata, nanatiling sa gabing mga mata ni Aston nakabaling ang kaniyang paningin. Bigla ay pinagsisihan niya ang kaniyang binitawang salita. Hindi pa ito ang tamang oras para malaman nito ang kaniyang tunay na nararamdaman. Na hindi isang pari ang tingin niya rito kundi isang lalaki na kaniyang napupusuan. Batid niyang mawiwindang ito kung ngayon siya aamin pero natatakot siya dahil sa walang preno niyang bibig. “Tinulungan ko lang siya dahil kailangan niya ng tulong. Hindi ko intensyong ilaan ang buong oras ko sa kaniya.” Nagpapaliwanag na sambit ni Aston. “Siya nga pala, kailan mo ako tuturuang magluto?” Pag-iiba nito sa usapan. “Hindi ba`t magaling si Stella? Bakit hindi ka magpaturo sa kaniya?” Tumaas ang isa niyang kilay. Naging mabangis ang kaniyang mukha at nahalata iyon ni Aston. “Mas gusto kong ikaw ang magturo sa akin.” Sumilay ang matamis na ngiti ni Aston. Lumamlam ang kaniyang mga mata pero agad din siyang napasimangot dahil sa sunod nitong sinabi. “Ayokong mapahiya kay Stella. Baka—” Hindi niya na ito pinatapos pang magsalita. “Ayaw mong mapahiya kay Stella pero sa akin ay ayos lang na mapahiya ka?” Pinagkrus niya ang kaniyang kamay sa harap ng dibdib. “H`wag mong sabihing—” Hindi rin siya nito pinatapos magsalita. “Ang ibig kong sabihin, ayos lang na mapahiya ako sa harap mo dahil mas komportable akong kasama ka, Aurora.” Natigilan siya sa sinabi nito. Kita niya ang paghimas nito sa likod ng leeg nito at ang pamumula ng magkabila nitong tenga. Ramdam niya ang pabilis na pabilis na pagtibok ng kanyang puso. Hindi niya na nagawa pang makaimik pa. Sumabay sa pag-ihip ng hangin ang puso niyang nagwawala dahil sa matinding saya. Sa oras ding iyon, naging malinaw sa kaniya ang tunay niyang nararamdaman para kay Aston. Mukhang hindi na nga niya napigilan ang sarili para hindi mahulog ng tuluyan dito. Hinihiling niya na sana naghihintay ang mainit nitong bisig para saluhin siya sa kaniyang pagkahulog.             
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD