Simula
Esperanza P.O.V
Maaga akong nagluto ng tanghalian. Naglagay na rin ako sa baonan upang madalhan ko sila inay at itay na maagang pumunta roon sa koprahan upang makapagtrabaho. Hindi naman malayo ang koprahan sa amin, malapit lang ito kung tutuosin ngunit mas nanaisin ko pa rin silang dalhan ng makakain upang makapagpahinga naman sila saglit. Tirik na tirik kasi ang araw kapag uuwi pa sila sa bahay para lang kumain.
“Sarah, hahatiran ko lang sila inay ng tanghalian nila gusto mo bang sumama? Tutulong na rin tayo roon at nang may pandagdag ka sa babaonin mo bukas,” ani ko kay Sarah, ang pinakabata naming kapatid.
Lima kaming magkakapatid, dalawa ang lalaki at tatlo naman ang babae. Ako ang panganay sa kanila at sinundan naman ni Jerome, Lito, Nina at panghuli si Sarah, na nag-aaral ngayon ng elementarya. Hanggang High School lang ang natapos ko dahil maaga akong nag balat ng buto upang makatulong sa pamilya. Mahirap lang kasi kami ngunit masaya naman ang naging pamumuhay naming lahat dito sa La Estella. Maliit lang ito na baryo ngunit masarap ang mamuhay dito.
Hindi rin nakapagtapos sila inay at itay sa pag-aaral at hanggang elementarya lang din ang kanilang natapos kaya sa pagkokopra at pag-uuling na lang nila kami binubuhay.
“Dito na lang muna ako, ate. Kanina pa kasi sumasakit ang tiyan ko,” naging tugon naman sa akin ni Sarah.
Iniwanan ko muna ang ginagawa ko upang puntahan ang kapatid ko na kanina pang umaga hindi lumalabas sa kaniyang silid dahil sa pananakit daw ng kaniyang tiyan. Hindi ko na rin siya pinapasok sa eskwela dahil dito at pinainom ko na rin naman siya ng gamot kanina.
“Hindi pa ba humuhupa ang sakit? Ano ba kasi ang pinaggagawa mo at nagkakaganiyan ka?” may halong panenermon na tanong ko.
Hinawakan ko ang tiyan niya at naramdaman kong matigas ito kumpara sa normal na tiyan. Umaaray din siya kapag nadidiin ko sa bandang tagiliran niya. Nag-aalala na ako para sa kaniya dahil parang pakiramdam ko sy hindi na ito normal na sakit lang ng tiyan.
“G...gusto ko uminom ng gamot ulit ate. Lalong sumakit ang tiyan ko," daing ng kapatid ko.
Pumunta agad ako sa kabinet para kunin ang gamot na pinainom ko sa kaniya kanina pero nang tiningnan ko ito ay wala na pa lang laman. Huling tableta na pala ang napainom ko sa kaniya kanina at hindi ko man lang namalayan iyon.
Tiningnan ko muli ang kapatid ko na pinagpapawisan na at nag-uumpisa na rin mamutla ang kaniyang labi. Naawa ako at parang hindi ko kakayanin na tingnan siya nang matagal dahil parang kinukurot ang puso ko sa sakit.
Tiningnan ko ang pitaka ko at nagbabakasakali na baka may pera pa akong naitabi para pambili man lang ng gamot, ngunit agad akong nanlumo nang makita kong wala rin itong kalaman-laman. Bago lang kasi nagkasakit sina Jerome at Nina. Sabay silang nilagnat ng ilang linggo kaya naubos ang mga inipon kong pera sa kakabili ng mga gamot at vitamins nila. Ang pera namang kinikita nila inay ay pinagkakasya pa namin sa pagkain.
“Sarah, hahatiran ko lang sila inay ng pagkain at bibili rin ako ng gamot mo. Iiwanan muna kita kila Aling Goring ha,” paalam ko sa kaniya at kahit nahihirapan ay nakita kong tumango naman siya bilang sagot.
Ibinilin ko na siya kila Aling Goring na kapitbahay lang namin. Hindi naman tumanggi si Aling Goring dahil simula bata pa ay sa kaniya na kami hinahabilin nila inay kapag may pupuntahan sila. Pumunta na ako sa koprahan para dalhan ng pagkain sila inay at itay at para na rin makahingi ako ng kahit barya lang na pera para pambili ng gamot ni Sarah.
Nadatnan ko nga sila roon na hinahalo ang niluluto nilang niyog at kitang-kita ko ang pagod sa mga mukha nila habang ginagawa iyon. Ito na kasi ang hanap buhay naming lahat dito sa La Estella. Dito na kami kumukuha ng pera pambili ng mga kinakailangan namin sa pang araw-araw.
Nilapitan ko sila inay at nagmano ako bago ibinigay ang dala kong pagkain para sa tanghalian nila.
“Nag-abala ka pa anak,” sabi ni itay bago buksan ang dala ko. Mukhang gutom na gutom na siya.
“Ang swerte naman ninyo kay Esperanza, Marisa. Hindi lang magandang bata kung hindi maalagain pa ito sa mga magulang,” rinig kong komento ni aling Susan na sinang-ayonan naman ng iba pang taong nagtatrabaho dito.
“Hay nako, Susan. Hindi lang kay Esperanza ako napakaswerte kun 'di sa lahat ng mga anak ko. Ang sisipag mag-aral ng mga ‘yon. Kung may pera lang sana ako ay pag-aaralin ko sila sa magandang paaralan,” pagmamalaki ni inay sa amin at niyakap ako nang mahigpit. Napapailing-iling na lang din si itay sa mga pinagyayabang ni inay sa mga kaibigan niya.
Nakipagkwentuhan pa si inay sa kanila kaya nilapitan ko si itay na kumakain na ng tanghalian ngayon.
“Tay, may barya ka po ba diyan? Hindi pa kasi humuhupa ang pananakit ng tiyan ni Sarah at naubusan na rin tayo ng gamot para roon,” mahinahon kong sambit sa kaniya. Tumigil naman siya sa pagsubo at may kinuha sa kaniyang bulsa, ngunit sampung peso lang ang nakuha niya galing doon. Nakita ko kung paano nagpakawala nang malalim na buntong hininga si itay.
Napakagat ako sa aking labi upang pigilan ang mga luhang nagbabadyang kumawala sa mga mata ko habang pinagmamasdan ko di itay.
“Gagawa ako ng paraan anak,” aniya at tatayo na sana upang manghiram siguro ng pera sa iba.
“Hindi na po itay. Uutang na lang muna siguro ako ng gamot kila Mang Samuel. Huwag ninyo na lang ho isipin iyon at kumain na lang ho muna kayo," pagpipigil ko upang hindi na sils mag-alala pa ni inay.
Bigla naman akong niyakap ni itay kaya niyakap ko na rin siya pabalik.
“Salamat sa pag-aalaga sa mga kapatid mo anak. Hayaan mo at babawi ako sa iyo.”
Kumawala ako sa pagkakayakap at ngumiti na lang din. Kapatid ko ang mga iyon at bilang panganay at ate sa kanila ay responsibilidad ko na silang lahat.
Nagpaalam na ako sa kanila bago naglakad patungo sa tindahan nila Mang Samuel para umutang ng gamot. Kailangan ko ring balikan kaagad ang kapatid ko para mabantayan at maalagan siya hanggang sa gumaling.
“Mang Samuel uutang sana ako ng gamot para sa sakit ng tiyan,” mahinahong sabi ko nang makarating ako sa tindahan. Sakto namang nasa labas si Mang Samuel kasama ang mga kaibigan niya na kakilala ko lang din.
“Nadito pala ang pinakamagandang babae sa baryo La Estella,” nakangiting bati naman nila sa akin. Nahihiyang ngumiti na lamang ako sa papuring natatanggap ko galing sa kanila. Sa tuwing nakikita o nadadaanan ko kasi sila ay ganiyan na ang bukambibig nila parati. Hindi ko nga alam kung bakit ganiyan ang bansag nila sa akin dito. Marami namang mga kasing edad ko na magaganda rin at sexy, pero sa akin ko lang sila narinig na binabansag iyon.
Hindi naman sa pagmamayabang pero ang nagdadala lang talaga sa akin ay ang kaputian ko. Hindi ko nga alam kung bakit hindi ako umiitim kahit lagi akong nabibilad sa araw. Hindi rin ako pinapapunta nila inay sa ulingan dahil ayaw nilang magkaroon ng itim na kulay ang balat ko pero kahit ganoon ay tinutulungan ko pa rin naman sila sa pagsasako kahit nalalagyan na ng dumi ang buo kong katawan. Natatanggal din naman iyon kapag naliligo na ako.
Lagi nga akong laman ng chismiss dito sa baryo, na baka raw sh hindi ako anak nila inay at itay dahil sa sobrang puti ko kumpara sa kanila at sa mga kapatid ko. Hindi ko na lang binibigyan ng pansin ang mga iyon dahil alam ko naman sa sarili ko na hindi iyon totoo.
“Alam mo, Esperanza. Maganda ka, may hubog din ang katawan mo at saka siguradong maraming magkakagusto sa iyo. Ayaw mo ba talaga sa raket na sinasabi ko? Kikita ka dito nang marami.” Napatingin ako kay Lara nang magsalita siya. May nakakalokong ngiti ang nakapaskil sa kaniyang labi nang sabihin niya iyon sa akin.
“Ano ka ba Lara mabait na bata si Esperanza. Huwag mo siyang idadamay sa trabaho mo na pang pokpok. Huwag mo siyang itulad sa'yo,” suway sa kaniya ni Mang Samuel na sinang-ayunan naman ng mga tao rito.
Umismid na lamang si Lara.
Maayos ko namang tinanggihan ulit si Lara sa alok niyang trabaho sa akin. Kilala si Lara sa baryo biglang isang bayarang babae at dahil siguro sa kahirapan sa buhay ay napasok siya sa ganoong mundo. Namatay na kasi ang mga magulang niya at siya na lamang ang bumubuhay sa dalawa niyang mga kapatid. Hanggang elementarya lang din ang kaniyang natapos at dahil nga walang tumatanggap na maayos na trabaho sa kaniya ay sinubukan niya ang ganoong trabaho. Isinantabi muna niya ang kaniyang dignidad upang buhayin ang kaniyang mga kapatid at mapaaral ito.
Marami na ngang mga kababaihan dito ang inaalok niya ng ganoong trabaho at may iba naman sa kanila na gustong makaahon talaga sa hirap kaya sinubukan nila. Maraming beses na rin akong inaalok ni Lara. Sa tuwing nagkakasalubong kami o hindi kaya ay nagkikita kami ay bumebwelo siya para mag alok na naman kaya maraming beses ko na rin siyang tinanggihan.
“Hito na, Esperanza.”
Kinuha ko na ang isang pad na gamot at nagpaalam na sa kanila. Naglakad na ako pauwi ng bahay at hindi pa nga ako nakakarating nang marinig ko na ang sigaw ni Aling Goring kaya nagmamadali akong pinuntahan siya.
“Ano ho ang nangyari?” nag-aalalang tanong ko kay Aling Goring.
Kinabahan ako nang makita kong nanginginig sa takot na itinuro ni Aling Goring ang bahay namin. Sumagi bigla sa isip ko ang kapatid kong si Sarah. Nagmamadali akong pumasok sa loob at pinuntahan sa kuwarto ang kapatid ko.
Nakita kong ganoon pa rin ang puwesto niya noong iniwan ko siya. Nakahiga pa rin habang nakapikit ang kaniyang mga mata at sobrang putla na rin ng kaniyang labi at mukha.
“Sarah,” tawag ko sa kaniya ngunit hindi ito kumibo o umimik man lang.
Tinatapik-tapik ko nang ilang ulit ang kapatid ko pero wala pa ring kibo ito. Marami ng pumapasok na hindi maganda sa isipan ko at tumulo na rin ang mga luha ko dahil sa takot na baka may nangyari na nga sa kaniya. Hindi ko kakayanin kapag ganoon man ang nangyari.
Agad kong kinarga palabas si Sarah at nanghingi ako ng tulong sa mga kapitbahay namin para agad na madala ang kapatid ko sa malapit na hospital. Pinakiusapan ko na rin si Aling Goring na sabihan kila inay at itay ang nangyari ngayon.