Simula
"Lucieta, anak, tama na 'yan! Uwi na tayo, gabi na! Baka may mabangis na hayop, naku!"
Tumigil ako sa pagpulot ng mga tuyong sanga at nilingon si Ina kaso nasa malayo siya. Natanaw ko siyang buhat-buhat ang sako na may lamang mga sanga. Pinunasan ko ang tumatagaktak na pawis bago pinulot ang lahat ng naipon ko.
"Opo, Ina. Papunta na riyan," saad ko at pilit na binuhat ang mga iyon nang sabay-sabay sa pagitan ng maliliit kong braso.
Ngunit naibagsak ko ang mga iyon nang masilaw ako sa sobrang liwanag. Tinakpan ko ang mata at napakurap-kurap. Dahan-dahan akong nakapag-adjust sa liwanag kaya tinanggal ko ang pagkakaharang ng braso sa aking mukha. Pagmulat ko ay agad nanlaki ang aking mata. Lumulutang sa aking harapan ang isang bata rin na lalake na halos ka-edad ko lang siguro. Medyo maliwanag din siya. Napatili ako nang bumagsak siya sa lupa.
"Ano 'yon, Lucieta?"
Narinig ko ang pagtakbo ni Ina patungo sa pwesto ko dahil sa tunog ng pagtapak niya sa mga tuyong dahon. Ako naman ay titig na titig sa lalake na walang malay. May kulay ginto na tela lamang ang nakatakip sa pang-ibaba niya.
"Ano'ng nangyari...Lucieta! Sino 'yan-"
"B-bigla lang siya lumitaw sa harap ko, ina," saad ko at napakamot. Hindi naman siya naniwala kaya lumabi na lang ako.
Lumuhod siya sa tabi ng walang malay na lalake tapos inalog-alog niya para magising. Saan kaya nanggaling ang batang lalake na 'to? Siguro mayaman siya kasi ang puti-puti niya sobra at ang kinis. Ako kasi laging tinutukso dahil sa kulay ko. Dukha raw at hampaslupa. Hindi ko naman alam na roon pala iyon naka-base. Pero tama rin naman sila, mahirap lang kami. Tsaka sabi ni Ina hindi ako negra katulad ng pang-asar sa akin. Morena ako.
"Dalhin natin sa bahay, anak. Tulungan mo akong ipasan siya sa likod ko," saad ni Ina.
Napakamot naman ako sa pisngi ngunit walang nagawa. Pinagtulungan namin ni Ina para mapasan niya. Tapos ako naman ang naghila ng sako na puno ng sanga ng kahoy na gagamitin namin sa pagluluto. Iyong mga naipon ko tuloy ay hinayaan na lang.
Dumaan kami sa talahiban. Naku, tumataas na naman kaya umaabot na sa akin at masusugatan naman ako. Pinagmasdan ko ang pasan-pasan ni Ina at lumabi. Ano ba ang plano sa kaniya ni Ina?
Kitang-kita ko kung paano siya nahiwa ng matalas na talahib. Napasinghap ako at ngumiwi nang maisip na mahapdi 'yon. Pero gano'n na lang ang panlalaki ng mata ko nang makita na gumaling ang sugat sa loob lang ng ilang segundo! Natigilan ako at natulala.
Paano nangyari iyon?
"Lucieta, ano at huminto ka pa riyan? Gabi na, bilisan na natin!" rinig kong sigaw ni Ina.
Napakurap ako at tumakbo habang nahihirapan na hinihila ang sako na puro kahoy. Imahinasyon yata iton!
"Opo, Ina!" I shouted.
Pagdating namin sa simple naming bahay ay dumiretso ako sa kusina at binuhos ang mga laman ng sako. Inayos ko iyon sa gilid. Napangiti ako ngunit napawi iyon nang maalala ang nakita kanina.
"Lucieta, kumuha ka ng maliit na towel at maglagay ng maligamgam na tubig sa tabo at dalhin dito sa akin!" rinig kong saad ni Ina. Kahit nasa kwarto siya, rinig na rinig ko kasi siyempre maliit lang ang bahay namin.
Agad na akong kumilos at kinuha 'yung tabo namin. Hindi 'to katulad sa mga kapitbahay namin, eh. Gawa lang ni Ina. Iyong galon na malaki ng absolute na mineral water ay hiniwa niya at gano'n ang mga nagsisilbe naming tabo. Tumuntong ako sa upuan para maabot ang luma naming termo. Buti na lang at tumatagal pa rin ang init ng tubig dito. Hinaluan ko 'yon nang may normal na lamig ng tubig mula sa balon sa gilid ng bahay namin saka ko hinalo-halo.
"Ito na po, Ina," saad ko at dahan-dahan naglakad habang buhat iyon.
Tumungo ako sa kwarto namin. May dalawang baitang ng hagdan patungo sa kwarto namin tapos lumalangitngit ang sahig noon na gawa sa kawayan. Naabutan ko si Ina na pinagmamasdan ang batang lalake. Tinanggap niya ang iniutos sa akin at piniga ang nakalublob na towel doon saka pinunasan ang katawan ng batang lalake.
"Ina, ano ang plano mo sa kaniya?" tanong ko.
Ngumiti si Ina at pinagpatuloy ang pagpupunas.
"Dito siya sa atin at kung walang kukuha sa kaniya ay atin na siya. Maghihintay tayo na may maghanap sa kaniya," marahan niyang saad.
Naisip ko na bakit hindi namin iyon dalhin sa bayan, baka may naghahanap. Pero naisip ko na masyadong malayo. Kung lalakarin, nakapapagod. Kung sasakay, mamamasahe pa! Eh wala na nga kami halos pera.
Lumabi ako at lumapit sa kanila. Umupo ako sa nakalatag na banig kung saan nakahiga iyong bata. Bigla ay inabot ako ni Ina at kinurot sa tagiliran.
"Aray naman, Ina!" reklamo ko at lumabi. Pinanlakihan niya ako ng mata.
"Maglinis ka muna ng sarili! Galing tayo sa labas at tutuntong ka riyan! Tulugan natin 'yan, ikaw talaga, Lucieta. Tignan mo!" sermon niya at tinuro ang paa ko na madumi nga.
Sinulyapan ko siya na hindi nga nakatuntong doon. Sumama ang mukha ko at tinuro ang batang lalake.
"Eh, bakit siya, Ina?" nakasimangot kong saad.
"Kita mo naman na malinis siya, oh? Sige na, Lucieta. Maglinis ka na ng sarili. Pagtapos ko rito ay maglalaga ako ng saging para gabihan natin," aniya at tumutok sa ginagawa.
Nakalabi ako na tumayo at umalis roon. Eh 'yung bata nga na 'yon nakahiga sa lapag kanina! Aba't baka ipagpalit na ako ni Ina sa napulot namin na lalake na 'yon. Hindi naman ako makapapayag!
Nakasimangot ako na naglinis ng katawan sa gilid ng bahay namin. May balon doon na ginawa ni Itay at kuya Rigor no'ng buhay pa sila. Natigilan ako at nakaramdam na naman ng lungkot. Siyam na taon na ako kaya dapat labinglima na si kuya Rigor. Pero namatay siya noong anim na taon pa lang ako kasama ni Itay doon sa bayan.
Dahil iyon sa rally na ginawa nila laban sa mga mayayaman na mapang-alipusta. Pilit kinakamkam 'yung maliit na lupain naming mahihirap. Ngayon ay nabawi na namin ngunit dalawang buhay ang nawala sa amin ni Ina. Baril laban sa mga sigaw at salita ang nangyari. Kaya kaming dalawa na lang ang magkasama sa buhay. Maraming pamilya ang nawalan ng minamahal. Ngayon ay nagbabayad na ang mayaman na pamilyang iyon ngunit hindi pa rin sapat kung tutuusin.
Nang matapos ay naabutan ko si Ina na nag-aasikaso na para sa aming gabihan. Ngumiti ako at tumabi sa kaniya. Sinulyapan niya ako at ngumiti.
"Ina, nilagang hilaw na saging ba ang gabihan natin na isasawsaw sa bagoong na may kalamansi?" tanong ko habang nakangiti. Tumango siya kaya napatalon ako. "Ang sarap naman!" saad ko.
"Sus, nambola ka pa. Sige na, magbihis ka na roon," aniya at sinulyapan ako na hubo't hubad at may tuwalya lang na nakapatong sa likod.
"Opo, Ina!" sagot ko at tumungo sa kwarto.
Pumunta ako sa sulok kung saan naroon ang mga karton na lagayan namin ng damit. Kumuha ako ng bestida kong pantulog tsaka panty. Nilulusot ko ang kanan kong hita sa butas ng panty ko nang mag-angat ako ng tingin. Nanlaki ang mata ko at napatili nang makita ang bata na lalake na nakatitig sa akin.
"Lucieta, ano na naman 'yon?" saad ni Ina at tumungo agad dito sa kwarto.
Lumabi ako at itinuro ang batang lalake.
"Ina! Nakita niya po 'yong pekpek ko!" ungot ko at sumimangot.
Napailing siya at tinulungan akong magsuot. Humarang siya para 'di ako makita no'ng lalake. Kapagkuwan ay lumapit na kami sa bata. Siyempre pwede na akong tumuntong sa banig kasi malinis na ako.
"Totoy, anong pangalan mo?" tanong ni Ina gamit ang malamyos niyang boses. Napalabi ako muli. Lagi siyang nakasigaw sa akin tapos sa lalake na 'to, lalambing siya?
Tinitigan ko ang lalake na tinitigan lang kami. Para siyang batang-bata at inosente. Bata naman talaga kami pero iba ang kilos niya. Kumurap-kurap siya at tumagilid ang ulo. Ilang beses siyang tinanong ni Ina pero hindi siya nagsasalita.
"Tatawagin na lang natin siyang Rigor, Lucieta. Pangalan ng kuya mo," nakangiting saad ni Ina.
Ngumiwi ako.
"Eh, Ina, nakita niya na ang pekpek ko po. Ibig sabihin dapat siya ang maging asawa ko kasi sabi mo wala akong ibang papakitaan ng pekpek ko kung hindi ang asawa ko pag malaki na po ako," saad ko.
Kinurot na naman ako ni Ina sa tagiliran. Lumabi ako habang nakasimangot.
"Ikaw talaga Lucieta Amelie, kung anu-ano iniisip mo. Bakit, malaki ka na ba?" tanong niya.
Nakalabi akong umiling. Kapagkuwan ay kumalma siya at hinaplos ang buhok ko.
"Pero iyon nga, katulad ng laging turo ko sayo, hindi pwede makita 'yan nang kahit sino. Tayong dalawa lang. Hindi ka rin pwede hawakan diyan ng kahit sino, kahit sa hita at may dibdib. Isusumbong mo sa akin kapag may sumubok, ha? Huwag ka matatakot magsabi sa akin kahit pa sasabihan ka na papatayin tayo kapag nagsumbong ka. Siya ang papatayin ko!" saad ni Ina at nanlalaki ang mata. Nakangiti naman akong tumango.
"Pero, Ina, Rigor talaga siya? E'di tatawagin ko siyang kuya?" tanong ko.
Umiling si Ina at sinulyapan 'yung lalake na tingin nang tingin sa paligid at humahagikhik.
"Hindi. Mukhang magka-edad lang kayo o mas matanda lang siya ng isa o dalawa. Hindi natin sigurado," sagot niya.
Kumunot ang noo ko nang sinipsip ni Rigor ang hinlalaki niya habang nakatitig sa amin.
"Ina, parang baby po siya kumilos. Baka po special siya," saad ko.
Tumango si Ina at hinaplos ang buhok ni Rigor.
"Baka nga. Aalagaan natin siya, Lucieta. Sa atin siya hanggang sa walang naghahanap sa kaniya," saad ni Ina habang nakangiti.
Umalis si Ina at bumalik doon sa kusina. Ako naman ay tinitigan si Rigor. Itim na itim ang mata niya pati buhok. Sa akin kasi ay kulay lupa eh. Sinundot ko ang pisngi niya.
"Ikaw, ha? Nakita mo pekpek ko...." pinanlakihan ko siya ng mata. Pero naisip ko rin na baka kasalanan ko kasi dito ako nagbihis. Nakalimutan ko kasi na may ibang tao rito.
"Pekpek!" saad niya at humagikhik.
Nanlaki ang mata ko. Para talaga siyang baby. Ganito ang kilos noong baby ni Aling Nely roon sa kabila eh. Pero malaki na siya katulad ko!
"Pekpek!" saad niya muli.
Napangisi ako nang may maisip.
"Sabihin mo, putangina!" bulong ko.
Hindi pwede marinig ni Ina. Bawal kasi ako magmura kasi ayaw niya at masama raw. Kukurutin ako no'n sa singit.
"Puta-puta!" aniya.
Nanlalaki lalo ang mata ko at napahagikhik.
"Ga-go-tanga-tanga...." mabagal kong saad.
"Lucieta!" narinig kong sigaw ni Ina. Baka kakain na kami.
Tatayo na sana ako ngunit biglang sumigaw si Rigor.
"Gago tanga-tanga Lucieta!"
"Lucieta! Ano 'yan!?" rinig kong sigaw ni Ina.
Namutla ako dahil galit ang boses niya. Bakit ako ang papagalitan? Ako na nga ang minura ni Rigor!
"Gago tanga-tanga Lucieta!" pag-uulit ni Rigor.
Nanlaki ang mata ko at dinuro siya.
"Tigilan mo ako. Ang pangit mo, Rigor!" nanggigigil kong saad.
"Pangit Lucieta!" aniya at humagikhik muli.
Ano ba naman 'to!? Kainis naman, eh! Hindi nakakatuwa.