Kakaunti lang ang tao sa hallway, nakasara ang pinto ng ilang ward at may nakita siyang nurse na lumabas galing sa isang ward. Itinulak ni Maimin IV stand niya, naglakad papunta sa elevator at pinindot ang button down. May elevator sa school nila Juna at nagpaturo siya sa teacher nila kung papaano gamitin ito.
Bumukas ang pinto ng elevator, may sakay na ilang tao at mabuti na lang at hindi puno ito. Pinindot ni Maimin ang one kung saan matatagpuan ang lobby. Doon din ang daan papuntang garden.
Hindi niya gusto ang amoy ng ospital. Isa pa marami rin siyang nakitang mga sundo na nagkalat dito at paminsan naman ay may nakakasalubong siyang ligaw na kaluluwa. Hindi niya pinapansin ang mga ito at nagpatuloy lang sa paglalakad.
Nang makaabot siya sa lobby ay may nakota siyang stall na nagtitinda ng milk tea. Tumayo siya sa harapan no'n. Masarap tingnan at siguradong masarap din kapag may pambili. Kinuha kasi ni Charles ang mga gamit niya ang masaklap pa ay hindi niya alam kung saan nito inilagay ang mga iyon.
Si Maimin ngayon ay isang mahirap at walang perang tao. Kaya gustuhin man niyang bumili ng milk tea hindi niya naman magawa.
'Gamitin ko kaya kapangyarihan ko?'
'Hindi pwede...'
'Gusto ko nang umiyak! Hanggang tingin lang ako bawal uminom!'
'Gusto ko ng milk tea!'
Titig na titig siya sa milk tea stall kaya hindi niya napansin ang paglapit sa kanya ng isang bata.
"Ate gusto mong bumili?" sabi ng isang maliit na tinig.
Bigla na lang itong sumulpot sa likuran kaya napaatras si Maimin. Isang batang lalaki na sa tingin niya ay nasa pito o walong gulang, nakasuot ito ng hospital gown at may benda na nakabalot sa ulo nito.
"Gusto kong bumili pero wala akong pera," naka-ngusong sagot niya rito.
"Gusto mo libre kita?"
Tumaas ang isang kilay ni Maimin bago ngumiti. "Sige!"
Sino bang tatanggi sa libre? Hinatak niya ang IV stand palapit sa stall tumingala siya para tingnan ang mga flavor na nakasulat doon.
"Anong flavor gusto mo ate?"
Kahit basahin ni Maimin ang nakasulat doon hindi naman niya alam ang mga lasa kaya hindi niya alam kung anong masarap.
"Ano sa tingin mo masarap?" nahihiyang tanong niya sa bata.
"Hindi ko alam ang lasa ng ibang flavor. Okinawa flavor lang kasi ang lagi kong binibili."
Tumango si Maimin. "E di iyon na lang din ang akin."
"Sige!" natutuwang lumapit ito sa stall at sinabi ang order nito sa tindera.
Matapos nilang makuha ang milk tea nila ay dumiretso sila sa garden ng ospital. Maraming naglalakad na pasyente samantalang ang iba naman ay mga kamag-anak ng mga naka confine na hindi rin gusto ang amoy ng ospital kaya nagpapahangin sa labas.
Napili nilang umupo sa isang bakanteng bench. Hapon na kaya hindi na gaanong mainit sa garden. Idagdag pang may nakatanim na isang malaking puno ng molave sa gitna nito at sa tabi naman ay iba't-ibang halaman.
Humigop ang bata sa hawak nitong milk tea saka nagtanong. "Anong pangalan mo ate?"
"Maimin. Eh, ikaw?"
"Miko ang pangalan ko. Bakit ka na ospital?"
"Nabangga kasi ang sinasakyan naming bus. At ikaw, bakit ka nandito sa ospital?"
Natahimik si Miko. Mukhang hindi nito alam kung paano sasagutin ang tanong ni Maimin. "Naaksidente rin kami," malungkot na sabi nito. "Nag-aaway kasi si Mama at Papa habang nagda-drive kaya hayun." Nagkibit balikat ito. "Hindi ako nakasuot ng seat belt sa likod kaya tumama ang ulo ko sa harapan."
Nag-aaway ang mga magulang nito? May hindi ba sila pagkakaintindihan? Tiningnan niya si Miko at nakita niyang may lumulutang na itim na hamog sa uluhan nito. Alam ni Maimin kung ano 'yon, isa iyong senyales na maaaksidente ang kung sinomang tao ang meron nito.
Maaaksidente si Miko!
Nabahala si Maimin. Maitim ang hamog sa uluhan nito kapag ganoon ay maaaring mamatay ang isang tao kapag nangyari ang aksidente. Hindi niya alam kung kailan, saan at paano mangyayari ang aksidente. Nawalan si Maimin ng ganang inumin ang hawak niyang milk tea.
Wala siyang maisip na paraan para tulungan si Miko dahil hindi naman niya ito pwedeng sundan sa lahat ng oras. 'Pag dating ni Kranz ay aalis na rin sila. Kapag nangyari 'yon mawawalan na din siya ng pag-asang iligtas ang buhay nito.
Napatayo siya bigla. May naiisip siyang paraan pero hindi niya alam kung gagana. Inilagay niya ang dalawang kamay sa uluhan ni Miko, ibinuka ang dalawang palad at sinubukang hawakan ang hamog na lumulutang sa ulo nito.
Tiningnan siya ni Miko, halata sa itim at malaking mata nitong tila ubas ang pagtataka. "Anong ginagawa mo ate Maimin?"
"Isa itong mahika para mawala ang lungkot ng isang tao." Hindi siya nagsisinungaling. Totoong mawawala ang lungkot nito.
"Weh? 'Di nga? My ganong klaseng mahika ba? E 'di sana lahat ng tao masaya na at hindi nakakaranas ng lungkot," hindi naniniwalang sabi nito sabay higop uli ng milk tea. Wala itong pakialam sa ginagawa ni Maimin sa uluhan nito.
"Kakaunti lang kasi ang nakakaalam ng mahikang ito," sabi niya. "H'wag kang maingay ha? Hindi mo pwedeng sabihin kahit kanino na may ganito akong klase ng mahika kasi hindi na ito gagana kapag maraming tao ang nakaalam."
"Okay!"
Nakahinga siya nang maluwag nang hindi na uli ito nagtanong. Unti-unti niyang inilalapit ang dalawang kamay sa itim na hamog at pinipilit na kuhanin 'yon. Dahan-dahan niyang inilipat ang itim na hamog sa palad niya nang magtagumpay siya ay lumuhod siya sa harapan ni Miko.
Ibinuka niya ang palad niya at ipinakita rito ang itim na hamog. Alam niyang wala itong makikita pero ginawa niya pa rin.
"Tagumpay ang mahika! Nasa akin na ang kalungkutan mo." Bahagyang nawala ang mata ni Maimin dahil sa masayang ngiti niya. "Hindi ko maipapangakong hindi ka na malulungkot sa hinaharap. Sa ngayon magiging masaya ka."
"Miko!"
Isang nurse at isang magandang babae ang lumapit sa kanila. Niyakap ng magandang babae si Miko nang makalapit ito at naiiyak na tiningnan ito.
"Bakit bigla ka na lang nawala?" May luhang sa mga matang sabi nito. Halata ang pag-aalala sa mukha. "Kanina pa kami nag-aalala ng papa mo."
Gustong umatras ni Miko subalit maagap na nahawakan ng babae ang braso niya, niyakap ito siya nang mahigpit at tinapik sa likod. "Babalik na tayo huh? Kanina pa naghihintay ang papa mo."
"Mama...maghihiwalay na ba kayo ni papa?"
Saglit na natigilan ang babae, lumunok saka nagsalita. "No, we're not. It's all a misunderstanding. Nagkausap na kami ng papa mo at naayos na namin ang lahat."
Nagliwanag ang mukha ni Miko at humiwalay sa ina para siguruhing hindi ito nagsisinungaling. "Totoo? Hindi kayo maghihiwalay?"
Pinunasan ng babae ang mukha ng anak. "Totoo anak. Kaya tara na, malapit nang umiyak ang papa mo," natatawa pang dagdag nito.
Masayang tumango si Miko, binalingan si Maimin at kumaway. "Salamat ate."
Kita ni Maimin sa mata ng bata na naniwala ito sa sinabi niya tungkol sa mahika. Hindi agad umalis ang nurse na kasama ng mga ito, tumayo ito sa tabi niya at nakangiting pinagmasdan ang papalayong mag-ina.
"Noong una naaawa ako kay Miko," biglang sabi nito. "No'ng dinala kasi siya rito sa ospital, nag-aaway pa rin 'yong mag-asawa. Sa narinig ko may ibang babae raw 'yong lalaki."
Nilingon ni Maimin ang nurse na katabi niya. May pagka tsismosa rin ang isang ito.
"Kanina nag-usap 'yong mag-asawa. Mayroon lang silang hindi pagkakaintindihan, alam mo ba na 'yong sinasabing babae no'ng asawa niya? May gusto lang pala 'yon sa lalaki tapos tinawagan niya 'yong nanay ni Miko at sinabing may relasyon sila para mag-away 'yong mag-asawa." Umiling ang nurse sabay palatak. "Mayroon talagang mga babaeng makapal ang mukha. Nakita lang nilang mapera 'yong lalaki inaakit na agad."
Matapos mailabas ang saloobin at nakitang tila walang balak makipag-usap sa kanya ang kasama; nagpasya na lang itong umalis. Sa nurse station na lang siya magku-kwento, at least doon maraming interesado.
Hindi umimik si Maimin nang makitang umalis ang nurse. Umupo siya uli sa bench at tiningnan ang lumulutang na hamog sa palad niya. Kapag hindi niya inalis ito, siguradong maaaksidente pa rin si Miko. Lumunok muna nang ilang beses si Maimin bago pikit matang kinain ang itim na hamog.
✴✴✴