LAKING gulat ni Angela nang makita niya si Cedrick sa oras na hindi niya inaasahan. Mahabang segundo ang namagitan sa kanilang dalawa habang magkatitigan. Mabilis na bumalik sa kaniya ang lahat ng mga ginawa nito sa kaniyang hindi maganda. Sa isang iglap ay bumalot ang poot sa puso niya at handang-handa iyong sunugin si Cedrick. “Anong ginawa mo sa basement?” tanong nito. Halata sa pagsasalita nito na nakainom ito. Nakumpirma niya na lasing si Cedrick nang maglakad ito at medyo sumuray. “Sir, hindi po ako galing sa—” “`Wag mo nga akong ginagawang tanga at bulag. Hindi ako katulad ni mama na nauuto mo sa kabaitan mong peke! Nakita kitang lumabas sa basement. Alam mo ba na ipinagbabawal ni mama ang pumunta roon ang ibang tao?” Huminto si Cedrick sa harapan ni Angela. Tinitigan siy

