MATAMANG pinapanood ni Cedrick si Luna habang naghahain ito ng kaniyang almusal. Silang dalawa pa lang ang gising ng umagang iyon. Lunes na naman at kagaya ng nakasanayan ay maaga siyang nagigising para pumasok sa trabaho. Medyo nagtaka pa siya kanina nang si Luna at hindi si Lorena ang naabutan niyang nagluluto sa kusina. Ilang taon din kasing ang nanay niya ang gumagawa niyon kaya nasanay na siya. Fried rice, sunny side up egg at tocino ang inihain ni Luna. “Nasaan ang kape ko? Pakitimpla ako.” Malamig niyang utos. Mabilis na tumalima si Luna at ipinagtimpla siya ng kape. Maingat nitong inilapag ang tasa sa harapan niya. “May kailangan pa po ba kayo, Kuya Cedrick?” tanong nito. “Kuya? Kapatid ba kita? Bakit ganiyan ang tawag mo sa akin?” “S-sabi po kasi ni Ate Lorena ay—”

